By: Moose Araw ng Linggo, malakas ang buhos ng ulan, kasabay nito ang walang hanggang pag-agos ng luha sa aming mga mata. Sa aming pagd...
By: Moose
Araw ng Linggo, malakas ang buhos ng ulan, kasabay nito ang walang hanggang pag-agos ng luha sa aming mga mata. Sa aming pagdating sa lugar kung saan gaganapin ang huling pamamaalam kay Sai ay pumailanlang ang isang tinig na dahilan ng pagtindi ng sakit at lungkot na aking nararamdaman.
Sometimes the world was on our side;
sometimes it wasn't fair.
Sometimes it gave a helping hand;
sometimes we didn't care.
'Cause when we were together,
it made the dream come true.
If I had only one friend left,
I'd want it to be you.
Someone who understands me,
and knows me inside out.
And helps keep me together,
and believes without a doubt,
that I could move a mountain:
Someone to tell it to.
If I had only one friend left,
I'd want it to be you.
Napakagandang musika. Noon, oo, pero ngayon para isa itong patalim na patuloy na bumabaon at sumusugat sa aking puso. Sa isip ko parang pinaglaruan ako ng tadhana. Pinagtagpo, nagkakilala, nagkamabutihan, nagmahalan at walang ano ano’y biglang pinaghiwalay. Ang sakit tanggapin na kung kailan ako nakahanap ng isang kasiyahang ngayon ko lang naramdaman sa aking buhay
ay siya namang biglang papalitan ng sakit at kalungkutan. Ngayon hindi ko alam kung paano ako magsisimulang muli. Bukas, hindi ko alam kung papaano ako muling babangon at kung papaano haharapin ang mundo na wala sa piling ng aking mahal.
“Mico, tulong…, Mico, mahal na mahal kita. Mico!!!!” si Sai. Nagmamakaawa.
“Sai!!!...wag!!!!.” ang aking sigaw na pilit inaabot ang kamay nito habang unti unting nilalamon ng dilim.
Tok….tok….tok….
“Mico?! Mico?!,,Anak, anong nangyayari, buksan mo itong pinto. Anak?!” ang tarantang boses ng aking ina.
Mula sa mahimbing na tulog ay biglang napamulat ang aking mga mata. Isa na namang panaginip. Panaginip na patuloy na pinapaalala ang madilim na parte ng aking buhay.
Tok…tok…tok…
“Anak?!, buksan mo ‘tong pinto” ang patuloy na katok ng aking ina sa pintuan. Dahan-dahan akong bumangon at naglakad palapit sa pintuan.
“Anak, anong nangyari, bakit ka sumisigaw?!” ang nag-aalalang tanong ng aking ina.
“Wala ho Ma. Nanaginip lang po ako?” habang nangingilid ang luha sa aking mga mata.
“Si Sai?” ang mahinang tugon ni Mama habang inaakay niya ako paupo sa kama.
“Opo” ang aking sagot kasabay ng pag-agos ng luha sa aking mga mata.
“Tama na anak. Tahan na”
“Bakit ganun Ma?. Bakit sa dinami dami ng tao sa mundo?. Bakit sa dinami dami ng taong pwedeng dapuan ng sakit ni Sai, bakit siya pa?. Bakit hindi na lang mga kriminal o masasamang tao? Bakit siya pa?” ang aking sunod sunod kong tanong habang walang humpay na naman ang agos ng luha sa aking mga mata. Wala akong nakuhang sagot sa aking ina, bagkus niyakap niya ako ng mahigipit. Yakap na nagpapagaan ng aking loob at nagsasabing may pamilya akong nagmamahal sa akin.
Anim na buwan na ang nakalipas mula ng mawala si Sai. Ngunit patuloy pa rin ang mga panaginip at bangungot na nagdadala sa akin sa mga huling araw niya sa hospital. Bangungot na sa tingin ko ay hindi na maiaalis sa aking diwa. Ngunit sa ganitong pagkakataon o sa mga panahon ng kalungkutan tanging suporta at pagmamahal ng aking pamilya ang karamay ko. Wala na rin akong itinagong sikreto sa kanila sa aking tunay na pagkatao. Hindi din naman nila ako kinutya o pinagtabuyan bagkus doon mas lalo kong naramdaman ang suporta at tiwala lalo na ng aking ina. Alam man ng pamilya ko ang tungkol sa amin ni Sai ay nanatiling lihim naman ito sa ibang tao. Nagpatuloy ang aking buhay katulad ng dati. Katulad ng buhay ko noong hindi ko pa nakikilala si Sai. Pilit akong bumangon at nagsimulang muli.
