By: JB Nakatingin lang ako sa phone ko, nagpanggap ako na hindi ko nakuha ang huling sinabi ni mama, nagpatuloy lang ako sa pagpindot sa ...
By: JB
Nakatingin lang ako sa phone ko, nagpanggap ako na hindi ko nakuha ang huling sinabi ni mama, nagpatuloy lang ako sa pagpindot sa phone ko, pinatagal ko ang hindi pagsasalita para makaisip ng panglusot kong sagot.
Ako: haa? ano yun ma?
Mama: yung lalaking tumawag sa'yo, mahal ang tawag sa'yo?
Ako: ahh! biruan kasi namin yun ma. Siraulo talaga yon!
Mugto pa ang mga mata ni mama, dahil galing lang siya sa pag-iyak, nung huling gabi kasi ay nag-away sila ni papa dahil sa problemang pinansiyal namin.
Nawala sa mukha ni mama ang labis na pagtataka at pagsasalubong ng mga kilay,
Mama: ahh..sige matutulog na nga ako, tawagan mo na yung classmate mo, baka importante.
Ako: sige ma..tulog ka na.
Pagpasok ni mama sa kwarto niya ay napakapa ako sa noo ko, para bang sumakit ang ulo ko sa mga nangyayari, hindi pa nawawala ang inis at pagkastress ko dahil sa mga groupmates ko sa school at dahil sa drama sa bahay, nadagdagan pa iyon sa pagsagot ni mama ng tawag ni Rex, hindi ako kay mama nakaramdam ng pagkainis, nakaramdam ako ng sobrang pagkainis kay Rex. Agad akong lumabas ng bahay at tinawagan si Rex. Sa pagsagot niya ng tawag ko ay hindi ko mapigilang mapasigaw at mabuntong lahat ng galit at inis ko kay Rex.
(On Phone Call)
Ako: ano ba naman to Rex!! hindi mo ba narinig? si mama yung sumagot sa tawag mo!!
Rex: I knew it, magagalit ka talaga sa akin.
Ako: Oo, galit na galit!! alam mo ba na tinanong ako ni mama at hindi ko alam yung sasagutin ko, halos mahalata na ako Rex!!
Rex: hindi ko alam Gab, hindi ko narinig agad yung boses ng mama mo.
Ako: sana man lang nagtext ka muna at hinintay mo yung reply ko. Haaay!
Hindi ko nakontrol ang sarili ko, sobrang stressed ako at hindi na pinapansin ang tono ng aking pananalita, totoong naiinis ako sa muntik nang pagkabuking sa akin ni mama. Wala na sa isip ko na umamin kay mama, kay papa o sa mga kapatid ko tungkol sa pagiging gay ko dahil marami na kaming problema sa bahay at stressed pa ako sa school.
Sige lang ako sa pagsasalita, sinabi ko lahat ng gusto kong ilabas.
Ako: napag-usapan na natin to! lagi ko namang sinasabi sa'yo na mag-iingat muna tayo, e ano to Rex!!
Ako: andami ko nang problema...sa bahay, sa school! stress na stress na ako sa school, alam mo ba yon!! tapos dadagdagan mo pa!
Mula sa mahinang pagsasalita ay sinabayan na ni Rex ang lakas ng boses ko. Sinimulan na rin niyang ilabas ang sama ng loob niya.
Rex: Gab...akala mo ba ikaw lang ang nasestress? ako rin! antagal kong nagtitiis, nagpipigil! bakit ganito ka? bakit ka nagagalit ng ganito! hindi ko sinasadyang magkamali.
Ako: Hindi mo ba ako naiintindihan! hindi mo ba alam kung anong ginawa mo!
Rex: Nagsosorry na ako! tinatry ko na ngang ibaba yung pride ko. Ang tagal kitang iniintindi, pero ako, iniintindi mo ba? Kung marami ka pa lang problema bakit di mo ipaalam sa akin, hindi yung sisigawan mo'ko! Gab ..sumosobra ka na!!
