By: N.D. List "Ayusin mo yung mga gamit mo. Humanap ka na ng ibang matutuluyan. Hindi na maganda yung magkasama pa tayo dito. Hindi ...
By: N.D. List
"Ayusin mo yung mga gamit mo. Humanap ka na ng ibang matutuluyan. Hindi na maganda yung magkasama pa tayo dito. Hindi naman tayo mga bobo para maggaguhan pa.", sabi ko sa kanya ng mas mahinahon pa kay Jacklyn Jose.
"Bakit naman, TL?", tanong nya na parang walang nangyari. Nagpanting ang tenga ko. Gusto kong maghuramentado. Gusto kong kunin ang macbook nya na nakapatong sa dining table at ihampas sa mukha nyang maamo. Gago din. Tatanong-tanong pa.
"Anong bakit? Pagkatapos nag pinaggagawa mo, 'baket?'. Tangina nyo!".
"Hindi ko naman.... hindi naman ano yun, TL... hindi ano..."
"HINDI ANO??? TIGIL-TIGILAN MO NGA AKONG GAGO KA!!! AKALA MO BA HINDI KO NAPAPANSIN PAG NAGCHACHAT KAYO PAG DUMADAAN AKO AT NAGTATAWANAN!!! DUMAGDAG KA PA SA MGA BOBO SA FLOOR NA WALANG GINAWA KUNDI MAG-AKSAYA NG ORAS!" Lumakas na ang boses ko. Dinig na sa labas.
"Nagtatrabaho naman ako ng maayos sa office, TL". Garalgal ang boses nya. Nanginginig. Nangingilid ang luha. Bobo din. Hindi pa nakuha ang pinupunto ko.
"HINDI YUNG ANG POINT KO GAGO!!! ANG POINT KO EH NAKISALI KA PA SA MGA GAGONG INGGITERO NA YON!!! MAY TALINO KA NAMAN SA TINGIN KO. BAKIT KAILANGAN MO PANG MAKISALI SA MGA BOBO NA YON PAG PINIPINTAS PINTASAN NALANG AKO SA WALANG KAKWENTA KWENTANG BAGAY DAHIL WALA SILANG MAIBATO SAKIN?"
Tahimik. Saglit lang na katahimikan na parang napakatagal.
"Mataas ang respeto ko sa'yo, TL"
"ANONG MATAAS ANG RESPETONG SINASABI MONG GAGO KA!!! WAG MO NGA AKONG GINAGAGO!!! E ANO YUNG SINASASABI MO SA KANILA KANINA, GAGO KA???? TANGINA MO!!! AKALA MO BA LAHAT NG TAO PATAY NA PATAY AT LIBOG NA LIBOG SA'YO??? TANGINA MONG GAGO KA MASYADO KANG BILIB SA SARILI MO. NAGPUMILIT KA NGA LANG SUMIKSIK DITO SA UNIT KO. NAAWA LANG AKO SA'YO DAHIL MUKHA KANG BOBONG TATANGA-TANGA". Nauutal nako sa sobrang galit. Lahat ng mga bagay na dapat ay iniisip ko lang ay nasasabi ko na. Parang sasabog ang dibdib ko. Mukhang nasaktan sya sa sinabi ko. Nagsisi ako sa sinabi ko sa kanya pero di ko na mabawi.
Nakikitang lumuluha na sya. Humihikbi hikbi. Parang paslit na tahimik na umiiyak. Kanina lamang ay mukhang syang mayabang na estudyante na nagkukwento sa mga kabarkadang bobo. Ngayon ay mukha na syang totoy na nakakaawa.
Hindi sya gumalaw kaya sumigaw ulit ako.
"AYUSIN MO NA ANG MGA GAMIT MOOOOO!!!!!