5th year
Enrollment na naman. Huling taon ko na sa kolehiyo. Kailangan ko ring bumawi sa halos pasang-awang mga grado ko noong 2nd semester ng 4th year. Dahil sa pagkawala ni Sai noon ay nawala rin ang konsentrasyon ko sa pag-aaral dahilan kung bakit bumaba ang aking mga grado. Nagsumikap ako sa aking pag-aaral kasabay nito ay ang pagsali ko sa iba’t ibang sports at academic clubs sa aming unibersidad. Naging aktibo ako sa iba’t ibang aktibidad para na rin makalimot at malibang ang aking sarili. Jogging sa umaga, tennis sa hapon. Sa madaling sabi ginawa kong busy ang aking sarili. Lagi pa rin akong tumatambay sa lugar kung saan kami nagpapalipas ng oras ni Sai dati. Dito kinakausap ko si Sai at kinukwento lahat ng magagandang pagbabago sa aking buhay. Alam ko na kung masaya ako, masaya rin siya at alam ko sa bawat kwento ko at pakikipagusap ko sa kanya, saan man siya naroroon ay naririnig niya ako. Minsan, hindi ko maiwasang mapaluha habang nagkukuwento, lalo na kung naiisip ko ang mga masasayang tagpo sa buhay namin ng magkasama.
Lagi din akong dumadalaw kapag Sabado kay tita M dati noong nandito pa siya sa Pilipinas. Umalis na kasi ito patungong Italy para makapiling ang kanyang isang anak(ang nakatatandang kapatid ni Sai). Isang taon lang agwat ni Sai at ang kapatid nito. Noong naghiwalay ang mag-asawa ang nagdesisyon silang hati sila sa pag-aalaga ng kanilang mga anak. Ang panganay ay sa ama at ang bunso ay sa ina. Isinama ng Papa ni Sai ang kapatid nito papuntang Italy para doon mag-aral habang naiwan naman ang mag-ina dito sa Pilipinas. Bago lumipad patungong Italy ay nakapag-usap pa kami ni tita.
“Mico, aalis na ako sa susunod na Linggo” ang panimula ni tita habang kami ay kumakain isang Sabado ng hapon.
“Ha?, tita saan po kayo pupunta?” ang aking gulat na tanong.
“Pupunta na akong Italy” ang sagot ni tita. “Maaring matatagalan ako roon at maaari ring doon na ako titira kapiling ng aking anak. Nangako din kasi ako kay Sai bago ito mamaalam na aayusin ko ang pamilya namin.” ang paliwanag nito.
“Tita, masaya po ako para sa inyo. Alam ko pong matutuwa si Sai kasi mabubuo na ulit ang pamilya ninyo” ang aking tugon.
“Sana nga Mico” ang buntong hininga ni tita. “Mico?”
“Bakit po?”
“Maraming salamat sa pagmamahal mo sa anak ko ha. Dahil sa iyo alam kong naging masaya si Sai sa huling sandali ng kanyang buhay” habang nangingilid ang luha sa kanyang mga mata.
Ayokong nang umiyak kaya pinilit kong hindi maluha sa tinuran ni tita.
“Ako po dapat ang magpasalamat sa iyo tita. Salamat kasi tinuring niyo po akong para ninyong tunay na anak. Salamat po kasi hinayaan niyo pong makilala at mahalin ko si Sai” ang aking sagot habang nangingilid na rin ang aking luha. Niyakap ako ni tita.
“Mag-aral kang mabuti ha? Wag mong pababayaan ang sarili mo. Gusto ko tapusin mo ang pag-aaral mo. Para pag nakatapos ka at pag nakapasa ka ng board pwede kitang kunin sa Italy at doon magtrabaho” ang bilin sa akin ni tita habang yakap yakap ako. Hinigpitan ko ang yakap ko kay tita. Yakap na may halong pagmamahal.
Mabilis ang naging takbo ng panahon at naging maayos ang resulta ng pagsisikap ko. Natapos ko ang una at ikalawang semester na may matataas na grado. Tatlong linggo na lang at graduation na. Nakapaskil na rin sa registrar ang listahan ng lahat ng magtatapos ngayong taon kabilang ang aking pangalan. Masayang-masaya ako ng araw na iyon. Ilang hakbang na lang at matatapos na ang buhay estudyante. Gusto kong ibalita ito kay Sai kaya dali dali akong pumunta sa aming tambayan.
