By: Ton Lumaki ako sa isang simpleng buhay, sa isang malayong barangay dito sa Batangas. Kilala ang lugar namin dahil sa magagandang bea...
By: Ton
Lumaki ako sa isang simpleng buhay, sa isang malayong barangay dito sa Batangas. Kilala ang lugar namin dahil sa magagandang beaches na maputi ang buhangin. Alam kong mahirap lamang kami subalit kahit kailan hindi naging kulang ang Inay sa mga pangangailangan ko bilang bata. Nagtitinda siya ng mga isda na hinahango niya sa mga mangingisda na ang punduhan ay hindi naman kalayuan sa aming bahay. Si Inay lamang ang tangi kong kamag-anak. Hindi ko kilala ang aking ama, noong maliit pa ako ay nagtatanong ako tungkol sa kanya subalit dahil sa magulo niyang paliwanang pati ng namayapa kong mga lolo at lola ay hindi na ako nag usisa pa muli kasi lalo lamang akong naguguluhan sa mga paliwanag nila isa pa ay sapat naman ang pagmamahal ng Inay sa akin kahit nag-iisa lamang siya. Pero minsan naiisip ko rin sino nga ba ang aking ama lalo pa at halos lahat ng batang tulad ko ay may tinatawag na tatay.
Sampung taon na ako noon ng isang aksidente ang bumago sa aking buhay. Nabangga ang sinasakyan ng Inay at hindi na siya umabot sa ospital na may kalayuan din sa aming baranggay. Hindi ko alam ang nangyayari noon basta ang natatandaan ko pagkatapos ng libing ng Inay, sinabi nilang nakasanla sa bangko ang bahay at lupa na tinitirhan namin dahil dito napilitan akong dalhin ng mga tauhan ng DSWD sa isang malayong pinsan ni Inay dito rin aming baranggay.
Alam kong hindi bukal sa loob ni Tiyo ang pagtira ko sa kanya subalit wala siyang pagpipilian siya lamang ang nag-iisang kamag-anak na meron ako.
Mangingisda din ang Tiyo subalit mas madalas siyang nag-iinom kesa nagtatrabaho. Kapag minsang hindi siya lasing na bibihira namang mangyari , pinapayuhan niya ako na dapat magsikap upang huwag magaya sa kanya. Gusto niya akong makatapos ng pag-aaral pero diniretsa niya na hindi niya ako kayang tustusan dahil sarili nga lamang niya ay hirap siyang itaguyod. Mabait ang Tiyo subalit parang ibang tao siya kapag nakakainom. Sa mga maliit na pagkakamali ay agad niya akong sinasaktan. Ang mga gawaing bahay na ibinilin niyang gawin ko pag hindi pa ako tapos pag-uwi niya ay may katapat na batok, sipa, sampal at kung minsan ay suntok sa tagiliran. Ayon sa kanya iyon na nga lamang ang kapalit ng pagtira ko sa kanya hindi ko pa magawa. Tiniis ko ang lahat dahil nasa isip ko ay tama naman siya mas mabuti pa rin siguro iyon kesa matulog ako sa kalye.
Grade V na ako at siyempre sabik sa pakikipaglaro. Isa sa mga unang naging kaibigan ko si Marco. Cocoy yang tawag ko sa kanya samantalang Tonton naman ang tawag niya sa akin. Anthony ang tunay kong pangalan pero sa school lamang ako tinatawag ng ganon. Halos sabay kaming lumaki at saksi siya sa lahat ng pinagdadaanan ko.
“Ano sinaktan ka na naman ng lasenggo mong tiyo” ang madalas niyang sabi kapag nakita niya ang aking mga pasa.
“Nako hindi, nadulas lamang ako habang naglilinis ng bahay,” ang pagsisinungaling ko.
“Nadulas? E abot hanggang sa amin ang lakas ng sigaw niya kagabi, kaya alam ng boong baranggay na binubugbog ka na naman.” Alam kong kahit may kalayuan ang bahay nila sa amin ay hindi nga lingid sa lahat ang ginagawa sa akin ni Tiyo.
“Hayaan mo na, kasalanan ko naman talaga mabagal akong kumilos, sa susunod ay magiging maliksi na lamang ako para matapos ko ang mga gawaing bahay bago pa siya dumating ng sa ganon hindi na rin siya magalit.”
“Pag laki natin tutulungan kita bugbugin natin ang tiyo mo para magtanda, lulumpuhin natin para hindi ka na niya masaktan.”
“Loko ka e di ako din mag-aalaga sa kanya, ako din pinahirapan mo.”
“Ay oo nga pala ano?”
