By: Arkinberg "Sorry, Matt, pero hindi kasi kita kayang mahalin" ang sabi nya sa akin at nalungkot ako nang marinig ko ito mul...
By: Arkinberg
"Sorry, Matt, pero hindi kasi kita kayang mahalin" ang sabi nya sa akin at nalungkot ako nang marinig ko ito mula sa kanya.
Hindi ako masyadong panatiko ng pag-ibig dati. Para kasi sakin dati ay para sa mga babae at lalaki lang ito. Kahit na mahilig ako magbasa at manood ng mga pelikula na love story at lalong hindi naman ako umasa na magiging ganun ang buhay pag-ibig ko. Sa buong buhay ko kahit papaano ay umasa din naman ako na merong isang tao na para sa akin, kung kelan sya dadating ay hindi ko alam. Sinubukan ko din namang hanapin, nandyan yung nagregister ako sa isang social networking site para sa mga gays at bisexuals. Nakakilala naman ako ng ilan, pero kadalasan hindi nila ako nagugustuhan, yung iba naman puro libog lang. Inisip ko na lang na kung meron talaga para sa akin ay darating sya, kung meron man talaga.
Nakatapos ako bilang isang nurse at nagtrabaho sa isang ospital sa Quezon City at dito ko din nakilala ang one great love ko.
"Introduce yourself" ang sabi sa akin ng interviewer nung aplikante pa lang ako sa ospital na yun.
"Good morning Sir, my name is Matt Altamirano, I am 23 years old..." at nagpatuloy ako sa pagpapakilala. Pagkatapos nun ay lumabas na ako sa interview room at nakipagkwentuhan sa mga aplikante na kagaya ko. Dito ko nakakilala at napansin si Andre.
Mabait at masarap kausap si Andre. Masasabi ko na hindi man ganun ka-striking ang itsura ni Andre ay malakas naman ang appeal nya at sa unang tingin pa lang ay lalaking lalaki na ang itsura nya, matangkad sya at moreno. Medyo balbon din sya at yun ang nakadagdag sa appeal nya. Umasa ako na makapasok kami para mas makilala ko nang mabuti si Andre. Nang matapos ang interview ay nagpaalaman na kami at nagkahiwa-hiwalay na.
Matapos ang ilang linggo ay pinatawag na kami ng H.R bilang mga pasado na kami at magsisimula na sa aming tatlong buwan na training. Hindi ko alam kung nakapasa din si Andre pero sa husay nya makipag-usap ay sigurado ako na papasa sya. Nang papasok na ako sa training hall nung first day ng training ay naupo ako sa bandang dulo. Dun ay tinawag ako ni Andre na katabi ko pala.
"Uy tsong, kamusta?" ang bati nya sa akin. Napangiti ako at tinapik sya sa balikat. Doon ko din nakilala ang kaibigan nyang si Aica at simula nun ay naging close na kaming tatlo. Nagkaroon din kami ng ibang kaibigan at dito ay mas naging close kaming lahat. Habang tumatagal ay alam ko sa sarili ko na mahal ko na si Andre, pero alam ko din naman na hindi pwede dahil sa hindi naman sya bisexual at hinding hindi magbabago ang sexual preference nya para lang sa akin.
Sa unang pagkakataon ay ipinagdasal ko na sana may chance kaming dalawa. Sa dalawang buwan na lumipas ay alam ko na mahal ko na si Andre pero ayoko ipaalam ito sa kanya dahil sigurado akong masisira ang pagkakaibigan namin. Hanggang sa isang araw ay hindi ko inaasahan ang nalaman ko. Nag-inuman kami nung biyernes ng gabi at nang magkalasingan na ay inamin ni Andre ang tunay nyang pagkatao sa buong barkada.
"Guys, bisexual ako" ang sabi ni Andre sa amin. Wala namang pagtutol ang barkada sa pagkatao nya. Kung nagkalakas lang ako ng loob nun ay umamin na din ako kasabay nya. Tinaggap ng buong buo ng barkada si Andre at masaya sila dito. Kahit na ako ay natuwa din sa pag-amin nya, na pwede din pala at maaring may chance para sa amin.
Masaya ako sa tinakbo ng pagkakaibigan namin ni Andre ang ilan pa naming mga barkada hanggang matapos kami bilang trainees at maging staff nurse na. Ilang inuman at outing ang aming pinagsamahan sa tuwing off kaming lahat. Sinubukan kong wag ipahalata kay Andre ang nararamdaman ko sa kanya pero minsan ay hindi ko ito maiwasan. Alam ko na nakakaramdam na sya at doon na nagsimulang iwasan nya ako. Kung dati ay nagagawa pa naming magkwentuhan ay hindi na masyado nung oras na yun. Naging awkward na ang dating sa tuwing mag-uusap kami. Pakiramdam ko ay iniiwasan na ako ng sadya ni Andre. Medyo may pagsisisi din sa parte ko. Kung sana ay hindi ko na lang ipinagpatuloy ang nararamdaman ko ay malamang mas naging close pa kami. Pero eto na marahil ang tadhana ko, ang magmahal at hindi mapansin. Ang magmahal at mabigo.
Simula noon ay hindi ko na masyadong kinikibo si Andre. Gusto ko kasing respetuhin ang gusto nyang mangyari. Araw araw ay ipinipilit ko sa sarili ko na kalimutan na lang ang nararamdaman ko sa kanya.
Bago magduty ay nakaugalian ko nang magbreakfast sa McDo na malapit sa ospital sa tuwing morning shift ako. Madalas akong pumwesto sa dulong bahagi na table na may upuan na para sa dalawa lang. Wala na kasi akong time magluto sa bahay kaya naging ganun na lang ang routine ko. Sanay na akong kumain mag-isa. Halos lumaki din kasi akong mag-isa lang. Ang mga magulang ko ay hiwalay at parehong nasa abroad. Ang mga kapatid ko naman ay may sarili nang mga pamilya kaya nasanay na ako na palaging mag-isa. Yun na marahil ang dahilan kung bakit naging uhaw ako sa pagmamahal ng ibang tao. Pakiramdam ko kasi yun ang ipinagkait sa akin.
