By: Our Lady of Jeddah Tawagin mo na lang akong Facifica Falayfay (iyan ang aking screen name dito) ………isa akong gay…….tubong Zambales, apat...
By: Our Lady of Jeddah
Tawagin mo na lang akong Facifica Falayfay (iyan ang aking screen name dito) ………isa akong gay…….tubong Zambales, apat kaming magkakapatid, at galing sa mahirap na pamilya ng magsasaka, maliliit pa lang kami ay banat na ang aming mga katawan sa trabaho, as in talagang trabaho. Pero dahil sa ambisyoso ang mga magulang ko, (as in may ambisyon na gusto kaming mapag aral) kaya kahit na mag dildil kami sa asin ay iginapang kami sa hirap. Ako ang panganay, kaya sa akin lahat napunta ang responsibilidad sa gawaing bahay, at pag alaga sa mga kapatid ko habang nasa bukid ang mga magulang namin, at kaya din siguro ako naging ganito.
Nang makatapos ako ng high school, namasukan ako bilang isang houseboy sa isa sa pinakamayaman dito sa lugar namin sa Zambales, pero mama, hindi yata dapat houseboy ang itawag sa akin, kundi house girl, aba! Akalain mo ba naman lahat ng trabahong bahay sa akin ibinigay, magluto, mag laba, mag linis ng bahay mag alaga ng mga bata, mamalantsa, at kong ano ano pang pang girl na trabahong bahay, kulang na lang pati si Sir ay alagaan ko din, Sabagay mabait naman ang mga amo ko kaya wala akong ma say sa kanila, dahil super duper sa kabaitan, at itinuring na nga rin akong kapamilya. Tatlo ang anak ni Sir at Maam, malalaki na.
Apat na taon na ako sa kanila ng tanungin ako ni Ma’m kong gusto ko daw mag aral, sabi ko oo, kasi yun naman talaga ang gusto ko, anong gusto mong kurso sabi ni Mam, gaya mo din ma’m gusto kong maging Nurse.
Kaya ng sumunod na pasukan ay nag enroll ako at habang nag aaral ay naninilbihan pa rin ako kila Sir at ma’m. Juice ko day! Mahirap pala ang working student, talagang kailangan mo ng sipag at tiyaga, lalo na ng mag intern na ako, school sa umaga at duty naman sa gabi, tapos pagdating sa bahay, trabaho uli hanggang alas tres ng umaga, dahil kilangan tapusin ko ang mga gawaing bahay.
At after four years na paghihirap ay nakatapos din ang lola mo, s’yempre tuwang tuwa ang mga magulang ko, naka pagtrabaho ako sa isang Government Hospital sa Zambales kasama si Ma’m, pero hindi pa rin ako umalis sa kanila, patuloy pa rin ang lola mo sa paninilbihan sa kanila, dahil nakakahiya no! Pagkatapos akong paaralin, babu Na! Wez! Hindi ako ganoon, marunong akong tumanaw ng utang na loob. Sabi ni Ma’m wag na daw akong manilbihan sa kanila, pero sabi ko naman, kong sasabihin mo Ma’m na ayaw mo na sa akin dito sa bahay saka ako aalis, pero hanggat di mo sinasabi iyan ay magsisilbi ako sa inyo…..di ba, ang drama ng lola mo.
Tatlong taon na ako sa pinapasukan kong ospital, at napapag aral ko ang isa kong kapatid, yung sumunod sa akin, (dahil di ko kayang pag aralin sila ng sabay sabay ano!)
Ambisyosa din ang gaga, gusto maging interior designer, sabi ko mag cosmetology ka na lang neng, ganoon din naman, mag de design ka ng tao, pero talagang gustong maging interior designer, kaya, hala, sige kong d’yan ka masaya, suportaan taka, basta mag aral ka lang mabuti at walang dyowa dyowa ha!....salamat naman at nakatapos ang bruha, at nakahanap ng trabaho sa Baguio City, pero ang di ko ma take mama, isang buwan pa lang nakaka pagtrabaho e, kumuha na agad ng scholar, I mean, nag asawa na, at P.M.A. (Pahinga Muna Anak) pa ang napangasawa, tapos din ng BSHRM, kaso walang hilig sa kanya ang trabaho, pero ngayon, balita ko ay nasa Taiwan daw ngayon ang aking bayaw, alam mo, ang sama ng loob ko sa bruha kong kapatid, dahil usapan namin na tutulungan namin ang iba pa naming kapatid sa pag aaral, at alam mo day, sabihin ba naman sa akin, total bading ka naman, hindi ka naman mag aasawa, di ikaw na lang ang mag paaral sa mga kapatid natin…o di ba ang taray ng bruha…parang walang utang na loob. Naku kong puwedi lang pumatay ng kapatid ginawa ko na, talagang na hurts ako sa sinabi niya.