Ganyan sana ang gusto kong confrontation scene kay Mico noon pero hindi ganyan ang nangyari. Walang ganyang sigawan na naganap. Nasa isip ko lang lahat yan. Yan ang problema pag hindi ka out. Hindi mo masabi ang gusto mong masabi dahil ayaw mong tuluyang aminan na bakla ka. Kahit alam mong alam na ng iba. Dahil sanay ka sa kung anong meron ka ngayon - respeto ng maraming tao. Hindi ng lahat pero ng marami. Hindi ka handa sa pagbabago. Natatakot ka.
Medyo mas malumanay naman ng konti dyan nag pagpapaalis ko sa kanya. Hindi din kaaagad-agad. Binigyan ko sya ng ilang araw. Kaya mas matagal. Mas madaming awkward moments. Mas masakit. Sa akin.
Pero saka ko na ikukwento yon.
BALIK MUNA TAYO SA KASALUKUYAN...
Naging mas magaan ng konti ang mga sumunod na araw samin ni Mico matapos nyang mag sleep over ng lasing. Matapos ko syang paliguan ng hubo't hubad. Ang ine-expect ko ay maiilang sya at mas mahihiya sa'kin. Ironic. Narealize ko din na siguro mas nasa akin talaga ang pagkailang at pag-iwas. Kung noong mga nakalipas na araw ay medyo awkward pag nagkakasalubong kami sa office, ngayon ay mas komportable na kaming nagbabatian. Hindi na yung kakausapin namin ang isat-isa pag kailangan sa trabaho. Yung hanggat maaari ay idadaan sa iba ang sasabihin ko kanya. Sabagay, dahil na-promote nako na CCM ay konti nalang naman talaga ang interaction namin although hindi din maiwasan dahil trainee na sya for team leader role. Pero casual lang kami. Hindi pa din nababalik yung dati. Mahirap. Dahil sa mga ginawa ni Jael sa opisina, naging mahirap na para sa'min ni Mico na maging malapit sa isat-isa. Hindi kumportable para sa'kin. Siguro kahit din sa kanya. Pero kahit papano ay nakagaan na din siguro sa kanya na nalaman nya na kahit papano ay may concern pa din naman ako sa kanya.
Ilang beses ko ring naramdaman na parang nananantya sya kung papanong approach ang gagawin nya sakin. Depende sa mga taong nakakakita. Naisip ko na awkward lang sa kanya pero minsan sumasagi din sa isip ko na pinoprotektahan nya'ko sa iba. Umiiwas na lang sya para walang pag-usapan.
Nung pauwi ako sa bahay isang umaga after shift, napansin ko na may lalaking nakaupo sa taas na hindi ko makilala. Pagka-akyat ko ng hagdanan ay nakilala ko yung sikyu namin sa office. Mahirap talagang makilala si kuya Jov pag hindi naka-uniform.
"O, kuya! Jamming? Bat wala kang dalang gitara", tanong ko sa kanya.
"Aah, hindi ser. Lalabas kami nina boss Jepoy at boss Mikoy. Aayain sana kita ser kaso... kasama din si boss Jael"
"Aaah. Okay. Oo wag na nga. Sabihin mo nalang namimiss ko na sya. Hahaha. Hindi ka ba papasok mamaya?".
"Pinayagan nako ng agency na mag-leave ng limang araw ser. May substitute ako mamaya. Bukas uwi ako ng probinsya."
"Ayus! Buti pinayagan ka na nila ngayon. Diba pahirapan sa agency nyo kamo?".
"Sabi ko kasi ser magreresign nalang ako. Nahihirapan kasi ako ng pati day off pahirapan. Tapos 12 hours pa ang shift. Yun binigyan nalang nila ako ng limang araw na bakasyon."
"Naku, wag mo kaming iiwan kuya Jov. Mamimiss ka ng mga tao sa opisina. Hindi ko nga ma-imagine ang office natin ng wala ka."
Tumingin sya sakin na may halong pang-aakusa. "Eh bakit ikaw ser, nagbabalak umalis at iiwan kami?"
