“Hindi totoo, hindi ito totoo? Iyon ang paulit-ulit kong sinasabi pero ramdam ko walang boses na lumalabas sa bibig ko. Tuyung-tuyo ang lalamunan ko.
By: Confused Teacher
“I finally understood what true love meant… love meant that you care for another person’s happiness more than your own, no matter how painful the choices you face might be.”
Paul
“Hindi totoo, hindi ito totoo? Iyon ang paulit-ulit kong sinasabi pero ramdam ko walang boses na lumalabas sa bibig ko. Tuyung-tuyo ang lalamunan ko. Gusto kong tawagin si Patrick, gusto kong isigaw ang pangalan niya pero hindi ko magawa. Pumikit ako pero iyon pa rin ang nakikita ko kahit nakapikit ako. Si Ate Hazel nasa may pinto umiiyak, si Shayne nasa labas ayaw pumasok pero umiiyak.
Si Ninang patuloy na niyayakap ang katawan ni Patrick kahit nakatakip siya ng puting kumot. Diyos ko hirap na hirap na po ako. Tulungan mo ako Diyos ko. Pilit kong isinisigaw ang mga katagang iyon pero alam ko wala talaga akong boses, tanging ang malakas na tibok lamang ng puso ko ang nadidinig ko. Pero nagpatuloy pa rin ako sa pagtawag kay Patrick kahit alam kung wala namang mangyayari.
Tumungo na lamang ako at pumikit dahil sa kawalan ng magagawa. Sobrang hirap ng pakiramdam.
Naramdaman ko na may tumapik sa balikat ko at bahagya akong niyugyog.
“Sir, sir.” iyon ang narinig ko mula sa kanya. Nagmulat ako ng mata. Isang lalake na nakasuot na kulay green may hawak siyang pampaalis ng alikabok sa isang kamay. Nagpalinga-linga ako. Una kong napansin ang naiilawang crucifix. Tumingin ako sa lalake.
“Anong nangyare?”
“Sir binabangungot po yata kayo, ungol kayo nang ungol habang umiiyak.” Saka ko lamang narealize na panaginip lamang ang lahat.
“Pasensiya na ha, naabala ka tuloy”
“Wala pong anuman sir, dito po talaga ako pupunta una ko po talagang nililinis ang chapel sa umaga, para na rin maipagdasal ko ang maghapon at sana ay maging ligtas ang mga pasyente”
“Maraming salamat, ipagdasal mo rin sana yung pasyente namin, sige lalabas na ako.” Diretso ako sa operating room, Habang daan ay patuloy ang panalangin ko na sana ay hindi totoo ang lahat, sana ay walang ibig sabihin ang panaginip na iyon ramdam ko pa rin ang malakas na kabog ng aking dibdib.
Natanaw ko si Shayne, nakatingin sa malayo si Ate naman nakaupo habang nakasandal sa kanya si Ninang parang natutulog. Lumapit ako para makibalita kahit kinakabahan pa rin ako pero hindi ko na nagawang magtanong nang bigla siyang magsalita.
“Paul, buti narito ka na, ikaw muna ang bahala kay Mommy, ako naman ang pupunta sa chapel, kailangan nating lahat ang panalangin para kay Josh, sabi nong nurse tulungan daw natin ang mga duktor sa pagdarasal, medyo critical pa rin siya hanggang ngayon.”
Tumango lamang ako. Nagpasalamat pa rin ako at least hindi totoo ang panaginip ko, buhay pa si Pat, at may pag-asa pa kami. Isinandal ko sa balikat ko si Ninang pagkatayo ni Ate. Muli akong pumikit at gaya ng sabi niya kailangan ni Pat ang panalangin namin, Sana naman ay pagbigyan kami ng Diyos. Pagmulat ko ay katabi ko na si Shayne, Hindi siya nagsalita pero kita ko pa rin na namumula ang kanyang mga mata tanda ng katatapos lamang na pag-iyak.
Dumaan ang isang oras, dalawang oras, tatlong oras, maliwanag na sa labas pero wala pa rin kaming balita. Paliit na nang paliit ang aking pag-asa parang gusto ko nang sumuko. Pero nagdarasal pa rin ako. 8:00 am eksaktong limang oras lumabas ang dalawang duktor mula sa operating room. Parang automatic na tumayo kaming apat para salubungin sila. Halatang pagud na pagod sila parehas pero nakangiti sila sa amin at magalang na nagsalita kahit hindi kami nagtatanong.
“He is out of danger now. Salamat sa mga prayers ninyo at naging successful ang pagtanggal namin ng mga bala. As of now wala na kaming nakikitang problema and in a few minutes maililipat na siya sa recovery room. Pwede na ninyong siyang puntahan doon.”
