$type=carousel$hide=post$clm=6$c=20$l=0$sp=2000$src=random$b=0$do=0$hide=/search/label/Events

$show=mobile$hide=home-page-404

$hide=home-page-404-mobile

Ang Tangi Kong Inaasam (Part 8)

Haist, sa wakas natupad ko na rin ang pangarap ko sa aking mga magulang. Parang kailan lamang nangarap akong hihinto na sila sa pagta trabaho at makapagpahinga na.

Ang Tangi Kong Inaasam

By: Confused Teacher

"If we spend enough time dreaming, then the dream might eventually become real."

Paul

Haist, sa wakas natupad ko na rin ang pangarap ko sa aking mga magulang. Parang kailan lamang nangarap akong hihinto na sila sa pagta trabaho at makapagpahinga na. Akala ko noong una pangarap lamang iyon pero heto na ngayon may bonus pa nakapagpatayo na rin ako ng bahay para sa kanila sa Tagaytay, pinili ko dito dahil marami akong dahilan, una ay gusto kong tuluyan ng makapagpahinga sina Mama at Papa at gugulin na lamang ang oras nila para sa kanilang sarili.

Mabuti na rito sariwa ang hangin, mula nang ma stroke si Mama iyon din ang sinabi ng duktor malaki ang maitutulong ng maayos na pahinga para makabawi siya ng lakas. Kaya nagdesisyon na ako na humanap ng lugar na sariwa ang hangin at makakapagpahinga siya ng maayos. Sakto namang may nakita akong for sale na lote at naipasok naman sa financing ang kulang sa pagpapagawa ng bahay. Masaya na rin ako na kahit naubos ang lahat ng savings ko kita ko naman ang saya ng mga magulang ko.

Noong una, umuuwi pa rin ako sa dati naming bahay dahil umaasang babalik si Patrick. Naniniwala kasi ako na galit lamang siya nang mga panahong iyon kaya niya nagawa ang mga bagay na iyon. Pero lumipas ang bakasyon, hindi siya nagpakita hanggang sa sinabi na lamang ni Ninang na sa Davao na mag-aaral, Sobrang sakit para sa akin ng ginawa niya.

"Bakit Patrick, wala bang kapatawaran ang ginawa kong pag-alis?" iyon ang madalas kong tinatanong.

Bakit hindi niya maunawaan na ginawa ko lamang iyon para paghandaan ang kinabukasan ko, ang kinabukasan namin. Kasama siya sa aking mga pangarap. Naging makasarili ba ako? Naiintindihan ko naman na mahal niya ako at ayaw niyang lumayo ako pero nangako naman ako na babalik at tinupad ko iyon. Bakit ang dali mo akong kinalimutan at ipinagpalit mo agad ako. Nakipag girlfriend ka agad. Ganon lamang ba talaga ako sa iyo? Ganon mo ba talaga ako kabilis nalimutan?

Ganoon pa man, hindi ako nakaramdam ng galit o anumang pagtatampo sa kanya. Pagkalabas ko ng hospital siya agad ang hinanap ko pero nahuli na pala ako. Sinisi ko ang sarili ko dahil noong nasa ospital hindi ko siya kinausap, alam ko namang naroon siya para sa akin, pero natakot ako na baka galit pa rin siya kaya inisip ko na lamang na paglabas ko saka ko siya kakausapin, ipapaliwanag ko ang lahat. Bata pa si Patrick kailangan pa niya ang tamang paliwanang para maunawaan ang mga bagay-bagay. Sa pag-alis niya na walang paalam na confirm kong galit pa rin siya. Pero hindi ako sumuko, ipaglalaban ko siya, mahal ko siya, patutunayan ko iyon sa kanya. Una kong ginawa ay ang puntahan si Dianne.

"Paul, naging masama ba akong girlfriend sa iyo, nakulangan ka ba sa pagmamahal ko?" umiiyak niyang tanong sa akin.

"Hindi Dianne, perfect ka at wala akong mahihiling pa mula sa iyo." Matapat kong sagot sa kanya.

"Kung ganon bakit kailangan mong tapusin ang lahat para sa atin, naghintay ako ng buong taon, hindi ko inasahan nang ito ang magiging pasalubong mo sa akin."

"Wala sa iyo ang problema, nasa akin, you deserve more, more than me, magulo ang isip ko ngayon at hindi ko maibibigay sa iyo ang ine-expect mo sa kin."

"Handa naman akong maghintay, wala naman akong reklamo sa ating relasyon?

"Ayokong masaktan ka lamang, mas mabuti na ang ganito, kasi sa panahong ito napakagulo talaga ng isip ko, sana maunawaan mo ako.

Naghiwalay kaming hindi niya tinatanggap ang sinabi ko kaya lalo akong nahirapan.

