By: Ryan "LAMPA!! LAMPA!!" Ang salitang nakasanayan at kinalakihan ko. Tampulan din ng tukso ang childhood ko. Okay lang naman sa ...
By: Ryan
Ang salitang nakasanayan at kinalakihan ko. Tampulan din ng tukso ang childhood ko. Okay lang naman sa akin kasi sanay na ako. Ako yung tipog binu-bully sa school at ng kung sino mang nakakalaro ko. Siyempre hindi ko din maiwasang umiyak noon, dahil ang pakiramdam ko ay nag-iisa lang ako at walang nagtatanggol kundi sarili ko lang. Kaya ang ending madalas nagmumukmok sa isang tabi at umiiyak.
Sabi nila malambutin daw ako. Aminado naman ako na medyo malambot nga ang kilos ko kaya halos ayaw nilang makalaro ako. Kaya minabuti ko nalang na mag enjoy mag-isa. At dahil sa marami akong panahon sa sarili ko ay naging daan yun para maging creative at matalino ako. Mula nang binukod ko ang sarili ko noong kabataan ko ay ginugol ko na lang sa pag-aaral dahilan upang makapagtapos ako na scholar sa kurso na Business Administration.
Mahilig din ako mag drawing, kumanta at tumugtog ng gitara. Yun lang kasi ang sa tingin kong kaya kong gawin. Hindi ko kasi kayang makipagsabayan sa sports dahil nga lampa at ayoko na din ng natutukso ako.
Simple lang ang pamumuhay namin, hindi mahirap at hindi rin mayaman. Tatlo kaming magkakapatid, ako ang pangalawa. Si kuya James ay nakapag-asawa na at kasalukuyang nasa abroad. Si Angel naman na bunso namin ay 3rd year college na.
Financially, kayang -kaya naman ng mga magulang ko na tustusan kami. Si papa ay isang engineer sa isang kilalang firm sa Quezon City at si mama naman ay simpleng may bahay lang.
Nakahiligan ko na ding mag-gym para kahit papaano ay maitago ko sa mga tao na lampa ako. Kaya mediyo maganda ang hubog ng katawan ko. Mga tipong Piolo Pascual lang. At sabi nila may itsura naman daw ako na pwedeng makipagsabayan. Maputi at makinis din ang balat ko. Siyempre ikaw ba naman laking bahay lang at puro gitara lang ang kasama. Kaya nakakapaglaan talaga ako ng oras para sa sarili kong kalusugan. Ang kaso, kahit na maganda ang katawan ko hindi ko pa din maiwasan ang matapilok, mabunggo at madapa.
25 years old na ako ngayon.
Dalawang buwan na pala buhat ng umalis ako sa dating company na pinapasukan ko. Actually pangalawang company na yun na pinagtrabahuan ko buhat ng naka graduate ako. Pero sa bahay pa din ako nakatira kasi ayaw pa ni mama na humiwalay ako sa kanya. Paborito kasi ako nun dahil mama's boy ako.
"Riju! Anak! Gumising ka na.... Diba may interview ka ngayon?!!!" sigaw ni mama. Tingin ko nasa hagdan siya. Nasa taas kasi ang kwarto ko.
Agad kong kinapa ang phone ko at tiningnan ito.
6:00 AM.
Dahan-dahan akong bumangon at nag-unat. 8:00AM pa naman ang interview ko at isang sakay lang ng jeep kaya may oras pa ako.
Naka received kasi ako ng tawag last week doon sa company na pinagbigyan ko ng resume/CV ko. At ngayong araw ako pinapapunta. Nag-aapply ako bilang Executive Assistant sa isang sikat na group of companies. Dalawang araw din akong nag-research tungkol sa company at nalaman ko ang mga hawak nilang negosyo. Meron silang food and beverages, supermarkets, malls, shipping, transportation, luxury brands clothing at madami pang iba. Malaking company kaya pinagbutihan ko talaga ang pag re-research at ang lahat ng iyon ay pag-aari ng mga ZAPANTA. Sikat ang mga Zapanta lalo sa business world.
Buti na lang at alam ko na ang location ng company. Kasi mahina talaga ako sa directions. Kung hindi kailangan kong umalis sa bahay ng 5:00 para lang hindi malate.