Biglang niyakap ni Ninang iyong duktor na nagsalita. “Maraming salamat po duktor, maraming salamat una ay sa Diyos, pangalawa ay sa tulong ninyo alam kong ginamit kayo ng Diyos para mailigtas ang anak ko..” Bahagyang niyang tinapik ang likod ni Ninang, marahil ay dala ng pagkabigla, Pero nakita kong nagpahid din siya ng luha bago nagsalita.
“Tungkulin po namin iyon misis, pero salamat pa rin sa pag appreciate ninyo sa ginawa namin.” Nang bumitiw siya sa pagkakayakap, kinamayan niya kami pati yung isa pang duktor. Puro thank you lamang ang nasabi namin. Muli niyang hinawakan sa balikat si Ninang bago tuluyang lumayo Gusto ko sana silang kausapin pero sapat na ang magandang balita na iyon. Napangiti na kami at napawi na kung ano man ang alalahanin namin.
“Tatawagan ko muna si Daddy ipapaalam ko lamang na ayos na si Josh, tinawagan ko siya kanina at sinabi ang nangyari naghihintay siya ng update.”
Nakangiting sabi ni Ate Hazel habang inaalalayan sa pag upo si Ninang. Ako naman ay lumapit sa may pinto kasi naiwan naman ng mga duktor na bahagyang nakabukas. Tanaw ko ang natutulog pa ring si Patrick, habang inaayos ng mga nurses iyong mga nakakabit sa katawan niya. Naramdaman ko lumapit sa likuran ko si Shayne.
“Thank you Lord” iyon lamang ang narinig ko mula sa kanya. Nilingon ko siya at nginitian. Naisip ko salamat talaga sa Diyos dahil hindi niya hinayaan na maging totoo ang napanaginipan ko. Hindi ko yata kakayanin ang ganong pakiramdam. Tumingala ako para pigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Kung noong una ay sobrang sakit kaya ako napapaiyak nang mga oras na iyon ay napapaiyak ako dahil muli ko na namang naramdaman na sa oras na tulad noon, God is just a prayer away. Totoo ngang hindi siya mahirap lapitan. Na pwede niyang ibigay ang gusto mo kung taos sa puso ang paglapit mo sa kanya.
“Salamat po uli Diyos ko!” bulong ko habang nakatingala.
Maya-maya ay nakita kong itinulak na palabas ang higaan niya, kaya bahagya kaming tumabi ni Shayne para makadaan sila. Sumunod kaming apat hanggang maipasok siya sa isang kwarto. At nang mailipat siya sa kama, inayos lamang muli ang mga aparatong nakakabit sa kanya, pati ang dextrose at ang bag ng dugo ay bahagyang inayos ang pagkakasabit saka marahang tinapik-tapik, pagkatapos ay magalang na nagpaalam ang tatlong nurses.
Naupo si Ninang sa isang bangko malapit sa kama at bahagyang hinaplos ang mukha ni Patrick Hindi siya nagsasalita pero panay ang tulo ng luha niya. Patuloy siya sa paghaplos sa mukha ni Patrick.
“Salamat anak, salamat at hindi mo kami iniwan, hindi ko talaga kaya,” saka niya hinalikan si Patrick sa noo. Hindi na siya nagsalita nanatling nakatitig sa mukha ni Patrick. Hindi ko rin mapigil ang luha ko, kung nong una ay itinatago ko pa kay Shayne ang pag-iyak ko nang mga oras na iyon wala na akong pakialam, magalit man siya o anuman ang isipin niya basta ang alam ko nang mga oras na iyon, masaya ako dahil ligtas na si Patrick kung hindi man maging kami ang mahalaga sa akin ay buhay siya. Masaya na ako noon basta nakikita ko lamang siya, ang kanyang mga ngiti na parang laging nagbibigay sigla sa akin.
Bago magtanghalian ay nagpaalam ako na uuwi muna para maipaalam kina Mama at Papa ang nangyari. Hindi ako nakatawag sa kanila dahil wala kong dalang cellphone. Tiyak na nag-aalala na sila. Nagsabi rin si Ate Hazel na uuwi rin para makakuha ng gamit pati kay Ninang.
“Shayne, pwede bang maiwan ka muna dito samahan mo muna si Ninang, babalik din ako agad.” Pakiusap ko kay Shayne, dahil ayokong iwan si Ninang na mag-isa. Tumango naman si Shayne at nag thank you din si Ate sa kanya.
“Pero Shayne, kung gusto mong umuwi muna at makapagpahinga, okay lamang sa akin, kaya ko na ditong mag-isa, tulog pa naman si Josh, wala pa naman masyadong kailangang gawin.”
