$type=carousel$hide=post$clm=6$c=20$l=0$sp=2000$src=random$b=0$do=0$hide=/search/label/Events

$show=mobile$hide=home-page-404

$hide=home-page-404-mobile

A Beautiful Artifice (Part 6)

Agad kaming naligo at naghanda dahil napag-desisyunan namin na kumain sa labas o kaya ay mad-drive thru na lamang at sa daan na kumain.

By: Joshua Anthony

Halos buong biyahe ay natulog lamang ako. Tinatanong-tanong ko rin si Zeke kung nais niyang ako na muna ang mag-drive at nang maka-idlip na muna siya, ngunit nginingitian niya lang ako at sinasabihan na magpahinga na lang. Sa tuwing maaalimpungatan ako ay naririnig ko silang dalawa ni Maddie na nagku-kwentuhan at nagtatawanan.

Una akong nakababa ng sasakyan sa kanila dahil ang condo nila Seb ang pinakamalapit pauwi. Sina Zeke at Maddie naman ay magkalapit lamang ang bahay sa Greenhills.

Pagdating sa condo ay dumeretso kaagad ako sa kwarto at naupo sa aking higaan. Iniiwasan ko ang tumingin sa mga bagay-bagay na nasa paligid dahil ayaw kong madagdagan pa ang aking kalungkutan. Nahiga ako at pinilit na alisin sa isip ang nangyari sa amin sa resort.

Gusto ko sanang umalis dahil ayaw ko pa ring harapin si Seb bukas sa kanyang pag-uwi. Naisip kong umuwi sana kina Mama sa Cavite, ngunit inisip ko rin na mag-aalala sila sa akin. Lalo na kung makita nila ang pasa sa aking mukha. Hindi ko rin naman gusto na magkwento sa kanila kung ano ang nangyari at ayaw ko rin na pasamain ang tingin nila kay Seb.

Halos isang oras na rin ang nakakalipas at hindi ko pa rin magawang makatulog. Pagod man ang aking katawan at nais nang magpahinga, aktibo naman ang aking isip at maraming naiisip na mga bagay-bagay patungkol sa amin ng matalik kong kaibigan. Bigla kong naalalang kunin ang aking cellphone dahil panay ang tunog niyon sa loob ng aking bag habang nasa biyahe pa lamang kami.

You have 48 unread messages.

You have 17 missed calls.

Agad kong tinignan ang aking call log. Lahat ay galing kay Seb. Inisa-isa ko naman ang mga bagong messages na natanggap. Pinakamaraming mensahe ang galing din kay Sebastian. Ang ilan naman ay galing kina Natalie at iba pa naming kasamahan na inaalam kung ayos lang ba ang aking kalagayan. Hindi ko na sila sinagot pa sa kanilang mga text messages. Alam ko naman na malamang ay sinabihan na rin sila ni Zeke patungkol sa maayos naming pag-uwi.

May isang mensahe naman na galing kay Mama: When will you come? Uwi ka naman, anak.

Bigla ko na lamang na-miss ang aking mga magulang kaya dali-dali kong tinawagan ang numerong iyon ni Mama. Halos ala-una na ng madaling araw at siguradong mahimbing na rin ang tulog nila Mama, ngunit nais kong marinig ang boses ng aking ina. Nais kong kahit sa papamagitan lang niyon ay mabawasan ang aking mga dinadala sa aking dibdib.

Matapos ang siguro’y anim na pag-ring ng phone ay sumagot din kaagad si Mama.

“Hello, anak? Anong nangyari? Napatawag ka? Wala pang umaga ah.” sunod-sunod na bungad ni Mama.

Sa boses pa lamang na iyon ng aking ina ay hindi ko na mapigilan ang pagtulo ng aking mga luha. Para akong isang paslit na nangungulila sa kanyang yakap.

“Anak? Ano ang problema?” mahinahon niyang dagdag. “Nag-away ba kayo ni Seb?” May paglalambing at pag-aalala sa boses niyang iyon.

May kung anong koneksyon talaga ang mga ina sa kanilang mga anak at agad nilang nararamdaman kung may problemang dinadala ang kanilang mga pinakamamahal na supling. Mabuti na lamang at may ganoon dahil sa mga pagkakataong katulad nito, na hindi ko kayang magsalita at sabihin ang aking dala-dala, ay malakas naman ang pakiramdam ni Mama at iniintindi ako.

Kaya naman ako halos hindi makapagsalita dahil alam ko na bigla na lamang akong hahagulgol. Patuloy man sa pagluha ang aking mata, pilit ko pa rin na huminga ng maayos at hindi mahikbi.