At tuluyan na kaming ngkatawanan. Mabuti na lamang at may isang Cocoy na laging nasa tabi ko, mula pagkabata ay naging magkaibigan na kami. Magkasing edad lamang kami kaya lang ay magkaiba ang school namin, nasa private kasi siya samantalang sa maliit na public school sa baranggay ako nag-aaral. Maaring sabihin na may kaya ang pamilya nila, nasa abroad ang tatay niya samantalang may pwesto sa palaengke sa bayan ang kanyang ina. Pangatlo siya sa apat na magkakapatid at puro babae ang kapatid niya. Hindi tutol ang nanay niya sa pagkakaibigan namin lalo pa nga at mag-isang lalake lamang si Cocoy sa bahay at alam niyang maghahanap din ng kalaro.
Natapos ang isang taon at upang makatulong sa mga pangangailangan ko sa school at pambili ng mga personal kong pangangailangan ay sinubukan kong magtinda ng isda sa umaga. 4:30 pa lamang ng umaga ay nasa pampang na ako upang humango ng isda sa mga dating suki ni Inay. Pinagkatiwalaan naman nila ako dahil na rin sa naging pakikisama sa kanila ng Inay. Kumikita na rin ako kahit konti at alam ko makakabili na rin ako ng ilang gamit sa school at mga damit dahil halata na ang kalumaan ng mga damit ko dahil na rin sa mabilis kong paglaki. Subalit hindi pala iyon ganon kadali, inobliga na ako ni Tiyo na ibigay sa kanya ang kalahati ng kinikita ko bilang bayad raw sa pagkain at pagtira ko sa bahay niya. Wala akong magawa dahil alam kong masasaktan lamang ako kung hindi ako papayag. Kaya tuwing umaga pagkagaling ko sa pagtitinda ay ibibigay ko sa kanya ang kalahati ng kinita ko. Sinubukan ko rin ang magtinda ng balut at chicharon sa gabi dahil may konti na akong puhunan. Minsan ay naiiyak na lamang ako kapag naiisip ko ang aking buhay habang ang mga batang kasing edad ko ay masayang nag lalaro ako ay mag-isa at kelangan magpuyat para mabuhay. Salamat na lamang dahil madalas din akong samahan ni Cocoy habang wala pa ang kanyang Inay. May mga pagkakataon kasing nakakatulog ako habang nakaupo dahil na rin sa pagod at puyat at mararamdaman ko na lamang na siya na ang nagbebenta kapag may bumibili. Madalas din akong magising na nakatingin siya sa mukha ko at ramdam na ramdam ko ang awa mula sa kanya. May mga pagkakataon din na dinadalhan niya ako ng pagkain , noong una ay dinadala lamang niya ang pagkain niya dahil laging mag-isa lamang siya kumain kaya sinasabayan niya ako, pero nitong huli napansin kong madami na siyang pagkain na kasya na sa aming dalawa kung kaya hindi na ako kelangang magbaon.
“’Coy, uwi ka na baka dumating na ang nanay mo.” Ang madalas kong paalala sa kanya.
“Ah oo nga pla, baka mapagalitan ako non pag nalamang lumabas na naman ako, sige ha, ingat ka na lang ha, uwi ka na rin para makapagpahinga ka. Maaga ka pang gigising bukas.”
Ganoon humigit kumulang ang naging buhay naming dalawa. Nagtataka ako sa kanya, bakit pinagtitiyagaan niya akong samahan samantalang marami naman akong alam na kaibigan siya, lalo na sa school nila. Kung kaya lalong lumalalim ang paghanga ko sa kanya. Napakaswerte ko na sa kabila ng lahat ay natagpuan ko ang isang tulad niya. May mga pagkakataon na kapag hindi lasing ang tiyo ay nagpapaalam ako upang maglaro, alam ni Cocoy kung saan ako hahanapin, sa tabi ng dagat sa may malaking bato na nagkukubli sa mga ilang kabahayan. Dito ako madalas pumunta kapag sinasaktan ako ng Tiyo upang walang makakita sa aking pag-iyak. Dito ko ibinubuhos ang lahat ng sama ng loob ko sa buhay, mga tanong na walang kasagutan. Dito rin ako nagsimulang mangarap na kahit alam kong imposible ginagawa ko pa rin, Dito ay iba ang mundo, tanging ang maingay na alon, mga bato at kung minsan ay mga ibon lamang ang nakakadinig ng lahat ng sinasabi ko.
Minsan sa aming paglalaro ay nadulas ako at bago bumagsak ay nakalapit agad siya. Kaya sa katawan niya ako bumagsak. Halos maglapat ang aming mga mukha, ramdam ko ang kanyang hinga at mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Napatingin ako mukha niya, gwapo nga si Cocoy, kagaya ng madalas kong marinig sa mga kapitbahay namin.
