By:Joshua Anthony French fries. Masarap sigurong kumain ng French fries ngayon. Tapos umupo doon sa dog park ilang kanto mula dito sa buildi...
By:Joshua Anthony
French fries. Masarap sigurong kumain ng French fries ngayon. Tapos umupo doon sa dog park ilang kanto mula dito sa building namin, kahit na wala akong aso. Siguro ay masayang magmuni-muni roon upang sandaling makalimot.
Ngunit, hindi. Malayo sa realidad ang makalimot nang ganun-ganun lang.
Labing-walo? Siguro ay nasa labing-walong oras na akong nakatunganga lamang sa kisame habang nakasalampak dito sa sahig ng aking kwarto. Ramdam ko ang epekto ng ilang bote ng alak na nainom ko kahapon, ngunit hindi naman ako nakatulog talaga.
Ang carpet na ito, hindi naman pala ganoon karumi. Kailangan ko nga ba ito huling nalinis? Nakakatamad naman kasi gamitin ‘yung vacuum kong palpak. Hindi pa naman ako makabili ng bago dahil hindi naman iyon prayoridad para sa akin. Sabi kasi ni Raffy kailangan niya raw sumama sa pagbili ko ng bagong vacuum dahil siya raw ang eksperto doon.
Mula sa aking pwesto ay kita ko sa bintana ang panglaw ng gabi. Habang ang karamihan siguro ng tao sa labas ay pauwi na mula sa isang nakakapagod na araw sa trabaho, ako ay heto nga’t hindi pa rin alam ang gagawin sa buhay.
Hindi ko rin maiwasan na mag-alala sa mga taong nag-aalala sa akin simula pa kagabi. Alam ko… Nakakalito. Nakakabaliw.
Alam mo ba ‘yung pakiramdam na gusto mong mapakinggan ka ng mga kaibigan mo o mahal sa buhay? ‘Yung tipong nais mong iparating sa kanila na oo nagdadalamhati ka at kailangan mo sila, ngunit kailangan mong mapag-isa?
Ngunit iniisip mo pa lang magiging reaksiyon nila sa pakiusap mo ay halos hindi ka na rin mapalagay. Kaya’t imbes na makatulong ay marahil makadadagdag lamang iyon sa bigat.
Kung hindi ako nagkakamali, tatlumpu’t anim na beses ko nang narinig na tumunog ang aking cellphone.
Hindi ko tantsa base sa pandinig kung saang bahagi ng aking unitn ko nailapang ang cellphone ko na iyon. Ngunit kung sa palagay, malamang ay nasa loob iyon ng aking coat na basta ko na lamang initsa siguro sa aking couch doon sa labas nitong kwarto.
Nangangati na ako, sa totoo lang. Gusto ko na sana rin maligo, ngunit wala talaga akong gana na kumilos. Hindi ko nga rin malaman kung papaanong wala pa rin akong bed sores dahil sa limitadong kong paggalaw dito sa aking pwesto simula pa kahapon.
Matiwasay naman ang naging libing kahapon.
Wala akong binati sa kahit na sino na naroon maliban sa mga magulang ni Raffy.
Binanggit ko na naman ang pangalan niya.
Parang isang patibong na kapag kinalaglagan mo ay muli ka na namang makukulong.
Kung mayroon akong nais kausapin talaga kahapon, iyon ay ang aking ina. Ngunit wala rin siya eh. Nasa ibang bansa na naninirahan at may iba na ring pamilya. Wala naman akong masama masasabi sa kanya dahil hindi naman siya nagkulang sa aking pinansiyal na pangangailangan.
Nakakatawa kung iisipin dahil simula nang malaman ko ang sakit ni Raffy ilang buwan na ang nakakalipas hanggang sa siya ay tuluyan nang sumakabilang-buhay, ay hindi pa ako umiiyak. Hindi ko rin malaman kung kailangan pa ba iyon.
Kamuntikan na noong pangalawang beses niyang sumailalim sa opersayon. Nagmakaawa siya sa akin noon na pilitin ang kanyang mga magulang na huwag na iyong gawin dahil natatakot na raw siya. Hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang higpit ng kanyang kapit sa aking mga braso habang maluha-luha niya akong kinakausap patungkol doon.
Nais kong umiyak noong mga oras na iyon dahil sa tingin ko’y iyon na ang pagkakataong hindi ko na kayang maging matapang pa. Ngunit ayaw ko namang makita niya akong nahihirapan kaya’t sa isa pang pagkakataon ay pinili ko muling magtapang-tapangan.