Pero iyon ang dapat, dahil nagi-guilty na rin ako, isa pa kailangang malaman ni Patrick na siya ang pinili ko. Bagamat masakit dahil kahit papaano ay minahal ko si Dianne pero hindi ko na kayang dayain ang sarili ko si Patrick ang gusto kong makasama. Hindi na ako bumalik ng Japan bagamat mas maganda ang naging offer sa akin kung babalik ako. Nagtrabaho ako dito sa Pilipinas dahil nag-alala ako na baka pagbalik ni Patrick na wala ako ay magalit na naman. Naghintay ako pero natapos ang unang taon hindi siya nagpakita. Kahit text or tawag wala akong natanggap mula sa kanya. Inunawa ko na lamang dahil gaya ng sabi ni Ninang, mahirap ang kalagayan niya doon sa Davao. Naging pampalubag loob ko na lamang na ECE ang course niya kahit papaano ay may bahagi pa rin na hindi niya ako nakakalimutan. Nagsikap ako sa trabaho ko hanggang natapos ko ang aking kontrata sa kumpanya ng Hapon at natanggap ako sa isang mas magandang kumpanya dito sa Pilipinas at nabigyan ng maayos na posisyon at sweldo. Binalak kong puntahan siya sa Davao, pero sabi ni Ninang baka hindi pa siya handa na harapin ako. Masakit pero baka mas mapasama sa halip na maganda ang maging epekto.

Nang dumating ang summer, nakita ko siya, kahit nasa bahay nila siya sobrang saya ko dahil nakita ko siya kapag lumalabas. Lagi akong nag-aabang sa terrace namin bakas sakaling pumunta siya sa amin, mabuti na iyong naroon ako. Pero bigo pa rin ako, parang lagi siyang nagmamadali kapag umaalis. Nabalitaan ko na nakipagbreak siya sa girlfriend niya kahit papaano ay nagkaroon ako ng konting pag-asa na pwede pang maging kami. Pero after ng 5 days umalis din siya na hindi man lamang ako kinausap, ang sakit, 2 taon akong naghintay, ayun lamang siya sa kabilang bahay pero hindi ko magawang puntahan. Hindi ko alam ang gagawin ko, muli ay ang panghihinayang bakit naghintay lamang ako, bakit hindi ako gumawa ng move para siya lapitan, siguro naman sa haba ng pinagsamahan namin kahit papaano may puwang pa rin ako sa kanya kahit kuya man lamang. Nang mga panahong iyon gusto ko ng sumuko, gusto ko ng maniwala na tuluyan na niyang isinara ang puso niya para sa akin. Madalas kong ginugol ang oras ko sa pag-iinom, kahit paaano kapag lasing ako nalilimutan ko ang masakit kong pinagdadaanan.

"Anak, pwede ba tayong mag-usap?" bungad sa akin ni Papa isang gabing umuwi ako, bagamat nakainom ako gaya ng dati, alam ko namang naiintindihan ko siya.

"Sorry 'Pa, ang laki ko na pero pinag-aalala ko pa rin kayo hanggang ngayon. Pasensiya na po talaga."

"Naiintindihan kita anak, alam kong may pinagdadaanan ka kaya hindi kita sinisisi, sana lamang huwag mo namang sirain ang sarili mo, paano kung bumalik siya tapos ganyan ka, palagay mo ba tatanggapin ka pa rin niya?" makahulugan ang sinabi niya kaya hindi ako nakasagot agad.

"Alam kong nabigla ka, matagal na naming alam ng Mama mo ang tungkol sa inyo ni Josh, at alam kong siya ang dahilan ng ipinagkakaganyan mo. Mula nang umalis siya nagsimula ka ng magkaganyan, Pinabayaan mo na ang sarili mo. Hindi ka naman dating ganyan. Parang wala ng halaga sa iyo ang lahat. Pero huwag kang mag-alala hindi kami nagagalit sa iyo. Nalulungkot nga lamang ako dahil wala akong maitulong para gumaan ang dinadala mo anak. Kung may magagawa lamang sana ako. Alam kong napabayaan ko ang paglaki mo, hindi kita nasubaybayan, marami akong naging pagkukulang sa iyo. At hanggang sa ngayon wala akong magawa para sa iyo"

"Paano mo po nalaman 'Pa, saka hindi ka po galit sa akin?" nagtataka ko pa ring tanong parang nawala ang pagkalasing ko sa nalamang ko.

"Pagkatapos mong ipagtapat sa ninang mo ang nararamdaman mo kinausap niya kami ng Mama mo. Noong una hindi ko matanggap, nag-iisa kitang anak, at sobrang nalungkot ako sa nalaman ko, iyon din ang dahilan kaya pinigilan ko ang aking sarili na kausapin ka pero sabi nga ng Mama mo, ano ba ang magagawa namin kundi ang suportahan ka, kung masaya ka sa desisyon mo dapat maunawaan ka namin, hindi man kami masaya sa pinili mo huwag na lamang kaming maging hadlang sa kasiyahan mo , isa pa hindi mo naman kami bibigyan ng dahilan para ikahiya ka namin hindi ba, matalino ka alam ko iyon kaya kahit ano man ang desisyon mo, proud pa rin kami na mga magulang mo kami." Gusto ko sanang pigilan ang mapaiyak pero hindi ko nagawa, napayakap na lamang ako kay Papa.

"Magpakatatag ka anak, mahirap man ang pinagdadaanan mo kailangan mong kayanin, wala man kaming maitulong ng Mama mo, narito kami palagi, kung kailangan mo ng mapaghihingahan ng sama ng loob mo, handa kaming makinig. Pwede ka pa ring umiyak kung gusto mo."

"Salamat po Pa, salamat sa pang-unawa, pangako, aayusin ko po ang sarili ko." Iyon ang simula ng muli kong pagbangon, Bagamat, masakit pa rin sa kin na malayo si Patrick, kahit papaano nakikita ko ang pagmamahal ng mga magulang ko gumagaan ang pakiramdam ko.

Pero hindi talaga natatapos ang pagsubok. Isang tanghali nasa trabaho ako nang biglang tumawag si Papa dahil nawalan daw ng malay si Mama. Hindi ko alam ang gagawin ko. Lumabas ako ng opisina na hindi na nakapag paalam.