“No problem Tita, di pa rin naman ako inaantok, saka hindi rin po ako papasok ngayon, nakatawag na ako sa opisina kaya okay lang.” Nakangiti namang sagot ni Shayne. Kaya pagkatapos naming magpaalam ay sabay na kaming lumabas ni Ate. Nakarating kami sa bahay na hindi nag-uusap, parang sobrang pagod namin sa nangyrari. Pero ako nahihiya hindi ko alam kung ano ang magiging reaction nila kapag nalaman na ang gumawa noon ay si Dianne. Gusto ko sanang ipagtapat kaya lang nagdalawang isip ako. Hindi pa ako handa o hindi ko kayang ako ang magsabi sa kanila. Hahayaan ko na lamang, sigurado naman akong malalaman din nila iyon, huwag na lamang sa akin manggaling. Pagdating sa amin nadatnan ko si Mama at si Papa na nanood ng TV. Agad kong ikinuwento sa kanila ang nangyari bago pa nila ako tanungin kung saan ako nangggaling.
“Diyos ko, anak totoo ba iyan?” ang malakas na tanong ni Mama.
“Opo, ‘Ma, pasensiya na kung hindi ako nakapag-paalam sa inyo.”
“Nako, huwag mo na ngang isipin iyon, kahit sino ganon ang gagawin kung emergency. Akala ko naman ay pumasok ka kasi nga wala ang sasakyan mo diyan sa labas.”
“Paul, ay kumusta naman si Josh?” Si Papa
“Sabi po ng mga duktor, out of danger na siya pero tulog pa rin nang umalis ako. Magpapahinga lamang po ako sandali at babalik ako don.
“Sige Anak, sasama rin ako. Gusto kong makita si Josh.”
“Kumain ka muna bago ka magpahinga, at maghahanda rin ako ng madadala natin, sasama rin ako, nako kaawa naman ang kumare ko.”si Mama naman ang sumagot. Dumiretso ako sa kusina at kumain. Pagkapaligo ay nahiga ako para umidlip kahit sandali mahirap mag drive ng inaantok.
Josh
Pagmulat ng mata ko, nagulat ako, nasa isang kwarto ako. Saglit akong nag-isip. Hindi ako napatay ni Dianne. Salamat po Diyos ko, hindi ninyo po ako pinabayaan. Iginala ko ang aking mga mata. Una kong nakita si Mommy, katabi si Ate at si Kuya. Naroon din sa isang tabi si Shayne. Sa kabilang side naman nakita ko si Tita Cel at si Tito sa likod ni Tito nakatayo si Kuya Paul. Si Kuya Paul nga ba iyon. Pumikit ako baka namamalikmata lamang ako. Pagmulat ko nakangiti siya sa akin. Si Kuya Paul nga. Muli kong iginala ang paningin ko nakangiti silang lahat. Lumapit si Mommy sa akin.
“Salamat anak, gising ka na. Salamat sa Diyos at ligtas ka na. Panay ang tulo ng luha niya.
“Ma, paano ako nakapunta dito, sinong nagdala sa akin?”
“Iyong Daddy ni Shayne, mabuti na lamang at napadaan sila nakita nila na…” Hindi ko na ipinatapos ang sasabihin niya.
“Ma huwag na muna nating pag-usapan iyon. Kumikirot ang sugat ko. Ano pong sabi ng duktor?”
“Ligtas ka na raw anak, kailangan na lamang magpagaling ng sugat.” Lumuluha pa rin niyang sagot
“Tama na iyang pag-iyak mo Ma, kung ligtas na naman ako, sapat na iyon para sa akin, ayoko lamang makita kang umiiyak. Buhay naman ako diba?” pinipilit kong ngumiti kahit kumikirot ang sugat ko. Tiningnan ko sila nakangiti silang lahat.
Lumapit si Kuya sa akin.
“Kumusta bunso, may gusto ka bang kainin o ipabili, sabihin mo lang.” Kita ko sa mga mata niya ang pangingilid ng mga luha.
“Ayus lamang ako Kuya, huwag mo akong alalahanin, Kuya ngayon lang kita nakitang umiyak, bagay pala sa iyo, pwede ka palang artista,” pagpapatawa ko. Bahagya niya akong hinawakan sa ulo at ginulo ang buhok ko. Lumapit naman si Ate sa amin.
“Maloko ka pa rin aba. Pambihira ka pinaiyak mo talaga ako, ang sabi ba naman ni Hazel magmadali ako kasi hindi siya sigurado sa kondisyon mo. Kaya pinilit kong makauwi. Nag chance passenger nga lamang ako mabuti na lamang at hindi peak season hindi marami ang pasahero sa Cebu, “
“Aba ay hindi ko na alam ang gagawin ko kanina, kahit nga si Daddy kung pwedeng pauwiin pinauwi ko na.” sagot naman ni Ate.
