$type=carousel$hide=post$clm=6$c=20$l=0$sp=2000$src=random$b=0$do=0$hide=/search/label/Events

$show=mobile$hide=home-page-404

$hide=home-page-404-mobile

Ang Tangi Kong Inaasam (Part 27)

By: Confused Teacher “We must develop and maintain the capacity to forgive. He who is devoid of the power to forgive is devoid of the po...

Ang Tangi Kong Inaasam

By: Confused Teacher

“We must develop and maintain the capacity to forgive. He who is devoid of the power to forgive is devoid of the power to love. There is some good in the worst of us and some evil in the best of us. When we discover this, we are less prone to hate our enemies.”

Paul

Pagkatapos ng kasal namin, tumuloy na kami sa Tagaytay. Parehas kaming may one-month leave kaya walang choice araw-araw kaming magkasama sa bahay. Wala naman akong masabi kay Mitch, mabait naman siya maasikaso sa bahay. Madalas ko rin siyang magrequest na turuan siya ni Mama sa mga gawain sa bahay lalo na sa kusina. Napansin ko rin na nagiging malapit na sila ni Mama. Masaya na rin ako kahit papaano na walang problema sa amin. Pero kahit anong gawin ko wala akong makapa ni katiting na pagmamahal sa kanya. Sa ilang araw na kasama ko siya pinipilit kong hanapin ang mga mga good qualities niya gaya ng sinabi ni Papa pero wala talaga. Sa ugali niya kaya ko sigurong maging kaibigan siya pero ang mahalin siya ng higit pa ron hindi ko alam kung kaya kong gawin.

Bago matapos ang aking leave pinuntahan ko ang dati kong employer. Buo na ang pasya ko, ilang araw ko rin namang pinag isipan ang mga bagay na iyon at sigurado akong iyon ang tama. Ayoko ng pahirapan pa si Patrick. Alam ko bawat araw na makikita niya ako ay masasaktan siya. Hindi ko rin siya kayang tingnan siya ng harapan. Masyadong malalim ang nilikha kong sugat sa kanya. Lalo ko lamang pinapahirapan ang aking sarili at patuloy na siyang sinasaktan.

Mabilis ang naging pag-uusap namin ng dati kong boss at dahil maayos naman ang naging paghihiwalay namin ay agad niyang tinanggap ang aking application. Pagkatapos magpasalamat ay nagpaalam na ako sa kanya.

Dumiretso ako sa opisina at tuluyan ng nagresign. Bagamat hindi pa nila tinanggap ang resignation ko. Inimpake ko na rin ang mga gamit ko at binilinan si Krizia na ipadala ang lahat ng iyon sa bahay. Alam kong malungkot ang aking secretary, pero wala naman siyang magawa. Hindi rin ako nagbigay ng kahit anong paliwanang sa kanila. Hindi ko na ipinaalam kay Kenzo na naroon ako para makakilos ako ng maayos alam kong kukulitin lamang ako ng lokong iyon.

Muli nag drive ako na hindi alam kung saan pupunta. Napansin ko na lamang ang sarili ko na nakatigil sa tabi ng kalsada at umiiyak. Isinubsob ko ang mukha ko sa manibela at hinayaan ang mga luha kong pumatak. Napaka helpless ng pakiramdam ko ng mga oras na iyon. Napakahina ko. Gusto kong sumigaw, gusto kong ilabas lahat ang galit ko sa aking sarili. Pero para saan? Wala na rin namang mangyayari. Hindi ko na maibabalik ang nakaraan at lalong hindi ko na kayang buuin ang nasira naming relasyon. Sirang-sira na ang buhay ko. Ang hirap magplano. Umiyak lamang ako nang umiyak.

“Sorry Patrick,” iyon lamang ang nasabi ko.

Pagkalipas ng ilang araw, balik trabaho na kami parehas.

Hindi ako pumayag na sa bahay nina Mitch tumira sa halip ay nagrent kami ng isang maliit na apartment at tuluyan ng bumukod kasama ang isang kasambahay. Gaya ng ipinangako ko twice a week ay umuuwi kami ng Tagaytay para bisitahin sina Mama at Papa.

Hindi ko siya niyaya pero awtomatikong sumasakay siya sa sasakyan pag alam niyang pauwi ako ng Tagaytay. Hindi ko na rin siya pinigilan, iyon naman siguro ang tama dahil mag-asawa na kami dapat lagi kaming magkasama.

Sa simula ay ayos lamang ang aming pagsasama hanggang napansin kong madalas siyang nagsasabi na sa bahay nila matutulog dahil namimiss niya ang Mommy niya at nang tuluyan ng lumaki ang tiyan niya ay doon na talaga naglagi. Tama naman siya kailangan nasa tabi niya ang Mommy niya sa mga panahong iyon. Isa pa ay hindi ko rin siya masamahan sa mga check ups niya kaya pinayagan ko. Ako na lamang ang bumibista sa kanila.