"Na-stroke ang Mama mo, mabuti na lamang at naagapan, kaya mild lamang yung naging damage sa kanya, pansamantala mahihirapan siyang magsalita, pero sabi naman ng duktor ilang linggo o buwan lamang iyon, kailangang lamang ang therapy." Iyon agad ang sinabi ni Papa pagkakita sa akin.

Habang pinagmamasdan ko si Mama habang natutulog hindi ko maiwasan ang mapaiyak. Hindi na kita hahayaang mahirapan. Kaya nagdesisyon ako hihinto na sila sa pagta trabaho. Kaya ko naman silang buhayin. Noong una nahirapan din akong kumbisihin si Papa pero dahil kailangan din ang mag aalaga kay Mama, napilitan na rin siya, napilitan din siyang ibenta ang jeep na ginagamt nila sa pagdedeliver ng isda. Lihim na rin akong naghanap ng ng matitirhan namin, na malayo sa maingay at mapolusyong lugar para talagang makapagpahinga sila ng maayos. Ginamit ko ang lahat ng savings ko para makapagpatayo ng bahay at ang kulang at ipinasok ko sa PAG-IBIG kaya nang okay na ay lumipat kami. Pero weekend lamang ako doon kasi malayo sa trabaho ko at umaasa pa rin ako na babalik si Patrick. Ayokong sa pagbalik niya ay wala ako doon, mahirap na baka tuluyan na siyang magalit sa akin.

Pero mas masakit pala nang mag-isa na ako sa bahay lalo akong nakaramdam ng pagkabigo. Apat na taon na pero parang ang lahat ay nangyari lamang kahapon. Narito pa rin ang lahat ng sakit. Si Patrick pa rin ang nasa puso at isip ko. Ilang beses nang nakiusap si Dianne na bigyan pa namin ng isa pang pagkakataon ang mga sarili namin pero hindi na ako pumayag alam kong mas masasaktan lamang siya kung patuloy ko siyang paasahin.

Ibinuhos ko ang aking atensyon sa trabaho hanggang na promote ako bilang senior engineer. Kahit papaano ay naging masaya na rin ako kasi nagbunga ang pagsisikap ko. Pinatira na rin ako ng company sa accommodation na libre lahat kaya napilitan ko na talagang iwan ang bahay namin. Paminsan-minsan ay pumupunta pa rin ako doon, para linisin ang bahay at magbaka sakaling dumating na si Patrick.

Noong graduation ni Patrick, gusto ko sanang sumama kina Ninang at Ninong, nakapagpaaalam na rin ako sa opisina pero naisip ko na baka maulit lamang yung nangyari noong graduation niya sa Highschool. Kaya minabuti ko na lamang na maghintay dahil sabi naman ni Ninang na uuwi na siya pagkatapos ng graduation. Pinaghandaan ko na lamang ang regalo ko para sa kanya. Magpapareserve ulit ako doon sa restaurant na una naming kinainan at magtatapat ulit sa kanya. Marahil naman ay sapat na ang apat na taon para mapatawad niya ako. Sobrang missed na missed ko na siya, parang mababaliw na ako sa paghihintay sa kanya, Pero hindi bale, alam ko namang maayos pa rin namin ang lahat. Kung kailangang lumuhod ako gagawin ko, kung kailangang umiyak gagawin ko mapatawad lamang niya ako.

Pero laking pagkadismaya ko nang dumating sina Ninang na hindi siya kasama. Umuwi na lamang ako sa bahay hindi ko na hinintay ang paliwanang ni Ninang dahil iisa pa rin naman ang dulo non, wala pa rin siya, hindi siya sumama pabalik ng Manila, hindi pa rin niya ako gustong makita. Sobrang lungkot ko, sana nga sumama na lamang ako sa kanila. Pumasok ako sa kwarto at doon ko na lamang muling ibinuhos ang frustrations ko kasabay ng walang katapusang pag-iyak.

"Pat, bakit kaya mo akong tiisin ng ganito, kahit ba minsan sumagi sa isip mo na nasasaktan pa rin ako sa ginagawa mo? Kahit ba minsan namiss mo ako? Ano ba ang pwede kong gawin para mapatawad mo lamang ako ano ang gusto mong gawin ko para bumalik ka lamang?"

Hanggang nabalitaan ko na nagtatatrabaho na sa branch namin sa Davao si Pat. Hindi ko alam sobrang saya ko nang mga oras na iyon. Kaya nang malaman ko sa management na magrerequest sila ng tao galing sa kanila. Personal kong nirecommend si Pat at nang makita nila na maganda ang school records pati na ang performance niya ay gumawa agad ng request kaso hindi pa siya licensed kaya kailangan pang hintayin ang resulta ng Board. Hindi ko alam kung nag take siya ng Board, Hindi na rin ako nakibalita kay Ninang dahil ramdam ko na umiiwas na siyang pag-usapan namin si Patrick. Hindi ako sure baka ayaw lamang niya akong masaktan hindi na rin kasi siya nagbibigay ng kahit anong impormasyon tungkol sa kanya. Lalong lumiit ang pag-asa kong magkita pa kaming muli. Inisip ko baka nga panahon na para tanggapin ko na hanggang doon na lamang talaga. Baka nga ako lamang ang nagpupumilit na maging kami pa pero wala na siyang balak na makipag ayos sa akin.