Pagkakain ko ay tsinek ko muna ulit ang ngipin ko baka may tinga. Wala naman.. Pero para sigurado ay nagtootbrush ulit ako. Mahirap na, mamaya ngingiti-ngiti ako sa harap ng employer tapos may tinga pala ako. At ngumuya ako ng isang pirasong chewing gum para fresh ang breath.
Tumingin ako sa itsura ko sa salamin. Napangiti ako kasi ang gwapo nung nasa salamin. Naka coat and tie, matikas at kagalang-galang ang dating. Kinindatan ko pa ang sarili ko habang nakatingin sa reflection at sabay sabing "Good luck, kaya mo yan".
Maya-maya ay nagpaalam na ako kay mama.
Naisipan kong magtaxi na lang. Nakakahiya naman kasing magjeep dahil sa itsura ko. Baka pagtinginan pa ako, ayoko nga.
Habang lulan ng taxi ay nag re-rehearse ako ng sagot na posibleng itanong sa akin. Excited ako na kinakabahan. "Sana ako ang mahire" sa utak ko.
Pagkababa ng taxi ay agad kong tinungo ang entrance na may revolving door. At pumasok ako, hindi pala automatic yun at dapat itulak muna para mag revolve. Ayoko pa naman ng mga gantong pangyayari. Kasi mahina ako sa direction at natataranta ako kapag hindi ko alam.
Itinulak ko pakaliwa.. ayaw umikot. Hala kinakabahan na ako. Itinulak ko pakanan.. ayaw pa din. 'Diyos ko ano ba to'. Na stuck na ako sa loob. Nataranta na ako. Pilit kong itulak ang magkabilang sides pero ayaw talaga umikot. Paano na ako makakapasok. Hirap kasi ako sa mga ganoong sitwasyon. Ewan ko ba, baka part yun ng pagiging lampa ko.
Mukha na akong daga sa loob ng mousetrap. Buti na lang wala pa masiyadong tao.
Ano kaya ang gagawin ko, wala naman akong makitang tao na pwedeng tumulong.
Lumingon ako sa likod ko. Tumagos sa salamin ang tanaw ko at nakita ko may isang lalake na matangkad at na ka coat and tie din. Hindi ko kaagad naaninag yung mukha kasi against the light.
Pero sa pagkakailing ng ulo niya ay makikita mong nagtataka siya at ang nakakainis pa ay hindi man lang ako tinulungan.
Napansin niya yata na nakatingin ako sa kanya. Agad siyang lumapit at itinulak yung revolving door. Laking gulat ko ay umikot ito at tuluyan na akong nakapasok.
Pumasok na din ang lalake. At napayuko na lang ako. Namumula na yata ako sa kahihiyan. Naramdaman kong nasa tapat ko na siya pero hindi ko siya tinitingnan dahil sa nahihiya talaga ako.
"Push it hard... I think you need to have some breakfast".
Inangat ko ang mukha ko, mas matangkad kasi sa akin at tiningnan ko ang mukha niya. Nakangiti na parang nakakaloko. Pero mukhang seryoso, ang sungit kasi ng dating ng pagkakasabi niya.
Napako ata ako at bahagyang napanganga, ang gwapo kasi. Kulay brown ang mata niya na binagayan ng makakapal pero maayos na kilay. Yung ilong niyang parang nililok, matangos na bumabagay sa shape ng mukha niya. Higit sa lahat yung mga labi niyang mapupula na parang masarap halikan.
Umalis na kaagad siya pero hindi pa din ako nakaimik, napayuko na lang ulit. Nabigla ako sa naging reaksyon ko. Magkahalong hiya at pagkataranta. Lalo sa lahat, yung dating nung presence niya sa akin. Ibang-iba. Kakaiba. Ngayon ko lang naramdaman.
Balak ko naman talaga mag thank you pero, nainsulto ako sa sinabi niya siyempre nahiya na din.
'Hmmp.!! Gwapo sana pero ang sungit' narinig kong pagdadrama ng utak ko.
7:30 AM
Nataranta na naman ako. Nasa 31st floor pa kasi yung pag-iinterviewhan ko. Kaya nagmadali na ako. Nag-alala ako sa itsura ko baka mukha na akong mandirigma dahil sa pagmamadali. Kaya noong narating ko ang floor ay agad akong tumungo sa toilet at inayos ang sarili. Pinilit kong ngumiti, hanggang sa nakalabas na ako ay nakangiti pa din ako na parang timang. Sinanay ko lang sarili ko.