Habang kumakain ay may tumawag sa akin.
"Matt! Tsong kamusta?" ang sabi ni Andre sa akin habang nakahawak sa tray nya.
"Ayos naman. Ikaw?" Ang sagot ko sa kanya at umupo sya sa harap ko. Sa isang iglap ay biglang nagbago ang ihip ng hangin at si Andre mismo ang nakipag-usap sakin.
"Kamusta sa ward nyo?" Ang panimula kong tanong sa kanya at nagtuloy tuloy ang kwentuhan namin. Siguro nga ay ako lang ang nakaramdam ng awkwardness sa aming dalawa. Walang bakas na iniiwasan ako ni Andre nung araw na yun. Magiliw syang magkwento at halatang masayang masaya sya.
"Bakit parang ang saya mo ngayon?" Ang biro ko sa kanya.
"Wala lang, inspired lang tsong" ang sabi nya sa akin. Alam ko na ibang saya ang meron si Andre nung panahong yun na marahil dala ng pagiging in love. Hindi na ako nag-usisa dahil baka makahalata pa sya at panigurado ay masasaktan lang ako sa maririnig ko. Sabi nga nila "what you don't know won't hurt you" kaya nanatili na lang akong tahimik sa mga bagay na hindi ko na dapat pakialaman.
Sa tuwing titignan ko ang news feed sa Facebook ko ay puro si Andre lang ang nakikita ko. Puro litrato nya ang nandito at kung ano ang ginagawa nya. Sa tuwing nakikita ko sya ay nagbibigay ito ng kakaibang saya sa akin kahit papaano.
Sabado yun at wala akong pasok pero dahil may kailangan na signan na mga documents ay pumasok ako ng umaga. Madaming tao nun sa McDo sa hindi ko din maipaliwanag na dahilan. Umupo ako sa spot na palagi kong inuupuan. Maya maya pa ay nakita ko si Andre na pumasok at may kasama sya. Pagkatapos nila umorder ay naghanap sila ng mauupuan. Sakto namang umalis na yung nakaupo sa harap ko na table at dun sila pumunta. Nang papalapit na sila sa table ay napansin ako ni Andre at binati nya ako.
"Tsong! Si Dennis nga pala" ang pakilala sa akin ni Andre sa kasama nya at nakipagkamay naman sya sa akin at nagpakilala naman ako sa kanya. Pagkatapos nun ay biglang bumulong si Andre sa akin na..
"Partner ko" at nginitian ako ni Andre at umupo na sila. Nakaharap sa akin si Andre at kitang kita ko kung gaano sila kasaya. Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa narinig ko. Nalungkot ako na may mahal nang iba si Andre pero kinailangan kong maging masaya para sa kanya bilang parte ng paglimot sa mga nararamdaman ko sa kanya. Hindi ako halos nakakain ng maayos dahil sa nalaman ko at sa nakita kong pagmamahalan nilang dalawa. Binilisan ko na lang ang pagkain ko at nagpaalam na mauuna na ako sa training office kung saan kami magsisign ng documents. Hindi nagtagal ay sumunod na din si Andre sa office at tumabi sya sa akin.
Pagkatapos nun ay alam ko na ang lugar ko kay Andre, isang kaibigan lang ako sa kanya at pinaulit-ulit ko sa sarili ko na hanggang dun na lang talaga. Hindi ko na din masyadong inisip ang bagay na yun para na din makalimutan na ng isip ko.
Lumipas ang isang buwan at nanatiling masaya ang dalawa. Nakasama at mas nakilala din namin si Dennis dahil nakakasama namin sya sa tuwing umiinom ang barkada. Sa kabila ng lahat ay si Aica lang ang nakakaalam ng mga nararamdaman ko. Kinailangan ko kasi ng isang tao na mapagsasabihan ng lahat ng saloobin ko, sa tulong ni Aica ay unti-unti kong naturuan ang isip ko na makalimutan ang nararamdaman ko kay Andre.
Minsan ay kumain ulit ako sa McDo, nang papunta na ako sa spot na lagi kong pinupwestuhan ay may nakaupo na dito. Mag-isa lang din sya at dun sa upuan na nakaharap sa lahat sya nakaupo. Umupo na lang ako sa table na nakaharap sa kanya, kung umalis kasi sya ay lilipat ako dun, naging comfort zone ko na kasi ang pwestong yun, kulang na lang ay palagyan ko yun ng RESERVED sa tuwing kakain ako dun, pero hindi naman pwede.
Pag-upo ko ay napatingin ako sa kanya. Hindi nalalayo ang itsura nya kay Andre, may pagka-mestiso nga lang sya at semi-kalbo sya na sa tingin ko ay bagay na bagay sa kanya. Nahalata nya na nakatingin ako sa kanya at tumingin din sya sa akin. Nahiya ako at iniwas ko ang tingin ko sa kanya. Napapangiti sya sa akin sa tuwing masusulyapan ko sya, tila nakakahalata na sya na tinitignan ko sya. Lalo akong nahiya at nagkunwari na lang na may katext. Maya maya pa ay may dumating na dalawang mag-lola sa harap namin, dahil sa wala na silang maupuan dahil sa madami nang tao sa fastfood ay napagdesisyunan nila na maghiwalay na lang ng upuan, yung apo ay dun sa table ko at yung lola sa table nung lalaki makikishare ng upuan. Nagulat ako nung tumayo ang lalaki at nung akala ko ay papaalis na sya, bigla syang tumayo sa harap ko, napatingin ako sa kanya at sinabi nyang..