“Salamat Kuya! At pasensiya ka na napag-alala ko kayong lahat.” Tumingin din ako kina Tita at Tito hindi ko rin naiwasang mapansin ang pagkakangiti ni Kuya Paul. Nginitian ko rin siya. Haist ang sarap sa pakiramdam ng ngiting iyon, parang nakakawala ng sakit. Saka ko ibinaling ang tingin kay Shayne na kahit may luha ay nakangiti rin sa akin.
“Thank you,” bulong ko sa kanya. Sinagot naman niya ng ngiti.
Halos isang lingo na ako sa hospital. Medyo magaan na rin ang pakiramdam ko nakakapunta na ako sa CR mag-isa. Dumating din sina Lolo at Lola kasi nang mabalitaan daw nila ang nangyari ay hindi sila mapakali. Pero 3 araw lamang sila dahil anihan ng panahong iyon, ayaw namang hayaan ni Lola na si Lolo lamang ang babalik sa Davao dahil walang mag aasikaso sa kanya. Kakainggit sila kahit matatanda na may lovelife pa rin.
Mabilis na lumipas ang mga araw naiinip na ako, sa araw si Mommy o si Ate ang nagbabantay sa akin, madalas naman kapag hapon dumarating ang mga katrabaho ko kasama ni Shayne at magpapaiwan na si Shayne kapag umalis sila. Madalas din naroon si Kuya Paul, pero hindi pa rin kami nagkakaroon ng pagkakataong mag-usap ng kami lamang. Pero madalas naman niya akong nginitian kapag dumarating siya. Lagi rin siyang may pasalubong gaya ng dati.
“Pat, gusto mo bang ipagbalat kita ng apple?” minsang tanong niya kahit naroon si Shayne. Gawain niya yun sa akin noong bata pa ako, ipinagbabalat niya ako ng apple saka hahatiin sa apat at pagkatapos alisin ang gitna ay saka iiabot sa akin. Tumango lamang ako.Sa isip ko, ang sarap lamang sa tenga ng boses niya lalo pa at tinatawag niya akong Pat. Gusto kong kiligin pero naroon si Shayne.
“Siyanga pala, may dinala akong snickers diyan sa paper bag, baka gusto mong kumain.” Ngiti lamang ang isinagot ko sa kanya. Kung pwede lamang na isang taon ako dito sa hospital, gugustuhun ko, basta si Kuya Paul ang kasama ko.
Minsan, naiwan kaming dalawa ni Shayne dahil may meeting daw si Kuya Paul.
“Whatt Josh Patrick, pwede bang pakiulit nga ng sinabi mo?” halos pasigaw na tanong sa akin ng eskandalosang babae.
“Ugali mo na talaga ang magpaulit ng sinasabi ko kahit maliwanag naman sa iyo, saka pwede ba, baka palayasin ka ng mga tauhan ng ospital, napakalakas mong magsalita.”
“Hindi kasi ako sure kung tama ang pagkakadinig ko na hindi ka magdedemanda, Josh Patrick are you out of your mind?” halata ko sa mukha niya ang pinagsamang disappointment at pagtataka. Tumango lamang ako.
“Ano bang akala mo sa sarili mo bida sa isang teleserye na kahit anong gawin ng kontrabida ay palalampasin na lamang at sa bandang huli ay patatawarin mo at magiging magkaibigan kayo? Hindi isang kwento lamang ang nangyari totoong buhay ito baka nakakalimutan mo.”
“Ikaw kaya ang mukhang kontrabida ngayon, tingnan mo sa salamin itsura mo, para kang si Bella Florez.” Pagpapatawa ko.
“Hindi ako natatawa sa joke mo, seryoso ka ba?”
Ngumiti lamang ako habang pinagmamasdan siya. Alam ko naman kahit ako sa sarili ko hindi ko mapaniwalaan ang desisyon ko. Noong isang araw pinuntahan ako ng Mama at Papa ni Dianne- sina Mr. and Mrs. Geronimo. Umiiyak sila parehas lalo na ang Mama niya. Ipinakiusap nila na sabihin ko sa mga imbestigador na nagkaroon kami ng mainit na pagtatalo bago ako binaril ni Dianne para lumabas na homicide ang kaso at hindi murder. Hindi naman nila itinatanggi ang ginawa ng kanilang anak, at nahihiya talaga sila sa nangyari. Handa na rin sila kung makukulong si Dianne.
“Josh, maawa ka na, hindi ko lang kayang tanggapin na habang buhay na magdurusa ang anak ko sa kulungan.” Umiiyak na sabi ng Mama niya. Hindi ko alam kung ano ang isasagot.
“Na mamamatay akong nasa kulungan pa rin siya.”