Maaliwalas ang panahon. Sumasabay ang mga dahon ng puno sa saliw ng pabugso bugsong hangin ng hapong iyon. Habang papalapit sa aming tambayan ay mula sa aking kinaroroonan ay tanaw ko ang isang lalaki. Brown shorts at green shirt with hoodie ang suot nito. Nakasandal ito sa may puno habang nakapamulsa ang mga kamay nito. Halatang maputi ito at matangkad. Sa kalagitnaan ng aking pagsusuri nakarinig ako ng sigaw mula sa aking likuran.
“Mico..mico!!!!!” si Ralph (kaklase ko). Napalingon ako sa kanya.
“Oh, Ralph bakit?” aking tanong habang ibinabaling ang aking tingin doon sa tambayan. Nahagip pa ng mga mata ko ang mabilis na paglingon ng lalaki sa kinaroroonan namin at dali dali itong umalis papalayo. Hindi ko pa rin nakita ang mukha nito dahil sa bukod sa malayo pa ako ay nakatalukbong pa rin ang hoodie nito.
“Saan ka punta? Nakita mo na ba yung deficiency mo sa Registar. Wala ka pang birth certificate na nasubmit requirements daw yun para makagraduate” ang sunod sunod na tanong ni Ralph.
“Ah, oo,nakita ko na kanina. Sa Monday ko na lang isasubmit, nasa bahay kasi yung original copy ko eh” ang aking sagot.
“ganun, akala ko di mo pa nakita. Sige, meryenda muna ako sa may tindahan ni Aling Sally” ang paalam nito.
“Sige tol, punta lang muna ako dun” sabay pangusong turo sa puno. “Papahangin lang saglit” ang pahabol ko.
Pagtapos magpaalam ay tinungo ko ang tambayan. Malapit na ako ng mapansin ko ang isang maliit na sketch book. “malamang naiwan yun ng lalaki” sa isip kong sabi. Pinulot ko ito at binuklat. “Wow” ang mangha kong reakyon. Unang imahe ay isang mukha ng batang nakangiti. Ang ganda ng pagkaka sketch ng imahe lalo na ng mga mata nito, parang totoo. Binuklat ko pa ang ilang pahina at napahanga ako sa ganda ng drawings na nandoon. Luminga linga ako sa paligid para hanapin yung lalaki ngunit nabigo ako. “Sayang naman kung naiwan niya ito, ang gaganda pa namanng drawings” ang sambit ko sa aking sarili. Naghanap rin ako ng pwedeng pagkakakilanlan o contact number sa sketch book ngunit nabigo ako. Tanging initials lang na CET ang nakalagay sa ibaba ng bawat drawings. Nag-isip ako ng kakilala kong CET initial, pero wala akong maisip. “Magpopost na lang ako sa bulletin” ang sabi ko sa aking sarili para kung may maghanap pwede akong tawagan.
Sumandal ako sa puno. Huminga ng malalim at pumikit. Kinakausap ko si Sai sa aking isipan. Pagkatapos ay nagdesisyon akong umidlip muna. Medyo matagal na akong nakasandal sa puno nang walang ano ano’y “Oh my God!!” ang balikwas kong sabi. Biglang pumasok sa isipan ko ang buong pangalan ni Sai. CYRUS EL____ T_____. Binuklat kong muli ang sketch book. Marami pang blangkong pahina ngunit nagulat ako sa isang sketch na nakadrawing sa pinakagitna ng sketch book. Napaluha muli ako. Isang imahe na alam kong maliban sa aking pamilya ay si Cyrus lang ang tanging nakakaalam. Imahe ng aking birthmark sa aking balikat. Dali dali akong tumayo. Hindi alam kung saan tutungo pero kelangan kong mahanap ang lalaking iyon. Linga rito, linga roon, lakad dito, lakad doon. Sa pagtatapos ng araw ay nabigo akong mahanap ang lalaki.
Napakalaking palaisipan sa akin kung sino ang lalaking iyon. Kung siya man ang nagmamay-ari ng sketch book, sino siya at ano ang kaugnayan niya kay Sai. Bakit meron siyang sketch ng aking birthmark? At bakit CET ang initials nito? Andaming katanungan ang bumalot sa aking isipan ng mga panahong iyon. Katanungan na hindi ko nahanapan ng kasagutan. Nakapaskil na rin sa iba’t ibang bulletin board sa aming unibersidad ang LOST & FOUND sketch book ngunit wala ni isa mang tumugon dito. Lumipas pa ang mga araw at nakapagtapos na nga ako sa aking pag-aaral.
