By: Aero Bradley Meade Naging bitter ako sa pag-ibig nung nasa college pa lang ako. Hindi kasi ako kasing swerte ng iba, isa akong bisexual ...
By: Aero Bradley Meade
Naging bitter ako sa pag-ibig nung nasa college pa lang ako. Hindi kasi ako kasing swerte ng iba, isa akong bisexual na hindi tanggap sa pamilya at hindi din nabiyayaan ng halos perpekto na panlabas na anyo, hindi din naman sobrang pangit o butt ugly na tinatawag, hindi lang talaga ako ganun ka-attractive, kumpara sa mga kapatid ko, ako ang ugly duckling sa pamilya, noon.
Napakalaking insecurity ko ang aking ilong dati, medyo pango kasi ako at meron akong drooping eyes, bukod dun ay ayos naman na ang natitira pang body parts sa akin. Matangkad naman ako sa height na 6’ at kahit na hindi ako ganun kagwapo ay meron naman akong mabuting pag-uugali at marunong akong makisama.
Alam ng pamilya ko ang pagiging bisexual ko, kahit na hindi ko sabihin ay alam ko na ramdam naman nila, kahit na kumikilos naman ako sa dapat kong ikilos ay alam ko na alam din ng pamilya ko kung ano ang pagkatao ko. Hindi nila ganun katanggap ito, alam naman natin dito sa bansa natin na kelan lang naman naging open ang publiko sa konsepto ng third sex. High school pa lang ako ay ramdam ko ang pagtutol nila sa naging preference ko, dahil dun ay hindi ako naging paboritong anak ng magulang ko, o yung tipong palaging sinasama kapag may mga special occasions. Tanggap ko naman kahit papaano, kahit ako naman ay ayokong magbigay ng sakit ng ulo dala ng pagiging bisexual ko lalo na sa pamilya ko, sa dalawa kong kuya at sa mga magulang ko. Itinuon ko ang mga frustrations ko sa pag-aaral, baka dito kasi ay mag-excel ako at mapansin din ako ng mga magulang ko. Pero hindi umayon sa akin ang lahat at ito ang nagtulak sa akin para magbago.
Tawagin nyo na lang ako sa nickname ko na Aero, ako ay 26 na taong gulang at masayang nagtatrabaho sa isang ospital dito sa Taguig. Noon ay inggit na inggit ako sa kaibigan kong si Max, ang sumulat ng kwentong “The Fall Back”. Para sa akin ay halos perpekto ang buhay ni Max at kami ay total opposite kaya siguro mas lalo kaming naging malapit na magkaibigan. Alam ko kasi na kailangan ko ng kaibigan na katulad ko na dadamay sa akin, at ito ay nahanap ko sa katauhan ni Max. Dati ay naiinggit ako sa tuwing nagkikita sila ni Justin sa school, umaasa na balang araw ay may “Justin” din na para sa akin.
Halos hindi ako makapag-aral ng college dati, ang pangalawang kuya ko kasi ay nasa 5th Year pa lang nung mag-uumpisa pa lang ako pumasok sa college. Paborito kasi ng mga magulang ko yung kuya kong pangalawa o diko kaya ginawan nila ng paraan makapag-aral lang sya sa Ateneo. Hindi ko maiwasan na mainggit sa kanya, kahit kasi na hindi naman kami ganun kayaman ay talagang naigapang nila ang pag-aaral nya sa Ateneo. Inasam ko noon na makapag-aral ng Nursing sa UST pero inamin sa akin ng Mama ko na wala kaming budget para doon at kahit na malungkot ay tinanggap ko ito. Kung tutuusin ay alam ko naman na kaya nila akong igapang kung sa UST ako nag-aral lalo na’t may naghihintay sa akin na 50% scholarship doon, naging salutatorian kasi ako nung high school at ito ang naging offer sa akin noon. Gusto nila ako pag-aralin sa isang nursing school na malapit sa bahay namin sa Mandaluyong, pero hindi ako pumayag dahil sa nakapasa din naman ako sa UP Manila at alam ko na doon ay kayang kaya na nila ako pag-aralin dahil sa nasa Bracket E ang pamilya namin nung inassess kami ng UP, hindi ko maintindihan kung bakit parang ginigipit ako sa amin, pakiramdam ko ay parusa ito sa akin sa pagiging bisexual ko, kahit na masakit para sa akin ay pinilit kong hanapan ng ibang rason pero wala akong ibang nakita. Dahil dun ay nagpasya akong umalis na lang sa amin at itinaguyod ko ang sarili ko bilang isang working student. May halong paglalayas na din pero ang gusto ko lang nung mga panahong yun ay makapag-aral. Sobrang hirap nung una kong pinasukan, sa isang fast food chain ako nagtrabaho bilang service crew, hindi kasi ako nakaranas ng ganito noon kaya siguro naging mahirap ito sa akin. Ipinangutang ko sa mga kaibigan ko ang pangrenta ko sa boarding house at para sa iba pang gastusin nung unang buwan ko sa trabaho, alam naman natin na hindi pwede mag-advance ng sahod kaya nauwi ako sa ganung paraan. Nang makuha ko ang sahod ko ay unti-unti kong binayaran ang mga kaibigan ko kahit na wala nang halos matira sa akin, para sa akin kasi importante yung tiwala na meron sila sa akin kaya kahit kailan ay hindi ako sumira sa tiwalang ibinigay ng mga kaibigan ko sa akin. Noon ay halos nag-ii-skip na ako ng meals para lang mapagkasya ko ang pera ko. Kahit na pinababalik na ako sa amin ay nagmatigas ako na wag nang bumalik, para kasi sa akin, ayoko nang umasa sa pamilya ko, ayokong umuwi sa bahay nang walang naipagmamalaki, at mas lalong ayokong umuwi ng bahay dahil ayokong makita nila na sumuko ako sa laban na pinili ko.
Mahirap ang first semester para sa akin. Literal kasi na lumalagari ako sa pagtatrabaho at pag-aaral. Nung panahon na yun ay wala na akong pakialam sa pamilya ko, basta ang alam ko ay kailangan kong itaguyod ang sarili ko, alam ko sa sarili ko na kailangan kong makagraduate. Hindi ko na nakita ang sarili ko na ngumiti kung minsan, at dahil doon ay sumama ang tingin ko sa mundo, na kahit pala ang pamilya ko ay kaya akong isantabi.
Hindi ko alam kung ipagpapatuloy ko pa ang pagtatrabaho sa fast food chain o hahanap na lang ako ng ibang trabaho. Pagod na pagod kasi ako palagi at minsan ay hindi na ako nakakakain. Nag-alala din ako para sa sarili ko na baka magkasakit ako at maagang mamatay, pero sabi ko sa sarili ko na bahala na, kung mamamatay man ako ng maaga ay at least lumaban ako.
Dumating din naman ang swerte sa akin, naghahanap yung isang doktor sa school ng isang research assistant. Nag-apply ako sa kanya kahit na wala pa akong masyadong alam sa mga research. Siguro dahil sa awa ay tinanggap din nya ako. Tuwang-tuwa ako nang tinanggap ako ni Dr. Devanadera. Malaki kasi sya magpasahod at dahil sa awa na din ay magaan lang ang trabaho na ibinigay nya sa akin. Kumukuha lang ako ng mga data na kailangan nya sa PGH at sa RITM, ibang-iba ito kesa sa trabaho ko sa fast food chain. Mas nagkaroon ako ng oras sa sarili ko at sa pag-aaral dahil sa twice a week lang ako kung mangolekta ng mga data. Pinahalagahan ko ang trabaho ko at nakita naman ito ni Doc at natuwa sya sa akin, dahil sa naging close din kami ay kwinento ko sa kanya ang buhay ko. Sobrang awang-awa sa akin si Doc at naiyak sya sa mga kwinento ko, simula noon ay nangako sya na sya na ang magiging father figure ko at ituturing nya akong anak. Doon na din nya ako pinatira sa condo unit nya at sinagot na nya ang lahat ng kailangan ko. Masaya ako na minsan sa buhay ko ay merong tumanggap sa akin ng buong-buo, nakahanap ako ng pamilya at isang ama kay Doc.
Simula noon ay mas naging magaan na sa akin ang buhay, kahit na nagkakausap kami ng pamilya ko ay pinili ko pa ding panindigan ang desisyon ko. Simula nung umalis ako sa amin ay hindi na ako muling bumalik dito, alam ko kasi masasaktan lang ako kapag nakita ko sila, maalala ko ang mga sakit na idinulot sa akin at ayoko nang pagdaanan ulit yun.
Wala sa isip ko noon na ma-inlove. Pinahahalagahan ko kasi ang pag-aaral ko at ayokong masira ito, gusto ko kasi ipakita sa pamilya ko na nagkamali sila sa akin, na hindi man lang nila ako binigyan ng pagkakataon na patunayan ang kakayanan ko, malamang natabunan na yun ng pagiging bisexual ko. Alam ko naman na mahal nila ako, pero hindi ko ito nakita sa paraang gusto ko. Pero may ibang balak para sa akin ang tadhana na hindi ko inasahan.
Isang sopresa sa buhay ko si Enzo. Nakilala ko si Enzo sa birthday party ng isa sa mga kaibigan ko nung nagnunursing pa lang ako. Gwapo si Enzo, maputi, matangkad at almost perfect. Teen model sya noon sa mga fashion show kaya maganda ang katawan nya. Nag-aaral sya noon sa FEU at medyo intimidated ako sa kanya kasi kahit papaano ay halata mong may kaya ang pamilya nya kumpara sa akin na isang working student lang. Ang alam ko ay straight si Enzo dahil sa alam ko na may girlfriend sya noon. Madaling pakitunguhan si Enzo. Hindi sya namimili ng kausap at friendly sya. Kahit na sinong babae man o bisexual ay hindi maiiwasang mainlove sa kanya, bukod kasi sa maganda nyang panlabas na anyo ay maganda din ang kalooban nya.
Dahil sa mas napapadalas ang pagkikita namin ni Enzo dahil sa mga common friends namin ay naging magkaibigan din kami. Nalaman ko ng aksidente na isa din syang bisexual dahil nahuli ko sya na minsang gumagamit ng isang social networking site para sa mga bisexual at gay. Kahit na nahihiya sya ay inamin nya sa akin ang tunay nyang pagkatao, pagkatapos nun ay inamin ko din sa kanya ang pagkatao ko at dito ay nakitang kong relieved si Enzo dahil sa inamin ko sa kanya. Natuwa sya dahil hindi na nya kailangan itago ang tunay nyang pagkatao sa akin. Sinabi ko sa kanya na safe sa akin ang secret nya at kailanman ay hinding hindi ito lalabas. Hindi din kasi masyadong tanggap ang naging preference ni Enzo sa pamilya nya kaya nakarelate ako sa kanya at yun ang mas lalong nagpalapit sa aming dalawa.
Pinahalagahan ko ang pagkakaibigan namin ni Enzo sa loob ng ilang taon, simula nung makilala ko sya nung first year pa lang ako hanggang sa umabot ako sa fourth year ng nursing at malapit na grumaduate. Inaamin ko naman na nahulog na nang tuluyan ang loob ko sa kanya, pero pilit ko itong nilalabanan dahil sa ayokong umasa sa isang bagay na alam ko ay malabo namang mangyari. Nakilala ko din yung iba nyang kaibigan na ibang model at mas lalo akong nainsecure sa sarili ko. Doon ko din nakilala si Karl, yung kasamahan na model ni Enzo na sa tingin ko ay may gusto sa kanya.