Kung buhay pa siguro siya ngayon ay pagtatawanan niya ako. Sisipain lamang ako nun at saka hihilahin palabas upang mag-kape o kaya naman ay mag-jogging. Kung may dalawang bagay na makatutukoy kung anong klase siyang kaibigan, ayun ang dalawang bagay na sasabihin ko: kape at jogging. Hindi siya ganoon kahilig na magtungo sa gym upang mag-work out. Iba lang talaga ang tama sa kanya ng jogging.
“I find it therapeutic.” lagi niyang sambit sa akin noon.
Pagkakataon daw iyon sa kanya upang makapagisip-isip. Hindi ko masyadong pinapansin ang mga ganoon niyang kadahilanan noon. Para kasing pang-matalinong usapan lamang. Nakakawalang-gana.
Hindi ko naman akalain na ngayon ako mangungulila sa mga kwento niya.
Gagawin ko ang lahat marinig lamang ang mga kwento niyang muli.
Nais ko siyang tanungin ngayon: Ano ang ibig mong sabihin patungkol sa pagkahumaling mo sa jogging?
O kaya naman ay: May iba ka bang nais na i-kwento sa akin?
Ano ang masasabi mo patungkol sa buwan?
Sa tingin mo ba talaga ay bilog ang mundo?
Ano kaya ang mga huling salitang nabanggit ni Adulf Hitler bago siya namatay?
Ikaw kaya, Raffy? Ano kaya talaga ang mga huli mong sinabi bago mo ako tuluyang iwan? Naging mabuting kaibigan ba ako sa’yo kahit papaano?
Ngunit huli na. Wala na…
Wala na tayong kwentuhan.
Wala na tayong kantiyawan.
Wala na akong pagkakataon na sabihin sa’yo ang tunay kong nararamdaman.
Wala na.
Bigla akong bumangon mula sa pagkakasalampak sa sahig. Nag-unat ng mga braso at binti. Naghikab ng pagkalaki-laki. Piniling muling mabuhay.
Hinubad ko ang lahat ng aking suot at saka nagtungo sa banyo upang mag-shower. Hindi ko na alintana kung masyado bang malamig ang tubig. Wala rin naman akong magagawa dahil sira ang heater ng aking shower.
Dalawa, tatlo, apat na beses akong nag-shampoo. Hindi kasi naging ganoon kabula ang mga unang lagay ko dahil na rin siguro sa dami ng clay na nilagay ko sa aking buhok kahapon. Paubos na rin ang aking conditioner. Kailangan ko na rin siguro mamili ng groceries mamaya.
Matapos maligo ay nagbihis na ako kaagad ng sando at boxers. Mabuti na ang ganitong kasuotan lamang dahil kumportableng gumalaw. Makapaglilinis ako nang maayos.
Inumpisahan kong damputin lahat ng mga damit na nagkalat sa paligid hanggang sa sala. Ang couch ko ay hindi mo na makikilala kung couch ba talaga dahil sa dami ng mga damit na naroroon. Maging ang aking kama. Hindi ko na rin alam kung alin doon ang labahan at ang hindi.
Isinalansan ko na lamang ang lahat ng iyon sa isang basket upang malabhan mamaya sa laundry station sa baba. Sana naman ay hindi ako abutin ng umaga sa dami ng dapat kong isalang.
Tinanggal ko rin ang mga punda ng aking mga unan—maging ang ilan kong mga throw pillows. Pati ang mga kumot, bedsheet at balot ng aking comforter ay isinama ko na rin upang mapalitan na.
Siguro nga ay umaayon sa akin ang kalawakan dahil hindi pa naman pumapalpak sa ngayon ang aking vacuum.
Halos mautot ako kakatulak ng couch paalis sa pwesto nito upang malinis maging ang ilalim nito. Maging ang ilan kong mga shelves ay kinailangan kong iusog nang bahagya upang malinis ng maayos ang mga ilalim niyon.
Kaunting pahinga ng vacuum upang magpunas-punas naman ng mga lamesita at cabinets. Pagpag doon, pagpag dito.
Ang isa kong malaking rug sa kusina ay kinailangan kong isampay sa maliit na balcony ng aking unit dahil sa pagkabasa nito mula sa mga natapon na mga alak.
Anim na bote ng alak ang nakalansingan sa basurahan nang ilagay ko ang mga ito roon. Iniisip ko kung ano kaya ang iniisip ng mga taong nagsasaayos ng mga basura ng buong condominium na ito habang ginagawa nila ang kanilang trabaho. Siguro’y napakahirap niyon para sa kanila.
Bago ko itali ang napakalaking plastic ng basura ay pinagtatanggal ko na rin muna ang halos lahat ng laman ng aking ref. Maging ang ilan sa mga pagkain na nasa isang cabinet. Expired na rin kasi ang mga iyon.
Nang malinisan ko na ang aking buong tirahan ay nagtungo akong muli sa kwarto upang lagyan ng mga punda ang mga unan at maglagay ng kobre-kama sa aking higaan.