“Alam ko Josh, kalabisan ang ipinapakiusap namin sa iyo, pero naniniwala akong mabuting tao ka, kaya kahit nakakahiya, kinapalan na namin ang aming mukha na lumapit sa iyo at makiusap kahit napakalaki ng kasalanan ng aming anak.” Ang Papa niya. Akala ko noong una sobrang tigas ng taong iyon, mukha kasi siyang napakaseryoso at napaka tapang, naalala ko si Daddy.
Hindi ako nangako sa kanila na pumapayag ako, pero sinabi kong pag-iisipan ko ang pakiusap nila. Sinabi ko lamang iyon pero buo na ang pasya ko na hindi na ako magrereklamo, tutal naman ay nakaligtas na ako. Lalayo na lamang ako at iiwas sa kanila. Nang makita ko kasi ang parents niya na umiiyak lalo na ang Mama niya naalala ko si Mommy. Iyong mga pagluha niya kapag nasasaktan ako.Sa edad kong iyon, kapag nasaktan ako umiiyak pa rin si Mommy. Alam ko ang sakit na nararamdaman niya at kung hindi man para kay Dianne, para man lamang sa mga magulang niya. Hindi ko alam ayokong makakita ng parents na umiiyak dahil sa anak nila, nasasaktan din ako.
Naisip ko maari ngang gaya ko, sobra lamang siyang nagmahal, kaya umabot sa ganito. Nagmahal din naman ako, siguro kaya ko lamang magtiis ng sakit. Nakapag tiis naman ako ng ilang taon, kakayanin ko pa rin siguro kahit ilang taon pa. Paglabas ko ng hospital, iiwasan ko na si Kuya Paul. Magreresign na ako at tuluyan ng tatapusin ang anumang nag-uugnay sa amin. Hahayaan ko na lamang siya, at kung sila man ni Dianne, tatanggapin ko na kahit masakit. Iyon ang dahilan kaya kahit minsan gusto ko siyang yakapin hindi ko magawa kapag kasama namin si Shayne dahil iniisip ko kaya ko naman sigurong mahalin si Shayne. Umabot naman kami ng anim na taon, pipilitin ko na lamang pag-aralang mahalin siya. Mabuting tao si Shayne at alam kong magagawa ko rin iyon.
“Ano ba Josh Patrick, totoo ba iyang sinasabi mo?” tanong ni Shayne ang nagpatigil sa malalim kong pag-iisip. Huminga lamang ako ng malalim.
“Ano pa bang sagot ang hinihitay mo? Sinabi ko na naman sa iyo kanina pa, ayaw mo namang maniwala,”
“Hindi naman kasi kapani-paniwala ang sinasabi mo, nakakainis ka nga.”
Hinayaan ko na lamang siya. Hindi ko naman masabi sa kanya na pabor pa nga sa kanya ang desisyon ko. Ayoko naman na isipin niya na ganon lamang siya kababaw para sa akin. Pinilit kong iniba ang usapan namin, nagtanong ako tungkol sa opisina o kung anu-ano pang topic, pati ang Mommy niya kinumusta ko kahit nakakadalawang dalaw na naman sa akin mula ng magka malay ako.
Gaya ni Shayne, hindi rin makapaniwala si Mommy sa naging desisyon ko.
“Anak, hindi sa sinasabi kong mali ang magpatawad, pero ibang usapan na ito.”
“Naiintindihan ko po kayo Ma, kaya lang naisip ko ayoko rin na may magdusang tao dahil sa akin. Magi guilty rin ako kung may nahihirapan gawa ko.”
“Paano kung ulitin niya ang ginawa niya.”
“Sigurado naman akong hindi na niya ulitin iyon, dahil pag naulit pa ang ganito alam na natin kung sino ang may kagagawaan.”
“Anak, natatakot lamang ako, hindi yata ako mapapalagay kapag hindi kita nakikita.”
“Huwag kang mag-alala Ma, mag-iingat na lamang po ako.”
Isang hapon, muli kong naging bisita ang mga magulang ni Dianne. Sandali silang nag-usap ni Mommy, tapos ay lumabas si Mommy.
“Josh, hindi ko alam kung papaano magpapasalamat sa iyo.” Ang Mama niya, Hinawakan niya ako sa kamay, muli ay nakita ko ang pagpatak ng luha mula sa mga mata niya.
“Napakabuti mong tao, kaya lalo akong nahihiya sa ginawa ng anak namin sa iyo,” Nginitian ko siya at pinisil ang kamay niya.
“Gaya ng pinag-usapan natin sa phone, hayaan mo na kami ang magbayad ng bill mo dito, tutal naman ay anak namin ang may kasalanan. Hindi ko talaga alam Josh paano kami makakabawi sa iyo.”