“Ok lang ba maki-share ng seat bro?” ang sabi nya sa akin at tumango naman ako. Mabait sya dahil pinaupo nya ang maglola dun sa pwesto nya. Pag-upo nya ay nakangiti sya sa akin na hindi ko maintindihan. Maya-maya pa ay nagpakilala sya sa akin.
“Rocky nga pala bro, ikaw?” at inabot nya ang kamay nya sa akin. inabot ko din ang kamay ko sa kanya at nagpakilala..
“Matt” at ngumiti ako sa kanya. Dun ko lang nakita na talagang nakakagood vibes ang ngiti nya. Hindi ko din maintindihan kung bakit ganun ang naramdaman ko nung nginitian nya ako ng malapitan.
“Nurse ka dyan sa ospital?” ang tanong nya sa akin.
“Ah oo, ikaw? May relative kang patient?” ang tanong ko sa kanya at ngumiti sya sa akin sabay iling.
“Ako yung patient” at tinignan nya ako ng mabuti.
“Talaga? Parang hindi naman, mukhang wala ka namang sakit” ang sabi ko sa kanya at nginitian lang nya ako. Dahil malapit na akong matapos ay nagpaalam ako sa kanya na mauuna na, pero sumabay sya sa akin dahil oras na din daw ng appointment nya sa doktor. Habang naglalakad kami papunta sa ospital ay patuloy ang aming kwentuhan. Hindi ko alam pero magaan ang loob ko sa kanya. Bago kami maghiwalay ay tinanong nya ako..
“Saang area ka ba para dun na lang ako magpapa-admit” ang biro ni Rocky sa akin.
“Sa medicine ako, hindi ka iaadmit dun dahil healthy ka naman” ang sabi ko sa kanya at naghiwalay na kami. Kumaway ako sa kanya na parang isang matagal nang kaibigan at ganun din sya sa akin.
Halfway ng duty ko nung umaga ay may tumawag sa unit namin, dahil yung nakaassign sa mga bagong admissions ay kasama ng doktor na nagrorounds ay ako na ang nag-asikaso bilang tulong ko sa kasamahan ko. Inayos ko ang kwarto na gagamitin nya. Nang itinawag ko sa admitting na pwede nang iakyat ang pasyente ay dinala na nila ito sa unit namin, dahil busy pa din ang kasamahan ko na syang mag-aadmit dapat ay ako na ang nagreceive. Nakatalikod ako ng batiin ako ng isang boses.
“Good morning Nurse Matt!” ang sabi nya sa akin. Napalingon ako at tumingin, pagkita ko si Rocky ay nasa wheelchair at nakangiti sya sa akin. Hindi ako nakapagsalita agad at natulala.
“Diba sabi ko sayo ako yung pasyente” ang sabi ulit sa akin ni Rocky.
“Kilala nyo pala si Nurse Matt, Sir Rocky” ang sabi ng OPD nurse na si Carol na kabatch ko dati.
“Ah oo” ang sabi ni Rocky at ngumiti sya. Hindi ko alam na seryoso pala si Rocky na sya ang pasyente. Kung tutuusin kasi hindi halata na may sakit sya. Nakakalakad sya ng maayos, nakakakain naman sya pero napansin ko na hindi nya naubos ang pagkain nya sa McDo, pero in general mukha syang malusog, pero hindi naman sya iaadmit kung wala naman syang sakit kaya naniwala na din ako. Hinatid ko si Rocky sa kwarto nya at inayos ang lahat bago namin sya iwanan sandali dahil ieendorse pa sya sa akin. Doon ko lang nalaman na may liver cancer pala si Rocky pero stage 1 pa lang ito. Bigla akong nakaramdam ng lungkot nang malaman ko ang kaso nya. Nung oras lang na yun naging affected ako sa hindi ko maipaliwanag na dahilan na dati naman ay hindi ako ganun.
Pagkatapos ng endorsement ay pinuntahan ko sya para i-orient. Inayos ko na din ang mga gamot nya para sa chemotherapy. Sinigurado ko na maayos ang lahat para kay Rocky nung araw na yun. Hanggang magsimula na ang chemotherapy nya ay nandoon lang ako. Nang matapos na ang shift ko ay nagpaalam ako sa kanya at nagpasalamat sya sa akin. Kahit na parang OPD case lang ang kay Rocky ay kinailangan pa din nyang magpaconfine sa ospital dahil ang chemotherapy nya ay tatagal ng isang buong araw. Kinabukasan ay inabutan ko pa sya doon at makalipas ang dalawang araw ay dinischarge na sya. Naging ganun ang routine ni Rocky sa ospital para sa chemotherapy nya. Halos ilang buwan ko din syang nasubaybayan dahil sa unit namin sya palaging nagpapaadmit sa tuwing schedule na ng chemotherapy nya. Laging tatlong araw ang tinatagal ang admission ni Rocky sa amin sa tuwing may chemotherapy sya, ang unang araw ay para sa administration ng chemo drugs nya at ang sumunod na dalawang araw ay para sa observation pagkatapos ng 24 hours na chemotherapy nya. Kahit na minsan ay full house kami at walang bakante ay matiyagang naghihintay si Rocky na merong mabakante dahil at home na daw sya sa unit namin at sa mga kasamahan ko. Sa tuwing madidischarge sya matapos ng chemotherapy nya ay lagi syang nagpapadala ng pizza o anumang pagkain para sa unit. Nakagiliwan din sya ng mga kasamahan ko at tinawag syang Sir Pogi. Magaling makisama si Rocky sa lahat ng tao sa ospital at kailanman ay hindi kami nagkaroon ng problema sa kanya. Ako ang halos kasama nya sa lahat ng nangyayari sa kanya sa loob ng kwarto nya, sa tuwing nasusuka sya bilang epekto ng chemotherapy ay ako ang umaalalay sa kanya para maayos nyang mailabas ang mga ito. Ako din ang nagbibigay ng mga gamot nya bago magsimula ang chemotherapy nya, ako ang nagpapainom ng gamot sa kanya sa tuwing sasakit ang tiyan nya at ako na din ang halos tumatayong companion nya sa ospital sa tuwing may mga concerns sya. Sa tagal nya dun ay isa lang ang pinagtaka ko, wala syang kasama palagi sa tuwing maaadmit sya.