7:45 AM
Naisip ko maaga pa ako. Pero noong nakapasok na ako nagulat ako at may limang aplikanteng nakapila. So pang anim ako ganun?? Dalawang lalake at tatlong babae ang naabutan kong nakapila. Akala ko pa naman maaga ako. No choice kailangan kong pumila.
Nakipagkwentuhan lang ako sa ibang applicants hanggang sa ako na ang tinawag. Wala na din akong kasunod.
Pagpasok ko nakita ko yung magiinterview. Nakatalikod siya na nakaupo sa malaking swivel chair. Nakaharap siya sa bintana at mula doon tanaw ang mga buildings na nakapaligid.
"GOOD MORNING SIR.!" masigla kong bati.
Umikot siya at humarap sa akin.
Parang sa palabas. Nanlaki ang mga mata ko, nagulat at muling napanganga. Nakalimutan ko bigla yung ngiting timang na pinapraktis ko kanina.
Siya kasi yung.... lalake kanina sa revolving door.
Tumikhim siya.. nahimasmasan ako at nag compose ng sarili. Mukha na naman akong timang sa pangalawang pagkakataon.
Itinuro niya ang upuan na tila nagsasabing 'umupo ka'.
"T..thank you po." mahina at pautal kong sambit. Ano na naman tong nangyayari sa akin. Nawala na naman ang confidence ko. Naisip ko, baka hindi niya ako ihire dahil sa katangahan ko kanina sa entrance.
"Good morning." simple pero buong-buo na pagkasabi niya.
"Good morning too." ulit ko. Pinilit kong ibalik yung ngiting kanina ko pa pinapraktis.
Pakiramdam ko namumula na ako.
"Next time, kumain ka muna bago ka mag report dito sa office ko." ngumiti na naman siyang nakakaloko. "You can start on Monday at wag na wag kang malalate".
Nagtaka ako, parang hindi ko naintindihan ang sinabii niya. You can start tomorrow??? at wag na wag akong malalate??? Tanggap na ba ako?
"Sorry sir... But I don't understa..." at pinutol niya agad ang sasabihin ko
"You are HIRED!" mukhang aliw na aliw sa reaction ko. Peo agad ding sumimangot.
"But sir, we haven't start the interview."
"Nareview ko na ang resume mo at wala na akong time para mag-interview pa. I have a meeting in 5 minutes". Saka siya tumayo at nakipag shakehands.
Nagugulahan man ay nakipag shake hands na din ako at nag thank you.
"You can go home now and prepare yourself on Monday. And again don't be late. Ako ang magiging boss mo" seryoso niyang sabi at kinabahan tuloy ako lalo. Mukhang mahirap siyang maging boss dahil hindi ko masakyan ang trip niya.
Nag bow ako sa kanya at pilit kong ngumiti. Agad akong tumalikod. Akmang bubuksan ko na ang pinto ay nagsalita siya bigla.
"May chewing gum ka sa likod mo."
Tiningnan ko ang pwetan ko, may nakadikit ngang chewing gum. 'haysss!! kapag minamalas ka na naman oh' pagwawala ng utak ko. Mukhang sa taxi ko nakuha ang gum na to. Kaya pala parang may pumitik sa pwet ko paglabas ko ng taxi.
Tiningnan ko siya, naasar na naman ako sa ngiti niya. Pero ngumiti ako ng pilit dahil sa sunod-sunod na kahihiyan at tatlong beses na nag bow hanggang sa tuluyan na akong nakalabas.
Huminga muna ako ng malalim. Saka inisip ang mga kamalasang nangyari sa araw na ito. Nainis ako sa sarili ko. 'antanga-tanga mo talaga, lampa na matarantahin pa. ewan ko na ang talaga sayo Riju.'
Pero sumagi din kaagad sa sarili ko na hired na pala ako. Kahit papano may swerte pa din na nangyari sa araw na ito. Kahit naguguluhan ay nagawa ko pa ding magdiwang. Kaya bigla akong napasigaw ng "YES!!!" with matching close fist pa.
Napalakas pala ang pagkakasigaw ko at hindi ko napansin na pinagtinginan na pala ako ng mga staffs.