Ako: ako pa yung sumusobra? e ikaw nga tong sumosobra... sa kakapilit ng perfect relationship na gusto mo, na hindi ko pa mabibigay sa'yo.....kaya nga siguro naghahanap ka na ng iba kasi nagsasawa ka na!
Umaapaw ang inis ko ng mga sandaling iyon, nagsorry na si Rex pero parang hindi kumakawala sa akin ang pagkagalit, gusto ko lang na sabihin kay Rex ang lahat ng hindi ko nagugustuhan. Matagal-tagal rin akong nagkimkim at nanahimik sa mga panghihinala ko kay Rex, ginamit ko ang pagkakataon na iyon para masabi sa kanya lahat ng sama ng loob ko.
Nag-umpisa na akong maging emosyonal, parang may gyera sa utak ko, naiisip ko lahat ng hindi magandang nangyayari sa akin na hindi ko na nagugustuhan, parang gusto ko nang sumabog. Sa huling sinabi ko ay sandali kaming napatahimik ni Rex, napansin agad niya na may laman ang sinabi ko.
Rex: Anoo? ano yon? sinasabi mo na naghahanap na ako ng iba?
Rex: ano to? saan nanggagaling to?
Ako: diba? may kasomething ka dyan sa work mo? yung lagi mong kasama? mukha ka ngang masaya ka sa mga pictures niyo na halos magkadikit na yung mga mukha niyo.
Rex: Gab...ano to? hindi ako...
Ako: Ano? totoo ba?
Rex: Gab...yung sinasabi mo, close friend ko yun! bakit....bakit ka ba nagkaganito? wala akong ginagawang masama, wala akong iba...
Tuluyan nang tumulo ang luha ko, hindi ko alam kung bakit sobra akong nagagalit at nasasaktan, pinandagdag ko pa sa pagbuwelta ko kay Rex ang paniniwala kong meron siyang iba, gumagawa ako ng dahilan para lalo kaming maging komplikado, parang wala ako sa tamang pag-iisip ng gabing iyon, tanging ang mga pait, galit, lungkot at inis na nararamdaman ko ang mahalaga lang para sa akin, hindi ko na naisip ng gabing iyon ang mararamdaman ni Rex.
Rex: Grabe na to Gab! masyado na akong nasasaktan sa mga ginagawa mo sa'kin, matagal na kitang pilit na iniintindi, hindi na ako nagsalita tungkol sa hindi mo pa rin pagpapakilala sa akin sa pamilya mo, iniintindi ko na rin yung kawalan mo ng oras sa akin....
Naririnig ko na ang panginginig ng boses ni Rex, alam ko na nagiging emosyonal na rin siya. Ayokong pakinggan ang mga sinasabi niya, pinapairal ko ang pride ko, gusto ko sanang magsalita agad, sinusubukan kong sumingit habang seryosong nagsasalita si Rex pero dire-diretso lang siya sa pagsasalita at paglabas niya sa akin ng saloobin niya.
Rex: kapag hindi ka na halos magparamdam sa akin, iniisip ko na lang na busy ka sa school mo, gusto kong iparamdam sa'yo na nagtatampo na ako pero gusto ko talagang intindihin ka lagi...
Rex: tapos ito paa! pagbibintangan mo ako! ididiiin mo na niloloko na kita! Gab naman! nagtiis ako ng matagal sa'yo! kumapit lang ako, pero anong ginagawa mo? aware ka man o hindi, pero nakakagawa ka na ng way at dahilan para bumitaw ako!!
Nang marinig ko iyon ay medyo natauhan na ako, sunod-sunod ang paghinga ko at ang pagtulo ng luha ko. Hindi na ako halos makapagsalita sa tindi ng pag-iyak ko, naririnig ko na rin kasi sa linya ni Rex ang paghinga niya, umiiyak na rin siya.
Rex: Gab...mahal mo pa ba ako?
Ako: i...ikaw ba dapat...dapat yung...nagtatanong niyan?