“Bakit wala kang kasama sa tuwing maaadmit ka dito?” ang tanong ko sa kanya.
“Minor lang naman ‘to at kaya ko naman na, tsaka isa pa, ‘di na ko baby” ang sabi nya sa akin at nagkatawanan kami. Pero tinitigan ko sya at parang nakuha din nya ang gusto ko na marinig ang totoong dahilan.
“No one knows, and I’m afraid. Katulad sayo may sari-sarili nang pamilya ang parents ko at kaming dalawa na lang ng Ate ko at ayokong magbigay ng sakit ng ulo sa kanila dahil lang maysakit ako” ang sagot sa akin ni Rocky. Naawa ako sa kalagayan nya at naintindihan sya.
“Kahit na mahirap, sabihin mo pa din, karapatan nilang malaman” ang sabi ko sa kanya at nginitian ko sya.
“I will, humahanap lang ako ng tyempo” ang sabi ni Rocky at nag-thumbs up sya sa akin.
Naalala ko ang sarili ko nang sabihin ko yun kay Rocky. Dun ko napagtanto na kailangan malaman ng mga barkada ko at ni Rocky ang pagiging bisexual ko, isang araw ay nagkalakas ako ng loob at ipinaalam ko ito sa kanila at masaya ako na hindi sila tutol dito kahit na si Rocky. Matapos kong aminin ito ay parang nakalaya ako kahit papaano. Hindi nagbago ang pakikitungo ng mga kaibigan ko at ni Rocky sa akin nang dahil lang dun.
Kinabukasan ay for discharge na si Rocky at bago yun ay nagpadala sya ng madaming pagkain sa unit. Nalaman namin base sa personal info nya na birthday pala nya nung araw na yun at napagkasunduan namin sa unit na bilhan sya ng cake. Bago sya umalis ng kwarto ay binati namin sya at binigay ang cake nya, kahit na hindi nya sabihin ay kitang kita ko na natuwa sya sa ginawa namin. Pagkatapos nun ay nagpasalamat si Rocky sa amin at umalis na, bago pa man sya makalayo ay bumalik sya at akmang papasok na ako sa kwarto ng isa naming pasyente ay binulungan nya ako..
“Babalikan kita mamaya pag-uwi mo, labas tayo and I insist” ang sabi ni Rocky sa akin at hindi na ako nakasagot sa kanya, nginitian lang nya ako at umalis na sya.
---
Nang matapos ang shift ko ay nakita ko ang sasakyan ni Rocky na nasa labas at nang makita nya ako ay lumabas sya at sinalubong ako. Dinala nya ako sa McDo na malapit sa ospital at nagulat ako nang may nakalagay na RESERVED sa paborito kong spot dun. Umupo kaming pareho at kumaway sya sa staff at dinala nya ang mga pagkain na inorder in advance ni Rocky. Nagulat ako sa mga pangyayari at hindi inasahan ang mga ito.
“Sorry ha kung dito lang kita blinow-out, hindi pa kasi ako nakapagcelebrate ng birthday sa McDo, pangarap ko kasi yun nung bata pa ko” ang sabi ni Rocky sa akin. Nakaramdam ako ng awa at pagmamahal sa kanya. Awa dahil walang kasiguraduhan ang buhay nya dahil sa sakit nya at pagmamahal dahil hindi sya nagpatalo dito.
Masaya ang naging celebration ni Rocky kasama ako. Para kaming matagal nang magkaibigan na nagkahiwalay at nagkita ulit. Biniro ko sya na baka magbestfriends kami nung past life namin at nagtawanan kami. Ang dami nyang kwento tungkol sa buhay nya. Isa pala syang businessman at may mga Café sya around Manila na kasosyo ang mga barkada nya. Madami din akong kwinento kay Rocky tungkol sa buhay ko, kung gaano kahirap magtrabaho sa ospital at ang mga pangarap ko. Nung gabing yun ay napatunayan ko na nasa ibang level na ang pagkakaibigan naming dalawa, mas malalim na ito at mas tumibay ang ugnayan namin. Alam ko sa sarili ko na natapos ang birthday ni Rocky na masaya sya dahil nabuo namin yung pagkakaibigan na walang katulad.
Makalipas ang ilang linggo ay mas madalas magtext sa akin si Andre. Nalaman ko na hiwalay na sila ni Dennis at sobrang heartbroken sya. Naawa ako kay Andre nung panahong yun. Gusto ko man syang i-comfort ay hindi naman pwede dahil sa ayokong maging dahilan ito para mailang ulit sya sa akin. Bumalik sa akin yung pagtingin ko kay Andre, pakiramdam ko kasi kailangan nya ako bilang kaibigan. Hindi ko pinilit si Andre na mag-confide sa akin, pero marunong ang tadhana at nagkasabay kami minsan pauwi at inaya nya akong uminom. Uminom kaming dalawa at doon inamin sa akin ni Andre ang lahat. Awang-awa ako sa kanya nung mga oras na yun. Binigyan ko sya ng payo at sinabi ko sa kanya na gawin nya ang lahat para magkabalikan sila kahit na tutol ang puso ko dito. Sinigurado ko nung pauwi na kami na nakagaan sa loob ni Andre ang mga sinabi ko, pero nang maghiwalay na kami ay hinalikan nya ako sa labi at nagulat ako sa ginawa nya.