“Kung ano man ‘yan, anak, andito lang si Mama ha? Andito lang kami ni Papa mo.” tugon pa niya.

Mahina ngunit klaro at banayad ang kanyang mga salita.

“Uwi ka na muna dito, anak. Uwi ka ngayong araw, Chardy. Ipagluluto kita ng mga paborito mong pagkain. ‘Yung maasim na Sinigang, gusto mo ba niyon? Magluluto rin ako ng turon na may langka, anak.”

Tanging mahinang tunog ng pagsang-ayon na lamang ang mga nagigiing sagot ko kasabay ng madalas na pag-singhot dahil sa sipon. Para rin akong nabunutan ng tinik kahit papaano dahil ramdam ko ang pagkalingang iyon ni Mama kahit na malayo kami sa isa’t-isa.

“O siya, sige. Magpahinga ka na muna ha? Tapos uwi ka na dito, anak. Hihintayin ka namin ng Papa mo ha?” sabi niya. “Sige, ibaba mo na at nang makapagpahinga ka na. Mahal kita, Chardy. Mahal na mahal ka namin ng Papa mo, anak!”

Matapos noon ay tumagilid na lamang ako sa paghiga paharap sa pader at pinilit na makapagpahinga.

Bandang alas-kwatro na nang ako ay magising. Agad akong nagtungo sa banyo at nag-hot shower. Pagkalabas ay nagbihis na ako kaagad. Isang puting v-neck shirt at light-denim shorts ang napili kong suotin dahil magaan at kumportable sa pakiramdam. Isinabit ko rin ang aking shades sa aking damit dahil balak ko iyong suotin upang matakpan kahit papaano ang pasa sa aking mukha. Ang aking lack flipflops na lang din ang naisipan kong suotin dahil wala na akong ganang magsuot pa ng sapatos.

Kinuha ko naman ang isa kong knapsack at ipinasok doon ang aking isang notebook, laptop, mga chargers, at hard drives. Ipinasok ko na lang din doon ang isang pares ng aking mga sapatos. May mga magagamit naman ako doon sa aming bahay pag-uwi kaya’t hindi ko na kinakailangang magdala pa ng mga damit.

Inilagay ko sa aking bulsa ang aking wallet at cellphone, kinuha ang aking susi sa condo, at binitbit ang bag at ukulele na nasa kanyang case.

Paglabas ng kwarto ay sakto naman na pagpasok ni Seb ng condo at agad na tumingin sa akin pababa sa’king mga bitbit.

“Chard…” mahina niyang sabi. “Aalis ka?”

Hindi ko siya sinagot at nagpatuloy lamang papuntang pinto. Nang makalampas ako sa kanya ay agad niya akong hinatak sa aking kaliwang braso paharap sa kanya. Nagkatitigan kami ng sandali, ngunit bigla siyang napatitig sa pasa sa aking mukha. Para naman akong nanliit at napayuko na lang.

Hinawakan niya ang aking baba at iniangat. Napatingin akong muli sa kanya at kitang-kita ko ang pamumuo ng luha sa kanyang mga mata. Taas-baba rin ang kanyang dibdib dahil sa malalalim na paghinga. Gusto ko na namang maiyak, ngunit pinigilan ko ang aking sarili.

“Sorry, Chard.” naiiyak niyang sabi.

Agad siyang nagtangka na akapin ako ngunit umusog ako ng kaunti upang hindi iyon matuloy. Napahinto naman siya at malungkot na nakatingin pa rin sa akin habang patuloy ang pagpigil sa mga luha niya na pumatak.

“Uuwi ako.” walang emosyon kong sabi sa kanya.

Idiniin niya naman ang paghawak sa aking braso. “Hintayin mo ako, sasama ako sa’yo.” sabi niya.

Agad kong hinila ang aking braso at tumalikod sa kanya. “Hindi, Seb. Hindi ka sasama sa akin.”

“Pero, Chard…” pagpipilit niya.

Nilingon ko siya sandali at tinitigan. Matapos ang ilang segundo ay nagtungo na ako palabas upang iwan siya, ngunit bigla na naman siyang nagsalita.

“Sige. Dun ka na lang sa Zeke na ‘yun magpasama. Tutal kayo naman ang laging magkasama eh. Sige, kayo na lang. Umalis ka at iwan mo ako rito.” sabi niya.

Hindi ko na siya pinansin dahil ayaw ko na ng mahaba pang usapan. Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad paalis.

Naging maayos naman ang aking biyahe. Mabuti na lamang at naabutan ko ang first trip ng bus kaya halos isa’t kalahating oras lang ang haba ng aking biyahe.