Lumakas ang boses ni Rex at tumaas ang tono ng pagsasalita niya.
Rex: mahal mo pa ba akooo!!!
Ako: oo Rex, mahal kita!
Rex: pero bakit ginagawa mo sa akin to? paulit-ulit mo na akong sinasaktan, nasasakal na rin ako masyado sa relationship natin, hindi ito yung gusto ko!
Rex: Gab! maaaring tama ka nga...na nagsasawa na ako, hindi ko na kaya! this is enough! ayoko naa..
Ako: gusto ko lang naman....
Ako: Rex?
Humuhupa na non ang matindi kong pag-iyak, gusto ko nang huminahon sa pagsasalita at kausapin si Rex ng kalmado pero binaba na niya ang tawag, bumalik ako sa pag-iyak nang putulin na ni Rex ang pag-uusap namin. Sobra na akong natauhan, hindi ko lubos na maisip na nagawa kong masigawan at awayin si Rex nang ganon katindi, nag-umpisa lang iyon sa muntik nang pagkabuking sa akin ni mama. Sobrang bad mood ako non, matindi ang bigat na nararamdaman ko, naghalo-halo lahat ng nararamdaman ko sa mga nangyayari sa akin, parang galit na ako sa mundo, nagsabay-sabay lahat ng mga problema na kinaharap ko. Labis akong nadala ng emosyon ko, totoong nagsisi ako sa ginawa ko kay Rex.
May kaunting luha pa rin sa mga mata ko, ang mga kamay ko ay natuyuan na lang ng mga luhang pinahid ko at pinunas ko mula sa mga pisngi ko. Ang ulo ko ay tila gumaan at kusang napapayuko sa tamlay at lungkot na nararamdaman. Sa pagpasok ko sa bahay ay muli akong nadatnan ni mama, kumuha lang siya ng tubig na maiinom. Nahalata niya sa mukha ko na galing lang ako sa pag-iyak, panay pigil rin kasi ako sa lumalabas na sipon mula sa ilong ko at rinig na rinig ang tunog ng pagpigil kong iyon.
Mama: Gab..anak, bakit ka umiiyak?
Ako: wala ma, sa school lang to.
Mama: huh? bakit anong problema sa school?
Ako: sa...sa...mga kagroupmates ko lang sa isang subject ma. May problema lang kami.
Mama: bakit parang sobrang seryoso naman niyan? babagsak ba kayo sa isang subject?
Ako: hin...hindi ma, may hindi lang pagkakaintindihan.
Lumapit sa akin si mama at ipinatong niya ang kanyang kamay sa aking balikat.
Mama: Gab..kung anuman yan, wag kang magdadalawang isip na sabihin sa akin, nanay mo'ko, nararapat lang na alam ko ang bumabagabag sa anak ko.
Ako: simpleng problema lang to ma, kakayanin ko to...kakayanin namin to, wag ka na mag-alala.
Mama: sige anak, sigurado ka ha...di mo ba talaga kailangan ng tulong ko?
Ako: wala to ma, kaya na namin to, wag mo na tong intindihin.
Mama: sigee..alam ko naman na kakayanin mo yan.
Nang makapasok na si mama sa kwarto nila ni papa ay nag-umpisa na naman akong umiyak, gusto kong saktan ang sarili ko, inis na inis ako, hindi lang sa mga masamang kaganapan kundi mismo sa sarili ko. Nangibabaw ang pag-iisip ko tungkol sa amin ni Rex, tungkol sa hindi ko na pagbibigay ng halaga sa relationship namin.
Nagkaroon ako ng kagustuhan na makausap ulit si Rex, tinawagan ko siya, nakailang ulit ako sa pagtawag pero hindi niya sinasagot. Napapapikit ako sa sobrang pagkabahala. Dahil di naman niya sinasagot ang mga tawag ko ay tinext ko na lang siya.