Kinabukasan ay parang nakalimutan na ni Andre ang paghalik nya sa akin at inaya nya kaming dalawa ni Aica na maglunch ng sabay sabay. Madami kaming napag-usapang tatlo at isa na dito yung breakup nila ng partner nya.
“Alam mo Andre marami namang nagmamahal sayo, nandyan lang sa tabi-tabi” ang sabi ni Aica at ngumiti sya, tila pinaparinggan nya ako dahil sa alam nya na may gusto ako kay Andre noon, sinipa ko sya ng mahina sa ibaba ng table at ngumiti sya sa akin. Hindi ito napansin ni Andre dahil nakatuon ang atensyon nya sa pagkain.
Simula noon ay mas madalas nang mag-aya si Andre ng get together at inuman naming magbabarkada. Dito ay napansin ko na parang mas naging clingy at affectionate sya sa akin kahit na sa text ay ganun din sya. Hindi ko naman ito binigyan ng malisya dahil magkaibigan kami, pero habang tumatagal ay mas lalo akong nahuhulog sa kanya at bumalik yung dating nararamdaman ko sa kanya na akala kong matagal nang wala. Mas napapadalas na din yung lumalabas kami na kaming dalawa lang. Alam ko na maaaring rebound lang ako ni Andre, pero pikit mata ko yun na tinanggap dahil sa mahal ko sya at gusto ko na ako na yung susunod na mamahalin nya.
Minsan ay inaya ako ni Rocky na kumain sa labas at pumayag naman ako dito, pero tinawagan ako ni Andre at inaya din nya ako nung araw na yun, tutal sa gabi pa naman kami kakain ni Rocky ay sumama muna ako kay Andre nung hapon. Dinala nya ako sa birthday ng kabarkada nya. Halos puro bisexuals ang mga nandoon at halos lahat sila ay may partner. Maya-maya pa ay dumating si Dennis at inakbayan ako ni Andre. Doon ko nalaman na ginagamit lang pala ako ni Andre. Nahiya ako sa ginawa ni Andre at napahiya ako sa harap ni Dennis. Hindi ako makakibo nung mga oras na yun. Nagpaalam ako na mag-ccr ako para lang makaalis sa awkward na pagkakataong yun. Pagdating ko sa cr ay naiyak ako sa nangyari, pero kinalma ko ang sarili ako at nang tignan ko ang cellphone ko ay puro missed calls ni Rocky, nawala sa isip ko na magkikita kami. Pagbukas ko ng pinto ay nandoon si Dennis at kinausap nya ako.
“Sorry Matt, hindi mo kailangang pagdaanan ‘to. Alam ko ang nararamdaman mo. Sorry nadamay ka pa” ang sabi ni Dennis sa akin at hindi ako nakakibo agad.
“Bigyan mo ang sarili mo ng respeto. Alam mo kung paano ka makakaalis sa ganito. Save yourself” ang pahabol nyang sabi sa akin.
“Thank you sa concern” ang sabi ko sa kanya at tinapik ko sya sa braso. Nalaman ko na may concern sa akin si Dennis at gusto lang nya akong makaalis sa sitwasyong makakasakit sa akin. Pagbalik ko sa pwesto namin ay kinuha ko na ang bag ko.
“Teka, uuwi ka na?” ang sabi sa akin ni Andre sabay hawak sa braso ko.
“Uuwi na ko, duty pa ko bukas ng umaga” ang sabi ko sa kanya at nagpaalam na ako sa ibang nandoon at sa celebrant. Hinatid ako ni Andre sa labas at doon ay hindi ko na napigil ang sarili ko.
“Tangina mo Andre, iba ka talaga” at tinulak ko sya at umalis na ako. Tila alam na ni Andre ang ibig kong sabihin at hindi sya kaagad nakapagreact. Pumara ako ng taxi at pumunta sa kakainan namin ni Rocky pero wala na sya dun. Nagtext at tumatawag din ako sa kanya pero hindi nya ito sinasagot. Hindi ko din naman masisisi kung magalit man sya sa akin dahil sa hindi ako nakatupad sa usapan namin.
Kinabukasan ay tinext ko si Rocky na magkita kami sa McDo. Sumipot naman sya at nagsorry ako sa hindi ko pagsipot nung usapan namin. Doon ko din inabot yung regalo ko sa kanya nung nagbirthday sya.
“Eto yung late na gift ko sayo at peace offering, sorry na” ang sabi ko sa kanya at ngumiti sya. Binuksan nya ang regalo ko. Isa itong bangle na parang may kamay na magkahawak.
“Ayan, holding hands yan” ang sabi ko sa kanya at dun ay naramdaman ko na nawala na ang inis nya sa akin. Pagkatapos namin kumain ay umuwi na kami dahil kinabukasan ay iaadmit ulit sya sa unit dahil sa chemotherapy nya.
Ilang araw ang lumipas ay nalaman ni Aica ang nangyari sa amin ni Andre at kinausap nya ito. Si Aica na din ang nagset ng date para makapag-usap kami ng personal. Dito ay nagsorry sa akin si Andre na tinanggap ko din naman. Doon ay hindi ko na kinaya at inamin ko na mahal ko sya. Hindi nakapagsalita si Andre nang malaman nya ito, at nang itanong ko kung pwede ba nyang pagbigyan ang sa amin ay isa lang ang nasabi nya..
"Sorry, Matt, pero hindi kasi kita kayang mahalin" ang sabi nya sa akin at nalungkot ako nang marinig ko ito mula sa kanya. Alam ko na wala ako sa kalingkingan ni Dennis pero alam ko sa sarili ko na kaya ko din syang pasayahin, pero nabigo ako dito at tinanggap ko ito. Kahit na masakit ay wala naman akong ibang choice kung di magmove on.