Nagpasalamat na rin ako kahit papaano ay tahimik ako pag-uwi sa bahay. Napansin ko kasi nitong mga huling araw, ang daldal niya. Parang kumportable na siyang kasama ako samantalang naiilang pa rin ako na katabi siya sa pagtulog. Madalas par in akong maalimpungatan sa agabi, nagugulat ako paggising ko na may ibang tao akong katabi sa kama.

Hanggang sumapit ang panganganak niya. Naging maayos naman ang lahat as expected baby boy ang anak namin. Kim Nathan ang ipinangalan ko sa kanya. Noong una Josh Nathan ang plano ko pero naisip ko ayoko na ring magkaroon ng magpapaalala ng pagiging walang kwenta ko dahil nasasaktan pa rin ako at nagagalit sa aking sarili kapag nababanggit ang pangalan niya.

“Bro, move on matagal na iyon patawarin mo na ang sarili mo para makapag simula kang muli. Tatay ka na may responsibilidad ka hindi man kay Mitch pero sa baby mo.” Minsang sermon sa akin ni Kenzo.

“You don’t understand pare.”

“I understand you, at alam ko ang nararamdaman mo kaya lang hanggang kailan mo pahihirapan at sasaktan ang sarili mo?”

“Hanggang alam kong nasasaktan pa rin si Patrick, hanggang nararamdaman ko ang pagiging walang kwenta ko sa kanya. Hanggang alam kong narito pa rin siya sa puso ko.”

“Bro, naka move on na siya, may girlfriend na si Josh at nakikita ko masaya na siya.”

“Shit, kelan pa? Bakit ngayon mo lamang sinabi?”

“Gago ka ba di ba sinabihan mo akong huwag babanggit ng kahit ano tungkol sa kanya. Diba noong minsan na binanggit ko siya sasapakin mo ako?”

“Pero pare ibang usapan na ito, totoo ba iyang sinasabi mo, kailan pa nga?”

“Hindi ko alam kung kailan naging sila, pero magkakasama kami last two weeks dahil ipinakilala niya kay Shayne ang girlfriend niya.”

Wala naman akong maisagot, kaya tumingin lamang ako sa malayo. Maya-maya ay naitanong ko.

“Mahal kaya siya ni Patrick? Masaya ba si Patrick? Ano sa tingin mo nalimutan na ba ako ni Patrick, ano na itsura ni Patrick ngayon?”ang sunud-sunod kong tanong.

“Putek naman pare kung makapagtanong ka parang wala ng bukas.”

“Nakakatanga kasi ang pambibitin mo bakit ba ayaw mong sabihin lahat agad” naiinis kong sagot.

“Okey Fine, Oo kita ko kay Patrick na mahal niya si Angel, iba yung kislap ng mga mata niya. Kitang-kita sa kanya ang saya, at alam mo bang sa harapan namin ni Shayne nag kiss sila. At pare yung Angel. Grabe, ibang klase ang ganda bagay na bagay ang pangalan para siyang hulog ng langit. Pero mas maganda pa rin si Shayne.”

“Shit! Tama na!” bulyaw ko.

“Tingnan mo ka magtatanong ka tapos ikaw ang magagalit pag sumagot ako. Kaya nga ayokong banggitin siya”

“Pare patayin mo na lamang kaya ako, please pare bago ikaw ang mapatay ko.”

“Gago!”

“Mas gago ka, hindi lang gago sobrang gago, hindi mo alam kung ano ang pinagdadaanan ko.”

“So go on, sirain mo ang buhay mo, o kaya pakamatay ka na lang, kalimutan mong may mga magulang ka pa na nag-aalala sa iyo at anak na umaasa sa iyo.” sagot naman niya. Para naman akong natauhan sa sinabi niya.

“Tang ina, pare bakit ba ako nasasaktan diba ito ang gusto ko, diba ito ang ipinakiusap ko sa kanya, na makatagpo siya ng taong magmamahal sa kanya ng totoo? Bakit ganon pare bakit ang hirap pa ring tanggapin?”

“Pakawalan mo na kasi siya, huwag mong hayaang mabuhay ka sa nakaraan. Tapos na iyon okay? move forward. Wala ka ng babalikan. Kaya huwag ka ng lumingon. May hiwalay na buhay na kayo pareho. May asawa at anak ka na, sooner mag-aasawa na si Josh and that’s it”

“Masakit pa rin bro, hindi pala ganon kadali gaya ng sinasabi ko dati. Akala ko noon magiging masaya ako kapag naka move on na siya, kapag masaya na siya.”

“Kaya mo iyan! I know you sabi mo lang mahina ka, pero malalampasan mo rin ang lahat ng iyan, and ‘pre speaking of kasal, nag pa plano na kami ni Shayne na magpakasal, inaayos na lamang namin yung details kasi gusto ko ring itapat sa date na pwedeng umuwi ang mga parents ko kasi naman once lang ito sa buhay ko kaya dapat naroon sila.” Natigilan naman ako sa sinabi niya pero pinilit kong ngumiti kahit mahirap.