“Sir, sabi ko naman po sa inyo, ayus na po iyon, huwag na ninyong alalahanin, May savings naman po ako at alam ko hindi naman iyon kukulangin.”
“Pero gusto kong makabawi kahit sa ganon man lamang na paraan. Hiyang-hiya talaga ako sa iyo.”Saglit siyang nag-isip.“ Basta ako na ang bahala.”
“Huwag na po kayong mag-isip ng anu pa man. Ayoko lamang po na nakikita kayong umiiyak, naalala ko kasi si Daddy.” Tumingin ako kay Mrs. Geronimo.
“Alam ko po ang hirap na pinagdadaanan ninyo gaya ni Mommy kaya alam kong nasasaktan din kayo. At nalulungkot ako kapag naiisip ko iyon.”
“Huwag kang mag-alala Josh, sinisiguro ko sa iyo na hindi na maulit ang ganitong pangyayari. Paglabas ng hospital ay diretso na kami sa America. Babalik ako dito sa Pilipinas para ayusin lamang ang negosyo namin at pag-alis ko for good na iyon. Hindi na kami babalik dito para ma ensure ko na wala ng ganito. Ang hirap Josh, kahit pinatawad mo na kami, hindi pa rin mawala sa isip ko ang malaking kasalanan namin sa iyo at sa pamilya mo. Naiintindihan ko ang Mommy mo, hindi matatawaran ang sakit sa kalooban na makita kang nag-aagaw buhay kahit wala ka namang kasalanan sa gumawa noon sa iyo. Nagpapasalamat na lamang ako at nakaligtas ka dahil habang buhay kong pagsisihan ang maling pagpapalaki namin sa aming nag-iisang anak kung may nangyaring masama sa iyo. Naiinggit ako sa Daddy mo dahil kahit malayo siya napalaki ka niyang matino, hindi gaya ko na araw-araw nga kaming magkakasama pero lumaki pa rin siya na ganoon ang pag-uugali. Kaya kailangan kong bumawi, hindi pa naman siguro huli ang lahat. Itatama ko kung anuman ang pagkakamali ko.” Mahabang salaysay ni Mr. Geronimo.
Medyo nakahinga naman ako nang maluwag. Ito talaga ang pakiramdam ng nagpapatawad.Magaan ang pakiramdam. Lalo pa at aalis na sila alam kong pati si Mommy ay mapapanatag ang kalooban.
Naunang lumabas sa akin si Dianne. At gaya ng sinabi ng Daddy niya, idiniretso na nila siya sa airport. Sinabi ni Mommy na nakiusap si Dianne na kakausapin ako para personal na magsorry bago siya umalis. Ayaw sanang pumayag ng mga magulang niya dahil baka raw hindi pa ako handa na makaharap siya . Pero pumayag si Mommy, kaya lamang nang pumunta siya tulug na tulog naman daw ako kaya hindi na nila ako ginising pero sabi ni mommy umiiyak daw si Dianne na nagsorry sa akin kahit natutulog ako. Kinalimutan ko na rin naman iyon. At least ayus na ang isang part ng kwento.
Isang umaga, takang-taka si Mommy nang dumating. Pagkatapos niyang ilapag ang dala niyang prutas ay may kinuha siya sa kanyang bulsa,
“Josh, bumili ka ba ng bagong kotse?” hindi ko mabakas sa mukha niya ang pagbibiro.
“Ma, naman, OA ka na ulit?”
“Makukurot kita kahit may sugat ka pa, sagutin mo ako ng maayos.”
“Paaano ko gagawin iyon ay 3 weeks na yata ako dito,”
“Kaninong kotse iyon, bakit sabi nang nagdala ay nakapangalan daw kay Josh Patrick Villanueva, saka ipinakita sa akin ang isang susi.”
Tinawagan ko si Shayne, pero imposible daw iyon dahil kung anuman ang benefits ng empleyado tiyak may record sa HR. Imposible namang si Kuya Raymond dahil ang kotse nga niya luma na hindi pa mapalitan. Tiyak naman wala pang ipon si Daddy dahil ilang buwan na lamang ay tapos na ang kontrata niya at hindi na babalik. Nakatitig lamang sa akin si Mommy. Nang bigla akong matigilan.
“Ma, I think I know the culprit.”
“Sino anak?’
“Ang Daddy ni Dianne, naalala ko sabi niya gusto niya makabawi kaya nakiusap na siya na ang magbabayad ng bill dito, pero hindi ako pumayag kaya ang sabi niya siya na raw ang bahala.”
“Anong plano mo ngayon sa kotse?”
“Ma ayoko sanang tumanggap ng kahit ano mula sa kanila, pero kung iyon ang makagagaan sa kalooban nila, hayaan na natin, isa pa paano naman natin iyon ibabalik nasa America na sila.” Tumango lamang si Mommy.