Kinabukasan ay napansin ni Rocky na matamlay ako, kaya kinausap nya ako habang nagrorounds ako sa kanya. Hindi ko muna ito sinabi sa kanya dahil ayoko din naman syang maapektuhan, at yun na ang huling chemotherapy session nya dahil kung hindi pa mag-improve ang kundisyon nya ay iliipat na sya sa ibang hospital, kaya pinilit kong maging masaya para sa kanya. Ayoko kasi na maalala nya na malungkot ako nung huling admission nya sa ward namin.
Si Rocky yung tao na palaging nandyan sa akin sa tuwing kailangan ko. Naisip ko na maaaring mainlove ako sa kanya, pero pinigilan ko ito dahil straight sya at ayoko din na matulad ito sa amin ni Andre.
Masaya lang ako na may isang tao na kagaya nya na hindi nahihiya kahit mapagkamalan kaming couple sa tuwing kakain kami sa labas.
Nang madischarge na sya ay doon ko inamin sa kanya ang nangyari sa amin ni Andre, iyak ako ng iyak nun at kinomfort naman nya ako.
“Alam mo Matt, yung pagmamahal na hinahanap mo wala yun sa ibang tao, nasa loob mo yun, mahalin mo yung sarili mo, para in return, mahalin ka din ng mga taong mahal mo” ang sabi sa akin ni Rocky at ito ang tumatak sa akin. Tama si Rocky at wala akong pagtutol sa sinabi nya. Naalala ko kung paano ako nagpakababa para kay Andre at eto na marahil yung sagot kung bakit hindi ako kayang mahalin ni Andre.
Maya-maya pa ay nagkwento sya ng tungkol sa minamahal nya.
“I had a girlfriend. Nung malaman ko na may liver cancer ako, pinaalam ko ito sa kanya, she cried a lot. Tapos naging malamig na sya sa akin, and after a month, nakipagbreak sya sa akin. Hindi daw nya kasi kaya na maiwan mag-isa, hindi man lang nya ko pinanindigan na gagaling ako sa sakit ko, ang akala nya mamamatay na ko” ang sabi ni Rocky at tinignan ko sya.
“I was hopeless at that time, sya lang kasi yung inaasahan ko, tapos iniwan pa nya ako. Hindi na dapat ako magpapagamot nun. Dahil sa hindi ako nakatulog nung kinagabihan na hiwalayan nya ako at nakita kong mag-uumaga na ay pumunta ako sa McDo na palagi mong kinakainan kasi yun lang ang 24 hours na bukas na malapit sakin. Nung araw na yun nakaupo ako sa opposite side mo. Kitang kita ko kung paano ipakilala sayo ni Andre ang partner nya, nakita ko din kung paano ka nasaktan at naalala ko yung panahong katulad mo ako, yung halos walang nagmamahal” ang sabi ni Rocky at umakbay sya sa akin. Maya-maya pa ay nagpatuloy na sya.
“Sabi ko sa sarili ko kailangan kong lumaban, para sa mga kagaya ko, sa mga kagaya mo na iiniwan ng mga mahal nila. Kinabukasan pumunta ako sa ospital para magpacheck-up at doon ko na din napiling magpa-chemotherapy. Tuesday kita nakita nun kaya tuwing Tuesday ay pumupunta ako dun at umuupo sa pwesto mo, umaasa kasi ako na makikita kita ulit kasi alam ko dun ka pupunta sa spot mo. Tatlong Tuesday na hindi kita nakita at ang ika-apat ay yung araw na nakita mo ako at yun din ang sinet namin na date dati pa para simulan ang treatment sakin. Kaya kung natatandaan mo nginingitian kita kasi masaya ako na nakita kita ulit. Ginanahan ako nung makita kita kaya ibinigay ko yung table para sa maglola para makilala kita” ang sabi ni Rocky sa akin. Hindi ako makapaniwala sa mga nalaman ko sa kanya. Narealize ko din na maaaring matagal ko na palang mahal si Rocky pero hindi ko naiisip dahil sa takot na mauwi ito sa wala.
“Pwede akong maging bisexual para sayo, walang problema sa akin yun kasi mahal kita, pero ayokong masaktan ka dahil lang sa mamamatay din naman ako at ayokong iwan kang mag-isa” at naiyak na si Rocky.
“I’m pretending that I’m strong, kasi nandyan ka sa tabi ko palagi, but the truth is I’m weak. Can you stand by me until I’m gone? Maranasan ko lang na mahalin ng tulad mo masaya na ako. Pwede ba yun, Matt?” ang sabi nya sa akin at naiyak na din ako.
“I will always, I promise” at niyakap ko si Rocky. Doon ay nalaman ko na matagal na pala naming mahal ang isa’t isa at pwede palang magmahalan ang dalawang tao kahit na hindi sila pumapasok sa isang relasyon. Simula noon ay nanatili akong kaibigan sa kanya, sa lahat ng oras.
Nakapag-celebrate pa kami ni Rocky ng Pasko at New Year, dito ay itinodo na lahat ni Rocky ang mga makakapagpasaya sa kanya, baka daw kasi yun na ang huling Pasko nya at New Year na palagi ko namang kinokontra para mas lalong lumakas ang loob nya na lumaban.
Ilang buwan din kaming hindi nag-usap ni Andre matapos ang nangyari sa amin. Sa pag-uudyok sa akin ni Rocky ay naayos din namin ni Andre ang lahat. Madali kong napatawad si Andre at bumalik sa dati ang pagkakaibigan namin, siguro ganun talaga pagtotoong nagpapatawad ka, nabubura ang lahat ng hindi magandang nangyari at bumabalik sa dati ang lahat.