Gusto ko sanang isunod agad ang board exam ngunit sa kadahilanang kulang na rin sa budget at marami rin gastusin sa aming bahay lalo na sa pag-aaral ng aking mga kapatid ay nagdesisyon akong magtrabaho muna. Nag-aaply ako sa aming unibersidad (nirefer kasi ako ng aming HR assistant sa MIS) para hindi na rin lumayo sa nakagisnan kong environment at swerte ko namang nakapasok (hindi naman kasi ganon kahigpit, lalo pa at kilala na rin nila ako). Mababa lang ang sahod ngunit pwede na rin para sa baguhang tulad ko. Dahil nga sa unibersidad na ako nagtratrabaho ay palagi akong nakakapunta sa tambayan namin ni Sai dati. Ilang buwan pa ang lumipas….
Isang araw……
Kring…kring…kring….
Tinignan ko ang aking cellphone. Isang kakaibang numero ang tumambad sa akin. Parang tawag galing sa ibang bansa. Napakunot ako ng uno at napaisip bago pindutin ang accept button.
“Hello?” ang aking tanong
“Hello, Mico?” sa kabilang linya
“Yes? Who’s this?” ang aking tanong.
“Haha, ano ka ba, nakalimutan mo na agad ako?” ang tanong ng nasa kabilang linya.
Sa pag-uusap namin ay napagtanto ko na boses pala iyon ni tita.
“Tita?”
“Oo, haha. Kumusta ka na? Sabi ni Annie natapos ka na raw? Nagrereview ka na ba?” ang sunod sunod ngunit magiliw na tanong ni tita.
“Naku tita pasensya na po di kita nakilala agad. Ayos naman po. Opo, pero hindi pa po ako nagrereview. Wala pa po kasing panggastos para dun. Eh kayo po kumusta na po kayo?” ang aking sagot.
“Ayos lang din naman ako. Naku sayang naman, dapat sinabihan mo ako para natulungan kita sa review mo” ang sakot ni tita
“naku, tita. Nakakahiya naman po yun”
“Ano ka ba. Mico, para na rin kitang anak. Sa susunod wag kang mahihiyang magsabi ha?” ang sabi ni tita. “Oo nga pala, punta ka sa bahay sa susunod na Linggo ha?” ang alok sa akin ni tita
“Uuwi na po kayo?” ang nanabik kong sagot.
“Oo. 2nd death annivesary na ni Sai sa susunod na Linggo di ba?” ang sagot ni tita.
Tama nga si tita. Dalawang taon na rin mula ng mamaalam si Sai. Ang bilis ng panahon.
“Opo tita, sige po pupunta po ako” ang mabilis kong sabi
“Ah, isama mo na rin Mama mo at mga kapatid mo para naman makapagbonding tayo” ang pahabol ni tita.
“Ah sige po, sasabihin ko po kay Mama” ang aking sabi habang hindi maipinta ang tuwa sa aking mukha.
Pagkatapos ng trabaho ay dinalaw ko ang puntod kung saan nakalibing si Sai. Nag-alay ako ng bulaklak at nagsindi ng kandila. Kinausap ko si Sai habang di ko na naman mapigilan ang luha sa aking mga mata. Pagkatapos ay dumaan ako sa aming tambayan. Habang papalapit sa tambayan ay nakita ko ang isang lalaking papalayo sa lugar na iyon. Katulad ng dati nakatalukbong na naman ito ng hoodie. Hahabulin ko sana ito ngunit patakbo itong sumakay sa kotseng nakaparada di kalayuan sa tambayan at mabilis na humarurot. Dali dali kong tinungo ang tambayan at doon nadatnan ko ang isang paper bag. Binuksan ko ito at naglalaman ito ng 5 pirasong malalaking spanish bread. Kunot noo kong inilabas ang isang maliit na card mula sa loob ng paper bag.
“To the guy who’s fond of going here,
Can you be my date on Sunday?”
CET
Naiyak ako nang mga panahong iyon. Hindi dahil sa tuwa, hindi dahil sa spanish bread kundi dahil sa mga pangyayaring nakakapagpagulo sa aking isipan. Sino ang lalaking iyon? Bakit siya nagpupunta sa lugar na to? Bakit niya ako niyaya sa Linggo? May kaugnayan kaya ito sa pagyaya ni tita sa akin sa Linggo?
COMMENTS