Pero ayokong maniwala, ayokong tanggapin. Aasa pa rin ako na pwede pang maging kami. Dahil ang isipin pa lamang na tuluyan na akong iniwan ni Pat parang hindi na ako makahinga, nagsisikip na ang dibdib ko, sa loob ng apat na taon, hinding-hindi ko pa rin kayang tanggapin na hindi na nga kami. Sa halip na mabawasan ang sakit pakiramdam ko ay lalo pa itong nadadagdagan araw-araw.

Nanominate ako na maging department head, kasi na promote ang dati naming boss, kaya lamang ay kinailangan kong mag undergo ng series of training sa Germany. Ayaw ko sanang pumayag kaso tinanggap ni Engr Gerard yung offer sa kanya sa province nila, kaming dalawa ang na shortlst para sa posisyon. Kaya ako na talaga ang ini-appoint ng management. Masama man sa loob ko dahil natatakot akong bumalik si Patrick na wala ako. Naisip ko ang aking mga magulang. Kung talagang hindi na pwedeng maging kami, ibubuhos ko na lamang ang aking panahon sa pag-aalaga sa aking mga magulang. Kung ito talaga ang kapalaran ko, tatanggapin ko na maluwag sa aking kalooban. Pagod na rin ako sa paghihintay. Siguro kung babalik siya at hihintayin niya ako kami talaga, pero kung bumalik siya at muling nagalit dahil wala ako, iyon na siguro ang kailangan kong sign para pakawalan siya.

Sa Germany, naging mahirap ang pag-aaral ko, para akong bumalik sa college. Apat na araw ang lecture, demo pagdating ng Friday may written at practical exam. Weekly ganon ang routine. Then after one month bagong module/course ulit, then monthly may parang final exam na kailangang ipasa bago ibigay ang certificate. May mga panahong parang gusto ko nang mag give-up dahil sa pinagdaraanan kong hirap. Hindi lamang dahil sa pag-aaral na iyon, ang sakit din kapag naiisip ko ang nangyari sa amin ni Patrick. Naisip ko na lamang na para iyon kina Mama at Papa, para kahit papaano ay maibigay ko naman sa kanila ang pinangarap kong buhay para sa kanila. Kaya kahit mahirap kinakaya ko. Iniiyak ko na lamang ang lahat kapag nasa kwarto ako.

Pang-apat na buwan namin ng mabalitaan kong nakaluwas na ng Manila ang nirequest ng Head Office na mga tao. At literal na napalundag ako sa tuwa nang mabasa ko ang pangalan niya. Ginanahan akong tapusin ang dalawang buwan pang training namin. Pagkatapos ng training binigyan pa ako ng opisina ng isang buwan na mag stay sa Germany para sa bakasyon pero minabuti ko nang huwag iyong tanggapin kasi gustung-gusto ko nang umuwi. Hindi rin naman ako mag-e enjoy kahit mamasyal kung ganong mag-isa lamang naman ako. Naisip ko kahit sa malayo at matanaw ko siya masaya na ako non. Iyong isiping sa iisang opisina na kami magta trabaho, sapat na para maging maligaya ako.

Nang makauwi ako, nagpahinga lamang ako ng ilang araw bago pumasok. Naglagi lamang ako sa bahay namin para naman masulit ang ilang buwang napalayo ako kina Mama at Papa. Madalas din sa amin ang bestfriend kong si Kenzo. Halos sabay kaming natanggap sa trabahong iyon. Accountant siya at dahil sabay nga kami ay kami ang naging close. May girlfriend siya si Jaanah o mas tama sigurong sabihin na dati may girlfriend siya at magkasama sila sa iisang company pareho sila ng trabaho. Pero mas mataas ang ambisyon ng girlfriend niya sa kaniya, kaya nag apply siya sa abroad. Ayaw niyang payagan dahil sapat naman ang kita nila para makabuo ng pamilya. Gusto na kasi niyang magpakasal sila. Subalit matigas ang ulo ng girlfriend niya. Sa kawalan ng magagawa ay dinare niya na kapag nag abroad siya ay makikipaghiwalay siya sa kanya. Akala niya ay matatakot ang magbabago ng isip subalit lalong gumulo. Sinabihan siya na mababaw ang pananaw at makitid ang pang-unawa. Tuluyan na siyang iniwan ni Jaanah hindi nagpapaalam at mula noon wala na silang communication kahit sa Facebook ay naka block siya.

Isang tanghali tumawag ang boss namin at pinakiusapan akong i check lamang yung isang proposal na ako pa ang gumawa bago pumunta ng Germany. May ginawa raw kasing revision ang kliyente at tingnan ko kung paano namin maipapasok. Medyo natagalan ako kasi mahirap talagang baguhin dahil sa higpit ng budget kaya inabot na kami ng gabi bago natapos at nagpasyang umuwi. Salamat na lamang at hinintay ako ni Kenzo.

"Bro, mukhang kailangan mo akong ilibre ng dinner niyan, sobrang overtime na ito anong oras na?" pagbibiro niya habang nasa elevator kami.

"Akala ko ba sabi mo hindi ka na kumakain sa gabi, dahil sa diet mo?"

"Pero kapag libre pwede naman haha..." ang natatawa niyang sagot

Nang lumabas kami, kapansin-pansing nagtatakbuhan ang mga tao papunta sa isang lugar. Malapit pa naman doon ang kotse namin.

"Ano kayang meron?" tanong ko kay Kenzo.

