By: Joshua Anthony Nang mag-umpisa na muli ang klase ay mas naging maayos naman ang pakikitungo namin ni Seb sa isa’t-isa. Kahit na pat...
By: Joshua Anthony
Nang mag-umpisa na muli ang klase ay mas naging maayos naman ang pakikitungo namin ni Seb sa isa’t-isa. Kahit na patuloy pa rin sila ni Cha ay hindi naman nabawasan ang pagiging malambing sa akin ni Seb. Mas madalas na rin kaming sabay papasok ng school at pauwi ng condo at kung minsan ay kasabay pa namin si Cha.
Maging kami ni Cha ay mas naging malapit. Madalas na rin siya sa condo tumambay at doon natutulog paminsan-minsan. Doon siya natutulog sa kwarto nina Tita Liza sa tuwing naroroon siya.
Nakakatuwa rin dahil kahit na papaano ay mas nagiging malapit na rin siya kina Zeke at Marky. Masarap lang din sa pakiramdam ang makita na magkakasundo ang lahat ng aking mga kaibigan.
Nalaman ko rin na nililigawan na rin ni Zeke si Maddie. Sabi ko na nga ba at may lihim na pagtingin itong kolokoy na ito kay Maddie. Natatawa pa nga ako noong gabi na kinausap ako ni Zeke upang magpaalam kung maaari niya raw bang ligawan si Maddie. Akala siguro niya ay maiinis ako dahil magkakaibigan kaming tatlo.
Maganda at maayos na sana ang sitwasyon, ngunit ilang linggo bago ang Christmas vacation ay bigla na lamang naging matabang ang pakikitungo na naman sa akin ni Sebastian.
Bigla na lamang ay hindi niya ako kinikibo. Kinakausap ko siya sa tuwing magkasama kami sa condo ngunit parang wala siyang naririnig. Madalas na rin siyang naglalasing at halos madaling-araw na kung umuwi. Lagi ko rin siyang tinetext at tinatawagan sa tuwing nag-uumpisa na akong dalawin ng pag-aalala dahil nga sa pag-uwi niya sa hindi kaaya-ayang oras.
Bukod pa roon, ay doon na rin siya natutulog sa kwarto nila Tita Liza. Hindi ko talaga malaman kung may nagawa ba akong mali na ikinagalit niya o talagang stressed out lang siya sa kanyang pag-aaral.
Isang gabi ay hindi ko na maatim ang ganoong pakikitungo niya sa akin kaya’t naisip ko na kumprontahin na siya. Talagang hindi ako natulog nang gabing iyon upang maabutan niya akong gising. May panginginig din ang aking katawan dahil sa inis sa kanyang inaasal na naman.
Pagkapasok niya ay naabutan niya akong nakaupo sa couch at hinihintay siya. Hindi naman siya amoy alak kaya’t naisip ko rin na maganda ang pagkakataon na ‘yun upang makapag-usap kami. Tinignan niya lang ako saglit at dumeretso na sa kwarto ng kanyang mga magulang. Agad akong tumayo upang sundan siya papasok sa kwartong iyon.
Nang akmang isasara na niya ang pinto ng kwarto ay agad akong pumasok. Napahinto naman siya at tumingin sandali sa akin bago muling tumalikod at padapang nahiga sa kama.
“Ano bang problema, Seb? Mag-usap naman tayo oh.” malakas kong sabi sa kanya.
Hindi siya kumibo at patuloy lang sa pagkakadapa.
“Para ka na namang gago eh. Ano ba? Seb!” sigaw ko.
Nilapitan ko siya at naupo sa tabi niya sa kama. Kinakalabit-kalabit ko rin siya at bahagyang iniyuyugyog upang humarap sa akin.
“Sebastian! Ano ba ‘to? May ginawa ba akong mali? May kasalanan ba ‘ko?” pagtataka kong tanong sa kanya. “Sabihin mo naman. Hindi ‘yung ganito na para ka na namang gago na bigla na lang akong hindi pinapansin.”
Mas lumapit ako sa kanya. Hinawaka ko ang kanyang mukha at pilit na inihaharap sa akin. Hinihila ko rin ang kanyang mga kamay upang bumangon.