Dahil sa malalim na ang pagkakaibigan namin ni Enzo ay parang nabuo din ang malalim na pagtitinginan namin sa isa’t isa. Hindi ko din inasahan ito dahil sa tingin ko ay malayo na magustuhan ako ni Enzo dahil hindi naman ako attractive kumpara sa mga kilala nyang iba, pero natuwa din ako dahil sa meron pa palang mga tao na hindi tumitingin sa panlabas na anyo, na mas daig pa din ng mabuting kalooban ang panlabas na anyo, dahil dun ay nagkaroon ako ng pag-asa na meron pa palang willing na magmahal sa isang katulad ko na good for nothing.
Dumating kami sa point na parang may nararamdaman na kami sa bawat isa at sinabi nya na subukan naming i-workout ito. Pumayag ako dahil sa mahal ko si Enzo at gusto ko namang maranasan kung ano ang pakiramdam ng mahalin at magmahal. Kahit na alam ko na sumuong ako sa isang bagay na hindi ko alam ang kalalabasan ay pinilit kong maisakatuparan ang napag-usapan namin ni Enzo, umasa ako na isang araw ay magiging mag-on din kami officially at maipagmamalaki nya ako bilang partner nya.
Dahil kay Enzo ay nakalimutan ko na naging mabilis na ang panahon at ako ay gagraduate na sa nursing, dahil din kay Enzo ay nabawasan ang nabuong galit sa akin sa pamilya ko. Inimbita ko sila sa graduation ko at umattend naman sila. Dito ay naramdaman ko ang pamilya ko, na mahal din pala nila ako sa kabila ng mga bagay na hindi nila naiparamdam sa akin noon. Nakilala din ng pamilya ko si Enzo bilang kaibigan ko at naging maganda naman ang unang pagkikita nila. Umattend din si Doc at naipakilala ko sya sa pamilya ko. Nung speech ko nung graduation ay mas nagpasalamat ako kay Doc dahil sya ang halos bumuhay sa akin simula nung umalis ako sa amin. Kung hindi dahil sa kanya ay malamang patay na ako dahil sa hindi ko kakayanin ang mga bagay na hinarap ko noon kung wala sya, sobrang laki ng utang na loob ko sa naging tatay-tatayan ko na si Doc na kahit anong sabihin nya ay susundin ko, alam ko kasi kailanman ay hindi nya ako ipapahamak.
Simula noon ay mas naging maliwanag ang tingin ko sa buhay, totoo pala na pagkatapos ng dilim ay may liwanag pa din na naghihintay para sa akin sa kabila ng lahat ng hirap na pinagdaanan ko para lang makagraduate sa college ay maganda pa din pala ang kinalabasan ng lahat ng pagsusumikap ko. Mas lalong tumindi ang pagtitinginan namin ni Enzo at alam ko na konti na lang ay tatanungin na nya ako kung kami na ba. Ayoko naman kasi na sa akin manggaling yun dahil baka hindi pa handa si Enzo para dito, kaya matiyaga akong naghintay sa kanya. Pagkatapos ng board exam ay nagfull time na ako sa pagtulong para sa pag-polish ng research ni Doc bilang isang proofreader, dahil sa ilang buwan na lang ay ipepresent na nya ito sa Washington sa US. Naging smooth naman ang lahat at natapos din namin ang research, nasopresa ako ng ipina-appointment ako ni Doc sa US Embassy para makakuha ng Visa, gusto nya kasi akong isama habang ipinepresent nya ang research na pinaghirapan namin namin sa loob ng mahigit na apat na taon. Nakakuha naman ako ng US Visa at isinama ako ni Doc sa Washington, bago yun ay maayos kaming nagpaalaman ni Enzo at doon ko nakuha ang unang halik ko sa kanya, isang senyales na mahal na din nya ako.
Naging successful ang presentation ng research ni Doc sa Washington, dahil sa tuwa nya ay tinanong nya ako kung anong reward daw ba ang gusto ko, sinabi ko na yung pagtulong nya sa akin noon nag-aaral pa lang ako ay sobra-sobra nang reward para sa akin yun, pero dahil mapilit si Doc ay hindi nya tinanggap yun at nagpumilit sya na bigyan ako ng isang bagay na gustong-gusto ko, at ang gusto ko ay mapa-ayos ang ilong at ang drooping eyes ko. Pangarap ko na kasi dati pa, na maging matangos ang ilong ko at maging maganda ang mga mata ko, alam ko na sobra ito para sa isang hiling pero ito talaga ang pinapangarap ko noon pa, ayoko na ulit kasi maranasan yung lahat ng panunukso sa akin noon at para na din maging deserving ako para sa paningin ni Enzo.
Pumayag si Doc sa hiling ko at kinausap nya yung kaibigan nyang reconstructive surgeon, pumunta pa kami sa Los Angeles para sa gagawing operasyon sa akin. Umabot sa isang linggo ang pag-analyze sa features ng mukha ko para bumagay ang rhinoplasty (repair ng ilong) at ang blepharoplasty (repair ng talukap ng mata) para daw hindi ganun kahalata ang gagawin sa akin at para magmukhang natural. Nakaisip kami ni Doc ng isang ploy para ipalabas na ako ay naaksidente at nabasag ang ilong ko at kailangan itong ayusin, alam ko kasi na tututol ang pamilya ko kung sasabihin ko na ipapaayos ko lang, kaya naisip namin na gumawa ng isang excuse para mas maging katanggap-tanggap ang pagbabago sa akin. Pagkatapos ng operasyon ay nagustuhan ko ang ginawa sa akin, natural na natural lang ang itsura ng ilong ko at ng mga mata ko. Panigurado ay mas magugustuhan ako lalo ni Enzo dahil sa konting pagbabago sa akin. Kahit na matagal na kami sa US ay constant pa din ang communication namin ni Enzo kahit na umabot kami ni Doc ng isang buwan doon.
Pag-uwi namin ni Doc sa Pilipinas ay agad akong binisita ng mga magulang ko dahil nag-alala din sila sa “aksidente” nung nasa US pa kami, natuwa ako dahil sa nagustuhan nila ang ilang pagbabago sa mukha ko. Pero hindi ko mahagilap si Enzo nung mga panahong yun dahil busy daw sya sa mga fashion shows at pictorials na may commitment sya. Tanggap ko naman ito, pero sabik ako na ipakita kay Enzo ang ilang pagbabago sa akin dahil alam ko na matutuwa sya at magugustuhan nya ito pero hindi kami nagkita agad at umabot sa dalawang linggo na hindi pa kami nagkikita at sinabi nya na nasa Cebu daw sila ng mga kaibigan nya, umalis sya ng walang pasabi at medyo nainis ako dito, pero dahil sa alam ko naman ang pagkatao ni Enzo na outgoing palagi ay natanggap ko din naman.
Hindi ko inaasahan na biglang magdedecline ang kalusugan ni Doc. Matagal na pala nyang alam na may Non-Hodgin’s Lymphoma sya pero hindi nya ito sinabi sa akin, para daw kasi sa kanya ay nag-uumpisa pa lang ang buhay ko at ayaw naman daw nya na maging pabigat sa akin. Nag-iyakan kaming dalawa ni Doc dahil sa malubha na ang kalagayan nya nun, mas lalo akong naiyak dahil sa ayoko pang mawala si Doc sa buhay ko, minsan ay masinsinan kaming nagkausap ni Doc at ito lang ang mga sinabi nya sa akin,
“Aero, I have lived an extraordinary life, nagkaroon ako ng pamilya at ikaw na naging anak ko, naging maganda ang career ko at nakapunta ako sa mga lugar na gusto ko, nagawa ko yung mga bagay na gusto ko, dun pa lang matagal nang solved ang buhay ko, wala na kong hihilingin pang iba, nung dumating ka sa akin, pakiramdam ko ikaw yung anak na binigay nya sa akin, kaya sobrang saya ko kasi for once, nakumpleto ang lahat sa buhay ko. Ikaw nag-uumpisa pa lang ang buhay para sayo, anak. Habang nandito ako ay hinding-hindi mo maibabalik ang pagmamahal mo sa pamilya mo, kaya hanggang dito na lang ako. At ang gusto ko ay bumalik ka sa inyo at humingi ka ng tawad sa parents mo. Wag kang malulungkot pag nawala na ako, alam mo kung gaano ako kasaya sa buhay ko at yun ang gusto kong isipin mo. Mawawala man ako physically, pero ikaw kailanman hindi kita makakalimutan, titignan pa din kita kung nasaan man ako mapupunta, I love you son” ang sabi ni Doc at hindi ko na napigilang mapahagulgol. Ipinangako ko kay Doc na mabubuhay ako sa paraang gusto nya para sa akin at yun ang pinanghawakan nya bago sya mawala. Dahil sa isang forbidden child si Doc, meaning anak sa labas ay walang kumilala sa kanya na mga kamag-anak kaya ako ang nag-asikaso sa kanya nung nawala sya. Tinulungan ako ng mga magulang ko sa pag-asikaso ng lahat. Tinatawagan ko si Enzo para puntahan nya ako pero busy pa din daw sya sa mga commitments nya dito sa Manila, nalungkot ako kasi kahit na malapit lang sya sa akin ay napili nyang tiisin ako at kung kalian naman na kailangan na kailangan ko sya ay wala naman sya, pero hindi ko masyadong naramdaman ang bigat nito dahil sa tinulungan ako ng pamilya ko. Hiniling ni Doc na macremate sya at isaboy ang abo nya sa dagat. Sinunod ko ito at sobrang sakit sa akin na mawala si Doc, pero naalala ko ang pangako ko sa kanya na ipagpapatuloy ko ang buhay ko na masaya kahit wala na sya, ang importante ay yung mga pinagsamahan namin na kailanman ay hinding-hindi ko makakalimutan. Dahil sa walang kinikilalang kamag-anak si Doc ay sa akin nya ipinamana ang lahat lahat ng meron sya, sa isang iglap nabago ang buhay ko at ng pamilya ko. Hindi ko inasahan ang ipinamana sa akin ni Doc, pinarenovate ko ang bahay namin sa Mandaluyong para sa pamilya ko at ako na ang sumusustento sa kanila, gusto ko kasi ipakita sa kanila na kahit na hindi naging maganda ang mga nangyari sa amin noon ay nandito pa din ako bilang anak at hindi ko sila pababayaan. Ipinakita ko sa lahat na ibang iba na kami kumpara sa dati, sa ilang kamag anak namin na nagmaliit sa amin at sa mga taong nakagawa ng mali sa pamilya namin ay sinigurado ko na titiklop ang mga palong nila pag nakita na nila kung gaano na kami kaiba simula noon.
Halos tatlong buwan kong hindi nakita si Enzo, alam ko na alam nya ang mga nangyari sa akin habang wala sya kaya sumama ang loob ko sa kanya dahil sa iniwan nya ako nung mga panahong kailangan ko sya, hindi man nya nasabi ang dahilan nya pero nakukutuban ko na kung bakit hindi sya nagpapakita sa akin nung mga panahong yun. Binigyan ko ng pagkakataon si Enzo na ipaliwanag ang lahat pero iba pala ang pakay nyang sabihin nung nagkita kami, gusto nyang ipaalam sa akin na sila na ni Karl. Sobrang nalugmok ako nung malaman ko ito mismo kay Enzo, pinaasa nya ako at niloko, dahil dun ay sobra akong nagalit sa kanya at kay Karl at sinabi ko sa balang araw na pagsisihan nilang dalawa ang ginawa nila sa akin, na babalikan ko silang lahat na hindi nagmahal sa akin, na isang araw ay sila naman ang iiyak at ako naman ang tatawa, hindi ko namamalayan na nagiging ibang tao na ako at bumalik din sa akin yung nabuong galit ko sa pamilya ko, pakiramdam ko kasi ito ang ugat kung bakit hindi ako kayang mahalin ng ibang tao.