"Tara tingnan natin." Sagot niya sa akin.

Sumabay nga kami sa mga tao, nakita ko ang isang lalaking nakahiga sa semento. Halatang binugbog siya nakatagilid siya patalikod sa amin. Hindi ko alam, parang bigla akong kinabahan.Kaya lumapit ako para makumpirma ang aking hinala.

"Hey Paul, ano ka ba, huwag ka ngang makialam diyan, mamaya madamay ka pa at balikan ng gumawa niyan sa kanya." Pigil sa akin ni Kenzo.

Pero hindi ko siya pinansin. Iba talaga ang pakiramdam ko parang may pwersang nagtutulak sa akin na alamin kung sino ang lalaking iyon. Lumuhod ako sa tabi niya at dahan-dahan siyang itinihaya.

At nanlaki ang mga mata ko sa aking nakita. Parang namanhid ang buo kong katawan ng makumpirma ko kung sino ang nakahandusay sa semento. Parang biglang tumigil ang ikot ng mundo, hindi ko alam ang gagawin ako. May dugo siya sa labi, bahagyang nakabukas ang namamaga niyang mata. Punit-punit ang damit at napakarumi. Kusang tumulo ang mga luha sa mga mata ko parang nanuyo ang lalamunan ko.

"Pattrikkkk!" iyon lamang ang nasabi ko saka ko siya dahan-dahang niyakap wala akong pakialam sa reaction ng mga usisero at usisera na alam kong nagbubulungan. Muli ko siyang pinagmasdan. Nakita kong ipinikit niya ang kanyang mga mata. Alam kong nabigla din si Kenzo sa aking reaksyon kaya lumapit sa akin.

"Bro, si Patrick ito, hindi ako pwedeng magkamali. Tulungan mo ako." Hindi siya nagsalita, dali-dali niyang inalalayan si Pat hanggang tuluyan na naming nabuhat.

Agad naming isinakay sa kotse ko si Pat at dinala sa ospital. Sa kotse nakahiga siya sa akin habang si Kenzo ang nagda drive.

"Patrick, Patrick, gumising ka, malapit na tayu sa ospital." Panay ang tulo ng luha ko, hindi ko mapaniwalaan na pagkatapos ng limang taon,sa ganito kami magtatagpo. Hindi ko mapaniwalaan na si Patrick na ni isang lamok ayaw kong madapuan tapos kung sinong demonyo lamang ang gagawa ng ganon. Awang-awa ako sa kanya. Hindi ko mapigil ang pag-iyak. Galit na galit ako sa kung sino man ang gumawa noon. Pero mas lalo akong naiinis dahil wala akong magawa.

Pagkapasok sa emergency room, hindi ko malaman ang gagawin ko. Palakad-lakad lamang ako habang umiiyak.

"Bro, huminahon ka, maayos din ang lahat." Paalala ni Kenzo. Alam naman niya ang lahat ng tungkol sa amin ni Patrick.

"Ang sakit kasi, limang taon akong naghintay tapos ganito ko siya makikita?" sasagot pa sana siya nang biglang lumabas ang duktor, kaya sinalubong ko na siya.

"Doc, kumusta po siya, okey na ba siya?" natataranta kong tanong.

"Stable na siya, he is out of danger, kailangan lamang na magpahinga, wala namang major damage, nabigyan ko na rin ng pain reliever, hayaan lamang natin na makatulog siya nang maayos. Hintayin na lamang din ninyo siyang mailipat sa kwarto at pag nagising siya maari na niyong kausapin." Marahang paliwanag ng duktor.

"Maraming salamat doc,"

Tumango lamang ang nakangiting duktor.

"Bro, tawagan mo si Ninang, sabihin mo narito si Josh sa hospital. Ayokong ako ang tumawag, nahihiya akong wala man lamang akong nagawa para pigilan ang mga hayup na may kagagawan nito. Hanapin mo diyan sa phone ko ang number niya, gamitin mo muna ang phone mo." Iniabot ko sa kanya ang phone at tumango naman siya.

Nang masiguro naming ayus na ang lahat, dumaan ako sa cashier at binayaran ang lahat ng bill sabi naman ng duktor 2 days lamang siya kaya binayaran ko na hanggang sa makalabas siya. Ipinagbilin ko rin na huwag na lamang sabihin sa Mommy niya kung sino ang nagbayad basta sabihin na lamang na ayus na ang lahat. Saka ako bumalik sa harap ng kwarto niya. Nang matanaw ko na padating si Ninang at si Ate, lumabas na kami ni Kenzo sa likod na pintuan at umuwi na.

Josh

Nagising ako na nakatingin si Mommy sa akin na tumutulo ang luha. Nasa tabi ko naman si Ate tahimik lamang na nakatingin din sa akin hawak ang isa kong kamay.

"Anak, salamat at gising ka na, ano bang nangyari sa iyo, sino ang gumawa niyan?"

Naisip ko wala namang maitutulong kung sasabihin kong girlfriend ni Kuya Paul ang may kagagawan. Kasi baka ang sisihin pa nila ay si Kuya Paul. Ako na lamang ang nagtanong.

"Ma, paano ako nakapunta dito, sino ang nagdala sa akin dito?"