Matapos ang huling chemotherapy ni Rocky ay lumabas na ang resulta ng laboratory test nya. Hindi nag-improve ang kundisyon nya at mas lumalala pa ito. Dito ay sinamahan ko sya habang sinasabi nya sa pamilya nya thru phone na may sakit sya, binigyan ko sya ng lakas ng loob dahil sa kailangan nya itong sabihin na. Hindi na din sya sa unit namin naadmit dahil sa ibang ospital na sya nagpapachemotherapy dahil mas naging intensive ang treatment sa kanya. Nagfile ako ng leave at ako ang naging companion nya sa ospital dahil wala pa syang kasama nun dahil sa pauwi pa lang ng Pilipinas ang Ate nya at ang Mommy at Daddy nya. Dito ay mas napansin ko ang unti-unting paghina ng katawan nya at ilang pagbabago dito.
“Hindi na ko tinutubuan ng buhok ‘no Matt?” ang tanong nya sa akin. Epekto ito ng chemotherapy nya pero dahil sa gusto kong mapalakas ng loob nya ay puro positive lang ang sagot ko sa kanya.
“Dati naman bagay na sayo yung kalbo” ang sagot ko sa kanya.
“Shineshave ko kasi yun dati tsaka hindi na din ako tinutubuan ng balbas at bigote” ang sabi nya habang nakatingin sya sa salamin.
“Babalik din yan, kaya ikaw magpalakas ka para bumalik na sa normal yang mga buhok mo ok?!” ang biro ko sa kanya at nginitian nya ako. Nung araw din na yun ay dumating ang pamilya nya, nag-iyakan sila habang ako ay lumabas na muna para bigyan sila ng pribadong pagkakataon. Habang ako ay nakaupo sa bench ay nilapitan ako ng Ate nya pati na din ang parents nya at nagpakilala ako sa kanila.
Masaya sila at nagpapasalamat sila sa akin dahil sa hindi ko daw iniwan si Rocky nung mga panahong kailangan nya daw ng kasama. Tinanggap nila ako na parang isang kapamilya na din at pinayuhan ko sila na huwag ipakita kay Rocky na umiiyak sila, ito ay para hindi sya panghinaan ng loob.
Tuloy-tuloy pa din ang chemotherapy nya at mas lalo syang nanghina. Hindi na makatayo si Rocky at naiiyak ako sa tuwing sinusubukan nyang tumayo. Nagpupunta ako sa cr para umiyak dahil ayokong makita nya na pinanghihinaan ako ng loob. Nang malapit na ang birthday nya ay sinabi ko sa pamilya nya na i-celebrate ito sa McDo na parang isang kiddie party dahil sa ito daw yung hindi nya naranasan nung bata pa sya. Sinet namin ng mabuti ito at nag-out on pass kami sa ospital. Kinontak ng Ate nya ang mga kaibigan nito at ipinaalam ang lahat ng detalye sa birthday party nya sa McDo. Nung araw ng birthday nya ay pinagsuot namin sya ng jumpers na parang sa isang bata, natuwa sya dito at mas lalo syang natuwa nung nagpunta na kami sa McDo, ang inaakala nyang simpleng dinner ay isang kiddie party pala. Kahit na nasa wheelchair sya ay masayang masaya sya na makita at makasama ang halos lahat ng mga kaibigan nya. Bago yun ay nai-orient na ang mga kaibigan nya na wag iiyak sa harap ni Rocky. Masayang masaya si Rocky nang magsimula na ang games at pati na din ang mga kaibigan nya. Walang bakas ng kalungkutan nung araw na yun, kahit na nakita ko yung ibang kaibigan nya na umiiyak sa labas ng venue ay hindi naramdaman ni Rocky na may halong lungkot ang malamang na huling birthday nya. Nang makabalik kami sa ospital ay natulog nang masaya si Rocky at alam ko na natupad ang isa nyang pangarap nung bata pa sya at ang importante ay napasaya namin sya.
Natapos na ang leave ko at bumalik na ko sa ospital, panatag ang loob ko dahil sa nandyan na ang pamilya nya. Pagbalik ko ay naging borrowed staff ako sa Intensive Care Unit sa loob ng dalawang linggo. Pinauwi na din si Rocky nun dahil sa may laboratory test sya ulit at hindi pa naman sya magchechemotherapy. Hinayaan ko muna sya na maglaan ng panahon para sa pamilya nya. Bumibisita ako sa tuwing ipapasundo ako ng pamilya nya, ayoko kasi na makagulo sa panahong magkakasama silang pamilya.
Tuesday yun at mabigat ang pakiramdam ko pagpasok ko sa ospital. Hindi ako mapakali sa hindi ko maipaliwanag na dahilan. Kinalma ko ang sarili ko dahil sa wala namang dapat ipag-alala, naisip ko si Rocky pero nung tumawag ako sa kanila ay maayos naman daw ito at nakausap ko pa sya at pinaaalalahanan akong kumain on time dahil sa yun ang madalas na hindi ko na magawa dahil sa workload. Nang makausap ko sya ay kumalma na ako. Dahil mababa ang census sa ICU ay walang nakaassign sa akin na pasyente. Mga apat na oras ang lumipas ay tinawagan ako na may iaadmit daw. Hinanda ko na ang kama dahil ipapasok na ang pasyente. Nang pumasok ang stretcher ay nagulat ako na si Rocky ang nakahiga doon at walang malay. May tubo na sya sa bibig at nireresuscitate na. Sobrang nanghina ako sa nakita ko at natulala ako, hindi ko alam ang gagawin ko nung mga oras na yun, pero nung makita ko ang bangle na niregalo ko kay Rocky na suot nya ay bumalik ako sa katinuan, naalala ko ang dalawang kamay sa sports band na magkahawak na parang sinasabi sa akin na huwag akong bibitiw kay Rocky. Sa isang iglap ay ako na ang nag-CPR sa kanya.
“Rocky, don’t let go” ang sabi ko sa kanya. Tinignan ako ng mga kasamahan ko nung sabihin ko yun. Magulo pa din tracing sa ECG at tuloy pa din ang pagbigay ng oxygen direkta sa baga nya.