(On Text Message)
Ako: Rex di ko intensyon na saktan ka, nainis ako sa nangyari pero hindi dapat kta sinigawan, hindi dapat ako nagalit ng ganon, mahal kita Rex! un lng nman ung gusto kong isipin mo, masyado lng akong maraming dinadalang problema at stress, sana maintindihan mo pa rin ako nagsisisi ako sa ginawa ko at sa mga ginawa ko, sorry sorry mahal. Magreply ka pls!!
Nainip ako sa ilang minutong paghihintay sa reply ni Rex kaya't nagtext pa rin ako at humingi ako ng humingi ng sorry sa kanya, alam ko na masyado siyang nasaktan. May ilang beses na kaming nag-away pero ito ang pinakamatindi.
Alas dose na non at wala pa rin siyang reply, hindi ako mapakali, gustong-gusto kong marinig o malaman ang side niya at kung anong nasa loob niya, gusto kong magkaayos na kami at tanggapin na niya ang sorry ko. Wala akong ideya kung nabasa na niya ang mga texts ko ngunit parang sigurado ako na ayaw na niya akong kausapin. Hindi ako makuntento kaya't nagfacebook ako, yun na lang ang tanging pag-asa ko para makaconnect kay Rex. Sa pagbukas ko ng facebook app ay bumungad sa akin ang status ni Rex, halos mag-iisang oras lang ang nakalilipas pagkatapos niyang ipost ito.
(Rex's Facebook Status)
"nasasaktan na ako nang sobra, parang hindi ko na kayang kumapit pa, susuko na yata ako.
Napatingala ako at pinigilan ang muling pagluha sa nabasa ko, malinaw na tungkol ito sa away namin, nagkaroon ako bigla ng takot at pag-alala na baka sukuan na nga ako ni Rex, hindi ako handa sa mga mangyayari sa amin.
May mga nakita akong nagreact sa post na iyon ni Rex, maraming agad na nagcomment na concern sa kanya, may mga nagtatanong kung anong nangyari, may gusto icomfort siya at gustong palakasin ang kanyang loob, may mga nagyaya pa sa kanya ng inuman para mawala daw ang sakit sa puso niya Binasa ko pa ang mga iyon pero hindi na naging mahalaga sa akin ang mga comments na iyon sa status niya. Agad kong inalam kung online siya. 20 minutes ago siyang online, di na akong nag-atubiling ichat siya, pareho lang ang ipinarating ko sa kanya sa text hanggang sa chat. Gusto ko lang na maayos namin ang gusot sa relasyon namin, at gusto ko lang na magkaintindihan kami at tanggapin niya ang paghingi ko ng sorry.
1am na, kahit maaga pa ang pasok ko kinabukasan ay hindi ako tumigil sa paghihintay at pag-asa na magrereply din si Rex sa akin, halos isang oras akong naghintay hanggang sa makapag-online na nga si Rex at mabasa ang chat ko, matagal-tagal pang naka-seen ang message kong iyon hanggang sa mabasa ko na ang mahaba niyang reply. Ito ang mga ipinahiwatig niya sa akin.
(On FB Chat)
Rex: "Gab, hindi mo lang alam kung gaano na ako nasasaktan sa nangyayari, sa nangyayari sa relationship natin. Sinubukan kong magpakatatag, ilang beses na rin tayo nagtampuhan at higit pa sa tampuhan kadalasan. Bawat away natin at di pagkakaintindihan, ako yung unang bumibigay, ako yung unang nagpapakumbaba ksi mas mataas tlaga yang pride mo. Pinipilit kong maging ok, nilalawakan ko yung isip ko!"