“Saka anak alam mo bang bago pala sila umalis ay binayaran ang lahat ng outstanding bill mo dito sa hospital, sinabihan lamang ako nang mapadaan ako sa may cashier kaya halos wala na tayong babayaran paglabas mo.” Napailing na lamang ako habang nakatingin kay Mommy, gaya ng sinabi ko wala na rin kaming magagawa.
Nang makalabas ako ng hospital, nag file ako ng leave. Hindi pa rin lubusang magaling ang sugat ko pero hindi iyon ang totoong dahilan ko. Gusto ko lamang mag-isip. Noong nasa hospital ako nakapagpasya na ako, pero ngayong wala na si Dianne, hindi ko alam kung tama ang pasyang iyon.
“Gusto mo bang magbakasyon?” tanong ni Mama nang malaman na nag file ako ng one-month leave. Tumango ako.
“Babalik ka ng Davao?”
“Ayoko don Ma, dito na lamang ako sasamahan na lamang kita.”
“Buti na lamang nakaligtas ka anak, kasi iyang pagiging sweet mo na iyan ang hahanap-hanapin ko kung nagkataon.”
“OA ka naman ‘Ma”
“Pati pala iyang kakulitan mong iyan, hmp, payakap nga,”
“Ma masakit pang sugat ko,” para naman siyang natauhan sa sinabi ko. Haist.Ito ang totoong dahilan kaya natatakot akong mamatay. Hindi ko kayang makitang umiiyak ang Mommy ko.
Shayne
Hndi ko talaga matanggap ang desisyon ni Josh. Nangigigil pa rin ako sa babaeng iyon.
“Josh, pagbigyan mo na ako, sasabunutan ko lamang si Dianne.”
“Tumigil ka nga.”
“Ayaw mo naman sampalin ko ang magkabilang pisngi niya kahit sabunut na lang, hanggang matanggal ang anit niya.”
“Napaka bayolente mo talaga.”
“Ikaw naman napaka martir.”
“Ayoko lang ng gulo,”
“Haist! Gwapo ka nga tanga ka naman, wala rin”
“Shut up! Gusto mo bang sabihan ko ang guard na huwag kang papasukin dito?
“Ewan ko nga sa yo.”
Pero mula noon, mas lalo akong humanga sa kanya, bihira na akong makilala ng taong gaya niya. Ang lawak ng pang unawa. Hindi ko matanggap ang desisyon niya pero alam kong tama siya. Kita ko sa kanya na masaya siya sa kaniyang ginawa at may mga tao pang napasaya dahil sa kaniya. Naisip ko lamang dapat din naman siyang maging masaya at kung ako man ang makagagawa noon para sa kanya, handa akong gawin. Payag akong isakripisyo kahit ang pansarili kong kasiyahan makita ko lamang siyang masaya. Mahal ko si Josh kaya gusto ko maging masaya na siya, kahit naman nakikita kong nakangiti siya alam ko sa loob niya naroon pa rin ang hirap na pilit niyang kinakaya. Mahaba na ang panahon na pinagsamahan namin at malalim na rin ang pundasyon ng aming pagkakaibigan kaya siguro ganon na lamang din ang malasakit ko sa kanya. Kahit naman minsan masungit siya aaminin ko siya ang pinaka totoong tao na nakilala ko at mas mahalaga sa akin ang pagkakaibigan namin kesa sa personal kong kagustuhan.
Tinext ko si Kenzo.
“Are you free tonight?”
“Yeah, bakit yayayain mo akong mag date?”
“What if I say yes?”
“Shayne huwag kang ganyan, pumapatol ako kahit joke.”
“Sira ka talaga, pwede bang magkita tayo?
“So magdedate nga tayo?”
“Ang kulit mo talaga, ano nga payag ka ba?”
“Sure basta ikaw.”
Ibinigay ko sa kanya ang restaurant kung saan kami magkikita. Papasok ko pa lamang nakita ko agad siya na ngiting-ngiti. Tumayo pa siya paglapit ko. Iniusod niya ang bangko para makaupo ako, naisip ko gentleman pala ang mokong.
“Thanks for coming!” nakangiting bati niya.
“Ako kaya ang nag invite” sagot ko naman.
“Sige thanks for inviting me.” Maya-maya nakita kong lumapit ang dalawang waiters may dala ng food.
“Fiesta? Bakit ang dami?” nagtataka kong tanong.
“Hindi ko alam ang gusto mo, kaya dinamihan ko na para may option ka, iyong ayaw mo iyon na ang lang sa akin.”
“Nako, paano iyan, I’m on a strict diet, hindi ako kumakain sa gabi. Mukhang ikaw lahat kakain niyan.” Kita ko naman lumungkot ang mukha niya kahit hindi nagsasalita.