Umalis sina Sir at Ma’m, nag migrate sila sa Canada, kaya naiwan ang bakla sa bahay, sa akin ipinagkatiwala ang house. After one year, ay naisipan ko din na mag abroad, para naman kumita ng dolyar, kasi naman, ang sahod ko day! Napupunta lahat sa mga kapatid at magulang ko, kasi pinag aral ko naman yung isa kong kapatid, ang lola mo, talagang trabaho, pag dayoff ko nag papart time akong waitress sa Restaurant para may pambili ng gamit, hindi ko nasubukan yang mga party party na iyan iyong ikaw ang sisilbihan, ang nasubukan ko ay iyong ako ang nagsisilbi.
Mahirap pala ang mag apply sa abroad Day! Naku sa mga requirements pa lang, mahilo hilo na ako, lalo na sa DFA, sa pagkuha ng passport, alas singko ng umaga Day, akala ko super aga ako, yun pala may natutulog na doon, nakipila ang bakla ng pag ka haba haba, at pagdating sa clerk ay sasabihin sa iyo na, kumpletuhin mo muna ang mga papers mo, I pa authenticate mo sa NSO ang birth certificate, Juice ko day, nakipila ako maghapon tapos ganoon lang pala, balik uli ang bakla sa NSO, tapos balik uli sa DFA at doon na ako inabot ng gabi at doon na din natulog. Para una ako kinabukasan, at sa wakas may passport na ako. Tuwang tuwa ako ng makuha ko ang aking passport. Vhongga!
Sumunod naman ang pag aapply sa mga agency, bili ng dyaryo at hanap ng agency, araw ng interview, ewan kong anong lahi yung nag interview sa akin, sabi niya ano daw ba ang specialty ko, sabi ko matagal ako sa OB/Gyn. Sabi niya sa Saudi wala daw lalake sa OB/Gyn. Sabi ko kahit saan na puwedi ako, e nurse din ako at pinag aralan ko iyang mga iyan, chinika ko ng chinika ang muher, ayon sabi niya sa akin kumpletuhin ko daw ang mga requirements dahil after two weeks ay makaka alis kami, tuwang tuwa ako, pati na rin mga magulang ko dahil maiaahon ko na rin sila sa kahirapan, hindi na mag luluto ng asin si Mader, at di na rin mag pa part time si fader sa pangangahoy sa gubat, kundi full time farmer na s’ya.
Ganito pala ang Saudi, mainit, super talaga, napasok ako sa isang poly clinic sa Riyadh, at okey naman ang sahod, nakapag papadala ako ng regular sa mga magulang ko, nakapag aral din ang mga kapatid ko, at si mader akala ko iniwan na ang pag aasin, iyun pala kumuha ng pwesto sa palengke at doon na nag titinda ng asin, sabagay okey din kasi hindi na siya nag luluto ng asin kundi siya na ang nag ba buy and sell ng asin, Vhongga na ang matanda. At si fader naman, hayon hindi maiwanan ang bukid dahil nandoon daw ang kalahati ng kanyang life. Sabi ko kay fader, naku fader, pang fasma award ang dialogue mo ha.
Apat na taon ako sa dati kong trabaho, at napagtapos ko lahat ng mga kapatid ko, iyong isa kong kapatid na lalake ay kumuha ng commerce at nasa RCBC Dagupan nag wo-work ngayon kasama ang kanyang asawa, at may dalawang anak, iyong bunso naman namin, babae, ay Professor sa Biology sa isang paaralan sa Baguio City, mayroon na silang mga pamilya, pero masama ang loob ko sa kanilang lahat, dahil matapos ko silang tulungan ay bale wala na ko sa kanila, mga walang utang na loob, pati mga magulang namin ay pinabayaan na noong nabubuhay pa sila, ni hindi man lang nila dalawin, kahit may sakit, ang dahilan busy daw sa trabaho.