Hindi ko alam ang gagawin ko noon, kahit na may pera na ako nun ay napakalaki pa din ng kulang sa buhay ko, tinulungan ako ng mga kaibigan ko na maiayos ang pananaw ko sa buhay at pinilit ko na maging maayos para maisakatuparan ang mga plano ko. Ayokong malulong sa mga bisyo dahil sa hindi ako namulat sa ganung mga bagay at alam ko na ayaw ni Doc na maging ganun ang buhay ko. Naging masama ang ugali ko hindi dahil sa gusto ko lang, kundi dahil sa mga taong nagreject sa akin. Nung mga pagkakatong yun ay mas lalo kong naramdaman ang pagkawala ni Doc. Kung nandyan kasi sya ay hindi ako magiging ganun dahil ayaw ni Doc na maging ganun ako, pero nangyari na ang mga nangyari at alam ko nung mga panahong yun na merong kailangang magbayad sa kalungkutan na nararamdaman ko.
Nag-enroll ako sa UST nun bilang med student, gusto ko kasing pantayan yung narating ng mga kapatid ko. Ang Kuya ko kasi ay nakagraduate sa La Salle sa pamamagitan ng scholarship at ang Diko ko naman ay nakapagtapos sa Ateneo na iginapang ng mga magulang ko. Gusto kong patunayan sa mga magulang ko noon na nagkamali sila sa akin dati, gusto ko ipakita na kinaya ko ang apat na taon sa college at lalong mas kakayanin ko ang pag-aaral ng medicine. Kung dati ay hindi o bihira akong pumunta sa mga family gatherings ay sinisigurado ko na inaattendan na namin ang lahat ng ito, nabago ang tingin sa amin ng mga tao at mga kamag-anak namin at kailanman ay hindi na kami nakarinig ng kahit na anong negative mula sa kanila.
Pagkatapos nun ay inisa-isa ko na sila, sinimulan ko ito kay Karl, inalam ko ang modeling agency nilang dalawa ni Enzo at kinaibigan ko ang mga may-ari at head nito, binayaran ko sila para tanggalin nang pakonti-konti ang mga project ni Karl hanggang sa mawalan na sya ng project, dahil dito ay nagtaka si Karl kung bakit nawalan sya ng project sa kabila ng in demand status nya sa mga advertisers at advertising agencies. Nakita ko kung gaano nalungkot si Karl at natuwa ako na sa wakas ay naramdaman din nya kung ano ang pakiramdam ko nung naging sila ni Enzo. At hindi pa dun natatapos ang paghihiganti ko sa kanila, nalaman ko kung sino ang naging tulay para maging mag-on sila Enzo at Karl, at ito ang pinsan ni Karl at housemate nila sa condo na inuupahan nila na si Von.
Gwapo at malaki ang katawan ni Von, isa syang part time model pero ibang agency naman sya, nagtatrabaho bilang consultant sa isang realty company si Von. Kinaibigan ko sya at hindi nagtagal ay nahulog ang loob nya sa akin at nagpanggap ako na ganun din sa kanya. Pero isang palabas lang ito para sa akin para mas mapalapit ako kina Enzo at Karl, mas mapapadali kasi ang mga plano ko kung mas malapit ako sa kanilang dalawa, mas napapadalas ang pagpunta ko sa condo nila at ang paglabas-labas naming apat, dito ay nakita ko kung gaano nila kamahal ang isa’t isa at mas lalo akong nainis sa mga nakikita ko, sa tuwing kakain kami ay sinisigurado ko na makukuha ko ang atensyon ni Enzo para magselos si Karl at hindi nagtagal ay na-master ko na ito hanggang sa umuuwi kaming apat na naiinis si Karl kay Enzo dahil sa napapako ang atensyon sa akin ni Enzo.
Hindi ko na pinaabot sa punto na tanungin ako ni Von kung pwede maging kami, ipinaalam ko sa kanya na hanggang magkaibigan lang kami at hindi kami pwedeng maging magpartner. Natanggap naman ni Von yun at hindi sya nagalit sa akin, sa halip ay naging mas close pa kami nang dahil dun. Nung mga panahong yun ay alam ko na “hooked” na sa akin si Enzo kaya madalas kaming magkita at lumabas kahit na sila pa din ni Karl. Ginawa ko ang lahat para mahulog si Enzo sa akin at nagtagumpay ako, may pagkakataon pa na mas pinipili nya na makasama ako kesa kay Karl.
Madaming projects si Enzo nung mga panahong yun at ipinatanggal ko ang lahat ng ito sa agency. Kahit na tutol sila dito dahil sa laki ng mawawalang kita ng agency sa pag-aalis nila ng project kay Enzo. Tinapatan ko ang kikitain ng agency sa mga projects na aalisin nila kay Enzo at dinagdagan ko pa ang babayaran ko para hindi sila magdalawang isip na gawin ito. Ginawa naman nila na alisin ang mga projects ni Enzo at nalungkot sya. Dahil dito ay mas nagconfide sya sa akin, alam ko kasi na walang magagawa si Karl dito samantalang ako ay marami ang kaya kong gawin. Sinabi ko kay Enzo na tutulungan ko sya na magkaroon ulit ng mga project, habang naghihintay ay babad sa gym si Enzo dahil sa inassure ko sya na magkakaroon sya ng madaming projects. Dahil sa mga koneksyon na meron ako ay naibalik ko ang mga projects ni Enzo at nadagdagan pa ito. Simula nun ay palagi na silang nag-aaway ni Karl kaya palaging nakikipagkita sa akin si Enzo para magsabi ng mga hinaing nya sa relasyon nila ni Karl. Ipinaramdam ko sa kanya na lagi akong available para sa kanya at dahil dun ay nahulog na nang tuluyan si Enzo sa akin.
Bukod kay Enzo ay naging abala din ako sa pag-aaral sa school, naging masaya ako sa panahong nilagi ko habang ako ay nag-aaral ng medisina, doon ko nakilala si Max at si Justin na naging inspirasyon sa akin na balang araw ay magiging katulad ko din, pero alam ko naman na malayong-malayo ang estado naming dalawa ni Max at kung merong love story na para sa akin ay sigurado ako na hindi ito kasing tamis nung sa kanila ni Justin. Alam ni Max ang lahat ng mga nangyayari sa akin at alam ko na kailanman ay hindi sya nagkulang ng mga paalala sa akin bilang isang kaibigan.
Naninimbang ako sa mga nangyayari sa amin ni Enzo, may part kasi ng utak ko na parang nakokonsensya sa mga ginagawa ko at meron din namang part sa akin na masaya ako, dahil dun ay madalas akong mapunta sa dalawang sikat na lounge sa Newport at sa isang lounge ko nakilala si Rex. Si Rex ay isang bartender. Nakilala ko sya dahil lagi ko syang natyetyempuhan na nakaduty at sya ang palaging gumagawa ng mga drinks ko. Nabaitan kasi ako kay Rex at nakita ko ang sarili ko sa kanya nung nagsisimula pa lang ako noon sa college. Mas matangkad sa akin si Rex at malaki ang built ng katawan nya, hindi naman ganun ka-defined ang katawan nya pero banat naman sya sa trabaho kaya makisig din syang tignan. Sa lahat ng empleyado doon ay sigurado ako na si Rex ang pinakagwapo sa lahat. Kung hindi nga lang sya nakauniform ay mapagkakamalan mo syang customer at hindi empleyado.
Nagkakalabuan na sila Enzo at Karl at hindi nagtagal ay nagkahiwalayan sila. Natuwa ako sa nangyari sa kanila at sa isip ko ay panigurado na sa akin babalik si Enzo, hindi ako nagkamali at ito na nga ang nangyari. Sinabi ko na lang kay Enzo na wag namin madaliin ang lahat at pumayag naman sya, alam kasi nya na magiging kami din pagkatapos ng ilang buwan pero hindi ito nangyari dahil sa pinaasa ko lang din sya kagaya ng ginawa nya sa akin dati. Doon ay parang nakaganti na ako sa kanya sa lahat ng sakit na binigay nya sakin noon. Halos magmakaawa si Enzo sa akin noon at pinagbigyan ko sya, dito ay pinasakay ko sya na kami pero hindi na ako ganun ka-attached sa kanya. Ipinakita ko din kay Karl kung ano yung dapat na sa akin dati pa, na kung hindi sya nanghimasok sa amin ay malamang na matagal na akong masaya.
Tuwing biyernes ay nagpupunta ako sa lounge kasama ang ilang mga kaibigan, dito ay mas lalo akong napalapit kay Rex. Mabait na tao si Rex at hanga ako sa determinasyon na meron sya. Madami din akong nalaman sa kanya dahil sa madalas na pagpunta ko dun. Nalaman ko na nag-aaral pala sya dati sa isang sikat na school na para sa mga marine o seaman. Natigil lang sya sa pag-aaral dahil sa kailangan nyang suportahan ang pamilya nya, iniwan na kasi sila ng tatay nila, pero mas lalo akong humanga sa kanya dahil sa pagmamahal nya sa tatay nya kahit iniwan sila nito, na iba sa akin dahil sa hindi nga kami iniwan ng papa ko pero nabuo ang sama ng loob ko sa kanya nung mga panahong itinataguyod ko ang sarili ko imbis na sya ang nagtataguyod sa akin. Ibang klase na tao si Rex at madami akong natutunan sa kanya na hindi ko pa nalalaman dati. Responsable at mabait na anak si Rex at umasa ako na balang araw ay matutulad din ako sa kanya.
Habang tumatagal ay naging magkaibigan na kami ni Rex, tinulungan ko syang makapag-aral muli dahil sa isang taon na lang ay makakagraduate na din sya at sayang naman kung hindi nya ito matapos. Ayoko naman kasi na habambuhay na lang sya dun sa lounge habang ang mga kapatid nya ay titulado na at sya ay hindi pa. Nagkunwari ako na ikukuha ko sya ng scholarship at umupa ako ng tao na kunwari ay kakausap sa kanya. Ayoko kasi na malaman nya na sa akin manggagaling ang lahat dahil sigurado ako na hindi nya ito tatanggapin, kaya itinago ko ito sa kanya. Pati allowance ay nilakihan ko na din dahil sa titigil na sa pagtatrabaho si Rex para makapagfocus sya sa pag-aaral nya, para kahit papaano ay matulungan pa din nya ang Mama nya at ang mga kapatid nya.
Nakapag-enroll si Rex bago pa naman dumating ang pasukan kaya nilagi nya muna yung natitirang buwan para sa trabaho. Nagpasalamat sa akin si Rex dahil tinulungan ko daw syang makahanap ng scholarship, ipinangako ni Rex sa akin na hinding-hindi nya ako papahiyain sa taong hinihingian ko ng scholarship para sa kanya, na gagawin nya ang lahat ng makakaya nya para makagraduate, kung alam lang ni Rex nung mga panahong yun na ako ang nagpapaaral sa kanya ay malamang hindi nya ito tatanggapin. Ayoko din kasi magkaroon sya ng utang na loob sa akin, gusto ko lang tumulong sa kanya dahil ang mga katulad nya yung mga taong hindi masyadong nabigyan ng oportunidad na makapag-aral pero gagawin ang lahat makabalik lang dito.
Napapansin din ni Enzo na palagi akong lumalabas na hindi sya kasama, sinasabi ko na lang na biglaan ang mga lakad ko kaya hindi ko na sya naisasama o naiinform man lang, dahil sa sobrang pagmamahal ni Enzo sa akin nung panahong yun ay hindi sya nagagalit sa akin, at sa tuwing nag-aaway kami na kahit kasalanan ko ay hindi ako nagsosorry sa kanya bagkus sya pa ang nagsosorry sa akin. Iba na ang naging estado namin ni Enzo simula nung pinaikot nya ako, alam ko na ramdam nya na parang ginagantihan ko sya pero dahil sa pagmamahal nya sa akin ay hindi na nya ito naisip pa.