"Hindi ko alam anak, basta may tumawag at sinabing nabugbog ka nga raw at narito ka, sa pagkataranta ko hindi ko na naitanong kung sino siya, basta ginising ko na lamang ang Ate mo at nagpasama papunta dito"

"Josh, nakilala mo ba kung sino ang gumawa niyan sa iyo, may kaaway ka ba?" nag-aalalang tanong ni Ate. Umiling lamang ako at naramdaman kong tumulo ang luha ko. Napansin ko sa side table naroon ang phone ko.

"Ma. Favor naman, tawagan mo si Shayne, nariyan sa phone ko ang number niya, sabihin mo sa kanya ang nangyari, tiyak magagalit iyon kapag nalaman tapos hindi siya sinabihan." Kilala naman ni Mommy si Shayne, naisama ko na siya sa amin at naipagtapat ko na sa kanya ang tungkol sa amin. At wala pa ngang isang oras, nakita ko na siya halatang bagong gising din. Yumakap siya kay Mommy at nakipag beso kay Ate.

"My God, Josh, anong nangyari sa iyo, sinong hampaslupa ang gumawa niyan sa iyo. Sabihin mo, ipapapatay ko kay Daddy ang demonyong iyon." Napangiti ako kahit masakit ang katawan ko dahil lumabas na naman ang pagka bayolente ng babaeng ito.

"Hindi ko nga sila kilala, wala akong matandaan ni isa sa kanila, basta apat sila, mga naka-bonet kaya hindi ko nakita ang mukha." Pagsisinungaling ko ang hirap magsinungaling parang nadadagdagan ang sakit ng katawan ko..

"E ano lang ang ginawa sa iyo, binugbog ka lamang, sabi nang mga nurses nariyan daw ang wallet mo pati ang phone mo. Napaka walanghiya naman nila."

Dalawang araw akong nanatili sa ospital pero isang linggo akong nagbakasyon. Nagtaka lamang kami pare-pareho nang sabihin kay Mommy na paid na raw ang bill ko. Wala naman daw sinabi ang cashier kung sino ang nagbayad. Tumawag naman si Shayne sa opisina pero hindi naman daw sila ang nagbayad dahil hinihintay pa nila ang bill para iprocess ang cheque. Dahil wala naman kaming makuhang sagot ay hinayaan na lamang namin.

Naisipan ni Ate na tawagan yung number na tumawag kay Mommy pero unattended iyon kaya wala rin kaming nagawa. Nag-iisip pa rin ako bakit parang bago ako nawalan ng malay parang nadinig ko talaga ang boses ni Kuya Paul. Pero imposible naman na hindi kilala ni Mommy si Kuya Paul kung siya nga ang tumawag. Naguguluhan talaga ako. Saka kung siya nga iyon bakit hindi siya nagpakita. Nasaan na pati si Kuya Paul, saan na sila nakatira?

Tuwing hapon dumadalaw si Shayne sa amin, kung anu-ano ang dinadalang prutas at pagkain. Ilang kaopisina ko rin ang dumalaw, pati ang Boss namin si Sir Gerard. Pinipilit nila akong alalahanin mabuti kung sino ang gumawa pero hindi nagbago ang isip ko. Malas kasi na hindi abot ng CCTV ang lugar na iyon kaya wala talagang makitang lead. Hanggang tuluyan ng nawala ang mga pasa ko at nakapasok na rin ako sa trabaho. Panay ang bilin ni Mommy na mag-iingat ako at kung pwede ay huwag na akong lumabas na mag-isa.

Muli naalala ko ang boses ni Kuya Paul. Nasaan na kaya siya, siya kaya talaga iyong tumawag sa akin, nagkita na kaya sila ni Dianne, alam kaya niyang si Dianne ang gumawa noon kaya hindi niya magawang magpakita sa akin. Kung sila pa nga ni Dianne, bakit sabi niya ay iniiwasan siya ni Kuya Paul. Anong dahilan ni Kuya Paul para iwasan si Dianne. May iba na kaya siyang girlfriend na siyang dahilan ng pag-iwas niya. Saan kita hahanapin Kuya Paul. Ilang beses na akong nagbakasakali sa bahay niya, madalas akong nakatanaw doon sa pag-asang uuwi siya.

Tuluyan mo na ba akong kinalimutan Kuya Paul kaya pati bahay ninyo hindi mo na binalikan. Sabi ni Mommy dati daw bumibista pa siya doon, pero bakit ngayon hindi na, dahil ba nabalitaan mong narito na ako? Ako ba ang dahilan ng pag-alis mo. Haist, kung alam ko lamang na mas kumplikado pala kapag narito ako sana nga ay hindi na lamang ako umuwi.

Pero hindi ko rin naman pinagsisihan ang pagbalik ko dito at least ngayon kasama ko na si Mommy. Ayoko rin na lagi siyang nag-aalala sa akin dahil malayo ako. Saka nangako ako na sasamahan ko na siya at babawi ako sa limang taon na malayo ako sa kanya. Kailangan ayusin ko na ang sarili ko.

Isang Sabado nagpasama si Shayne sa mall dahil may bibilhin daw siyang damit as expected magiging taga bitbit ako ng kung anu-anong pamimilhin niya. Mabuti na lamang at hindi pa talaga kami kasi nakaka pikon ang tingin sa kanya ng mga lalakeng mukang manyakis. Parang hinuhubaran siya kung makatitig. Mahirap din pala kapag masyadong maganda ang kasama mo pakiramdam ko ang sarap manapak. Kaya minabuti ko na lamang kung saan-saan tumingin. Nang may makita akong parang kakilala ko.

"Hoy, sino ba iyang tinitingnan mo?" singhal sa akin ni Shayne, nang mapansing abala ako sa palinga-linga.