Tapos na ang apat na taon ko dito, nag renew uli ako ng kontrata for two years, kaso sa hindi inaasahang pangyayari, na stroke si fader at kailangan kong umuwi, dahil hindi ko naman maasahan ang mga kapatid ko, matanda na din kasi si modra para mag alaga kay fader, apat na taon kong inalagaan si fader bago pumanaw, at after one year, hindi na din nakayanan ni modra ang wala si fader, kaya nag good bye na din, sa apat na taon kong pag stay sa Pilipinas, dalawang beses ko lang nakita ang mga kapatid at pamangkin ko. Na confined ako sa ospital, isang lingo, ni wala man lang dumalaw sa akin. Okey lang busy sila, paglabas ko ng ospital naghanap uli ako ng agency na pag aapplyan sa abroad, at sa pangalawang pag kakataon, naka alis ako, at ito nga ang lola mo, nandito ngayon namamayagpag sa Jeddah. Oy! Hindi ako iyong sinasabi nilang Jeddah queen ha.
Mama ang tawag sa akin dito ng mga friends ko at kasama sa trabaho, pero sir pag nasa duty kasi Head Nurse ang lola mo. Lagi akong may dalang bag pag pasok lalagyan ng mga paninda, kong anik anik na pweding ibenta, o mama, anong dala mo ngayon, ito gusto mo, cuccenta at biko, five riyals lang, nag bebenta din ako ng mga alahas, damit basta kong anong order na p’weding pahulugan, parang sa Bombay sa atin, ‘oy bakla ito o bago galing Italy yan, Armani, sabi ko kay lucricia, kapwa ko Nurse na bading, mama, baka naman Bangkok lang ito ha, sabi niya, gaga! Amoyin mo amoy Milan, o ang utang mo sa akin ay five oo, plas one oo ngayon, oy bakla ito o mabisa itong pang gayuma, kwentas ito ng mga katutubo sa Baguio, mga tinuhog na kahoy, ethnic kong baga, naku mama baka naman may sumpa iyang kwentas na iyan, sabi ni Fatma Pacasta, bakla din na Nurse, bakla naku uso ito sa atin at saka alam mo day, kapag ginamit mo ito at isinout mo sa leeg mo, naku kailangan sabitan mo rin ng five oo at tiyak magagayuma mo ang boyfriend mo, o di ba, hala pili na bago ka maubusan, kong anik anik na kalukadedang ang laman nang aking bag pero ang di nila alam ay puro kalungkutan at hinagpis sa buhay ang nasa loob noon.
Si Assunta de horse ang aking best friend, sa OR siya naka assign, bakla din. Kaso syungaers, (may pagka boba )(dati tawag ko sa kanya ay si Bobita Jones) sobra ang pagka in love sa dyowa, kaya kahit na dyino jombag na ay okey lang sa kanya dahil mahal daw niya ang dyowa nya.
O ano nanaman yang pasa mo sa braso? Jumbag ka nanaman ng jowa mo? Sabi ko, mama, may problema kasi si Dave (jowa niya) ngayon ikaw ang taga salo ng problema niya at ikaw ang ginawang punching bag, ano nanaman ang problema bakla? Ganito kasi, tumawag si Kumare (inaanak ni Asunta yung isang anak ni Dave kaya mag kumpare sila, pero, mare pahiram muna si kumpare) humihingi ng pambayad ng tuition ng bata, nag padala naman na si Dave ng pera para doon, hindi naman pala binayad sa school kundi ibinili ng washing machine, nasira daw kasi iyong dating washing machine nila kaya hayon nag init ang ulo, sabi ni Asunta, naku ayan ka nanaman bakla, ikaw ang nagpadala ng bayad ng tuition diba? Scholar mo iyong mga anak niya diba? Wag na tayong maglukuhan Asunta, oo alam mo naman na every month e pinapadalhan ko iyung pamilya niya, sabi ni Asunta, Bakla! Magising ka
sa katotohanan, ano ba ang dapat kong gawin sa iyo para matauhan ka, binigay mo na ang lahat sa kanya, appliances showcase, kitchen showcase, alahas showcase, nag grant ka pa ng scholarship sa mga anak niya at take note sa private school pa, ano ka ba bakla, tapos pag hindi ka nagbigay ng dats entertainment (datung) sa kanya, e jujumbagin ka, sasabihin na iiwanan ka, at ang bakla naman mangungutang ng porsyentuhan, hoy kabayong bakla! Hindi ka nagtratrabaho para sa kanya, aber kwentahin mo kong magkano na ang nabigay mo sa kanya, aba asunta de horse, pwedi ka ng makabili ng first class na libingan mo sa Loyola may sukli ka pa.
Mama, kong minsan naiisip ko na talagang hindi ako mahal ni Dave, kinukuartahan lang niya ako, sabi ni Asunta, ano! May isip ka din pala bakla ka, e ganoon naman pala, bakit hindi mo siya iwanan, dahil ba dakila siya? Naku mag-isip-isip ka, gamitin mo yang natitirang ga-munggo mong utak.