Rex: "Actually! hindi ko talaga gusto, matagal na....na legal tayo sa amin pero hindi tayo legal sa pamilya mo, hindi mo rin talaga ako magawang iharap sa kanila, sa loob loob ko, hindi talaga kita maintindihan, pinapakita ko na ok lang pero hindi talaga"
Rex: "Sorry Gab pero..kung nung una ayos lang talaga sa akin yon, ngayon at habang tumatagal, hindi na ok sa'kin, sobra mo rin akong nabigo nang hindi mo ituloy ang pag-amin mo sa pamilya mo na magiging way sana para makilala ko na rin sila.. pero wala!! yun talaga ang pinaka-hinihiling ko sa relationship natin, wala akong magagawa dahil hindi mo talaga mabibigay sa akin agad yon. Yang kagustuhan ko na yan at inaasam-asam ko..sinet aside ko muna, hinayaan ko na lang muna, maghihintay na lang ako kung kailan ka magiging handa,magtitiis ako dahil mahal kita pero Gab.....habang naghihintay ko....sinasaktan mo ako...sa mga di ko sinasadyang pangyayari, nagagalit ka na sa akin. Nagiging sunod-sunuran na lang din ako sa'yo"
Rex: "Sinusunod ko lahat ng gusto mo, nagagalit din ako minsan kapag nakakafeel na ako ng hindi maganda pero pinipilit ko pa rin na magkaayos tayo agad. Tapos ngayon na sobrang busy ka sa school mo, halos hindi na tayo makapag-usap, gusto kong marinig yung boses mo pero gusto mo text na lang, feel na feel ko na nawawalan ka na ng oras sa akin, isang rason din yon kung bakit ako nasasaktan"
Rex: "sobra na talaga akong nasaktan sa nangyari ngayon, napakaunfair mo na talaga Gab, ilang beses ka nang naging ganito, sarili mo na lang yung iniisip mo, wala ka nang pakialam sa mararamdaman ko, wala ka na ring tiwala sa akin"
Rex: "Sa pagprotekta mo rin sa sikreto mo, at sa matagal mo nang pagtago sa akin at sa paglihim ng relasyon natin, nakikita ko...na hindi mo na ako kayang ipaglaban"
Rex: "ang haba ng sinabi ko, lahat nang yan ay matagal ko nang gustong sabihin kasi di ko na talaga kaya, may nagpipigil lang sa akin"
Napatulala ako sa mahabang message na iyon ni Rex, gusto kong kumontra sa ilang mga sinabi niya pero ayaw ko nang dugtungan pa, maluha-luha ako bago ko matapos basahin ang chat ni Rex, narealize ko na parang ang sama ko pa lang boyfriend sa kanya, naging insensitive ako at makasarili, gusto kong isipin na hindi pa iyon ang huli, ngunit talagang labis nang nasasaktan si Rex. Kinabahan ako sa mga susunod pang sasabihin ni Rex, mukhang hindi maganda ang patutunguhan ng messages ni Rex, tila nagpapahiwatig na siya ng pagsuko.
Kumabog ng mabilis ang puso ko, nalaman ko na ang mga mabibigat na hinaing sa akin ni Rex, natakot ako na baka hindi na kami muling bumalik ni Rex sa normal.
(On FB Chat)
Ako: "mahal, humihingi talaga ako ng walang katapusang sorry. Sorry kasi hindi ako matapang at wala akong lakas ng loob, sorry kasi hindi ako naging aware sa feelings mo, naging insensitive talaga ako at makasarili, nagsisisi ako Rex, hindi ko dapat ginawa yung mga yon. Naging mabuti kang bf sa akin, sorry kung naging masama man ako. Mahal kita! mahal na mahal!"
Rex: "mahal din kita Gab"
Rex: "sinabi ko sa'yo yon para malaman mo yung mga mali mo, may mga mali din naman ako bilang bf mo pero inaadmit ko naman sa'yo yon agad diba? sorry din kung may mga pinipilit akong mga bagay na hindi mo kaya, sorry din sa lahat ng mga nagawa ko na nasaktan ka"
Rex: "tinatanggap ko lahat ng sorry mo pero Gab..gusto ko lang yung mas makabubuti para sa atin, lalo na para sa'yo"
Ako: "anong ibig sabihin mo Rex?"