“Joke lang ito naman, diba madalas mo naman kaming makita ni Josh na kumakain kahit late na?”
Totoo naman iyon ilang beses na kaming nagugulat bigla niya kaming babatiin habang kumakain kami tapos aalis din naman kahit yayain namin na kumain di pumapayag. Pero sa totoo lang ang gwapo niya. Kung magiging sila nga ni Kuya Paul, bagay sila. Saka parang napaka fresh niya at this hour parang ang linis pa niya at napakabango.
“Kain na tayo?” napansin yata niyang pinagmamasdan ko siya kaya iniba niya ang usapan.
“Hindi mo ba ako tatanungin bakit inivite kitang lumabas?”
“Hindi na masaya naman akong kasama ka, kaya kahit walang reason okey lamang sa akin.
“Wow, napaka gentleman mo naman, talaga bang ganyan ka.”
“Yeah, ever since, ganito ako.”
“Kumusta na pala kayo ni Jaika, nagkikita pa ba kayo?” Alam kong badtrip siya sa babaeng iyon gusto ko lamang i test ang mood niya kung masisira.
“Well, nagtetext siya dati after ng Puerto natin nag iinvite ng dinner, but since hindi ako pwede lagi ayun nagsawa na rin.” Mahinahon niyang sagot.
“Really?”Tumango naman siya at itinuloy ang pagsubo. “Kenzo, may favor sana akong hihingin sa iyo kaya kita niyaya dito.” Tumingin lamang siya sa akin pero hindi nagsalita kaya nagpatuloy ako.
“Kumusta kayo ni Sir PJ?”
“We’re still friends, best friend I should say matagal na kasi kaming magkakilala.”
“Kenzo, may relasyon ba kayo ni Sir PJ, I mean more than friends?”
“Pambihira, hindi ko napaghandaan ‘to ah, i ha hot seat mo pala ako,” napakamot siya sa ulo.
“Pero no problem sasagutin ko, dati na tsismiss nga iyan sa opisina kasi lagi kaming magkasama, aside from halos sabay kaming nag-apply at natanggap, pero wala talaga, kaya siguro kusang nawala ang issue kasi wala naman talaga alam mo bang parang kapatid ko na talaga ang lokong iyon.” Napangiti naman ako kasi napaka honest niyang sumagot kita ko sa mata niya na totoo ang sinasabi niya.
“I know, alam mo iyong tungkol kay Josh at Sir PJ.”pagpapatuloy ko
“Yeah, Nakwento sa akin yun ni Paul. Wala naman kaming lihiman.Sayang bagay pa naman sila parehas silang gwapo at mabait.” Pero parang napahiya siya nang mapatingin sa akin.
“Iyon na nga, can you help me?
“About what?”
“Gusto ko kasing magkaayos na sila?”
“Are you serious, bakit mo naman gagawin iyon?”
“Look, noong nasa ospital pa si Josh, nakita ko kung gaano sila kasaya, although hindi pa sila ganon ka-komportable, pero kita ko naman mahal pa rin nila ang isat-isa. And I want Josh to be happy.”
“I don’t understand, aaminin ko sobrang mahal ni Paul si Josh, at wala na siyang minahal na iba liban sa kanya, pero paano ka, diba boyfiend mo si Josh?”
“Kenzo, can you keep secret?”
“Sure, ano yun?” itinigil na niya ang pagkain at ipinatong ang kamay sa table.
“Sa iyo ko lamang sasabihin ito, hindi talaga kami ni Josh”
“Huh! Ibig sabihin palabas lamang ang lahat.”
“Nope you don’t understand, naging magkaibigan kami, best friend kami for more than 5 years, pero mahal ko siya more than that, kaya pinilit ko siyang maging kami, I mean na maging boyfriend ko siya, wala namang problema kay Josh I know and I can feel he loves me, kaya lang he loves Sir PJ more. Hindi naman niya inilihm sa akin ang tungkol doon, and I understand him pero may usapan kami na kung talagang hindi magiging sila tatanggapin niya ang pagmamahal ko.”
“Grabe yun ha, totoo ba iyan?”
“Oo, kaya lamang alam kong mas magiging masaya si Josh kay Sir PJ kaya kahit mahal ko siya I am willing to give up.”
“You are amazing, ngayon lamang ako naka meet ng gaya mo. Iilan siguro ang makagagawa ng ganyan”
“Huwag mo na akong paiyakin, ang gusto ko lamang ay maging happy si Josh and I know since ikaw ang bestfriend ni Sir PJ iyon din ang gusto mo para sa kanya.”
“So ano ang plano mo?”
“I need your help.”
COMMENTS