Mabait naman si Asunta, hindi ko nga alam kong anong ginawa ni Dave at in love sa kanya ang bakla, siguro ginayuma, kasi malaki din ang sweldo ni asunta, si Dave waiter sa isang restaurant, at lagi pang delay ang sweldo.
Minsan nasa Balad kami, kumakain sa shawly restaurant, Asunta halika dito sa tabi ko, nakikita mo ba yung nakikita ko? Hindi makapaniwala ang bakla, ang Jowa niya may ka holding hands na girlash. At pumasok din ng restaurant para kumain. Ano lapitan ko sabi ko kay Asunta, ayaw niya, pero nilapitan ko pa rin, hi Dave, sabi ko, nagulat siya sabay alis sa pagkakahawak sa kamay ng girlash, kasama ko si Assunta, hayun o nasa kabilang table. Sabi ko sa girl, don’t worry hindi ko siya jowa, friend ko siya at sabay alis sa harap nila, ang baklang Asunta hinila ako palabas ng Restaurant, di daw niya ma take ang sight.
Pagdating sa villa, cry to death ang bruha!...mama gusto ko ng mamatay…bakit ganoon? Bakit? Kong sino pa ang mahal mo, siya pa ang nanloloko sa iyo, gusto ko na talagang mamatay mama, wala akong laban doon mama, girlash yun, samantalang ako baklash lang!!! Ako naman, s’yempre friend, gave din ng moral support kahit kunwari lang, dahil sa totoo lang naasar ako sa kanya, dahil baliw na ang kaibigan kong bading, nabaliw sa pag-ibig, Asunta remember iha, sa girlash ang looks at sa atin naman ang performance di ba. o siya hayaan mo at kakausapin ko ang jowa mo, sasabihin ko na iwanan ka na gusto mo ba day?...naku bakla , mag isip-isip ka nga, saan napupunta ang sweldo mo kundi dyan sa jowa mo, may ipon ka na ba, napatapos mo na ba yong pinapatayo mong bahay, ilang taon ka na dito, haligi pa lang ang nasimulan, at yung haligi ay inaanay na, tama ako di ba? Uuwi ka ng Pilipinas wala kang datung.
Lumipas ang ilang araw, at ito nanaman si Dave, humihingi ng sorry kay Asunta, ang bakla, kunting karinyo lang, bumigay nanaman, kaya, together uli ang mag jowa, at masaya nanaman ang bakla, hindi ako matitiis ni Dave sabi ni Asunta, mahal na mahal daw niya ako, sabi niya. Naku magtigil ka nga bakla, ang datung mo ang mahal niya, hindi ikaw, maniwala ka sa akin bakla, sabi ko kay asunta, hay naku! Basta ako ang alam ko nagmamahalan kami, ang sarap ng pakiramdam ng may nagmamahal at minamahal, palibahasa kasi walang nagmamahal sa iyo mama, subukan mo kasing magmahal, sabi ni
Asunta. Hindi ko pinangarap maging secretary ng DSWD ano, at tama na yung mga pinsan ko na scholar ko, at higit sa lahat ayaw ko ng sakit ng ulo, baka makahanap pa ako ng jujumbag sa akin, saka masyonda na ang lola mo, matrona na ineng, pinagdaanan ko na iyang mga ganyang bagay, alam mo ba noong kabataan ko, naku! Kalakasan ng kita dito sa Saudi, ito ang tinaguriang heaven ng mga kagaya natin, si Fatima patira, yung dati kong room mate, naku day! Nakapag patayo ng malaking bahay sa ilokos, dahil sa pagrampa. At kapag umuuwi daw siya ng Ilokos at nakikita ang bahay nila, naaalala daw niya ang mga nota ng mga Arabo. Ngayon nasa L.A. na ang bakla. Ganoon kaya ang gawin mo? Imbes na ikaw ang kuartahan ng jowa mo, ikaw na lang ang manguarta sa mga arabo, mas praktikal di ba? Tingnan mo si Noora dyogdyog,(bakla ding nurse) madatong dahil ginagamit niya ang utak niya at hindi puso.
Mama, hindi ko type ang mga arabengbeng na yan, kong gusto ko lang, alam mo inooperan ako ni khalid, ibabahay daw ako, at monthly ang suporta sa akin ng muher, pero inayawan ko.