Rex: "Gab mas mabuti na maghiwalay na muna tayo, hindi na maganda to para sa'yo at para sa akin, di ko na nagagawa nang maayos yung trabaho ko dahil sa mga nagiging problema natin, nakakadagdag lang din ako sa mga problema mo, di na muna kita gagambalain, wag mong pababayaan pag-aaral mo"
Bumigat ang pakiramdam ko sa pagdedesisyon ni Rex na maghiwalay kami, parang aatakihin ako sa puso, maaaring napapadalas nga ang tampuhan at awayan namin ni Rex at nasasaktan ko siya palagi, pero isa sa mga malaking kinakatakutan ko ang mawala sa akin si Rex, sinabi ko iyon sa sarili ko na hindi ko talaga kakayanin kung mangyari yon, siya ang pangarap ko noon na maging jowa at ayaw ko siyang kumawala sa akin, kahit anuman ang mangyari, magalit man ako sa kanya ng paulit-ulit ay hindi ko siya hihiwalayan.
Chinat ko ulit si Rex, nanginginig ang mga kamay ko habang nagtatype ng irereply, biglang naging buo ang determinasyon ko na wag ituloy ni Rex ang desisyon niya na iyon
Ako: "Rex wag mong gawin to. Hindi ito yung solusyon ayaw kitang mawala sa akin. Rex hindi pwede! mahal na mahal kita! :("
Ako: "Magbabago na ako wag mo lang akong hiwalayan. Please Rex!"
Gusto kong iexpect na babawiin ni Rex ang sinabi niya, napatayo ako sa kinauupuan ko, sunod-sunod ang paghinga ko at di ko na makontrol ang emosyon ko, lakad ako ng lakad sa sala namin, sa gitna ng dilim habang hawak ko ang phone ko
(On FB Chat)
Rex: "masakit sa akin Gab pero kailangan ko tong gawin, this time ay susundin ko na ang utak ko kaysa sa puso ko"
Rex: "salamat sa lahat ng magagandang memories Gab, mas kailangan natin to, kailangan na kitang pakawalan, palayain mo na rin ako"
Rex: "hindi naman ako mawawala, pwede pa rin tayong maging magkaibigan. :)"
Matapos ko iyong mabasa ay napaiyak ako ng todo, pilit kong tinatakpan ang aking bibig para di makagawa ng ingay, gusto ko na talagang humagulgol, gusto ko nang saktan ang sarili ko. Naramdaman ko na nung una pa lang na bibitaw na si Rex, hindi talaga ako naging perpektong boyfriend para sa kanya, hindi ko nabibigay lahat sa kanya, hindi ko rin alam na nagiging makasarili na pala ako at nakakagawa na ng masama kay Rex, hindi ko siya inintindi, nagkulang ako, hindi ko napahalagahan ang relasyon namin.
(On FB Chat)
Ako: "sabi mo nun kakapit ka lang, di ka bibitaw kahit anong mangyari. Ano to Rex! hindi ko alam kung mahal mo pa talaga ako"
Ako: "may iba ka na bang gusto? ayaw mo na sa akin?"
Nabitawan ko ang phone sa hindi ko maipaliwanag na sakit na nararamdaman. Patuloy ang panginginig ko at pagluha ko. Hindi rin nagtagal ay dinampot ko sa sahig ang phone ko, gusto kong makausap si Rex, marinig ang boses niya, kaya't tinawagan ko siya. Hindi lang ako makapagsalita pero nag-iingay ang isip ko. Tila nagdadaing ito na sagutin na ni Rex ang tawag ko. Pero nakakailang tawag na ako at hindi pa rin sinasagot ni Rex. Parang nababaliw na ako, chinat ko ulit siya na wag akong hiwalayan pero buo na talaga ang desisyon niya.
Rex: "Gab sorry kung nasasaktan ka na, masakit din sa akin to, nagtatalo ang puso at isipan ko"
Rex: "magfocus ka ngayon sa problema ng pamilya niyo at sa school. Yun ang gusto kong gawin mo, sana ngayon, ako naman ang sundin mo"
Wala na akong gustong gawin ng gabing iyon kundi ilabas lahat ng luha ko, gusto kong iiyak lahat, madaling araw nun kaya't lumabas na lang ako ng bahay at umupo sa may gilid ng kalsada, doon na ako humagulgol ng iyak, hindi ko na pinansin kung may dumaan man na tao.