"Parang may nakita kasi akong pamilyar na mukha, parang siya talaga iyon" bulong ko sa kanya. "Huwag kang magulo diyan"

"Babae ang nakita kong tinitingnan mo, ipinapaalala ko lamang sa iyo Josh, kasama mo ako, ako ang girlfriend mo, huwag ka namang taksil ng harap-harapan."

"Asa! Hindi kita girlfriend!" naiinis kong bulong ulit sa kanya."Bilisan mo ang paglalakad, kung hindi iiwanan kita."

"Ah basta, nakakainis ka!" at lalong hinigpitan ang hawak sa braso ko parang ayaw talaga akong makawala. Nakakainis man sanayan lang din siguro, sa tagal na naming dalawa nakasanayan ko na ang ugaling niyang iyon pero nong una ay talagang naiinis ako.

Pagliko namin sakto nakasalubong namin sila.

"Joyce!" malakas na bati ko. Si Joyce may kasamang isang lalake.

"Josh, what a surprise, dito pa talaga tayo nagkita."Nakangiti niyang sagot. Ang ganda pa rin niya ay mukhang masaya siya sa buhay niya.

"Siyanga pala, Josh, si Adam boyfriend ko. Adam si Josh nakwento ko na siya sa yo diba?" Tumango lamang ang lalaking kasama niya at inilahad sa akin ang kamay niya.

"Glad to finally meet you pare. Sana magkabonding tayo minsan, daming kwento ni Joyce sa iyo." Nakangiti niyang bati. Mukhang mabait at understanding. Mabuti naman at ayus na si Joyce. Noong pangalawang summer ko sa Davao, umuwi ako para tapusin ang lahat sa amin. Naunawaan naman niya na magiging mahirap para sa amin pareho ang magkalayo kaya naging maayos ang aming paghihiwalay.

"Same here bro, no problem basta free tayo pare-pareho, why not?" nakangiti kong sagot.

"Ahem, ahem.." pagpapansin ni Shayne.

"Ahh guys, siyanga pala si Shayne..." nang bigla siyang sumagot.

"Fiancée ni Josh!" maarte niyang sabi saka ipinulupot ang braso sa bewang ko.

"Congrats, halos sabay at nakangiting sagot ng dalawa." Wala na akong nagawa kundi tumango. Nang makalayo ang dalawa inalis ko ang kamay niya sa bewang ko saka ko hinarap.

"Hoy, ano na namang drama iyon at may fiancée ka pang nalalaman." Buska ko sa kanya.

"Ex mo yun e, malay natin, saka halata naman sa mata niya na may pagnanasa pa rin sa iyo."

"Baliw ka na ba talaga, kita mo ngang kasama ang boyfriend niya at mukang happy naman sila."

"Diyos ko naman Josh, sa itsura mo bang iyan sino ang hindi mate-turn on, Ang hot mo kaya, at dimples pa lang hayy hihimatayin ang sinumang babae kahit feeling babae, at iyang lips mo, hmm kelan ko kaya iyan matitikman." Saka pumikit na animoy nasa kissing scene. Lumakad ako papalayo sa kanya at narinig ko naman ang sigaw niya.

"Walang hiya ka Josh Patrick, napaka walang puso mo talaga, bakit mo ako iniwan buti na lamang walang lumapastangan sa akin." Sabay hampas sa braso ko. Hindi ko na pinansin at nagpatuloy sa paglalakad, habang salita pa rin siya ng salita. Paano kapag naging kami tapos baliw itong babaeng ito. Hindi kaya pagdating ng araw ay baliw na rin akong gaya niya? Ngayon pa lamang pag naiisip ko ang mangyayari natatakot ako.

Pagkatapos ng tila walang katapusang kaiikot, nagpasya na rin siyang kumain. Hindi ako gutom pero pumayag ako at nang makapahinga naman kami, bakit ba parang hindi napapagod ang babaeng ito. Sukat dito sukat doon. Kumakain kami sa isang fast food sa mall nang may lumapit sa aming lalake.

"Dad!, anong ginagawa mo dito?" halos pasigaw na tanong ni Shayne. Saka nag kiss. Daddy pala niya yun, hindi kasi naka uniform ng pulis kaya hindi ko naisip agad.

"Ikaw dapat ang tanungin ko," sagot naman sa kanya ng Daddy niya saka makahulugang tumingin sa akin.

"Ayy siyanga pala Dad, si Josh, Josh Patrick Villanueva, boyfriend ko, oh teka bago ka mag violent reaction, hindi pa niya ako girlfriend." Napakunot naman ang noo ng Daddy niya saka tumingin sa akin. Tumayo naman ako at nakipagkamay sa kanya.

"Good evening po sir!" magalang kong bati, inabot naman niya ang kamay ko.

"Teka, teka, magulo anak, boyfriend mo siya pero hindi ka niya girlfriend, paano nangyari iyon?" naguguluhan pa rin niyang tanong. Luminga-linga muna si Shayne sa paligid bago mahinang sumagot.

"Dad, hindi naman talaga kami, pero darating din ang araw magiging kami, basta sa ngayon sa ayaw at sa gusto ng lalaking ito, boyfriend ko siya" hindi na ako kumontra napapailing naman ang Daddy niya.

"Iho, ikaw na sana ang magpapasensiya sa taong iyan ha, huwag kang mag-alala, hindi pa naman iyan masyadong malala." Ang pagpapatawa ng Daddy nya.