Magkatext kami ni Mama sa aking biyahe at sinundo rin nila ako mula sa babaan ng bus. Agad akong niyakap ni Mama at si Papa naman ay nilalaro-laro akong suntukin at saka ginulo ang aking buhok. Napansin din nila ang aking pasa sa mukha ngunit hindi na sila nagsalita pa patungkol doon.

“Gutom ka na siguro. Tara na at nang makakain na tayo!” wika ni Mama.

Nakatingin lamang ako sa mga tanawin na aming nadadaanan habang nasa sasakyan papuntang bahay. Naaaninag ko naman na panay ang tingin sa akin ni Papa mula sa rearview mirror niya at si Mama naman ay palingon-lingon din sa akin. Marahil ay naiilang at nag-aalangan na tanungin kung ano ang aking nararamdaman.

Agad kong binasag ang katahimikan at nagsalita.

“Ayos lang lang po ako. There’s nothing to worry about.” sabi ko sa kanila.

Nagkatinginan naman sandali sina Mama at Papa. Mula sa rearview mirror ay tumingin-tingin muli sa akin si Papa at nangiti.

“Ayos lang naman daw pala siya, hon, eh.” wika ni Papa kay Mama.

Natawa naman ng bahagya si Mama dahil sa sobrang nakakailang nga ang sitwasyon. Bigla niya akong nilingon mula sa kanyang kinauupuan at nginitian. “O sige, sabi mo eh. Masaya kami at narito ka ulit, anak.”

Agad ko namang inilapit ang aking sarili kay Mama at madiin na hinalikan siya sa pisngi. Marahan namang piningot-pingot ni Papa ang aking tainga at nangingiti. Mahal na mahal ko ang aking mga magulang. Walang kahit na anong bagay na makapapalit sa kanila sa aking buhay.

Pagdating sa bahay ay agad kaming nagpunta sa dining area. Tinulungan ko si Mama na ihanda ang hapag-kainan habang si Papa naman ay may kukunin lang daw saglit sa kanilang kwarto. Gaya ng pinangako ay nagluto nga si Mama ng ilan sa mga paborito kong pagkain. Sinigang na hipon, paksiw na pata, adobong talong, at pinakbet. Nagluto rin siya ng turon na may langka. Sa sobrang dami ay halos mabusong na ako sa pagkakatitig lamang sa mga ‘yon.

Maya-maya pa ay naupo na kami ni Mama at tinawag si Papa na bumaba na at nang makakain na kami. Sa pagbaba ni Papa ay may bitibit siyang mga gamot na kanyang iinumin pagkatapos daw namin kumain. Tinititigan ko ang mga iyon at pansin ko rin na napapatingin sa akin si Mama. Si Papa naman ay hindi ako tinitignan ng diretso sa mata.

“Ang dami niyan, Pa, ah.” sabi ko sa kanya.

Napangiti naman siya at tumingin kay Mama pagkatapos maupo. “Oo nga, anak, eh. Napapalaban si Papa sa mga gamot ngayon.”

“Parang sobra rin ang pagkakapayat mo, Pa. Nung summer naman hindi, ka ganyan.” puna ko.

“Kaya nga at kumain na para tumaba!” biro naman ni Papa sa akin.

Nilingon ko naman si Mama, “Ma, ano pong nangyayari?” mahinahon kong tanong.

Siguro ay ilang segundo rin bago ako tinignan ni Mama at nangiti. Si Papa naman ay nakatitig lang din sa mga pagkain.

“Napapadalas kasi ang pagkirot at paninikip ng dibdib ni Papa, anak.” panimula ni Mama. “Inaagapan lang daw na baka atakihin sa puso.”

Agad naman akong nakaramdam ng lungkot. Magsasalita na dapat ako ngunit biglang nagsalita si Papa.

“Pero ayos naman, anak! Malakas pa ako sa kalabaw! Eto nga lang at may marami-raming gamot.” nangingiti niyang pagsisiguro sa akin.

May katandaan na rin kasi ang aking mga magulang. Itinuturing nila akong miracle baby dahil sobrang tagal daw nilang hinintay na magkaroon ng anak. Nasa lahi raw kasi nila Papa ang hypertension at mga ata-atake sa puso. Iyon din ang ikinakatakot ko, dahil alam ko na traydor ang sakit na iyon.

“Lumalaban naman si Papa, anak.” mahing sabi naman ni Mama sa akin.

Ibinaling ko ang aking tingin sa aking plato. Panay din ang pagkurap ng aking mga mata upang pigilin ang pagluha, ngunit bigla na lamang umagos ang mga ito. Nakangiti ako habang nakayuko, marahil ay nais kong alisin ang kanilang pag-aalala dahil na rin sa aking pagluha.