“Maraming paiiyaking babae ang batang iyan pagdating ng araw” iyon ang naririnig ko pag dumaraan kami. Marami ang nagkakagusto sa kanya kahit sa murang edad pa lamang namin.
Maganda ang kanyang mata, matangos ang ilong mapula ang mga labi at makinis ang balat. Nakatitig lamang siya sa akin. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya ng mga oras na iyon.
Sa edad na 11 alam kong wala pang malisya sa amin, pero bakit ganon parang natutuwa akong tingnan ang mukha niya, parang gusto kong haplusin ang napaka amo niyang mukha niya at parang kay sarap niyang yakapin.
“’Ton, ang bigat mo, ang sakit na ng braso ko.” Saka ko lamang naalala na halos nakadagan ako sa kanya at nakasandal lamang sita sa ugat ng isang puno.
“Sorry, ‘Coy, nasaktan ka ba?” ang pag-aalala ko.
“Oo naman, ang bigat mo kaya, ano ba iniisip mo at bigla kang natigilan?
“Wala, wala naisip ko lamang si Inay, kung nandito siya, hindi ganito buhay ko,” ang pagsisinungaling ko.
“Emo, ka na naman, ang saya ng paglalaro natin tapos iyon naisip mo, hayaan mo na iyon, wala na tayong magagawa don,”
“Cocoy, tulog muna tayo, tutal maaga pa naman, alam naman ng tiyo na maglalaro tayo e saka nasa inuman yun mamaya pa uwi”
“Sige, para makapagpahinga ka rin, alam ko kulang ka sa tulog.”
Kumuha kami ng mga tuyong dahon ng niyog at ginawang higaan. Natulog kami na halos magkadikit ang aming katawan. Madali akong nakatulog dahil na rin sa pagod at puyat, nag bigla akong maalimpungatan, hindi ko alam kung nanaginip lamang ako o talagang nangyari parang niyakap ako ni Cocoy, parang umiiyak siya, pero hindi ako sigurado kung totoo iyon o panaginip lamang.
Nagising ako na nakatingin siya sa akin, at medyo nabigla yata siya ng mapansing gising na ako. Pero hindi ko siya magawang tanungin kung niyakap ba niya ako. Sa halip
“O hindi ka ba natulog?”
“Hindi ako makatulog e, kaya binantayan na lamang kita, baka bigla my lumabas na ahas paano kung pareho tayong tulog?”
Muli ay napansin ko ang mapang akit niyang mata, hindi ko maintindihan parang gusto-gusto ko siyang titigan. Naisip ko siguro nga sabik lamang ako sa kapatid kaya ganon ang aking pakiramdam. Lumaki kasi akong walang kapatid at mula pagkabata ay siya lamang naging kasa-kasama ko. At ngayon alam kong siya lamang ang nagpapakita ng malasakit na kahit ang tunay kong kamag-anak ay hndi magawa sa akin. Si Cocoy ang kaisa-isang tao na alam kong hindi ako iiwan kahit kailan. At labis kong ipinapagpapasalamat na may isang tulad niya na karamay ko sa lahat ng oras.
“Wala namang ahas dito, lagi naman tayong pumupunta at natutulog dito kahit minsan wala pang lumabas na ahas. Bakit kung kelan tayo lumaki saka ka yata naging matatakutin? ”
“Ah basta, e paano kung meron pala at ngayon lamang lumabas? Ayokong may mangyaring masama sayo, ikaw best friend ko e.”
“Ikaw din ang nag-iisa kong kaibigan at nagpapasalamat ko at lagi kang nandiyan,” ang madamdamin kong sagot at bumagon na rin ako.
Bigla siya lumapit sa akin at niyakap ako, nabigla ako sa ginawa niya subalit mas nabigla ako ng umiyak siya.
“Tonton, ipangako mo kahit anong mangyari, kahit lumaki na tayo, magiging magkaibigan pa rin tayo ha, hindi tayo maghihiwalay ha? At lalo niyang hinigpitan ang yakap niy sa kin habang tuloy pa rin sa pag-iyak.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin, noon ko lamang siya nakitang umiyak ng ganon, hinaplos ko ang kanyang buhok upang siguraduhin sa kanyang hindi ako mawawala sa kanya. Gusto kong bigyan siya ng katiyakan hindi ako mawawala at sana ganon din siya.
“Oo nman, higit ka pa sa kaibigan, hindi ko kayang mawala ka, ikaw lamang ang pamilya ko, mahal na mahal kita ‘Coy”
Inilayo niya ang katawan niya sa akin at hinawakan ako sa magkabilang balikat.
“Totoo ba ‘Ton, mahal mo ako?”
COMMENTS