Minsan ay nagpunta ako sa lounge at dahil masama ang panahon kaya hindi nakapunta ang mga kaibigan ko kaya napagpasyahan ko nang umuwi ng maaga. Sakto namang lumakas ang ulan nung pauwi na ako ng past 8 PM. Nagpasundo ako sa driver at sinabi naman nyang on the way na sya. Dahil sa tagal nya ay lumabas na ako ng lounge at naghintay sa lobby. Dito ay binati ako ni Rex na pauwi na nung mga oras na yun, dahil sa lakas ng ulan ay hindi din sya nakaalis agad kaya nagkakwentuhan muna kami. Halos isang oras na ang lumipas at medyo humina na ang ulan. Tinawagan ako ng driver at sinabi na baha yung dadaanan nya, nakatira pa kasi ako nun sa San Lazaro na malapit sa school. Wala naman akong ibang magawa kundi maghintay na humupa ang baha, sinabihan ko na lang ang driver na bumalik na lang sa bahay at baka mapahamak pa sya sa baha. Sinabi ko na lang na magtataxi na lang ako kahit na malayo ang bahay. Narinig ito ni Rex at inaya nya ako sa kanila, para naman daw makilala ko ang pamilya nya at ang mga kapatid nya, sinabi din nya na birthday ng Mama nya nun at gusto daw akong makilala para daw makapagpasalamat sa akin dahil sa “hinanap” ko ng scholarship si Rex. Dahil ayoko din naman na mapahiya si Rex ay sumama ako sa kanya. Sa Mandaluyong din nakatira sila Rex na malapit lang sa bahay ng magulang ko.
Pagdating namin sa kanila ay rinig ko na ang kantahan ng mga bisita nila, ramdam ko na masayang masaya sila, ito kasi yung pakiramdam na hindi ko na yata alam dahil sa mga nangyari sa akin. Bago pa man kami makarating sa kanila ay sinabi sa akin ni Rex na,
“Pasensya na sa bahay namin ah, maliit lang yun, tsaka nilakasan ko na loob ko na maisama kita kasi gusto ka talaga makilala ni Mama”
“Ano ka ba hindi naman ako ganun, tsaka ok lang yun, salamat din kasi ininvite mo ko dito sa inyo, para naman makatawa naman ako ng totoo” ang sagot ko sa kanya at nagtawanan kaming dalawa.
Pagdating namin sa bahay nila ay masayang-masaya silang nagkakantahan. Puro mga kamag-anak din nila Rex ang mga kapitbahay nila kaya pamilya talaga sila doon sa lugar nila. Naalala ko ang bahay namin na minsang naging masaya para sa akin. Bigla akong sinalubong ng Mama ni Rex at niyakap nya ako dahil sa pasasalamat nya sa akin sa “paghanap” ng scholarship para sa anak nya.
“Wala po yun, kaibigan ko naman po yang si Rex eh natural lang po na tulungan ko sya, sorry nga po pala wala akong dalang regalo” at napangiti ako sa Mama ni Rex.
“Ay ok lang yun, ikaw naman, wala yun, basta nandito ka at nakilala ka namin ok na yun anak” ang sabi ng Mama ni Rex sa akin. Ramdam na ramdam ko ang mainit na pagtanggap sa akin ng pamilya ni Rex, nakilala ko din yung dalawang nakababatang kapatid ni Rex. Panganay kasi si Rex sa tatlong magkakapatid na lalaki na parang katulad sa amin, bunso nga lang ako. Kahit ang mga pinsan at mga kamag-anak ni Rex ay mainit din akong tinanggap, pinapakanta nila ako sa videoke at pinagbigyan ko naman sila, nung una ay pinipigilan sila ni Rex na pakantahin ako dahil sa nahihiya sya sa akin pero dahil sa hindi naman ako killjoy ay pumayag na din ako. Tuwang tuwa sila habang kumakanta ako at dahil doon ay naramdaman ko yung saya na totoo. Doon lang ulit kasi ako nakatawa ng bukal sa puso ko, simula kasi nung mawala si Doc ay hindi ko na nagawang makatawa pang muli nang totoo. Nung panahong yun ay naramdaman ko ang pamilya ni Rex na tanggap na tanggap ako at yun marahil ang nagdulot sa akin ng kaligayan na doon ko lang ulit naramdaman. Pagkatapos ko kumanta ay kinausap ako ni Rex.
“Pasensya ka na ha? Napakanta ka pa tuloy”
“Hindi, ok lang yun, nag-enjoy ako, ang saya dito sa inyo, sana nga ganito din sa bahay” ang sagot ko kay Rex. Nahalata nya na malungkot ako deep inside kaya inaya nya ulit ako sa loob ng bahay nila. Matagal din ang nilagi ko kina Rex. Nagsimula kasing umulan ulit simula nung dumating kami sa kanila at panigurado ay hindi na ako makakauwi sa amin. Tinawagan ko ang mga tao sa bahay at sinabi nila na baha pa din ang dadaanan pauwi ng bahay. Kahit na pwede naman akong umuwi sa bahay namin na malapit kina Rex ay hindi ko na ginawa, nung panahong yun kasi ay mas pipiliin ko pang matulog sa motel wag lang umuwi sa bahay namin. Nang dumating ang alas dose ng madaling araw ay nag-uwian na ang mga bisita nila Rex, tumulong ako na magligpit bilang respeto sa kanila at pinigilan ako ng Mama ni Rex dahil sa nahihiya sya sa akin at bisita daw ako. Nang magpaalam na ako sa kanila ay pinigilan ako ni Rex, wala na daw akong masasakyan dahil sa ang mga daanan ng jeep at taxi sa kanila ay baha na. Sinabi din ng Mama ni Rex na delikado kung uuwi pa ako sa amin dahil sa malakas ang ulan at kung baka ano pa ang mangyari sa akin sa daan. Nagmungkahi si Rex na,
“Dito ka na lang matulog sa amin, may double deck naman kami sa kwarto”
“Ok lang ba? Naku sorry ha naging asikasuhin pa tuloy ako sa inyo” ang sagot ko na narinig ng Mama ni Rex.
“Ay hindi, pag kaibigan ng mga anak ko anak na din ang turing ko, hindi ka na ibang tao sa amin anak kahit ngayon ka lang namin nakilala” ang sabi ng Mama ni Rex sa akin. Natuwa ako sa narinig ko at napangiti ako.
“Oo nga Kuya Aero, dito ka na lang matulog” ang sabi ng pangalawang kapatid ni Rex na si Aldrin.
Natuwa ako sa mga nangyari sa akin nung panahong yun, sila Rex kasi kahit hindi sila mayaman noon ay willing silang i-offer kung anuman ang meron sila. Merong dalawang kwarto sa bahay nila Rex, magkasama silang tatlong magkakapatid sa isang kwarto at ang Mama naman nila ay sa isang kwarto. Nung gabing yun ay natulog ang dalawang kapatid nya sa kwarto ng Mama nya at kaming dalawa ay natulog ng magkatabi. Nung una ay ayaw pa nya ako tabihan kasi daw baka hindi ako sanay ng may katabi, dahil sa nakikitulog lang ako ay nakakahiya naman kung magdedemand pa ako sa kanila kaya sinabi ko na lang kay Rex na ayos na ayos lang sa akin na magtabi kami sa kama. Pinahiram din nya ako ng mga damit na pangtulog pero nahiya sya nung tanungin nya ako kung may pamalit ako na underwear. Pinakita ko sa kanya na meron akong dalang extrang underwear at iba pang kailangan katulad ng toothbrush na nasa bag ko. Nasanay kasi ako na magdala para sa mga emergency na pangyayari kagaya ng biglaang sleepovers katulad nun.
Hindi kami agad nakatulog ni Rex dahil sa nagkwentuhan muna kami hanggang sa nakatulugan na namin ang isa’t isa. Hindi ko maipaliwanag pero komportable ang pagtulog ko sa kanila nung panahong yun, malamang siguro na pagkasama mo yung taong pinagkakatiwalaan mo ay mahihimbing talaga ang tulog mo. Hindi ko din alam ang paliwanag pero yun ang naramdaman ko nung magising ako.
Halos sabay lang kami na nagising ni Rex at lumabas na kami ng kwarto at nakita ko na naghahanda na ng almusal ang Mama ni Rex. Sobrang touched ako sa ipinakitang hospitality ng pamilya ni Rex sa akin, naramdaman ko kasi na parte ako ng pamilya nila at hindi bisita. Bago umalis ay nagpasalamat ako sa kanilang lahat at sinabi ko sa sarili ko na isang araw ay makakaganti din ako sa pagtanggap nila sa akin at sa kabutihan na ipinakita nila sa akin.
Alalang-alala si Enzo na naghintay sa bahay na makarating ako. Pagbukas pa lang ng pinto ay sya na ang bumungad sa akin. Sinabi ko na lang na pagod ako at tumuloy na ako sa kwarto ko. Pagkatapos kong maligo ay nakatulog na si Enzo sa higaan ko. Natuwa din ako sa kanya kahit papaano dahil sa ipinakita nyang concern sa akin. Tumabi ako sa kanya at tumalikod at nakatulog na ako. Paggising ko ng bandang hapon ay wala na si Enzo sa tabi ko. Nag-iwan na lang sya ng note na agad ko ding itinapon pagkatapos basahin. Hindi ko pa din makalimutan yung saya na naramdaman ko nung nakila Rex ako, kumpara sa tinitirhan ko na kasama ko lang ang dalawang kasambahay at isang driver ay puno ng lungkot ang tinitirhan ko.
Pagkatapos nun ay balik na ulit ako sa mga ginagawa ko, sa school at sa pagiging kuwariang partner kay Enzo. Dahil sa ipinapakita ni Enzo sa akin ay hindi ko minsan maiwasan na matuwa sa kanya. Sa kabila kasi ng mga nangyari sa amin ay ramdam ko naman na mahal na nya ko nung panahong yun. Pero hindi ko pa din maialis sa akin na hindi ko sya gantihan sa sakit na dinulot nya sa akin, kahit na papaano ay may natitira pa din naman akong pagmamahal sa kanya at kung minsan ay nagiging mabait ako sa kanya.
Sa tuwing naaalala ko ang mga pangyayari nung birthday ng Mama ni Rex ay hindi ko maiwasan na mapangiti. Kaya naisip ko na padalhan sila ng grocery at pera. Malaki kasi yung bakanteng lote sa gilid nila Rex at sa tingin ko ay pwede naman nila itong rentahan para gawan ng sari-sari store at karinderya. Masarap kasi magluto ang Mama ni Rex na nagtatrabaho bilang cook sa isang canteen sa isang eskwelahan na malapit sa kanila. Dahil sa daanan ng tao ang lugar nila Rex ay sa tingin ko ay kikita sila ng malaki kung ang Mama nya ay magtatayo ng tindahan at karinderya. Pagkatapos mamili ng mga grocery na kakailanganin nila at para sa tindahan ay pinadeliver ko ito. Nagbigay din ako ng pera na pantayo nila ng tindahan at karinderya at ang bayad sa upa ng pepwestuhan nila. Naglagay na lang ako ng isang note na kung para saan ang pera at ipinadala ko sa isang tao na para hindi nila malaman na sa akin ito nanggaling. Ibinalita sa akin nung nagdeliver na tuwang-tuwa ang Mama ni Rex nung matanggap nya ang lahat ng pinadala ko sa kanila kahit na nagtataka sya kung bakit sila nakatanggap ng ganun. Kung tutuusin ay kulang pa yun sa lahat ng kabutihan na ipinakita nila sa akin at masaya ako na napasaya ko ang Mama nya.