Bigla rin kasing bumuhos sa isipan ko ang mga bagay na mas pinagtuunan ko ng pansin kaysa sa aking mga magulang. Naintindihan ko rin kasi kung papaanong napaka-makasarili ko pala. Maaaring hindi ako maiintindihan ng ibang tao, ngunit alam ko na naging makasarili ako.

Makasarili dahil mas pinili kong manirahan kasama si Seb at intindihin ang mga bagay na mapagde-desisyunan naming dalawa. Naging makasarili rin ako na isiping palaging ang tungkol lang sa amin ni Se bang iniintindi ko. Katulad ngayon na uuwi lamang ako dahil may dala-dala akong hinanakit na kagagawan ko rin naman kung tutuusin.

Noong mga sandaling iyon naintindihan ko na habang ako ay abalang-abala kakahanap ng kalinga dahil sa sakit na nararamdaman, hindi ko nakita na may pangangailangan din ang mga tao sa aking paligid at kailangan nila ang aking tulong lalo na ang aking mga magulang.

Dahil sa pag-aalala ay biglang hinawakan ni Mama ang aking kamay. Si Papa ay patuloy pa rin na umiiwas na tingnan ako. Hindi marahil alam kung ano ang dapat gawin sa mga sandaling iyon. Nginingitan ko lamang sila at humihikbi-hikbi.

“Sorry, Ma, Pa.” muli kong pag-uumpisa.

“Sorry naman saan, anak?” biglang tanong ni Mama na pinipisil-pisil pa rin ang aking kamay.

“For being so entitled po.” marahan kong sagot. “Minsan po kasi, as your child, iniisip ko na dahil nag-iisang anak niyo ako, normal lamang na mag-demand ako. Papabili ng ganito, hindi muna uuwi dito sa bahay kasi pagod at tinatamad bumiyahe, o kaya naman ay hindi magpaparamdam kahit sa text or call.”

Umiiyak na rin si Mama at hinahaplos na ang aking likod. Tumigil naman muna si Papa sa pagsasandok ng pagkain sa aming plato at pinipigilan din ang pagluha.

“Umuwi ako, Ma, Pa, kasi mayroon kaming hindi pagkakaunawaan ni Seb. Umuwi ako kasi nahihirapan po ako. Umuwi ako kasi gusto kong humingi ng lakas sa inyo.” iniangat ko na ang aking ulo at tinignan ang aking mga magulang. “Hindi ko man lang naisip kahit na minsan na kailangan niyo rin ako—na kailangan kong umuwi dahil ito ang tahanan natin, dahil pamilya tayo.”

“Wala namang problema iyon sa amin, anak.” mahinang sagot ni Mama.

“Hindi po, Ma. Ngayon ko lang po naiintindihan at humihingi po ako ng tawad. Masyado po akong nag-focus sa sarili ko lamang. Sinasabi ko na dahil nag-iisa akong anak, dapat lahat ng gusto ko ay mapunan ninyo. Maging mga pagkukulang ko ay dapat maintindihan ninyo. Pero hindi ko naisip na dahil sa nag-iisa nga lang po akong anak ay kailangan niyo ako.”

Tumayo si Mama at niyakap ako. Si Papa naman ay pinisil-pisil ang aking balikat.

“Ganoon talaga ‘yon, anak. Kaya kami tinawag na magulang ay dahil doon.” sabi ni Papa.

Agad kong nilamutak ang aking mukha upang alisin ang mga luha at nagpakawala ng isang malalim na hinga. “Thank you!”

Bigla na lang akong natawa. “Ano ba ‘yan, ang drama natin! Haha.”

“Ikaw kasi, anak, eh. Kain na nga tayo!” wika ni Mama na bumalik na sa kanyang upuan.

Dahil sa kondisyon ng kalusugan ni Papa ay nagdesisyon ako sa aking sarili na piliting umuwi kapag weekends at sa tuwing walang pasok. Sinabihan din kasi siya ng kanyang doktor na huwag munang tumanggap ng mga trabaho at magpahinga na lamang muna sa bahay.

Mabuti na lamang at may mga ipon pa rin sila na siyang ginagamit namin pambayad sa mga bayarin maging aking pambaon. Malaking tulong din ang aking pagiging iskolar dahil kahit papaano ay hindi na sila mag-iisip pa kung saan kukuha ng pambayad sa aking matrikula. Hindi rin naman kasi ganoon kalaki ang sinasahod ni Mama bilang isang guro.