“Lumaban ka Rocky, don’t do this to me” ang naiiyak kong sinabi kay Rocky habang nag-CPR sa kanya. Maya-maya pa ay nagflat line na ang ECG at kinuryente na ang puso nya. Naiyak na ako at inakay na ako ng mga kasamahan ko papalayo.
Makalipas ang limang taon.
Masaya kong tinitignan ang mga picture namin ni Rocky nung mga panahong una kaming nagkakilala habang nakaupo sa paborito kong spot sa McDo. Nung panahong parang uhaw ako sa pagmamahal, hindi ko noon inaasahan na makakahanap ako ng pagmamahal sa isang lugar na hindi pangkaraniwan, sa taong hindi pangkaraniwan at sa pagkakataong hindi pangkaraniwan. Masaya ako na nakilala ko ang tulad ni Rocky na nagbigay ng kakaibang pagmamahal sa akin, yung pagmamahal na hindi kinakahiya, hindi ipinilit at yung pagmamahal na totoo. Sya yung patunay na meron din palang taong nakalaan sa mga kagaya ko, na halos “reject” when it comes to love. Maya-maya pa ay may lumapit sa akin..
“Kanina ka pa?” ang sabi nya sa akin.
“Hindi naman, sakto lang, naaliw ako sa mga pictures na ‘to, lagi akong napapangiti pag nakikita ko ‘to” ang sabi ko sa kanya.
“Patingin nga, syempre, mga picture natin ‘to eh, talagang mapapangiti ka” ang sabi sa akin ni Rocky at napatawa kaming dalawa.
“May naalala ka sa date ngayon?” ang tanong sa akin ni Rocky
“Oo naman, the day you almost died” ang sabi ko sa kanya.
“Katulad ng kwento ko sayo dati, narinig ko ang boses mo kaya lumaban ako” ang sabi ni Rocky sa akin at nginitian nya ako.
Naalala ko nung halos mamatay si Rocky nung oras na yun. Himalang narevive sya matapos kuryentehin ang puso nya. Hindi na ako nag-ooff sa duty nun dahil sa gusto ko ay ako ang mag-alaga sa kanya. Walang araw na hindi ako ang nag-alaga kay Rocky nung panahong nasa ICU sya, kahit na tapos na ang pagiging borrowed ko at pinababalik na ko sa medicine ay nakiusap ako sa management at naintindihan naman nila ito. Araw-araw kong kinakausap si Rocky kahit na wala syang malay at kada araw ay nag-iimprove ang kundisyon nya. Makalipas ang dalawang linggo ay nagkaroon na sya ng malay at tinanggal na sya sa respirator. Himala na mabilis ang improvement ni Rocky nun na kahit ang mga doktor ay hindi ito maipaliwanag. Makalipas ang tatlong buwan ay inilipat na sya sa area namin at doon ay tuloy tuloy na ang improvement nya. In 10 months ay halos naregain na nya ang lahat ng normal functions nya. Tuloy pa din ang paggamot sa cancer nya matapos yun at gumanda na ang resulta hanggang sa umabot ito ng dalawang taon at himalang naging totally cleared na sya sa cancer. Simula noon ay nangako si Rocky na tutulungan nya yung mga batang may cancer at maglalaan sya ng donation kada buwan dahil alam nya ang pinagdadaanan nila at kung gaano kahirap ito.
“Kaya nung malaman ko na cleared na ko sa cancer, I asked you right away, and you said yes and yun na ang pinakamasayang nangyari sa buhay ko. Alam mo Tuesday’s our day diba?” ang sabi ni Rocky sa akin.
“Kasi una kitang nakilala, Tuesday yun. Nung halos mamatay ka, Tuesday din yun, and coincidentally, Tuesday din yung nalaman natin na cleared ka sa cancer and you asked me kung pwede na maging tayo” ang sabi ko sa kanya at kinindatan ko sya.
“At Monday ngayon diba? Bukas Tuesday at saktong 3rd anniversary natin kaya ang gagawin natin is kakain tayo ng breakfast, then, uuwi tayo, mag-empake tayo kasi may flight tayo sa Singapore bukas ng umaga” ang sabi nya sa akin habang nakangiti.
“Sana lang nakaleave ako diba, ang sarap nun, sige gawin natin yan, magfifile ako ng leave” ang sabi ko sa kanya at inayos ko na ang mga pictures at bigla nya akong hinawakan sa kamay.
“Hmm, I believe off ka ngayon then simula na ng leave mo bukas”
“Kelan ka pa naging H.R. namin at alam mo ang schedule ko?” at tumawa kaming dalawa.
“Natatandaan mo two weeks ago yung may pinasignan ako sayo na papel na kunwari specimen signature mo, dun ko prinint ang request letter mo for leave then tinulungan ako ni Aica at sya ang nag-asikaso na magfile at tinext nya ako last Friday na approved na daw ang leave mo” at pinabasa nya sa akin ang text ni Aica at napangiti ako sa sorpresa sa akin ni Rocky.
Pagkatapos nun ay kumain kami at umalis din kami para magsimba. Tumambay kami saglit ni Rocky sa park na malapit sa simbahan.
“Everything’s set para sa flight natin bukas” ang sabi ni Rocky sa akin. Natuwa ako sa hinanda nya at niyakap ko sya.
“Thank you and I love you” ang sabi ko sa kanya. Ngumiti si Rocky at may inabot sya sa bulsa nya at sinabi nyang..
“All I can say is thank you very much kasi hindi ka nag-give sa akin and of course, I love you very much” at isang mahigpit na yakap ang binigay ko sa kanya.
“Kung tatanungin ba kita kung papayag ka magpakasal sa akin, will you say yes?” ang tanong sa akin ni Rocky at tinignan nya kung anong magiging sagot ko.
Tinitigan ko syang mabuti at isang matamis na ngiti ang sinagot ko sa kanya.
COMMENTS