Hindi naputol ang communication namin ni Rex na nagsimula na ng pagbalik nya sa school. Kitang-kita ko ang kaligayahan sa kanya na nakakapag-aral na sya ulit. Nakutuban din nya na ako yung nagpadala sa kanila nung mga grocery at pera. Pati na yung scholarship na meron sya ay nakutuban din nyang sa akin lang ito nanggaling. Itinanggi ko ito dahil sa alam ko na ibabalik lang ni Rex sa akin ang lahat ng yun dahil sa nahihiya na daw sya sa akin dahil sa sobra-sobrang tulong na binibigay ko sa kanya. Sinabi ko na lang sa kanya na kung ako man yung nagpadala ay aaminin ko din naman, pero nagmatigas ako at napanindigan ko na hindi ako yung nagpadala kahit na alam ko na huling-huli na ako ni Rex.
“Aero, kahit hindi mo aminin nararamdaman ko na ikaw yun. Sobrang salamat sayo, nabago na nang tuluyan ang buhay namin, balang araw makakabayad din ako sayo” ang tinext sa akin ni Rex. Sa totoo lang ay hindi ako umaasa ng kapalit sa pagtulong ko kay Rex at sa pamilya nya at ayokong mangyari yun. Deserving kasi silang tulungan at anytime na kailangan nila ito ay hindi ako magdadalawang isip na ibigay ito sa kanila.
Makalipas ang ilang buwan ay naging successful ang itinayong business ng Mama ni Rex. Nagsimula na din silang maghulog para sa tricycle nila na ginagamit nilang service sa tuwing mamimili ang Mama nya ng mga kailangan sa tindahan at sa karinderya at kung hindi naman ito ginagamit bilang service ay pinapasada ito ng Tito nya. Tuwang-tuwa ako dahil sa alam ko na kailanman ay hindi na babalik sa dating estado ng buhay sila Rex.
Kahit hindi aminin sa akin ni Enzo ay alam ko na mahal pa din nya si Karl, hindi naman kasi ganun kadaling kalimutan ang isang tao lalo na kung nagkaroon kayo ng relasyon, pero alam ko din na mahal na ako ni Enzo kaya nahihirapan syang hiwalayan ako. Doon nabuo sa akin ang ideya na hiwalayan ko si Enzo para masaktan ko sya, para naman maiparamdam ko sa kanya yung sakit na ibinigay nya sa akin noon. Minsan ay nakita ko silang dalawa sa SM North Edsa na magkasama, nagtaka ako dahil sa alam ko ay wala na silang communication. Nilapitan ko silang dalawa at kinompronta.
“Ano ‘to?” ang sabi ko sa kanilang dalawa. Sinigurado ko na makikita nila ang galit ko.
“Ah wala nagkasalubong lang kami” ang sagot ni Enzo sa akin. Hindi alam ni Enzo ang ikikilos nya nung panahong yun.
“Wag ka mag-alala, nagkasalubong lang talaga kami. Tsaka wala akong balak bawiin si Enzo sayo” ang sagot ni Karl, nahalata ko na naiinis sya sa akin nung mga panahong yun kaya sinamantala ko ang pagkakataon na makaharap sya.
“Bawiin? Oo nga pala, bago maging kayo ni Enzo dapat kami eh, kaso umepal ka kaya yun, sorry” ang sabi ko kay Karl.
“Ah, ok lang, nasa sayo naman na si Enzo eh, so masaya ka na nyan for sure, diba?” ang sabi ni Karl habang tinignan ako nang masama.
“Anong ibig mong sabihin?” ang sagot ko sa kanya at tinignan sya ng diretso, dito ay hindi na mapakali si Enzo dahil sa alam na nya namumuo na ang tensyon sa pagitan naming dalawa ni Karl.
“Masaya, nasa sayo na yata ang lahat eh, may pera ka, nasa sayo na si Enzo, uulitin ko, masaya ka ba talaga?” ang sabi ni Karl sa akin. Dito ay nanggigil na ako sa kanya.
“Anong sabi mo? Baka gusto mong kainin yang tanong mo sakin? Pipiliin mo yung mga salitang bibitiwan mo kapag kaharap mo ko, hindi mo alam ang kaya kong gawin” at nginitian ko si Karl na may halong pang-aasar. Pagkatapos nun ay inawat kami ni Enzo at umalis na kaming dalawa. Inis na inis ako kay Enzo nung mga oras na yun, pakiramdam ko kasi sinadya talaga nilang magkita ni Karl. Dahil sa gigil ko sa kanya ay pinagsalitaan ko sya ng kung anu-ano at hindi ko sya pinasakay sa sasakyan. Sinabi ko din sa bahay na wag syang papapasukin kapag pumunta sya.
Gustong-gusto ko nang hiwalayan si Enzo nung mga oras na yun dahil sa alam ko na masasaktan sya pag ginawa ko yun. Pagkatapos ng dalawang araw ay pinuntahan ko si Enzo sa labas ng bahay nila at dito ay hiniwalayan ko sya. Dinahilan ko ang naging pagkikita nila ni Karl at sinabi ko na malamang ay pinagtataksilan nya ako. Naiyak si Enzo dahil sa ginawa ko at halos magmakaawa sya na wag kaming maghiwalay. Pero buo na din ang loob ko na makipaghiwalay sa kanya bukod sa gusto kong maramdaman nya ang sakit na naramdaman ko noon ay nakokonsensya din ako dahil sa hindi ko na sya ganun kamahal at gusto ko na din tapusin ang ilusyon na binuo ko. Sinabi na lang ni Enzo na hindi sya susuko sa akin at hindi na ako kumibo at umalis na. Sa totoo lang ay akala ko magiging masarap sa pakiramdam ko na makita syang ganun pero hindi din pala. Alam ko na mali ang ginawa ko pero ninais ko na mangyari yun para malaman ni Enzo ang pakiramdam ng iniwan at para hindi na nya gawin yun sa iba. Sa ilang buwan na pagkukunwari ko na mahal ko sya ay alam ko sa sarili ko na naging masaya din naman ako sa piling ni Enzo, pero may mga plano ako na dapat kong isakatuparan kaya mas naging importante sa akin na makapaghiganti kesa sa maging masaya na kasama sya.
Pagkatapos ng nangyari sa amin na hiwalayan ni Enzo ay mas napapadalas ang pagkikita at pagsasama namin ni Rex, marahil ay gusto nya pa na mas makilala namin ang isa’t isa at maging mabuting magkaibigan. Inamin nya sa akin na may nililigawan sya na schoolmate nyang babae nung oras na yun pero sabi nya ay hindi daw sya gusto nito. Wala akong naramdaman na kahit na ano dahil sa alam ko na pagkakaibigan lang ang meron sa amin ni Rex. Inencourage ko na lang sya na maghanap na lang sya ng iba, tutal gwapo at matangkad naman sya at hindi imposible na magustuhan sya ng babaeng liligawan nya. Masaya din ako na magkaroon ng isang kaibigan na katulad nya kahit na alam nya na bisexual ako. Ni minsan ay hindi ako trinato na iba ni Rex at kahit minsan ay hindi ako nakaramdam ng pagkainip sa kanya nung mga panahong magkasama kami. Dahil sa pagiging busy namin pareho sa school ay napagkasunduan namin na lagi kaming magbobonding tuwing biyernes. Dito ay pumupunta kami ni Rex sa mga lugar sa Manila katulad ng Intramuros, Luneta Park, Chinatown at iba pang pasyalan. Naging hingahan ko din si Rex sa lahat ng mga saloobin ko at sya yung taong unang nakakaalam ng mga bagay na sa isang kaibigan ko lang ipinagkakatiwala. Nakasanayan na namin gawin ito ni Rex sa loob ng ilang buwan at masaya ako na nagawa namin ang mga bagay na yun. Madalas kaming kumain sa labas ni Rex sa tuwing gumagala kami, hindi na namin alintana yung mga matang nakatingin sa amin parati. Iba kasi ang nabuong samahan namin ni Rex at kung minsan ay hindi maiwasan na paghinalaan kami na magkarelasyon lalo na ng ibang mga bisexuals at gays. Kahit na ganun ay mas lalong naging matatag ang pagkakaibigan naming dalawa. Alam ko naman na straight si Rex at malayo na mabuo ang pagtitinginan namin sa isa’t isa. Kung mangyari man yun ay ayoko na si Rex ang maging susunod na magmamahal sa akin. Pag hindi kasi naging successful ito ay panigurado ay mawawala din ang pagkakaibigan namin. Para sa akin, importante si Rex sa buhay ko at ayoko na mawala sya sa akin. Dahil na din sa pananabik ko sa isang pamilya ay mas napapadalas ang pagpunta ko sa kanila. Ramdam na ramdam ko kasi ang pagmamahal ng isang pamilya kapag nasa kanila ako. Natutuwa din ako na parang may mga nakakabatang kapatid ako sa katauhan ng mga kapatid ni Rex. Alam ko na may dahilan kung bakit ko nakilala si Rex at ito ang magbigay sa akin ng kaligayahan na makukuha ko lamang sa isang pamilya.
Isang umaga ay pumunta si Enzo sa bahay at gusto nyang magkabalikan kami. Pero nagmatigas ako na wag na sya balikan sa kabila ng pagsusumamo nya, kahit na pagkakaibigan ay tinanggihan ko, ipinakita ko sa kanya ang isang side ko na hindi pa nya nakikita. Pinagbawalan ko na din sya na pumunta ng bahay, dito ay nagalit si Enzo sa akin dahil sa sinaktan ko sya.
“Tama nga si Karl, masama ka talaga” ang sabi ni Enzo sa akin.
“Bakit? Sino ba nag-udyok sa akin para maging ganito ako, hindi ba ikaw din? Pinaasa mo ko, nung mga panahong kailangan kita nasaan ka? Hindi ba naglalandian kayo ni Karl? Masakit diba Enzo?” ang sagot ko sa kanya. Hindi agad nakakibo si Enzo.
“Sorry” at niyakap ako ni Enzo, bigla akong kumalas at umalis sa kinatatayuan namin at sinabing,
“Male-late na ko” at lumabas na ako ng bahay at umalis na. Habang nasa sasakyan ay nakita ko na lumabas na din si Enzo at nagpupunas ng luha nya, nakaramdam din ako ng awa para kay Enzo marahil nagmahal lang talaga sya nung sila pa ni Karl kaya hindi naging kami noon. Pero mas nangibabaw sa akin yung galit sa kanya at sinabi ko sa sarili ko na deserve nya yung sakit na nararamdaman nya nung mga panahong yun.
Hindi sumuko sa akin si Enzo nung mga panahong yun. Matindi ang persistence ni Enzo at alam ko na hindi nya ako susukuan. Sinabi ko na lang na balikan na lang nya si Karl dahil sa sila naman talagang dalawa ang nagmamahalan, pero talagang matigas si Enzo at hindi nya ako pinakinggan. Hindi ko na din pinapansin ang bawat tawag at text nya sa akin dahil sa ayoko na syang bigyan ng false hopes na magkakabalikan pa kami.
Pagkalipas ng isang taon ay malapit nang grumaduate si Rex, masaya ako para sa kanya dahil abot kamay na nya ang pangarap nya, matataas ang mga grades ni Rex at nagkaroon pa sya ng honors nung grumaduate sya. Kahit na naging busy ako sa school ay talagang hinahanapan ko ng panahon si Rex, gusto ko kasi ay palagi akong nandoon sa mga pagkakataon na gusto nyang kasama ako.
Kahit na isang taon na ang lumipas ay hindi pa din tumitigil si Enzo. Nabawasan na din ang galit ko sa kanya, at dahil dun ay tinanggap ko ang alok ni Enzo na maging magkaibigan kami.