Natahimik ako. Hindi ko alam ang isasagot. Kung meron kang hindi dapat tinatalo sa office, si kuya Jov yon. Tahimik lang sya pero alam nya ang lahat ng nangyayari sa office. Sinabihan ko si Chona nun na balak ko nang umalis. At binigyan ko sya ng 2-month notice na requirement sa mga nagreresign na may haway na key position. Pero hindi na natuloy yon dahil nauna nang nag submit ng resignation si Jael. Kawawa naman ang mga maiiwan. Saka naisip ko din kung aalis na si Jael, baka mas gumaan ang buhay ko sa opisina.
"Wag mo nang sagutin ser. Alam ko naman kung bakit gusto mong umalis noon. Natanong lang kasi sakin ni Boss Chona dati kung kumusta ka. Tapos yun nabanggit na nya. Buti nga hindi natuloy. Wag mong sasabihin nasabi ko sayo ser ha", sabi nya sabay suntok ng mahina sa paa ko.
"Maraming malulungkot dun ser pag nawala ka."
"Talaga lang ha", sagot ko na may kasamang mahinang tawa.
"Oo, ser. Maraming mga pumupuri sayo na mga agents dun kahit nung TL ka palang. Hanggang ngayon CCM ka na sayo parin kinukumpara parati ng mga bata yung mga bagong leader nila. Kita mo nga TL pa din tawag sayo."
Tahimik lang ako. Ito yung mga bagay na medyo nabalewala ko at hindi nabigyan ng pansin. Madami ding mga nagsesend ng mga personal na message sakin sa facebook. Mga papuri at boladas. Minsan "hehe" at "salamat" nalang ang nasasagot ko.
"Konti lang naman ang mga gago dun ser. Mas marami ang mga nagmamahal sayo dun. Nagtatampo na nga sina Nan, Pax saka sina Kulot at yung mga batang hawak mo dati. Kung kelan daw lumaki ang sweldo mo saka mo na sila hindi nilalabas."
Hindi pa din ako kumikibo. Madami akong iniisip.
"Kahit ako nga sir antagal na nung binigyan moko ng panis na spaghetti".
"Hahahaha. Grabe ka naman kuya Jov. Sabi ko naman sayo tingnan mo muna kung panis na. Saka tinikman ko din naman ayus pa."
"Hahahaha. Joke lang ser. Ansarap nga eh. Kung panis yon ibibigay ko nalang yun kay Chaomingzu. Tutal malapit naman sya sa CR ng parking." Tawanan kami.
"Ser, e si boss Mikoy kumusta naman kayo?", seryoso nyang tanong.
"Ha? Bakit mo natanong? Ayus lang naman.", nagtataka kong sagot.
"Hindi nga ser?", pilit nya. Natahimik ulit ako.
"Alam mo ser, hindi na masyadong nakakangiti si Mikoy ngayon na kagaya ng sinasabi mo dati na parang ngiting kakatapos lang na uminom ng gatas sa commercial. Madalas nahuhuli ko syang tahimik at nag-iisip ng malalim".
"Naku, hindi ko na problema yun kuya Jov. Alam mo yung pagiging malungkot ng tao nasa kanila na yon. Tayo lang ang may kontrol ng emosyon natin."
Sya naman ang natahimik. Mukhang na-check mate ko na.
"Alam mo ser ikaw na yung pinakamalapit na tao kay Mikoy dito sa Makati. Ikaw na ang pamilya nya dito. Namimiss ka nung bata. Mas madalas ka pa nga nun ikwento sakin kesa sa pamilya nya. Kapatid na ang turing sayo nun ser."
Wala pa din akong sagot.
"Mataas ang respeto sa'yo nung batang yun ser."
Tumingin ako kay kuya Jov. "Hindi masyadong halata, kuya.", balik ko sa kanya.
Iniisip nya ang sasabihin nya. "Alam mo ser yung mga nadinig mo dati wala lang yun. Nakisakay lang yun si Mikoy sa kwentuhan nina boss Ja nun. Madalas nga tahimik lang yon. Nakikitawa-tawa lang minsan. Nakikisama lang yon ser. Nakikisama lang yon sa mga barkada nya."