Ilang oras pa ang nagdaan, mag-aalas tres na lang ng madaling araw ay hindi pa ako tulog, nakahiga lang ako sa kwarto at patuloy na lumuluha. Ang hirap tanggapin na wala na kami ni Rex, wala na kami ng boyfriend ko na sa tingin ko ay isang perfect man at ang pinangarap ko lang, nakuha ko siya, minahal, ngunit hindi ko iningatan.
Wala na akong ideya kung anong oras na ako nakatulog, ginising ako ni mama ng alas siete ng umaga, pero hindi ako tumayo at napagpasyahang hindi na lang muna pumasok. Tanghali na nun, napapaiyak pa rin ako kapag naiisip ang katotohanan na break na kami ni Rex, tanging mga masasayang alaala na lang namin ni Rex ang naiwan sa akin at ang mga materyal na bagay na ibinigay niya sa akin.
Tinatawagan ako ng mga classmate ko ng araw na iyon, hindi ko sinasagot lahat, nagtext na sila at nagchat, tinatanong kung nasaan ako at kung bakit hindi ako pumasok. Wala na talaga sa isip ko ang school, nakalimutan ko na nga rin ang naging problema lang namin ng mga kagrupo ko sa isang subject. Si Rex lang talaga ang iniisip ko at ang paghihiwalay namin na hindi ko tanggap.
1pm na siguro nang katukin ako ni mama sa kwarto, mag-isa na lang ako sa kwarto dahil pumasok na sa kanya-kanyang trabaho ang mga ate ko.
Mama: Gaaab! buksan mo tong pinto! hindi ka pumasok ngayong araw, hindi ka pa lumalabas dyan sa kwarto! hindi ka pa kumakain!!
Ako: wala akong gana kumain ma!
Mama: bakit? may nararamdaman ka ba? kinapa naman kita kanina, hindi ka naman mainit, wala ka namang sinat o lagnat.
Wala akong maisip na maisagot, sobrang lungkot ko na kasi, labis akong naaapektuhan sa nangyari sa amin ni Rex.
Mama: Gaab! sige na kumain ka na!
Ako: Ayoko ma!
Mama: Gab, anak. Buksan mo na lang tong pinto.
Mama: naghihintay ako, sige na!
Mabagal ang pagkilos ko, pinunasan ko ang mga mata ko, ayaw kong ipahalata kay mama na umiiyak ako, binuksan ko ang pinto.
Mama: Gab, nag-absent ka sa school mo ngayon, ano bang dahilan?
Mama: at bakit namamaga yang mga mata mo, grabe siguro ang pag-iyak mo...ano na bang nangyari sa inyo ng mga kagroupmates mo?
Wala talaga akong maisagot kay mama, napapatulala ako at dinadamdam pa masyado ang breakup namin ni Rex, matagal na nakatingin sa akin si mama hanggang sa tanungin niya ulit ako.
Mama: anak, tapatin mo nga ako..
Mama: sa school ba talaga tong iniiyak mo? o may iba talagang dahilan?
Tinabihan na ako ni mama at mahinahon na nagsalita.
Mama: Gab wag kang magtago sa akin, hindi ganito katindi ang pag-iyak mo kung walang ibang dahilan.
Napatingin ako kay mama sandali at yumuko. Sa normal at mahinang boses ni mama ay nagtanong ulit siya.
Mama: anak, ano ba to? may syota ka ba at naghiwalay kayo? sabihin mo sa akin anak.
Habang ako ay nakayuko ay napaiyak ako sa harap ni mama, sa pag-iyak ko ay naramdaman ko ang yakap ni mama at ang kanyang haplos sa aking likuran.
COMMENTS