“Congrats bro, buti ka pa you will settle with the one you really love.” Kita ko naman ang ngiti niya.

“Thanks, aasahan kita ha, para makilala mo rin ang family ko, sina Lola at Lolo lamang ang kilala mo sa pamilya ko.”

Tumango lamang ako gusto ko maging masaya siya, dahil Kenzo deserves to be happy pero sa puso ko bumalik yung sakit. Parang muli akong sinaksak dahil sa narinig kong may girlfriend na siya. Kung wala lamang akong anak at hindi naawa kina Mama at Papa baka nagpakamatay na ako sa oras na iyon.

Ilang buwan na mula nang magkita kami ni Kenzo pero pauit-ulit pa ring bumabalik sa utak ko ang mga sinabi niya.

“Oo kita ko kay Patrick na mahal niya si Angel, iba yung kislap ng mga mata niya. Kitang-kita sa kanya ang saya, at alam mo bang sa harapan namin ni Shayne nag kiss sila. At pare yung Angel. Grabe, ibang klase ang ganda bagay na bagay ang pangalan para siyang hulog ng langit.”

“Ahhh, shit naman Tama na please!” saka ako sumandal sa swivel chair sapo ang aking noo. Pero natabig ko pala ang glass paper weight at ang iba pang nakapatong sa table ko. Dahilan para makalikha ito ng ingay.

“Sir, are you okay?” natatarantang tanong ni Sheila, ang aming secretary. Nabigla naman ako.

Lumapit siya at pinulot yung mga papel na nagkalat sa sahig pati iyong ilang bubog na nakasabog.

“Ako na diyan, bumalik ka na don.” Mahina kong pakiusap sa kanya.

“No sir, I think you’re not okay. Baka kailangan mo po ng pahinga ilang araw ka ng parang wala sa sarili.” Nagsasalita siya kahit tuloy pa rin sa ginagawa niya.

“Gusto mo po ba sir, samahan kita sa clinic?”

“No huwag na okay na ako, baka nga kailangan ko lamang ang pahinga.”

“Sige po sir, ako na ang bahala dito, uwi ka na po, wala ka naman pong appointment hanggang bukas,”

“Thanks Sheila, pasensiya na.” Dinampot ko yung mga gamit ko at tumayo,

“No worries sir, ako na po ang bahala dito, ingat ka po sa pag da drive.” Tumango lamang ako at lumabas na ng pinto.

Nadatnan ko sa bahay si Mama habang karga si Baby Nathan. Pagkagaling kasi ng hospital ay sa apartment kami tumuloy kaya napilitan si Mama na samahan kami. Nagpaiwan naman si Papa sa Tagaytay dahil meron siyang maliit ng business doon.

“Anak maaga ka?” Nginitian ko siya saka hinalikan si Baby Nathan,

“Masama ang pakiramdam ko Ma, nag undertime lamang ako.”

“May ininom ka na bang gamot, baka naman over fatigue na iyan lagi ka kasing nag oovertime. Saka masama pala ang pakiramdam mo kiniss mo pa itong bata, Sige na doon ka na sa kwarto ninyo at magpahinga ka.”

Pagpasok ng kwarto wala si Mitch, Hmp. Saan na naman kaya nagpunta ang babaeng iyon. Sabi sa akin kaya hindi na bumalik sa pagta trabaho para matutukan ang pag-aalaga sa bata, pero lagi namang wala. Bahala nga siya sa buhay niya.

Nahiga lamang ako pero hindi rin naman ako makatulog.

Patrick

Ang sarap lamang ng pakiramdam habang pinagmamasdan ko si Mommy kausap si Angel. Close na sila at alam ko magkasundung-magkasundo silang dalawa. Bumalik sa aking alala ang nakaraan.

“Paano nga kaya kung hindi ako iniwan ni Kuya Paul. Siguro hindi ko nakilala si Angel. Dapat ko bang ipagpasalamat ang ginawa niya sa akin? Kumusta na kaya siya. Last kong narinig kay Shayne nanganak na si Mitch ang tagal na rin non last year pa yata nong mapag-usapan namin ang tungkol sa kanya. Hindi ko naman sila sinabihan na huwag akong balitaan ng tungkol sa kanya pero sila na talaga ang kusang gumagawa ng paraan na wala akong alam tungkol sa kanya. Siguro nga tama iyon kung may alam ako baka lalo lamang magulo ang isip ko. Pero namimiss ko pa rin siya.”

“Kumusta na kaya siya, sana masaya na siya, naalala ko pa yung pag-iyak niya nang huli ko siyang makita, Heto na Kuya Paul tinupad ko na ang wish mo, nagmahal akong muli at masaya na ako ngayon.”

Misteryoso nga pala talaga ang buhay. Noon akala ko hindi na ako makakangiti pa, akala ko hindi ko na kayang maging masaya.