Natapos ang buong araw na pumasyal-pasyal lang kaming pamilya. Binisita ang ilan naming mga kamag-anak sa karatig-bayan. Nanood ng sine, kumain sa labas, at mula naman sa mga naipon kong pera ay binilhan ko ng bagong gamit sina Mama at Papa. Mahilig kasi si Papa sa mga polo shirts kaya’t iyon ang ibinili ko sa kanya at isang sinturon na rin. Si Mama naman ay binilhan ko ng isang pares ng sapatos na maaari niyang magamit sa kanyang pagpasok sa trabaho.

Halos alas-onse na ng gabi nang kami ay makauwi. Dahil sa pagod ay sabay-sabay din kaming pumanhik sa itaas papunta sa kanya-kanyang mga kwarto. Niyakap ko na muna sila bago tuluyang pumasok sa aking silid.

Pagkatapos maligo ay nahiga na rin ako sa aking kama. Na-miss ko ang aking kwarto. Nakadikit pa rin sa dingding ang mga lumang posters ng mga paborito kong banda. Maayos pa rin na nakatupi ang aking mga damit na matagal ko na rin na hindi nasusuot. Amoy bagong laba rin ang mga iyon pati na rin ang aking kobre-kama, punda, at kumot. Siguradong nilabhan iyon ni Mama upang hindi mangamoy aparador.

Hindi naman naging mahirap sa akin ang makatulog dahil sobrang napagod nga ako sa maghapon.

COMMENTS

banner

[SHORT STORIES]$type=carousel$clm=4$c=20$l=0$sp=2500$src=random$b=0$do=0$hide=archive-search-label

Name

Announcement,5,Arranged,31,Articles,14,At Work,541,Birthday Party,1,Close Friends,1419,Completed,45,English,34,Entertainment,1,Events,4,Fantasy,56,Featured,9,Fetish,16,Foreigner,17,Grand Eyeball,2,Group,8,Health,3,History,1,HIV Awareness,2,Hot,5,Iconic,1,Incest,1085,Indie Films,21,Inspiring,10,Love Story,866,Luke Conde,1,Military,12,Mini Eyeball,2,Neighbors,226,News,9,Outing,1,Series,144,Short Story,167,Speaking Out,15,Sports,17,Strangers,831,Tips,2,Under Editing,5,Updates,3,Wild Abandon,288,Young Awakening,449,
ltr
item
Mencircle: A Beautiful Artifice (Part 6)
A Beautiful Artifice (Part 6)
Agad kaming naligo at naghanda dahil napag-desisyunan namin na kumain sa labas o kaya ay mad-drive thru na lamang at sa daan na kumain.
https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhxcC4toJyppBIzOxx_rMiPaPc7Iq_10B7Q7Bf38KfzmLstSsUOMt2pftCez2HXg8Ax9t7xswS6_bk5vjLawRR8HdcO_fXKRzmxb4q7U0TB0jaPkwgPxKh6ILVVBse6qrShmTTeUw6Wee9l/s1600/A+Beautiful+Artifice.jpeg
https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhxcC4toJyppBIzOxx_rMiPaPc7Iq_10B7Q7Bf38KfzmLstSsUOMt2pftCez2HXg8Ax9t7xswS6_bk5vjLawRR8HdcO_fXKRzmxb4q7U0TB0jaPkwgPxKh6ILVVBse6qrShmTTeUw6Wee9l/s72-c/A+Beautiful+Artifice.jpeg
Mencircle
https://www.mencircle.com/2017/04/a-beautiful-artifice-part-6.html
https://www.mencircle.com/
https://www.mencircle.com/
https://www.mencircle.com/2017/04/a-beautiful-artifice-part-6.html
true
8703757858338494123
UTF-8
Loaded All Posts Not found any posts VIEW ALL READ Reply Cancel reply Delete By Home PAGES POSTS View All RECOMMENDED FOR YOU CATEGORY ARCHIVE SEARCH ALL POSTS Not found any post match with your request Back Home Sunday Monday Tuesday Wednesday Thursday Friday Saturday Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat January February March April May June July August September October November December Jan Feb Mar Apr May Jun Jul Aug Sep Oct Nov Dec just now 1 minute ago $$1$$ minutes ago 1 hour ago $$1$$ hours ago Yesterday $$1$$ days ago $$1$$ weeks ago more than 5 weeks ago Followers Follow SHARE TO CONTINUE STEP 1: Share to Facebook or X (Twitter) STEP 2: Click the link on your shared post Copy All Code Select All Code All codes were copied to your clipboard Can not copy the codes / texts, please press [CTRL]+[C] (or CMD+C with Mac) to copy Table of Content