Nakikisama at my expense? Lakas talaga ng karisma nitong si Mico. Nakahanap pa ng abogado nya.
Hindi ko masyadong matanggap ang mga sinabi ni kuya Jov. Naisip ko na din naman ang mga sinabi nya dati pa. Pero yun lang yung obserbasyon nya pag nakikita nya sila. Hindi namin alam kung ano pa ang mga sinasabi nya sakin pag nasa ibang lugar sila. Pag alam nilang walang ibang nakakadinig. Minsan naiisip ko din na masyado lang akong sensitive at nago-overreact. Pero kung totoong kapatid ang turing nya sakin, dapat pa nga ipagtanggol nyako. Sobrang nadissapoint lang siguro ako. Ewan ko ba.
Hindi nako nakasagot sa sinabi ni kuya Jov. Nakita ko kasi napaparating na sina Mico. Pinisil ko ang tuhod ni kuya Jov at tinapik ng dalawang beses saka nako tumayo. "Sige kuya Jov pahinga na muna ako. Enjoy kayo! Enjoy mo din ang bakasyon mo."
Tinaas nya ang mga kilay nya at tumango.
TULOY MUNA NATIN ANG FLASHBACK...
Pagbaba namin ng apartment ay nadaanan namin yung eatery na madalas kong kainan on our way papunta kung san nakapark ang kuya nya. Nakita ko si camille, yung part owner at nagseserve din sa mga customer, na nagtatapon sa trash bin nila sa labas ng kainan nila.
"Oy, Cams! Kumusta? Late yata kayong nagbukas ngayon?"
"Oo eh. Tinanghali yung mga namamalengke. Ikaw ha. Napromote kalang parang nandiri ka na dito sa kainan namin", umilag ako dahil pabiro nyang hinampas sakin yung basang dustpan.
"Syempre naman. Turo-turo yuck! Kita mo nga artista na yung mga ka-rubbing elbows ko ngayon", biro ko sabay turo kay Mico na namumula at sinuntok ako ng mahina sa balikat.
"Gago!", sabi nya sabay hampas ulit ng dust pan sakin.
"Wag ka maniwala dyan kay TL. Luko-luko yan eh", sabat naman ni Mico.
"Syempre biro lang. Nag expect ka naman talaga na maniniwala sya ano", tukso ko ulit. Namula lalo sya at sinuntok ulit ako ng mahini sabay punta sa likod ko at hawak sa balikat ko.
Narinig namin na may bumusina ng mahina sa kabila ng kalsada. Kumaway si Mico.
"Uy Cams, maiwan ka muna namin. Magpa-FINE DINING muna ako kasama ng mga artista kong kaibigan ha. Hahaha."
"Gago! Pag bumalik ka dito hindi kita papasukin!"
"Hahaha. Biro lang. Madalas kasi ako sa office na nagbe-breakfast dahil parating overtime. Bukas kain kami dyan"
Tumawid na kami ng kalsada para puntaan ang kuya nya.
Kamukhang kamukha ni Mico ang kuya nya. Mas pormal lang ito at clean cut ang buhok. Hindi kagaya ni nya na makapal ang buhok. Corporate na corporate ang bihis. Pareho silang maamo ang mukha. Sumakay si Mico sa harap at sa likod naman ako.
"Kuya si TL Gabriel. TL, si kuya Joshua.", pakilala ni Mico sa'kin. Hayup ah. Buong-buo.
"Sir, kumusta po." bati ko.
"Josh nalang, bro. Halos magkaedad lang naman siguro tayo. Mabuti nalang at may bakanteng mauupahan sa inyo". Sumabat si Mico at sinabing wala talagang bakante at ikwinento ang usapan namin kanina. Nagpasalamat si Josh sakin.
"Habaan mo sana ang pasensya dito sa bunso namin bro, ha. Hindi kasi sanay masyado yan sa gawaing bahay. First time nyang mag-sarili at mahiwalay. Ni hindi nga yan marunogn magsaing", pagbubuko ni Josh.