Sa loob ng isang taon at mahigit na nakilala ko si Rex ay halos nabago na din ang pananaw ko sa buhay, nabawasan ang galit ko sa mundo. Naging totoo ang kasabihan na minsan ang kailangan mo lang sa buhay ay isang tao, yung isang tao na palaging magpapasaya sayo sa lahat ng oras, at yun ang nakita ko kay Rex. Inaamin ko na nahuhulog na din ang loob ko kay Rex, pero hindi ko ito hinayaang lumaki pa dahil sa panigurado ay aasa ako dito at ayokong masira ang pagkakaibigan naming dalawa. Dahil sa may mga trainings pa na kailangang gawin si Rex bago sya makasakay ng barko ay tuloy pa din kami sa mga ginagawa namin kagaya ng paglabas-labas tuwing biyernes at pagpunta sa bahay nila. Naging routine na sa akin ang paglabas namin ni Rex at naging outlet ko na din ito ng kaligayahan. Pakiramdam ko napakaswerte ko na naging kaibigan ko sya at alam ko sa sarili ko na walang makakapantay kay Rex sa buhay ko. Madalas akong sabihan ni Rex na umuwi ako sa amin, para kasi sa kanya importante ang pamilya at kahit kalian ang pamilya daw ang mga taong hinding-hindi ka iiwan. Madalas sabihin sa akin ni Rex yan sa tuwing nakikita nya sa akin ang nabuong galit ko sa pamilya ko. Alam ko na gusto lang ni Rex na mabuo nang tuluyan ang pagkatao ko sa pamamagitan ng pagpapatawad pero hindi ko pa din maramdaman ito sa sarili ko kaya hindi ko pa ito magawa noon.
Minsang nasa galaan kami ni Rex ay kwinento nya sa akin ang tungkol sa “The Captain and The First Mate”
“Merong isang cargo vessel noon na ang lulan lang ay puro lalaki, dahil sa palaging sila sila lang ang mga crew na magkakasama ay nabuo ang malalim na pagkakaibigan sa kanilang lahat, mas malalim ang naging pagkakaibigan ng kapitan ng barko na si Captain Sawyer at First Mate Jones, dahil sa lagi silang magkasama sa deck ng barko ay mas napalapit sila sa isa’t isa at mas naging mabuting magkaibigan sila. Madalas silang magkwentuhan tungkol sa buhay nila at ito ang mas nagpalapit sa kanila dahil sa ilang similarities sa buhay nila. Pareho silang may girlfriend na naghihintay sa kanila, at mahal na mahal nila ang mga girlfriend nila, minsan habang nakadaong ang barko ay binisita nila ang girlfriend nila, hindi nila alam na iisa lang pala ang girlfriend nila, na pareho silang naloko. Dahil dito ay nagpang-abot silang dalawa at nagkasapakan. Nawala ang pagkakaibigan nilang dalawa at kinamuhian ang isa’t isa. Dahil sa hindi alam ng management na may nabuong alitan sa kanilang dalawa ay pinagsama pa din sila sa parehong cargo vessel kasama ang parehong crew dahil sa maganda ang samahan nila nung muli silang umalis at dahil dun ay mas naging efficient ang biyahe nila kaya natuwa ang management at ginawa silang isang team. Kahit na ayaw na nilang dalawa na magkasama ang muli ay pinili nilang isantabi ito para sa ikakabuti ng lahat, at dahil sa walang nakakaalam sa nangyari sa kanila ay naging civil silang dalawa at nangpanggap na maayos sila. Pero napansin ng mga crew na hindi na sila nag-uusap sa tuwing nasa deck sila, kaya nagtaka sila dito, hindi nagtagal ay nalaman ito ng mga crew pero nagkibit balikat lang sila dahil sa alam nila na away magkaibigan lang ito at hindi magtatagal ay magkakaayos din ang dalawa. May mga pagkakataon na nagkakatinginan silang dalawa hanggang sa nagsorry si Captain Sawyer dahil sa ayaw nyang tuluyang mawala ang pagkakaibigan nilang dalawa. Dahil sa pagkakaibigan nila ay nagkapatawaran silang dalawa at sinabi nila na kailanman ay hindi na sila mabibiktima ng pag-ibig. Ipinangako din nila sa isa’t isa na wag magpapakasal habang ang isa sa kanila ay single pa. Simula noon ay bumalik na sa dati ang pagiging magkaibigan nila, pero hindi nila alam na pareho na pala silang nahuhulog sa isa’t isa. Pilit nila itong nilabanan pareho dahil sa ayaw nila na mahulog sa isang bagay na hindi naman dapat, kaya nagkaroon ng distansya sa kanila, pero alam nilang pareho na ang isa’t isa lang ang meron sila kaya hindi naging madali ang pag-iwas nila sa isa’t isa. Sinubukan nilang baguhin ang naging pakiramdam nila pero hirap silang labanan ito. Kahit na hindi nila sabihin ay ramdam nilang pareho na mahal na nila ang isa’t isa, pagmamahal na mas higit pa sa isang kaibigan, alam nila na mali ito pero wala silang magawa kundi sumunod sa nararamdaman nila. Hanggang sa isang araw ay dumaan sila sa karagatan na halos nagyeyelo na sa sobrang ginaw at sa hindi inaasahang pagkakataon ay natrap ang barko nila sa naging yelo na dagat. Hindi ito inaasahan ng lahat dahil sa hindi sila nakakaranas ng ganung pangyayari noon, meron namang barko na malapit sa kanila na nagbigay sa kanila ng ilang dagdag na makakapal na damit. Napagkasunduan nila na matulog nang magkakatabi para makapag-generate ng body heat at hindi mauwi sa hypothermia ang crew nya. Dahil magkaibigan naman sina Captain Sawyer at First Mate Jones ay natulog silang dalawa sa kwarto ni Captain Sawyer. Dito ay masaya silang nagkwentuhang dalawa, bukod sa sinasabi ng isip ay iba naman ang narararamdaman ng puso, may ilang pagkakataon na natatahimik silang dalawa at nagkakatitigan, pero dahil sa bugso ng damdamin ay hindi na nila nalabanan at nangyari na ang isang bagay na pareho nilang ginusto. Biglang hinalikan ni Captain Sawyer si First Mate Jones at may nangyari sa kanilang dalawa. Hindi nila pinagsisihan ito at ito pa ang naging daan para mas lalo nilang marealize ang nararamdaman nila sa bawat isa. Mahal na mahal nila ang isa’t isa at sila ay pumasok sa isang sikretong relasyon. Naging masaya sila sa una pero nabalot ng intriga ang pagiging couple nila nang merong makaalam sa mga crew at kumalat na ito sa buong team nila. Walang magawa ang dalawa kundi aminin sa lahat ang totoo, kahit na alam nila na hindi ito matatanggap ng lahat ay matapang nilang ipinagtapat ito sa lahat. Nalaman din ito ng management na kahit nasa gitna pa sila ng karagatan ay binigyan na sila ng warning dahil inappropriate daw yun at magkakaroon ng meeting pag nakabalik na sila sa Port. Naging malungkot ang dalawa sa mga nangyari pero dahil dun ay mas naging matatag ang pagsasama nila, na hindi na nila kailangan pang itago ito sa mga tao, na nagmamahalan sila kahit na hindi sang-ayon ang lahat. Bago pa man makarating ng port ang barko ay nadisgrasya ito. Nagkabanggan sila ng isa pang cargo vessel nung kasagsagan ng isang bagyo, dahil sa zero ang visibility sa dagat nung mga oras na yun kahit na mataas ang precautionary measures nila ay bumangga pa din ito sa kasalubong na barko. Sakto ang mga lifeboats na nakalagay sa barko pero nasira ang karamihan dito dahil sa ito yung parte ng barko na natamaan ng matindi. Walang magawa ang mga si Captain Sawyer kundi pagkasyahin ang mga crew nya sa mga lifeboats. Inuna nila ni First Mate Jones ang mga crew bago sila sumakay, pero dahil sa nakita nila na halos overloaded na ang mga lifeboats at pag sumakay pa sila ay lulubog na ito, ay nagpaiwan silang dalawa. Sumisigaw ang mga crew na sumakay na silang dalawa pero pinili nilang iligtas ang mga ito. Nakita ng mga crew kung paano naghawak ng kamay ang dalawa at nagyakapan, at yun na ang huling pagkakataon na nakita silang dalawa ng mga crew kasabay ng paglubog ng barko. Naluha ang mga crew sa ipinakitang pagmamahal sa kanila nila Captain Sawyer at First Mate Jones na sa kabila ng pangbabatikos nila ay pinili pa din na isalba silang lahat. Nang magkaroon ng inquiry tungkol sa aksidenteng nangyari at sa “misconduct” o yung naging relasyon nilang dalawa, napili ng crew na ilihim ito sa lahat ng hindi nakakaalam, ayaw kasi nilang mawalan ng honor sila Captain Sawyer at First Mate Jones kaya pinagtakpan nila ang tungkol sa naging relasyon nilang dalawa at sinabi nilang isa lang itong biruan nung nasa barko pa sila. Kahit namatay silang dalawa ay masaya pa din ang crew para sa kanila, alam kasi nila na habambuhay na magkasama na sina Captain Sawyer at First Mate Jones sa kabilang buhay”
“Ang ganda ng kwento no?” ang sabi ni Rex sa akin habang nakangiti.
“Saan mo naman narinig yang kwento na yan?” ang sagot ko sa kanya
“Nabasa ko lang, may isang note kasi na naiwan sa klase nung isang araw eh napansin ko may nakasulat binuksan ko para makita yung pangalan ng may-ari tapos yan pala yung nakalagay”
“Ah ganun” ang sagot ko sa kanya.
“Sana nga ganyan din ang mangyari sakin, yung isang magandang love story, pero syempre walang mawawala” sabay tingin sa malayo ni Rex at natahimik kaming pareho. Pagkatapos nun ay kumain kami sa isang restaurant na naging paborito namin ni Rex. Sa Chinatown ito at kahit na minsan ay wala kaming maupuan ay matiyaga kaming naghihintay dito. Naging parte na ito ng routine namin ni Rex at alam ko na babalik-balikan ko ang lugar na yun kahit na nasa barko na si Rex.
Nung birthday ko nung 2010 ay nagpunta ng madaling araw si Enzo sa bahay, sya yung unang tao na bumati sa akin at nagbigay ng regalo. Binigyan nya ako ng isang wristwatch bilang paalala daw na maikli lang ang buhay at kailangan nang gawin ang mga dapat gawin para maging masaya. Doon ay nakapag-usap din kami ng masinsinan, sinabi sa akin ni Enzo na susuko na sya sa akin, dahil sa alam naman daw nya na hindi ko na sya ganun kamahal at para daw magkaroon na ko ng ibang partner, sa kabila ng lahat ng nangyari sa amin ay gusto pa din ni Enzo na maging masaya ako. Hindi ko napigilang mapaiyak sa ginawa ni Enzo, sobrang natutuwa ako sa mga nangyari nun. Humingi din ako ng tawad sa kanya sa mga nagawa ko at dun pa lang ay parang lumuwag na ang dibdib ko. Hinikayat din ako ni Enzo na bumalik sa pamilya ko para daw tuluyan nang bumalik yung dating Aero na masayahin at mapagmahal, nangako ako na gagawin ko yun sa tamang oras. Pagkatapos nun ay umalis na si Enzo at masaya akong natulog pero makalipas ang isang oras ay may tumatawag sa akin na anonymous number. Nang sinagot ko ito ay si Karl ang nasa kabilang linya.