Hiyang-hiya na naman ako at madaling naglakad habang tinaktakpan ang mukha ko ng bitbit kong folder.
'Ano ka ba naman Riju!!' pinapagalitan na naman ako ng isip ko.
Habang pauwi, iniisip ko pa din kung paano ako na hire. Ni hindi man lang ako tinanong ng isang beses. Totoo naman yung nasa resume ko at talagang pag dating sa trabaho ay magaling ako. Pero dapat ininterview pa din ako. Iba pa din kasi yung natanggap ka dahil sa nabilib sila sa mga sagot mo. Pinaghandaan ko pa naman maigi.
Ano kayang trip ng mokong na yun.
Tapos bigla akong kinabahan kasi mukhang strict ang mokong at perfectionist. Good luck na lang talaga sa akin.
Pagkapasok ko ng bahay ay sumalubong ang nagtagtatakang mukha ni mama.
"Kamusta nak?" aniya pero nagtataka pa din siya.
Hindi ako umimik dahil occupied pa din ang isip ko ng mga katanungan.
Dumirecho lang ako na parang hindi nakita si mama.
"Okay lang yan anak. Marami pa naman pwedeng applyan." nagsalita siya sa likod ko.
Umupo ako sa sofa at hindi pa din ako nagsalita. Tiningnan ko si mama, mukha siyang nag-aalala.
"I'm hired." mahina kong sambit
"Iyon naman pala eh" bulalas niya. "Bakit naka byirnes santo yang mukha mo? Dapat mag celebrate tayo."
Nginitian ko siya ng alanganin.
Tapos kinuwento ko ang nangyari at yung pagkaka hire sa akin.
"Di ko talaga alam ma bakit ako na hired. Ni hindi man lang ako tinanong ng kahit isang tanong. Hindi tuloy ako na challenge."
"Mahalaga na hire ka."
"Naguguluhan lang talaga kasi ako ma." nginitian ko siya.
Naisip ko na naman si boss. Parang may bahagi ng pagkatao ko na nae-excite kasi siya ang boss ko. Napakagwapo niya kasi. Alam ko naman na na-aattract ako sa mga gwapong boys. Pero ni minsan hindi ko sinubukan na makipag relasyon. Hanggang tingin na lang ako sa kanila.
Pero yung magiging boss ko, iba yung dating sa akin eh. Parang hindi siya mawala sa isip ko kahit na hindi maganda ang unang pagkikita namin.
Geremy Zapanta . Tama yan yung nakasulat sa harap ng table niya.
Agad-agad ko siyang tiningnan sa internet. Napamangha ako sa achievement niya. 27 years old pa lang siya pero marami na siyang narating at isa siya sa mga nagmamanage ng negosyo nila. Pang apat siya sa anim na magkakapatid. At puro lalake sila. Nakita ko din ang mga kapatid niya, ang ggwapo nila walang patapon. Naging cover din siya ng isang sikat na business magazine. Kaya pala parang nakita ko na siya. Sa magazine ko pala siya unang nakita.
Grabe, namangha talaga ako sa achievements niya. Kaso, naalala ko yung mukha niya parang hindi masaya. Parang laging seryoso. Masaya kaya siya sa buhay niya? Sabagay yan din kasi ang problema ng mayayaman. Hindi nila nararanasan ang tunay na ligaya. Ang alam lang nilang ligaya ay natatagpuan sa pera nila. Hindi nila naranasan na maging masaya na hindi na ka-kailanganin ng pera.
Bakit nga ba siya malungkot.
Baka baog siya at iniwan ng jowa.
O baka naman naputulan siya ng nota dahil babaero siya.
O di kaya ay bakla siya at hindi niya kayang maglad-lad. Pero impossibleng bakla si sir. Sa itsura pa lang eh napaka brusko. Tsaka hindi siya nasasagap ng radar ko.
Ano ba naman tong mga naiisip ko. Makatulog na nga.
----
Monday na bukas.
Kaninang hapon palang ay plantsado ko na ang mga long sleeves na susuotin at slacks ko sa buong linggo. Pinakintab ko na din ang leather shoes ko na ultimo ipis ay madudulas kapag tumapak doon. At dahil sa sobrang kinis at linis nito, ultimo alikabok ay mahihiyang lumapit dito.
Excited... Kinakabahan..
COMMENTS