Akala ko ang pagpapakasal ni Kuya Paul ang katapusan ng buhay ko. Hindi pala, mabuti na lamang may mga taong alam kong nagmamahal sa akin at hindi ako iniwan sa panahong mahinang-mahina ako.

Bakit ba siya ang iniisip ko, may girlfriend ako. Mahal ko si Angel iyon ang dapat kong isipin. Pero kahit ano namang tanggi ko alam ko nasa puso ko pa rin si Kuya Paul, siguro nga hindi na iyon mawawala, hindi ko naman talaga siya kayang kalimutan.

Pero kailangan ko ng tanggapin ang totoo. Kailangang huwag ko ng I - entertain ang mga kaisipang iyon.

Si Kuya Paul ay bahagi na lamang ng isang nakaraan. Isa na lamang siyang alaala. Isang magandang alaala na kailanman ay hindi mabubura sa aking isipan. Isang alaala na babaunin ko hanggang sa huling hininga ng aking buhay. Tapos na ang aming kwento. Kailangan na iyong bigyan ng ending. Matagal ko nang dapat ginawa ang mga bagay na iyon pero natakot kasi akong baka hindi ko kaya. Pero kailangan ko itong gawin ngayon, kailangan ng isara ang aming libro. Siguro kapag dumating ang araw na kailangan ko uling buklatin ang librong iyon mangingiti na lamang ako dahil iba si Kuya Paul. Nag-iisa lamang siya.“Si Kuya Paul, ako at ang lahat ng aming alaala.”

“Anak, sobrang lalim naman yata ng iniisip mo?” Saka ko lamang napansin si Daddy nasa tabi ko na pala. Nginitian ko siya para isipin niyang ayus lamang talaga ako.

“Wala Dad, natutuwa lamang po ako at okay sina Mommy at Angel magkasundo sila”

“Sino ba naman ang hindi makakasundo niyang girlfriend mo, bukod sa napakaganda, napakamabait pa at napaka magalang. Hindi ko nga maisip na sa Canada iyan lumaki iyong ugali niya Pilipinang-pilipina.” Papuri ni Daddy.

“Dad, masaya ka ba para sa akin?”

“Anak hindi lang ako masaya, sobrang masaya, dahil finally you found your true happiness.” Ngiting-ngiti na sagot niya.

“Dad, gusto ko na po siyang yayain na magpakasal,” mahina kong sabi sa kanya. Kita ko ang pamimilog ng kanyang mga mata dahil sa pagkabigla at sobrang tuwa.

“Talaga anak, I’m so proud of you” at bigla niya akong niyakap.

Nakita ko naman may luha siya sa mga mata niya at para siyang natigilan nang makita niyang nakatingin ako. Agad niya pinunasan at pilit na itinatago ang pagpatak ng mga yun.

“Wala ito anak, masayang-masaya lamang ako, Ito talaga ang hinihintay ko para sa iyo. Alam kong ito rin ang gusto mo kaya alam kong maligaya ka.”

“Thanks Daddy sa lahat ng suporta ninyo ni Mommy sa akin” naramdaman ko rin ang pagpatak ng luha ko, bakit ba naging sobra akong iyakin, nakakainis kahit si Daddy ang kaharap ko napapaiyak ako.

“O ano pang hinihintay mo, lapitan mo na siya, sabihin mo na ang plano mo.” Nakangiti uling sabi ni Daddy saka pinunasan ang luha sa mga mata ko gamit ang mga daliri niya. “Iyaking bata ka pa rin hanggang ngayon Josh” Napangiti naman ako dahil iyon ang tawag nilang lahat sa akin noong bata pa ako.

“Si Daddy naman e, ikaw ang nagpasimula kasi. ”Pinunasan ko rin ang mga luha ko ng likod ng aking kamay.

“O sige na tama na iyan, puntahan mo na siya.”

“Ngayon na Daddy, hindi ba pwedeng maging romantic naman baka madisappoint siya,” reklamo ko.

“Huwag ka ng mag inarte anak, hindi na kayo bata, saka uso na ngayon yung kahit saan, kahit nga sa ilalim ng tubig o sa gubat nagagawa iyon e.”

“Actually Dad, may ring na ako pero hindi ko naman inaasahan na ngayon ko na ito gagawin, wala man lang bang practice?”

“Josh, mababatukan kita, hala kuhanin mo yung ring at magpropose ka na, huwag ka ng kumontra ha, Daddy mo ako, bihira akong mag-utos sa iyo kaya kailangang sundin mo ako.” Kunwari ay naggalit-galitan si Daddy.

Napakamot naman ako ng ulo saka umakyat sa kwarto ko para kunin ang ilang linggo ko ng itinatagong ring. Pagbaba ko hindi ko pa rin alam ang gagawin. Huminga muna ako ng malalim bago lumapit kay Daddy. Malakas pa rin ang kabog ng aking dibdib.