Madali akong nagbihis at umalis ng bahay, pumunta ako sa sinabi na ospital ni Karl at nagkita kami, dito ay nagkatitigan kami at lumapit ako at nagyakapan kami. Hindi na namin napigilan na umiyak pareho dahil sa aksidente na tinamo ni Enzo habang pauwi ito sa kanila. Nasa critical stage si Enzo nung mga oras na yun at hindi din ako mapakali, dito ay nagkausap kaming mabuti ni Karl at humingi ako ng tawad sa kanya sa mga nangyari sa amin na hindi maganda, ito ang naging simula para maging maayos ang pakikitungo namin sa isa’t isa. Na-comatose si Enzo ng ilang araw at ipinagdasal ko sa Kanya na aayusin ko ang lahat sa buhay ko maging mabuti lang ang kalagayan ni Enzo. Mabait ang Diyos at narinig nya ang mga panalangin ko. Makalipas ng limang araw ay nagkamalay na si Enzo at maswerte na walang nadamage sa spinal cord nya kaya hindi sya naparalyze.
Alam ni Rex ang nangyari kay Enzo at bumisita pa ito sa ospital, akala nila Enzo at Karl na kami na pero sinabi ko sa kanila na malabo na mangyari yun. Nang matapos ang pagbisita namin ni Rex sa ospital ay sabay kaming kumain sa dati naming kinakainan sa Chinatown, malungkot din ako nung mga panahong yun dahil sa matatapos na ang mga training ni Rex at aalis na sya. Pagkatapos namin kumain ay nagkausap pa kami. Malinaw na sa akin ang lahat nung mga oras na yun, na mahal na mahal ko si Rex pero ayoko na mapalayo sya sa akin, pero sa kabilang banda, ayoko din na maging makasarili at ipagdamot ang pangarap nyang makapagbarko. Pakiramdam ko ay iiwan din ako ni Rex at yun ang ayokong mangyari. Hindi ko din inaasahan yung ipinagtapat sa akin ni Rex.
“Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ‘to sayo pero Aero, mahal kita, mas higit pa sa isang kaibigan at wala akong pakialam kung ano ka pa” ang sabi ni Rex at tinitigan nya ako. Hindi ako makapaniwala sa mga naririnig ko nung mga oras na yun.
“Nasasabi mo lang yan kasi sobrang close tayo” ang sagot ko sa kanya at ngumiti ako.
“Alam ko sa sarili ko na mas higit pa sa kaibigan ang turing ko sayo, mahal na mahal kita, ikaw? Mahal mo ba ako?” ang sabi ni Rex at tinignan nya ako ng seryoso. Hindi ako makapagsalita nung mga oras na yun, may parte kasi sa akin na gusto kong ipagsigawan kung gaano ko sya kamahal at may parte naman na nagsasabi na ilihim ko ang nararamdaman ko kung ayaw kong masaktan muli. Pero hindi ko napigilan ang sarili ko at inamin ko din sa kanya ang nararamdaman ko.
“Oo Rex, mahal din kita, ikaw nagbalik sa akin nung ngiti na nawala sa akin noon, pero alam ko ako pa din ang masasaktan sa huli kaya wag na natin tangkain na maging mag-on, ayos na yung alam natin na mahal natin ang isa’t isa” ang sagot ko sa kanya at hindi ko maiwasan na mapaluha.
“Bigyan mo naman ako ng pagkakataon na patunayan ang sarili ko sayo” ang sagot ni Rex habang nanggigilid ang mga luha nya.
“Wag na, Rex, kung alam mo lang, yung mga kagaya ko, hindi pwedeng mahalin ng mga kagaya mo” ang sabi ko at tumayo na ako.
“Duwag ka nga, hindi ka totoong matapang, nagtatapang-tapangan ka lang, sobrang duwag mo” ang sabi ni Rex habang naglalakad na ako palayo sa kanya.
“Bumalik ka sa inyo, baka dun mo mahanap yung dating Aero na kayang magmahal, hihintayin ko yun na mangyari” ang muli pang sinabi ni Rex at ako ay nakalayo na. Hindi ko na tinignan si Rex dahil sa ayoko syang nakikitang umiiyak. Sa sasakyan ay hindi ko napigilang mapahagulhol hanggang sa bahay ay iniisip ko ang lahat ng sinabi ni Rex sa akin. Iniwan ko si Rex dahil natatakot ako na iwan nya ako pag sumakay na sya sa barko, gusto ko na matupad ni Rex ang pangarap nya na makaalis pero hindi ito matutupad kung papayag ako na maging kami, alam ko kasi na mas uunahin ako ni Rex kesa sa pangarap nya at ayoko namang mangyari yun dahil pangarap nya yun para sa sarili nya at para sa pamilya nya. Yung pakiramdam na palaging iniiwan ay yun ang naramdaman ko nung mga oras na yun, ramdam ko na palagi na lang akong iniiwan ng mga mahal ko sa buhay. Pakiramdam ko kasi ay walang pwedeng magmahal sa akin bukod sa sarili ko, sa kabilang banda, maaaring totoo nga ang sinabi sa akin ni Rex na duwag ako, duwag ako na masaktan dahil alam ko na parte ito ng pagmamahal, isang bagay na ayokong sumugal. Siguro nga ay hindi ko pa kayang ibigay nang buo ang sarili ko kay Rex dahil sa pagmamahal na hindi ko maipadama sa pamilya ko na nakasakit sa akin kaya panigurado ay magiging disaster lang ang magiging relasyon namin ni Rex kung naging kami. Pinili ko na ayusin ko muna ang buhay ko para sa susunod na makaharap ko si Rex ay buo na ako, kung sakaling mahal pa din nya ako sa tamang panahon ay alam ko na buong puso ko syang mamahalin dahil sa wala na akong kinikimkim na galit kahit kanino.
Hindi ko pinutol ang communication namin ni Rex, pero hindi na kami nagkikita. Panigurado kasi ay mahihirapan ako na mag let go sa kanya pag umalis na sya. Alam ni Rex na kung handa na akong magmahal ay sya pa din ang pipiliin ko, at hiniling ko na sana ay mabigyan pa kami ng isa pang pagkakataon na maging masaya sa bawat isa, pero may mga pangarap pa kaming binubuo noon na kailangan naming harapin na mag-isa.
Minsan ay bumisita ako sa ospital at nakita ko si Karl na nag-aasikaso kay Enzo, kung tutuusin sila naman talaga dapat, masaya akong nanood sa kanilang dalawa at wala na akong nararamdaman sa kanilang dalawa bukod sa saya habang pinanonood ko sila. Binigyan ko na din sila ng “blessing” at nangako sila na hindi nila sisirain yung pangako nila sa akin na hindi sila maghihiwalay. Doon ko lang narealize na baka tama nga si Rex, na kailangan kong bumalik sa amin para mahanap ang sarili ko, yung dating ako na kayang magmahal, malamang ay naiwan ko ang dati kong sarili sa bahay namin, naghihintay na babalik ako balang araw. Halos mag-dadalawang taon na simula nung umuwi ako sa bahay, naisip ko na baka panahon na talaga na bumalik ako sa amin. Mahirap din kasi yung may kinikimkim na galit, dahil dun ay nawala ang kakayanan ko na magmahal ng totoo, yung walang pag-aalinlangan.
Bumalik ako sa amin nung birthday ng Mama ko, tinext nya ako na umuwi sa amin, kung tutuusin ilang birthdays na din ng pamilya ko yung hindi ko inaatendan, kaya naninimbang ako nung nasa labas na ako ng bahay namin. Naluha ako nung maalala ko yung masasaya naming sandali sa bahay namin, na kahit hindi kami sagana noon ay masaya kami kasi kumpleto kami, nabuo ang isang tanong sa akin, naging masaya pa din kaya ang pamilya ko nung nagkaroon na kami ng pera? Malamang hindi, kasi wala ako dun, ang bunso nilang anak ay kadalasang wala. Pagpasok ko sa bahay ay rinig ko na ang usapan nilang lahat. Kumpleto sila pati ang mga sisters in law ko ay nandoon. Pagpasok ko sa dining area ay natouched ako sa nakita ko, yung paborito kong plato ay nakalagay sa dining table na kahit hindi sila sigurado na pupunta ako ay nakahanda ito para sa akin. Dala ang regalo ko ay nanginginig kong binati ng happy birthday ang Mama ko at niyakap ko sya, niyakap din ako ng Mama ko at tuwang tuwa sya na pumunta ako, hindi din namin mapigilan na maluha pareho at kasabay ng pag-agos ng luha namin ay umagos din papalabas sa akin ang lahat ng sama ng loob na meron ako sa kanila. Sa isang iglap ay isang yakap lang ang kailangan ko para mawala ang hinanakit sa akin. Niyakap nila akong lahat bilang pag welcome muli sa akin at masayang-masaya ako nung mga oras na yun. Sa wakas ay masasabi ko na buo na ang pagkatao ko dahil sa nahanap ko na yung dating Aero na naiwan ko sa bahay namin. Narealize ko na hindi pala totoong iniwan at isinantabi ako ng pamilya ko, ako pala yung umiwan at sinantabi ko sila dahil sa sama ng loob ko sa kanila noon. Nagkausap kami ng Mama at Papa ko nun, nalaman ko na araw araw nila akong hinihintay na umuwi sa amin, na araw araw ang plato at baso ko ay palaging nakahanda sa dining table kung sakaling umuwi ako. Doon ay humingi ako ng tawad sa mga magulang ko at ganun din sila sa akin, kung tutuusin nga ay hindi naman sila dapat na humingi ng paumanhin sa akin dahil sa alam ko naman na ako yung mali. Simula noon ay naging maluwag na ang dibdib ko at masaya na akong nakakatawa ng totoo, pero alam ko may kulang pa din sa buhay ko.
Ipinagpatuloy ko ang bagong buhay ko kasabay ng dati kong routine pero hindi pa din kami nagkikita ni Rex dahil sa naging mas busy sya dahil ilang araw na lang ay aalis na sya. Pero nagkita kami ng isang beses, isang araw bago sya umalis. Gusto ko din kasi na bigyan sya ng peace of mind bago umalis para naman ma-enjoy nya yung magiging journey nya sa pangarap nya. Sinabi ko sa kanya na nakita ko na yung dati kong sarili sa amin at natuwa sya sa narinig nya mula sa akin. Nangako kaming dalawa na tutuparin namin yung mga gusto namin sa buhay at sinabi ni Rex sa akin na hihintayin nya yung pagkakataon na kaya ko na syang mahalin bilang isang partner. Naging masaya ang huling araw na magkasama kami ni Rex at hindi ako nakaramdam ng lungkot sa pag-alis nya. Madalas ko din binibisita ang pamilya nya bilang pagtupad ko sa isang pangako ko sa kanya na hindi ko iiwan ang pamilya nya, tsaka masaya ako na kasama sila kahit wala si Rex.
Hindi ko inaasahan na magiging bestfriends kami ni Karl, na sa kabila ng nangyari sa amin ay nabuo ang isang pagkakaibigan na hindi namin ipinilit pareho. Tuluyan na naming nakalimutan ni Karl kung ano man yung mga hindi magandang nanagyari sa amin. Madalas akong ipakilala ni Karl sa mga co-models nya na mga bisexuals din kaya lang alam ko sa sarili ko na isang tao lang ang hinihintay ko. Gusto lang ni Karl at Enzo na maging masaya ako pero alam nila na sa isang tao ko lang mahahanap yung kaligayahan na gusto ko.