“Sebastian! Hoy!” patuloy kong pagsigaw. “Just tell me! Anong problema?”
Bigla siyang bumangon at itinulak ako palayo sa higaan.
“Ikaw! Ikaw ang problema!” sigaw niya sa akin.
Hindi ko pa rin maintindihan ang kanyang sinabi kaya’t nilapitan ko pa rin siya.
“Anong ako? Ano bang ginawa ko?” tanong ko sa kanya.
Tumayo siya at hinila-hila ako palabas ng pinto ng kwarto. Pilit ko namang pinipigilan siya at kumakawala sa kanyang paghawak sa aking mga braso.
“Umalis ka! Labas!” gigil niyang sabi habang patuloy pa rin akong hinihila palabas. “Hindi ka welcome dito, alam mo ba ‘yun? Hindi ka dapat nandito.”
“Anong ibig mong sabihin, Seb?” naiiyak na ako dahil sa ginagawa niyang iyon. Nanliliit na rin ang aking sarili dahil ano nga ba ang magagawa ko? Nakikitira lang naman ako sa condo na ‘yun.
“Lumabas ka sabi eh. Labas dun! Labas!” sigaw pa niya habang hinahatak pa rin ako.
“Bakit ba, tol?” tanging tugon ko.
“Gusto mo talagang malaman kung bakit?” seryoso niyang tanong sa akin. “Ayaw na kita kasama. Hindi ko na gusto na nandito ka palagi. Kaya umalis ka na!”
Pinilit kong kumawala sa paghahatak niya at bigla siyang niyakap. Napahinto naman siya at nakalaglag lamang ang mga kamay sa kayang mga tagiliran.
Sa pagyakap kong iyon ay hindi ko na napigilan ang aking sarili na umiyak ng malakas. Parang isang bagyo na pilit na pinupuntirya ang isang komunidad—ganoon katindi ang bugso niyon. Inis, galit, lungkot, at sakit. Lahat ng iyon ay parang isang kidlat na biglang kinain ang aking emosyon.
“T-tang ina!” tanging sambit ko sa kanya habang patuloy ang malakas na paghikbi at mas hinihigpitan ang yakap sa kanya.
Nararamdaman ko ang pagbilis ng kanyang paghinga, ngunit mas nakatuon ang aking atensyon sa kung ano ang aking nararmdaman at pilit na ipinagsasawalang-bahala ang kung ano mang epekto niyon sa kanya.
“Tang ina, Sebastian!” patuloy pa rin ako sa pag-iyak. “Hindi ko alam kung anong nagawa ko para maranasan ‘to sa’yo. Putang ina!”
Nararamdaman kong iniangat niya ang kanyang mga kamay at marahan akong itinutulak palayo. Nagulat naman ako dahil pakiramdam ko ay talagang ayaw na ayaw niya sa akin. Kumawala ako mula sa pagkakayakap habang nakayuko’t umiiyak pa rin.
Ilang sandali pa ay pinunasan ko ang aking mga luha gamit ang manggas ng aking suot na damit. Huminga ng malalim at tumingin sa kanya. Naiilang naman siyang nakatayo pa rin sa aking harapan at parang hindi alam kung ano ang gagawin.
“Lahat ng ginagawa ko ay para sa’yo, Seb. Gago ka.” mahina kong sabi sa kanya. “Mahal na mahal kita! You have no idea.”
Dali-dali akong lumabas ng kwarto at iniwan siyang nakatayo roon kasama ang gulat niyang asul na mga mata. Mabilis akong pumasok ng aming kwarto at binuksan ang aking damitan. Hinila ko mula sa ilalim ng aking higaan ang isang malaking maleta at binuksan iyon palatag sa aking kama. Kinuha ko lahat ng aking damit at ipinasok doon maging ang aking mga sapatos.
Kinuha ko rin ang aking laptop at ilan pang mga gamit at ipinasok sa aking knapsack. Alam kong naririnig ni Seb mula sa kabilang kwarto ang aking pag-iimpake dahil padabog ko iyong ginagawa.