“Dad, sure ka ba now talaga, hindi ba pwedeng mamayang gabi o kaya bukas? Ako yata ang nabigla hindi ko alam ang gagawin ko.”

“I said now na, sige lumapit ka na sa kanila,” napakamot lang ulit akong ulo nang bahagya niya akong itulak. Nilingon ko ulit siya at nakangiti niyang itinuro kung nasaan si Angel.

Lumapit ako sa kanilang dalawa na parehas nabigla alam ko pinagpapawisan ako. Ramdam ko talaga ang malakas na kabog ng aking dibdib. Nilingon ko ulit si Daddy na nakangiti pa rin sa akin.

“Ma, may sasabihin ako kay Angel,” mahina at pautal kong bati ko kay Mommy ramdam ko nangangatog ang boses ko.

“O sige, aalis muna ako maghahanda ako ng meryenda.” Sagot naman ni Mommy na parang hindi nahalata ang nararamdaman kong nerbiyos.

“No Ma, dito ka lang gusto kong marinig mo ang sasabihin ko sa kanya,”

Nakita ko naman parehas kumunot ang noo nila. Naramdaman ko rin na lumapit ang Daddy ko. Saka ako bahagyang tinapik sa balikat. Pumikit lamang ako saka lumuhod at kasabay ng pagmulat ko ay inilahad ko yung singsing kay Angel.

“Angel…. will you…. marry me?” pautal-utal kong tanong habang nakatingin sa mga mata niya. Nakita ko naman sa mukha niya ang pagkabigla. Nagpalipat-lipat ang tingin sa aming tatlo. Maya-maya ay may tumulong luha mula sa mga mata niya saka lumuhod din sa harap ko.

“Yes Josh, I will marry you!” Niyakap ko siya at parehas kaming napaupo sa sahig.

“Teka anak yung ring hindi mo pa nasusuot, huwag kang excited” narinig kong sabi ni Daddy mula sa likuran ko. Alam kong nabigla din sa naging reaksyon namin parehas.

Napatawa naman kami parehas ni Angel tumayo ako saka ko siya inalalayan sa pagtayo bago ko isinuot ang singsing sa kanya.

Niyakap ko ulit siya. Maya-maya ay yumakap si Mommy sa amin at kasunod ay naramdaman ko nakayakap na rin si Daddy.

“Binigla mo naman ako Josh, wala akong masabi.” Si Angel pagkatapos naming makaupo.

“Si Daddy kasi e, gusto ko nga yung romantic kaso ngayon na raw.” Nahihiya kong sagot.

“Salamat, alam kong totoo iyong sinabi mo kasi hindi ka nahiyang magpropose sa harap ng parents mo.” Nakangiti niyang sagot napatingin naman ako kay Mommy.

“Ma, umiiyak ka pa rin, ayaw mo ba akong mag-asawa?” biro ko kay Mommy.

“Hindi anak, sobrang saya ko, kasi ang tagal kong hinintay ang pagkakataong ito. Masaya ako kasi alam kong magiging masaya ka sa kanya. Angel anak, salamat at tinanggap mo si Josh sa buhay mo, salamat anak sanay maging maligaya ang pagsasama ninyo.” Niyakap niya si Angel napaiyak na rin ako pero pinahid ko agad ang luha ko.

“Mommy talaga mag-aasawa na ako pero ang OA pa rin. Angel alam mo ba bata pa ako awardee na iyan Most OA award, pero hanggang ngayon hindi pa rin binibitawan ang korona niya.” Pagpapatawa ko.

Kinurot naman ako ni Mommy. “Josh, thank you talaga pinasaya mo ako ng sobra, kahit lagi mo akong inaaway alam mong mahal na mahal kita at gusto kong maging masaya ka lagi.”

“See diba tama ako.” Pero hindi niya ako pinansin niyakap niya ulit ako.

“Thanks Ma alam mo naman iyon kasi lagi kong sinasabi mahal na mahal kita at sobrang proud na proud ako sa inyo ni Daddy.”

Hindi pa rin matapus-tapos ang kwentuhan namin dahil sa nangyari,

“Mommy, maghanda ka, papunta rito sina Hazel, tinawagan ko sinabi ko ang nangyari.” Nakangiting sabi ni Daddy.

Kaagad ko namang tinawagan si Shayne, may date sila ni Kenzo pero sabi niya pupunta raw sila. Tinawagan din ni Angel ang Mommy niya at sakto namang nasa condo nila dahil nga weekend kaya ilang sandali lamang ay nagkaroon na ng celebration.

“You mean Josh Patrick dito ka lamang nagpropose sa house ninyo?” tanong ni Shayne habang kumakain kami. Tumango lamang ako.

“As in dito talaga, hindi ka man lamang nag effort na magpaka romantic, ang kunat mo talaga” napakamot naman ako sa ulo. Eto talagang best friend ko minsan kailangan ko yatang lagyan ng duct tape ang bibig lalo nat may kaharap kaming ibang tao.