Ito nanaman, nakita ni Asunta si Dave na may kasamang ibang bading, at sinugod daw niya yung dalawa, kaya pala, may pasa si Asunta sa kanang pisngi dahil nakipag suntukan sa Bading. Pag uwi ko ng bahay, ang lukaret cry to death uli, mama, ayaw ko na talaga, break na kami, sabi ni asunta. sus! Tigilan mo nga ang ka dramahan mo sa buhay bakla! Tigilan mo na nga ang drama mong iyan, kunting lambing lang sa iyo e givsong ka nanaman. Tigilan ako, wala na akong maipapayo sa iyo, sawa na ang lola mo sa kapapayo, pumuti na ang buhok ko sa kapapayo sa iyo, wala namang nangyayari. Hayan surgical blade, bago yan magpakamatay ka, at iuuwi ko na lang ang bangkay mo. Malandi ka talaga.
At nagulat ang lola mo, dahil talagang tinotoo ni asunta ang pakikipag break kay Dave, dahil pati sa akin ay nakikiusap si Dave na pakiusapan ko daw si asunta para mag bati na sila, sabi ko naman, Dave ayaw kong maki alam sa relasyon ninyo, tanggapin mo na lang kong ano ang disisyon ni asunta, saka hindi naman talaga kayo puweding magkatuluyan e, alam mo naman ang sitwasyon, tatapatin na kita Dave, alam ko na pera lang naman ni Asunta ang habol mo sa kanya, hindi nakakibo si Dave, kaya kong pwedi sana ay tigilan mo na rin si Asunta.
Lumipas ang apat na buwan na hindi na nakikipagkita si Asunta kay Dave, o di ba mama, kaya ko rin pala siyang kalimutan, sabi ni Asunta, talagang wala na kami, sabi nito, ng may mapansin ako kay Asunta, may hepa ka ba? Bakit naninilaw ka? Lalo namang ipinagyabang ng bakla ang mga alahas sa katawan, isang set ito mama, bracelet, sing-sing at kwentas, at take note mama, alam mo ba kong magkano lahat ito? Three thousand five hundred riyals lang naman, sabi nito. Aber sino naman ang nag bigay sa iyo niyan, sabi ko, tinanaggap ko na ang offer ni Khalid, sabi niya, o talaga, sagot ko naman, good for you, makaka ipon ka rin sa wakas, maipagpapatuloy mo na iyong haliging napasimulan mo, sabi ko kay asunta.
Napatapos nga ni Asunta ang bahay na napasimulan niya, at ang ganda ng makita ko sa larawan na ipinadala sa kanya. Bago matapos ang kanyang kontrata ay nag apply si Asunta papuntang London, suwerte naman ang bakla at nakapasa sa interview, hindi na umuwi ng Pilipinas ang bakla, dito na sa Saudi nanggaling deritso ng London.
Ang lola mo, nandito pa rin sa Jeddah, sikat na sikat pa rin, hindi sa kabaklaan, kundi sa mga paninda ko na kong ano ano at sa pagbibigay ng moral support sa mga kagaya ko, lalo na sa mga bagong salta dito.
Hay naku! Ang buhay nga naman, hayon, kanina tumawag sa akin si Asunta, magbabakasyon daw siya sa Pilipinas at gusto daw akong makita, sabi ko hindi ako uuwi ngayon, sabi niya, o ganito na lang mama, mag Emerates airline na lang ako at magkita tayo sa Abu Dhabi
Sa Abu Dhabi, naku Asunta iha, kumusta ka na? ito mama girl pa rin, ay siyanga pala mama si Ron boyfriend ko, gusto sumama sa Pilipinas, kaya isinama ko, sabi ni Asunta, ang bakla, girl na girl talaga ang dating. Di make up pa, at talaga namang vhonga.
Samantalang ang lola mo, matanda na, dito na siguro ako maglalagi sa Saudi kong bibigyan ako ng Saudi citizenship, (sana naman ano dahil dito ko ginugol ang pinag aralan ko ano!) kasi naman, wala naman na akong uuwian sa atin, eh, iyong bahay na naipundar ko ay isinanla ng bruha kong kapatid sa bangko at hindi na natubos, kaya ngayon ito ako, ganito na lang, siguro kong sakali man na uuwi ako diyan sa pinas ay sa home for the golden gay na ako makikitira, dahil ayaw kong maging pabigat sa mga kapatid ko, at isa pa, hindi naman nila ako itinuturing na kapatid, kundi isang kakilala lang.
Mga teh pasinsiya na kayo ha kong wlang halong kalibugan ang kuwento ko, eh alam nyo naman kasi, ako ang tinaguriang Our Lady of Jeddah. (Char!)
COMMENTS