Isinara ko ang maleta at aking knapsack na halos pumutok dahil sa dami ng laman. Hinatak ko rin ang aking ukulele na nasa case nito at yakag-yakag na dinala ang lahat ng iyon papalabas ng kwarto. Ang susi na aking dala-dala ay maingay kong inilapag sa babasagin na dining table namin doon at saka nagpatuloy na lumabas ng unit.
Pagkalabas ko ng aming condominium building ay naupo ako sa kalsada sa tapat niyon. Tinitignan ako ng security guard na naroon, marahil ay nagtataka kung bakit ako umiiyak at may dala-dalang mga gamit sa ganoong oras ng madaling araw. Inilabas ko ang aking cellphone at agad na tinawagan si Zeke.
Matapos ang ilang pag-ring ay sumagot din siya ngunit inunahan ko na siya sa pagsasalita.
“Zeke!” hiyaw ko at pagkatapos ay umiyak ng pagkalakas-lakas.
“Chard? What happened? Why are you crying?” pag-aalala niya.
“I need a place to spend the rest of the night, Zeke.” sabi ko sa kanya. “Sebastian kicked me out.” sumbong ko pa.
“What the fuck? What do you mean kicked you out?” malakas niyang tanong. “What the fuck is wrong with that guy? At this ungodly fucking hour?”
“Can you please pick me up? Andito ako sa labas ng building namin. I have all my stuff.” tugon ko.
“Okay, okay. I’m running downstairs! Be there in five.” mabilis niyang sabi at saka ibinaba ang telepono.
Halos ilang minuto na rin akong naghihintay kay Zek nang biglang lumabas din ng building si Seb at tumakbo papalapit sa akin. Mula sa pagkakaupo ay napatingala ako sa kanyang paglapit. Nakita ko ang pag-aalala sa kanyang mga mata at bahagyang pagkakakunot ng noo.
Hinawakan niya ang aking maleta at umakmang hihilain, ngunit hinila ko ito pabalik. Napalingon naman siya sa akin at nagkatinginan kami ulit.
“Halika na, Chard. Balik na tayo.” mahinahon niyang sabi.
“Fuck you!” tangi kong sagot.
Lumapit siya sa akin at hinatak ako papatayo, ngunit hindi ko siya hinayaan. Mas inilapit ko ang aking mga gamit sa aking tabi at yumuko.
“Sorry, Chard. I wasn’t thinking straight! I fucked up, big time!” pagpapaliwanag niya habang umiiyak na naman ako’t nakatungo pa rin. “Tara na, please!”
“Fuck you! Get away!” sabi ko habang napapalakas ang paghikbi.
Maya-maya ay pumarada na sa tapat namin ang sasakyan ni Zeke. Agad siyang bumaba at lumuhod sa harap ko upang tingnan kung ayos lang ba ako.
“Fuck. Of course, you’re here!” malakas na sabi ni Seb sa kanya.
“Just fuck off!” gigil na sagot sa kanya ni Zeke.
“You fuck off—” hindi pa tapos sa kanyang sasabihin si Seb nang bigla siyang sinapak ng sobrang lakas ni Zeke. Sa lakas niyon ay nagpatirapa siya sa kalsada at halos hindi makatayo.
“Zeke!” sigaw ko sa kanila matapos mapatayo.
“I warned you before, you fuck!” sigaw niya sa nakadapa pa rin na si Seb.
Isinabit niya na lamang agad sa kanyang balikat ang aking knapsack habang hinihila ang aking maleta at uke. Nang maipasok niya iyon sa compartment ng kanyang sasakyan ay binalikan niya ako.
Nang makabangon ay hinabol-habol pa ako ni Seb pasakay sa sasakyan ni Zeke, ngunit mabilis akong nakasakay. Kinakatok-katok niya ang bintana at nagmamakaawa na bumaba ako roon. Mula sa loob ng sasakyan ay nakatingin ako duguang mukha ni Seb at nagdadalawang-isip kung lalabas ba o hindi.
“Don’t you dare!” biglang sabi sa akin ni Zeke.
Napalingon naman ako sa kanya. Hindi niya ako tinitignan at agad lamang na pinaandar ang sasakyan.
COMMENTS