“Biglaan nga kasi, kaya wala na akong naging preparation, saka okay lamang naman kay Angel diba?”

“Oo naman ang sweet nga e, sayang lamang hindi na witness ni Mommy,” baling naman ni Angel sa Mommy niya.

“Basta anak masaya ka, masaya na rin ako,” nakangiti namang sagot ng Mommy niya.

“Nako Angel huwag mo ng kampihan iyang lalakeng iyan, wala talaga iyang ka-sweetan sa katawan.”

“E kayo ba, saan ka ba nagpropose?” balik tanong ko naman sa kanila pero kay Kenzo ako nakatingin.

“Ah, e sa ano. saan nga ba ako nag propose Shayne?” parang nalilito naman niyang tanong kay Shayne.

“Gago, hindi ka nag propose, ibinili mo lang ako ng ring.” Sagot ni Shayne sabay hampas kay Kenzo. “Maang-mangan ka pa kunwari,”

“Kasi naman ilang beses na kitang tinanong ayaw mo namang pumayag lagi mong sinasabi hindi ka pa ready, tas nang minsang kumakain tayo saka mo ako tinanong kung gusto kitang pakasalan?”

“Paano ang gulo mo tinatanong mo ako kapag naiinis ako sa iyo.”

“Ang ganda mo kasi kapag naiinis ka kaya don ako lalong naiinlove sa iyo.”

“Lokohin mo lelang mo, tse! Saka huwag kang agaw eksena, moment ito nina Josh, kumain ka na lamang diyan.”

Hanggang nauwi ulit sa tawanan ang hapong iyon dahil naungkat pati ang pagpo propose ni Daddy kay Mommy pati ang kwento ng parents ni Angel. Pero muling nagsalita ang Mommy ni Angel.

“Basta Josh, ipinagkakatiwala ko na sa iyo si Angel ha, sana lamang ay huwag mo siyang paiiyakin. Mahal na mahal namin iyan.”

“Pangako po Tita, hinding-hindi mangyayari iyon.”

“Pero Josh, ah Kuya Josh pala, pag inaway ka naman ni Ate, sabihin mo sa akin, sagot kita.” Nakangiting singit naman ng cute na si Chris.

Bahagya ko namang ginulo ang buhok niya dahil alam ko sabik din siya sa kuya dahil nga dalawa lamang silang magkapatid.

Tawanan pa rin kami nang tawanan hanggang nagpaalam na sina Tita at Chris, gusto ko sanang sumama pero naramdaman kong gusto ni Angel na magkausap sila ng Mommy niya ng sarilinan kaya hinayaan ko lamang sila.

At pagkatapos ng ilang kwentuhan nagpaalam na rin si Kenzo at dahil walang sasakyan si Shayne napilitan na rin siyang sumama kahit naiinis kay Kenzo dahil gusto pa raw niyang mag stay. Naiisip ko lamang tama talaga na si Kenzo ang makatuluyan niya dahil sigurado akong mamahalin siya nito mas mahaba ang pasensiya ni Kenzo kesa sa akin.

Pagkaalis nila ay masaya pa rin kaming nagkwentuhan, nagpaiwan pa sina Ate at sa umaga na raw uuwi. Masaya silang lahat para sa akin. Kaya lalo akong nagpapasalamat sa Diyos, sina Kuya kahit hindi nakarating ay binati naman ako, malayo kasi sila kasi sa Cebu na talaga nanirahan dahil sa kanyang negosyo.

Nakahiga na ako sa kama at muling nakipagtitigan sa aking kisame. Sumagi pa rin sa isipan ko si Kuya Paul. Pero wala ng sakit. Magagandang alaala na lamang ng aming pinagsamahan ang meron ako ng mga oras na iyon. Si Kuya Paul pa rin ang mahal kong kuya at minahal na boyfriend. Tama si Peter Pan. Just think of a happy thoughts and you’ll fly. Now I feel like Im flying. Masaya ako hindi ko inisip na mararamdaman ko pa ang ganito. Akala ko katapusan ng ng lahat ng umalis si Kuya Paul.

After 2 months nagpakasal sina Shayne at Kenzo. As expected abay kami ni Angel. Medyo kinakabahan ako ayoko pa rin makita si Kuya Paul pero salamat naman at hanggang nakauwi kami hindi siya nagpakita.

Mula nang makasal sila lalong bihira na kaming magkita. Naka leave sila parehas after ng kasal. Ayoko namang tawagan si Shayne.