Itim naman sa ngayon. Itim at puti lamang naman ang palagi kong kinatutuwan. Marahil ay naglalaro lamang sa mga kulay na itim at puti ang bumubuo sa sarili kong bahaghari.
Matapos ang lahat-lahat ay muli kong narinig ang pagtunog ng aking cellphone. Nakalimutan ko nga palang hanapin iyon. Dali-dali kong hinanap ang coat na nai-hanger ko na pala sa loob ng aking wardrobe.
Si Alex. Pinsan ni Raffy. Wala na akong iniarte pa at sinagot iyon kaagad.
“Hey.” medyo hingal kong sabi.
“Dude. What the fuck?” sagot niya. Sagot na kung tutuusin ay isang tanong.
“Good evening to you, too!” sarkastiko kong bati. “What’s up?”
Huminga siya nang malalim. “What’s up, my butt!”
“Uh, I don’t know? Your daddy’s dick?” sagot ko.
“Very funny.” tugon niya. “Everybody’s so worried about you, man. Ty went there daw last night, but no one answered the door.”
Si Tyler. Kaibigan din namin.
“I was asleep siguro.” mahina kong sambit. “Tell them don’t worry about me. I’m okay, man.”
“Can I at least come over?” tanong niya.
“I—uh,”
“Great!” bigla niyang sagot. “Open the door.”
“Huh? What do y—” hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil sa biglang pagkatok sa aking pintuan.
Agad kong inilapag ang aking cellphone sa aking higaan at saka lumabas ng kwarto upang buksan ang pinto. Si Alex nga.
“The hero has arrived to save you from misery.” nakangiti niyang sabi habang nakaunat pa ang mga kamay na animo’y naghihintay ng akap.
Hindi ko na siya sinagot at tinalikuran na lamang bigla sa nakatiwangwang na pintuan. Naupo ako sa couch at saka sumandal. Napagod ako sa paglilinis.
“D’you bring food?” tanong ko.
“Of—” bigla niyang sambit. “—course!”
Napansin ko na parang may kung ano siyang hinihila kaya naman nilingon ko siya.
“What the actual fuck?!” napatayo ako nang makitang hila-hila niya ang dalawang maleta at isang malaking backpack.
Napatingin din siya sa akin at saka ako nginitian.
“Surprise!” sabi niya. “I’m moving in!”
“Again, what the actual fuck?!” muli kong sabi.
“Aren’t you happy? Excited?” pagpapatuloy lang niya habang isinasara ang pinto. “I understand. It’s kinda still a lot to take in, but yes. I’m moving at wala ka nang magagawa.”
“Gago ka ba?” bigla kong sabi. “No way!”
“Aarte ka pa ba?” sagot niya. “It’s not as if I had a choice, anyway.”
Sinimangutan ko lamang siya. Nalilito.
“It was Raffy’s stupid idea, Tim.”
Pinilit kong manlaki ang aking mga mata dahil sa narinig, ngunit hindi ko kayang kalabanin ang biyayang ibinigay sa akin mula sa itaas. Singkit ako.
Naupo na lamang ako ulit sa couch at napasandal habang nakatingala. Kita ko mula sa aking tagiliran na patungo si Alex sa kusina at saka binuksan ang ref.
“We should go grocery shopping tomorrow, man. Your ref looks bald on the inside.” natatawa niyang puna.
Maya-maya pa ay tumabi siya sa akin at saka ako inabutan ng isang napakalamig na beer. Kinuha ko iyon at hinawakan na lamang muna, hindi ko pa rin siya tinitignan.
Kinuha niya ang remote control ng T.V. at binuksan ito. Master Chef Canada ang palabas. May kalakasan ang volume kaya’t hininaan niya nang bahagya.
“I will be continuing my studies here, bro.” seryoso niyang panimula. “Wala na rin akong dapat pang balikan sa Baguio. He’s got a new life now with me out of the picture. Which I should respect. Which should be great.”
Mula sa panonood ay nilingon niya ako.
“At least, we’ll have all the time in the world to talk about things.” banggit niya.
Hindi na rin naman ako nakipagmatigasan pa at tinignan ko na rin siya upang ngitian.
Kung may isang bagay na sobrang kahanga-hanga kay Alex, iyon ay ang pagiging totoo niyang kaibigan. Katulad ng lahat ng tao, hindi naman siya perpekto. Nakatutuwa lamang na ginagawa niya ang lahat ng bagay na simple at madali.
May mga pagkakamali rin siyang nagawa noon na nagbunga ng mga masasakit na sandali at isang napakagandang regalo. Mga pagkakamali na hindi sa akin upang ibahagi.
“Thanks, man.” mahina kong sabi. “Appreciate it, really.”
COMMENTS