"Ganon po ba sir, sabagay, napagpasensiyahan ko na nga po ng almost five years kaya huwag kayong mag-alala mapag titiisan ko po." Natatawa ko ring sagot.

"Haler! At first meeting pa lamang ninyo kayo na ang magkakampi? Josh Patrick close ka sa Daddy ko? Ipinapaalala ko lamang sa iyo, ako ang anak at hindi ikaw. Sige na Dad, pwede ka ng umalis, nakakaabala ka sa date namin. Thank you." Tumayo naman ang Daddy niya na natatawa pa rin.

"Okey sige na enjoy your date, ikumusta mo na rin ako sa Mommy mo ha, sabihin mo I miss her, sana miss din niya ako,"

"E di ikaw ang magsabi, makipagbalikan ka kaya sa kanya. Iwan mo yung pangit mong number 2." At gaya ng dati tinaasan niya ng kilay ang Daddy niya. Hindi siya pinansin ng Daddy niya

"Saka Josh alagaan mo iyang anak ko ha, dalawa lamang ang ganyan sa mundo, iyong Mommy niya ang isa." Tawa pa rin siya nang tawa.

"Daddy!" sigaw ni Shayne, ugali na talaga ng babaeng ito ang bigla-bigla na lamang sumisigaw.

"Aalis ka ba o irereport ko sa office ninyo na oras ng trabaho narito ka sa mall?" banta ni Shayne.

"Aalis na nga, saka out na ako for your information hanggang 3 lang ang duty ko pag Saturday."

"Whatever!" tawa pa rin nang tawa ang daddy niya habang papalayo. Naisip ko may pinagmanahan pala talaga ang lukang-lukang ito. Kaya pala naman baliw e baliw din ang tatay, tapos ganon din ang nanay. Haist! ayoko yata talaga sa lahi nila.

"O ano namang itinatawa-tawa mo diyan Mr. Villanueva?" biglang tanong niya sa akin.

"Wala, sabi ko lamang ang ganda mo pala." Natatawa ko uling sagot.

"Well, you're not the first to recognize that" saka ako tinaasan ng kilay.

COMMENTS

banner

[SHORT STORIES]$type=carousel$clm=4$c=20$l=0$sp=2500$src=random$b=0$do=0$hide=archive-search-label

Name

Announcement,5,Arranged,31,Articles,14,At Work,541,Birthday Party,1,Close Friends,1419,Completed,45,English,34,Entertainment,1,Events,4,Fantasy,56,Featured,9,Fetish,16,Foreigner,17,Grand Eyeball,2,Group,8,Health,3,History,1,HIV Awareness,2,Hot,5,Iconic,1,Incest,1085,Indie Films,21,Inspiring,10,Love Story,866,Luke Conde,1,Military,12,Mini Eyeball,2,Neighbors,226,News,9,Outing,1,Series,144,Short Story,167,Speaking Out,15,Sports,17,Strangers,831,Tips,2,Under Editing,5,Updates,3,Wild Abandon,288,Young Awakening,449,
ltr
item
Mencircle: Ang Tangi Kong Inaasam (Part 8)
Ang Tangi Kong Inaasam (Part 8)
Haist, sa wakas natupad ko na rin ang pangarap ko sa aking mga magulang. Parang kailan lamang nangarap akong hihinto na sila sa pagta trabaho at makapagpahinga na.
https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEj-u2EVaLIVru8ZEE1jN0oqXL9VvXhbSTrR24vngE4vUPNFkYWgo5Dsl2vF5Epot_8mfEB19GC7ndgu6vJKOT5lLnYH3WtFbO8jA-d_MfxtFbFreiY-C8c4481UmM8Js_sH9X0kNQC68mbs/s1600/Ang+Tangi+Kong+Inaasam.jpeg
https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEj-u2EVaLIVru8ZEE1jN0oqXL9VvXhbSTrR24vngE4vUPNFkYWgo5Dsl2vF5Epot_8mfEB19GC7ndgu6vJKOT5lLnYH3WtFbO8jA-d_MfxtFbFreiY-C8c4481UmM8Js_sH9X0kNQC68mbs/s72-c/Ang+Tangi+Kong+Inaasam.jpeg
Mencircle
https://www.mencircle.com/2017/04/ang-tangi-kong-inaasam-part-8.html
https://www.mencircle.com/
https://www.mencircle.com/
https://www.mencircle.com/2017/04/ang-tangi-kong-inaasam-part-8.html
true
8703757858338494123
UTF-8
Loaded All Posts Not found any posts VIEW ALL READ Reply Cancel reply Delete By Home PAGES POSTS View All RECOMMENDED FOR YOU CATEGORY ARCHIVE SEARCH ALL POSTS Not found any post match with your request Back Home Sunday Monday Tuesday Wednesday Thursday Friday Saturday Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat January February March April May June July August September October November December Jan Feb Mar Apr May Jun Jul Aug Sep Oct Nov Dec just now 1 minute ago $$1$$ minutes ago 1 hour ago $$1$$ hours ago Yesterday $$1$$ days ago $$1$$ weeks ago more than 5 weeks ago Followers Follow SHARE TO CONTINUE STEP 1: Share to Facebook or X (Twitter) STEP 2: Click the link on your shared post Copy All Code Select All Code All codes were copied to your clipboard Can not copy the codes / texts, please press [CTRL]+[C] (or CMD+C with Mac) to copy Table of Content