Paul

Isang hapon pag-uwi ko nadatnan ko lamang si Mama sa may harapan ng bahay namin. Karga as usual si Baby Nathan. Inabot ng kasambahay namin ang gamit at kinuha ko naman kay Mama ang bata. Mula nang magka baby kami, bihira na ako nag oovertime kaya maliwanag pa ay nasa bahay na ako. Mahal na mahal ko siya, Siya na lamang at sina Mama at Papa ang pinagkukunan ko ng lakas. Si Kenzo kasi bihira ko na ring makita mula nang magpakasal. Hindi rin ako pumunta sa kasal nila, Pinuntahan ko siya gabi bago ang kasal. Gaya ng sinabi ni Papa iniwasan ko na rin ang pagkakataong baka magtagpo pa kami ni Patrick dahil lalo lamang akong masasaktan at mahihirapan na tanggapin na hindi na kami pwede.

“Ma, bakit kayo narito sa labas?”

“Ewan ko ba diyan sa anak mo iyak nang iyak, mabuti nga at nakatulog sandali pero kanina sobrang pamemerwisyo.”

“Wala kayang sakit Ma?”

“Dinala ko nga kanina sa sa Pedia niya, kasi parang matamlay ayaw dumede.”

“Ano pong sabi?”

“Wala naman daw diperensiya, baka raw namimiss lamang ang Mommy niya.” Sumimangot naman ako.

“Anak, hindi mo ba hahanapin si Mitch?” Mag iisang lingo ng hindi umuuwi ang taong iyon.

“Tinawagan ko po ilang beses ang Mommy niya, dahil naka off ang phone ni Mitch sabi nagpaalam daw sa kanya na mag-out of town.” Malungkot kong kwento

“Nagpaalam sa kanya pero sa iyong asawa niya hindi, ano bang klaseng babae, iyan.”

“Ma, huwag na po nating pag-usapan iyon.”

“Pero Paul, may anak siya, pano siya napapalagay na hindi niya alam kung ano na ang kondisyon ng bata. Nakakatulog ba siya sa gabi na hindi nakikita ang ang anak niya?”

“Sa totoo lang po Ma, ayoko na rin siyang kausapin kasi mag-aaway lamang kami. Alam ninyo naman ang nangyari noong huli ko siyang sinabihan. Ako pa ang lumabas na masama dahil kinukulong ko raw siya dito sa bahay. Ako pa pinangaralan ng Daddy niya.”

“Hindi ko alam kung bakit hinahayaan siya ng kanyang mga magulang sa ganyang ugali.”

“Kung hindi lamang naaawa ako sa batang ito ayoko siyang lumaking walang ina, nakipaghiwalay na talaga ako sa kanya. Sawang-sawang na ako sa ugali niya. Akala ko noong una, ayos lang dahil mabait naman pero pansamantala lamang pala, lumabas pa rin ang tunay na kulay.”

Hindi na sumagot si Mama, alam kong marami pa siyang gustong sabihin pero ayaw na niyang dagdagan ang dinadala ko.

Kinuha niya sa akin si Baby Nathan pagpasok namin.

Nahiga ako at hindi ko naman maiwasang maisip ang nangyayari sa akin.

Ilang buwan na kaming ganito, uuwi lamang siya para kumuha o magpalit ng damit tapos ay aalis din. Hindi ko nga alam kung ilang beses ba niyang kinarga ang anak namin. Nasasaktan ako sa ginagawa niya pero ayokong madinig kami ni Mama na nag aaway. Sa buong buhay ko hindi ko nakita o nadinig na nagsagutan sina Mama at Papa. Minsan ramdam ko nagkakaroon sila ng tampuhan pero madaling naayos iyon at hindi nauuwi sa sigawan.

Pero si Mitch gustuhin ko mang kausapin ng mahinahon laging pagalit kung sumagot. Kahit minsan hindi ko nakitang inasikaso ang damit na isusuot ko o tinanong kung kumain na ako pag dumating ako. Hindi ako naghahanap na maging sweet siya sa aking dahil hindi rin naman ako sweet sa kanya pero alam ko may may tungkulin siya sa bahay bilang asawa. Pero wala, ang alam niya ay gawain lahat iyon ng aming kasambahay. Madalas ay wala siya at kung nasa bahay naman ay natutulog o kaya ay abala sa kung sinu-sinong kausap sa phone o kaharap ng laptop niya. Maging sa oras ng pagkain laging nagmamadali. Hindi ko malimutan nang minsang tanungin ko siya kung saan siya pupunta dahil hapon na.

“Sasamahan ko lamang si Andrea may bibilhin siyang bagong shoes.”

“Baka pwedeng iyong ibang barkada ninyo na lamang ang sumama sa kanila, hapon na oh, gagabihin ka sa pag-uwi, Friday pa naman ma traffic.”

“Pwede ba Paul huwag ka nga umasta na parang concern ka, ano bang gusto mo magmukmok ako dito sa bahay at magpakalosyang?”

“Hindi naman sa ganon, iniisip ko lamang na may asawa at anak ka.”

“Yeah. May asawa ako does it mean hindi na ako pwedeng mag enjoy sa buhay ko, saka bakit pinapabayaan ba ng Mama mo si Nathan hindi naman ah. Kung nahihirapan na siya sa pag-aalaga pwede tayong kumuha ng another yaya yung tututok lamang sa pag-aalaga sa bata.”