"Tsk, kuya naman eh. Sisiraan mo pa'ko eh. Malinis sa bahay nga yung press release ko kay TL kanina eh. Magsisipag naman ako. Wag kang mag-alala TL. Wala kang magiging problema sa'kin".
Halatang malapit na malapit si Mico sa kuya nya. Nakakatuwa din silang pagmasdan dahil parang magbarkada lang ang turingan nila. Nakwento sakin ni Josh habang kumakain kami na 5 years old palang si Mico nung tuluyan nang nanirahan sa US ang parents nila. Lumaki silang tatlong magkakapatid kasama ang kanilang lola at mga katulong nila sa kanilang bahay sa Meycauayan, Bulacan. Nung mag-asawa si Josh 6 years ago ay bumukod na sya sa kanila at tumira na sa Malolos. Napansin ko na medyo naging wistful ang mukha ni Mico habang kinukwento ni Josh ang pagbukod niya from his siblings. After about 2 years, umalis naman at ate nya at nanirahan na din sa US kasama ang parents nila. Dahil ayaw ni Josh na mag-isa si Mico sa bahay nila ay pinatira nalang din nya si Mico sa Malolos kasama ng pamilya nya. Iniisip ko kung bakit hindi nalang sila ang bumalik sa bahay sa Malolos pero nahiya na din akong magtanong. Tinanong din nyako tungkol sa background ko at nagkwento naman ako.
Pagkatapos naming kumain ay tinanong ko si Josh kung gusto nyang tingnan ang unit na tinitirhan ko. Nahalata ko kasi na medyo nag-aalala din sya para sa kapatid nya. Kinuha nila ang mga gamit ni Mico sa trunk at umakyat na kami sa unit ko.
"Mabuti naman Gab at nakilala ka nitong kapatid ko. Alam mo kinukwento ka na nyan sakin mula nung interview palang. Sa lahat daw ng job interview nya sayo lang daw sya hindi kinabahan." Nakita ko na tinusok ni Mico ang kuya nya sa tagiliran at sinaway. Nacurious tuloy ako kung ano pa ang sinabi ni Mico tungkol sakin. Hindi na din nagtagal ang kuya nya at nagpaalam na din.
Nung pagkaalis ng kanyang kuya ay saka nagkwento si Mico tungkol sa kanya. Si Josh at ate daw nya na si Trixie ang pinakamalapit na tao sa kanya. Lalo na si Josh. Magkasama nga daw silang dalawa sa kwarto kahit meron namang sapat na bed room sa bahay nila para sa kanilang tatlo. Matatakutin daw kasi sya sa multo kaya natatakot syang mag-isa sa kwarto. Si Josh na daw yung tumatayong tatay, kuya at kaibigan nya kaya sobrang lungkot nya mag-decide silang bumukod sa kagustuhan ng asawa nya.
Pinutol ko ang pagkukwento ni Mico nung makaramdam ako ng pagod at antok. Pumasok ako sa banyo para maligo at mabilis. Pagkaharap ko sa salamin, napansin ko na nakakahiya pala yung nadampot kong damit. Nagmukha yata akong driver nung dalawa nung kumakain kami.
Lumabas ulit ako ng nakapambahay na shorts at walang damit. Binati nanaman ni Mico ang katawan ko. "TL, hanap tayo ng ibang gym ha. Sama nyoko nina TL Jael. Para magkakatawan din akong ganyang pangmodel", sabi nya na may konting tawa.
"Sige ba. Tanggalin mo nalang ang mga gamit dyan sa kama saka mo ayusin ang higaan", sabi ko. Nagsuot ako ng sando, tinaasan ang temperature ng aircon at saka nako nahiga.
"Sige, TL. Maliligo muna ako saglit. Baka mahirapan pakong makatulog nyan. Magpo-porn muna 'ko. Hahaha", tumayo na si Mico at nagkalkal ng damit sa bag nya.
"Gago. Wag kang magdudumi dyan ha palalayasin kita kahit unang araw mo palang dito", pabiro kong sabi sa kanya na tinawanan lang nya.
COMMENTS