Makalipas ang siyam na buwan ay umuwi na si Rex. Kaya lang ay hindi na kami nagkita dahil busy ako sa duty sa ospital at dalawang linggo lang ang itinagal ni Rex dahil sa bigla syang ipinatawag at nadeploy na agad. Hanggang telepono na lang kami ni Rex at kung minsan ay madalang pa dahil sa pareho kaming busy. Hanggang sa umabot ito ng isang buwan na hindi na kami nagkakausap dahil sa mahina ang signal ng telepono dahil sa iba ang ruta nila at hindi naman ako madalas na nag-oonline kaya hindi kami nagkakaabot. Ramdam na ramdam ko ang kawalan ni Rex at dahil dun ay napagpasayahan ko na mag-isang gumala tuwing biyernes at kumain sa mga kinakainan namin dati ni Rex. Parang kasama ko na din sya sa tuwing pupunta ako sa mga lugar na paborito naming puntahan. Naiiyak ako kung minsan pag naaalala ko si Rex, marahil ganun ko lang sya talaga ka-miss.
Makalipas ang tatlong taon simula nung umalis si Rex ay grumaduate na ako sa medicine. Masayang masaya ako dahil sa nakayanan ko ang lahat ng stress na kaakibat ng pag-aaral. Sa loob ng tatlong taon ay apat beses lang kami nagkita ni Rex at yung pagkikita naming yun minsan ay biglaan pa kaya hindi kami nagkakabonding ng matagal. Mas madalas kaming nagweweb chat ni Rex at dahil dun ay nabawasan yung pangungulila ko sa kanya. Tanggap ko naman na hindi ako priority ni Rex at kahit kalian ay hinding hindi ako hahadlang sa trabaho nya dahil yun ang pangarap nya noon pa lang. Masaya ako sa narating ni Rex na malayong-malayo na kung ano sya dati. Nakapagpatayo na din sila ng mas malaking bahay at may ilang sasakyan na din sila. Nakakapag-aral ang mga kapatid nya sa magagandang eskwelahan at kailanman ay hindi na sila maghihirap. Minsan ay napunta ako sa lounge sa Newport na kung saan sya nagtatrabaho dati. Umaasa ako na baka makita ko yung dating Rex na nakilala ko doon, pero nakalimutan ko na malayo na pala ang narating ni Rex, malayong-malayo na baka pati yung nararamdaman nya sa akin ay naging malayo na din. Isang mapait na katotohanan na pilit kong tinanggap. Ayoko na kasi mag-expect nang kahit na ano, ang gusto ko lang nung panahong yun ay maging masaya kahit single ako. Kung kelan naman na handa na akong magmahal ay wala naman na si Rex, siguro nga hindi na dadating yung panahon na yun para sa amin.
Pagkatapos ng board exam ay napagpasayahan ko na mamasyal sa ibang bansa na ako lang. Dahil sa hindi naman naputol ang communication namin ni Rex ay nasabi nya sa akin na uuwi sya nung buwan na yun na plinano kong umalis. Kahit na ganun ay tinupad ko pa din yung plano ko at umalis na mag-isa. Nagpa-book ako sa isang cruise dahil pangarap kong maka-experience nito. Alam ko na parehong kumpanya nila Rex ang cruise line pero malabo naman na makita ko sya dun kaya hindi ko na iniisip na magkikita kami dun. Dahil sa nakaroaming ako ay hanggang text lang kami ni Rex. Pagdating ko sa Florida ay may dalawang araw pa bago umalis ang cruise kaya namasyal muna ako. Kahit na pinili ko na umalis mag-isa ay alam ko na mas magiging masaya ako kung kasama ko si Rex, pero alam ko naman na malabo yun mangyari kaya hindi ko na masyadong inisip. Sa tagal kasi na hindi kami nagkakasama ni Rex ay marahil nabawasan na yung pagmamahal nya sa akin dati. Maraming nakikilala si Rex kaya hindi malabo na may magustuhan syang iba, kung tutuusin ay hindi naman mahirap mahalin si Rex at panigurado ako na kung sino man ang magiging partner nya ay magiging masaya sila pareho. Nung point na yun ay puro panghihinayang ang naramdaman ko. Panghihinayang na hindi ko man lang pinagbigyan si Rex na patunayan sa akin na magiging masaya kaming pareho bilang magpartner. Yung panahon na dapat ay pinili kong maging kami ay pinalagpas ko. Madaming panghihinayang sa akin pero naisip ko na baka hindi din kami magiging masaya kung naging kami dati pa, puro galit pa kasi ang nasa puso ko nun kaya malamang ay hindi ko maibigay sa kanya yung pagmamahal na deserve nyang makuha sa akin. Kung hindi din nangyari ang mga bagay na narealize ko, hindi ko malalaman kung ano ba talaga ang halaga sa akin ni Rex.
Nang makasakay na ako ng barko ay namangha ako sa ganda nito. First time ko kasi makasakay sa ganun at hindi ko inexpect ang ganda nito. Pagkatapos kong puntahan ang kwarto ko ay nilibot ko ang buong barko. Kinagabihan ay napili kong mag-stay sa deck. Dito ay nagkaroon ako ng pagkakataon sa sarili ko na makapag-isip. Masaya ako sa tinakbo ng buhay ko kahit na may mga parte na hindi maganda ay napili ko na wag ito kalimutan dahil sa ito ang bumuo sa akin. Yung mga pinagdaanan ko noon ay malaking bahagi ng buhay ko na hindi ko makakalimutan dahil sa kung hindi ko ito naranasan ay hindi ko makikita ang sarili ko ngayon na nakangiti.
Nang matapos ang cruise ay umuwi na ako sa Pilipinas. Marami akong masasayang alaala at nakakilala din ako ng ilang kaibigan habang nasa cruise. Nakalimutan ko na nasa Pilipinas na pala si Rex nung panahong yun. Pagdating ko sa bahay ay bumungad sa akin ang mga pasalubong ni Rex na nakalagay sa maliit ng kahon. Lahat ng paborito ko ay nakalagay dun. Hindi ito nakalimutan gawin ni Rex sa tuwing umuuwi sya. Ni kailanman ay hindi sya nakalimot sa akin. Kasama ng box ay ang number nya na may instruction na tawagan ko sya pag nakauwi na ako sa amin. Tinawagan ko sya pagkabasa ko at nagkausap kami. Sinabi ni Rex na nasa Palawan silang pamilya at narinig ko ang saya nila na tinatawag ako habang magkausap kami. Nangako si Rex na bibisitahin na lang ako sa bahay nang sorpresa para naman daw may thrill at pumayag naman ako. Nang makarating naman na sa Mandaluyong sina Rex ay hindi nagkakatugma ang mga schedule namin kaya hindi kami nagpapang-abot. Minsan ay pumupunta sya sa bahay at ako naman ay kakaalis lang. Mukhang hindi talaga pinag-aadya ng tadhana na magkita kami.
Makalipas ang isang linggo ay hindi pa kami nagkikita ni Rex. Hanggang tawagan na lang kami at text. Isang gabi ay tinawagan ako ni Rex para makinig ng programa sa stasyon ng FM radio. Nagtaka ako dahil sa hindi naman sya nakikinig nito pero pinagbigyan ko pa din sya. Sikat ang DJ na yun at mas maaga ang timeslot nya kumpara ngayon. Natutuwa ako sa mga callers dahil hindi sila nahihiya na sabihin ang lahat kahit na alam nila na maraming nakikinig. Maya-maya ay may tumawag na pamilyar ang boses, at nang tanungin sya kung ano ang pangalan nya sinabi nyang Rex. Nagulat ako dahil sa nakutuban ko na si Rex yun pero naisip ko na madaming Rex sa mundo at lalo na sa Pilipinas kaya malabong si Rex mismo yun. Pero mali ako dahil sa tumugma ang lahat ng impormasyon na sinabi ni Rex sa DJ na taga Mandaluyong sya at isa syang seaman. Doon ay nagconfess si Rex. Sinabi nya ang lahat lahat ng tungkol sa minamahal nya.
“Minahal ko sya dahil sa sya lang yung taong tumanggap sa akin kahit na mahirap lang kami, ipinaramdam nya sa akin yung pagmamahal na walang tinitignan na estado sa buhay, kaya dun pa lang ay nasabi ko na sa sarili ko na sya na yung taong mamahalin ko dahil tanggap nya ang lahat ng kung ano ako. Sya lang yung minahal ko ng ganun, na kahit na mag-iba ang tingin sa amin ng ibang tao ay wala akong pakialam. Sa barko sobrang nangungulila ako sayo, yung mga salita mo lang yung nagpapalakas ng loob ko na lumaban sa buhay at wag sumuko. Sobrang hirap nang mapalayo sayo kaya tuwing bakasyon ko bukod sa pamilya ko ay ikaw ang gusto kong unang makita. Kahit na minsan ay hindi tayo nagkikita sa tuwing umuuwi ako, pinaghahawakan ko na lang yung pagkakataon na isang araw ay magiging tayo na at magiging masaya tayo bilang partners. Noon pa man alam mo na kung gaano kita kamahal pero alam ko na hindi ka pa handa noon kaya naghintay ako at maghihintay pa din ako kung sakali mang hindi ka pa handa pero gusto ko nang isugal ang chances ko sayo ngayon. Hindi ko na kasi mapigilan ang sarili ko na ipakita kung gaano kita kamahal at ngayon na nandito na ako, hindi na kita pakakawalan.” Ang sinabi ni Rex over the air at sumigaw ang DJ sa tuwa. Naiyak ako sa mga sinabi nya. Dati kasi ang akala ko ay walang kayang magmahal sa akin ng totoo, na ang lahat ay laro lang, kung minsan ang pagmamahalan sa dalawang bisexual ay libog lang ang pinag-uugatan. Sa kabila ng lahat ng pinagdaanan ko ay meron pa palang isang tao na kayang maghintay kahit ilang taon ang lumipas. Akala ko noon ay mababawasan ang pagmamahal sa akin ni Rex o kaya ay magbabago ang tingin nya sa akin dahil sa tinanggihan ko sya dati at sa ilang taon na ang lumipas sa amin, pero mali ako, nakalimutan kong iba nga pala si Rex at masaya ako na sa wakas ay may taong nakalaan sa kagaya ko na kahit na may mga hindi magandang nagawa noon ay may naghihintay pa din na magandang bukas para sa akin.
Maya-maya pa ay nagsalita nang muli si Rex over the air.
“Naalala mo ba yung kwento ko sayo noon, yung The Captain and The First Mate? At yung hiling ko na sana matulad ako sa ganun? Alam ko na ikaw yung First Mate na hinahanap ko. Hindi man ako isang Captain sa trabaho ay alam ko na Captain ako sa puso mo. Tara, ipagpatuloy natin yung kwento nila, this time yung version natin yung masaya hanggang huli. Ibibigay ko ang lahat ng magpapasaya sayo, sisiguraduhin ko na masayang magsisimula ang araw mo at matatapos ito ng may ngiti ka sa labi habang kasama mo ako matulog. Kung willing kang simulan na natin ng mas maaga, puntahan mo ko ngayon dito sa restaurant na paborito natin sa Chinatown, hihintayin kita. I love you so much my First Mate” ang sabi ni Rex at napangiti ako. Habang kinakausap ng DJ si Rex ay parang nasa alapaap ang pakiramdam ko, nakangiti ako habang naluluha dahil sa mga sinabi ni Rex over the air. Bigla akong natauhan na naghihintay si Rex sa Chinatown at nagmadaling umalis ng bahay. Bago ako sumakay ng sasakyan ay tinext ko sya.
“On the way na ko, I love you too, Captain”
And the rest is history.
P.S. Gusto ko lang mag-thank you sa bestfriend kong si Max na tumulong mag-edit ng kwento ko sa kabila ng busy schedule namin sa ospital ay nagkaroon pa din sya ng time para i-ayos ang lahat para mas maging kaaya-ayang basahin. Thank you!
THE END
COMMENTS