At tuluyan na nga siyang lumabas kahit alam niyang naiinis ako. Napailing na lamang ako sa katwiran niyang iyon.

Ganoon naman siya lagi walang pakialam kung ano ang nangyayari sa bahay. Palibhasa nga lumaking spoiled sa magulang kaya lahat ng gusto dapat masunod.

Ang sakit lamang sa pakiramdam na siya ang ipinagpalit ko kay Patrick. Marahil nga ay parusa sa akin ito dahil sa pagkakamali ko pero sobrang sakit. Isipin ko pa lamang na habang buhay na ganito ang sitwasyon namin para gusto ko ng bumigay. Pagod ka maghapon sa trabaho tapos ganito ang dadatnan mo sa bahay. Mabuti na lamang at narito si Mama kahit papaano ay may napaghihingahan ako ng lahat ng sama ng loob ko. Saka nawawala rin ang pagod ko kapag nakita ko si Baby Nathan lalo na at nakangiti.

Hindi ko na nga iisipin ang Mommy niya, bawi naman ako sa aking anak. Mabuti na lamang at may nangyari pa rin maganda sa pagitan namin ni Mitch.

Tumagal pa kami sa ganoong sitwasyon. Hindi ko masabi kung mag-asawa pa kami. Ilang buwan siyang hindi nagpakita. Dumating lamang siya kasama ang mga magulang niya noong birthday ni Baby Nathan. Parang mga ordinaryong bisita lamang sila pagkatapos ng party ay nagpaalam na rin Nagpaiwan si Mitch dahil nag impake ng ilang mga damit niya pero bago mag hapunan ay umalis na rin. Hindi ko nga napansin man lamang na kinarga si Baby, Mas masaya pang makipag chickahan sa mga barkada niya. Nakikita ko si Mama basta lamang nakatingin sa akin pero alam kong nasasaktan siya sa kanyang nakikita. Pero anong gagawin ko ayoko namang mag-away kami dahil maraming tao at isa pa panigurado na wala rin naman kaming pagkakasunduan. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Ilang beses ko na ring kinausap ang mga magulang niya pero ang laging sagot ay bigyan ko ng time ang anak nila dahil nahihirapan pang mag adjust sa buhay may asawa. Dapat daw maunawaan ko ang nangyayari dahil biglaan ang naging pagpapakasal namin kaya hindi pa napaghandaan. Isa pa ang lagi nilang dahilan ay mas bata sa akin si Mitch kaya ako ang dapat na umunawa.

Nasasaktan man ako pero wala naman akong magagawa una hindi ko rin naman siya mahal, siguro nasasaktan lamang ang pride ko o naiisip ko binabalikan lang ako marahil dahil don sa ginawa ko dati kay Dianne. Nasasaktan ako dahil alam ko maraming babae ang naghahabol sa akin dati pero ganito ang kinahantungan ko. Pero nangako ako kay Mama hindi ko sisirain ang sarili ko alangalang sa anak ko kailangan huwag akong sumuko. Kailangang ayusin ko kahit man lamang ang buhay naming mag-ama. Kailangan tanggapin ko na ang kapalaran naming mag-ama. Kakayanin ko ito, narito naman sina Mama at Papa na handang umalalay sa amin.

Hanggang isang weekend mag-isa ako sa bahay dahil isinama ni Mama si Baby at ang kasambahay namin na magsimba. Nanonood ako ng TV nang makita kong bumukas ang pinto kasunod ay pumasok si Mitch. Hindi na ako nag abalang tanungin kung saan siya nanggaling dahil baka mauwi lamang sa pagtatalo.

“Hi Paul, may sasabihin ako sa iyo.” Pinress ko ang mute sa remote at humarap sa kanya, naupo naman siya sa katapat kong upuan.

“Tutal hindi naman tayo magkasundo at sure akong hindi mo naman ako gusto. Naisip ko mas tama sigurong maghiwalay na lamang tayo.” Dire-diretso niyang sabi.

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ng mga oras na iyon. Totoo naman na wala akong nararamdaman para sa kanya pero masakit din pala. Masakit marinig na ayaw na niya sa akin. Pero ayokong maramdaman niya iyon kaya ngumiti lang ako.

“Fine, balikan ko iyan next week ha, Bye,”

May inilapag siyang isang envelope sa center table saka tumayo at dumiretso sa pinto. Para naman akong na shock sa ikinilos niya. Nakita ko pa siya ng lumabas ng gate saka sumakay sa nakaparadang kotse. Matagal na siyang nakaalis nang damputin ko ang envelope nang tingan ko ang laman. Annulment papers. Napabuntunghininga lamang ako hindi ko talaga alam kung ano ang mararamdaman nang mga oras na iyon. Nang biglang may maisip ako. Dali-dali akong nag dial sa cellphone ko.

“Hello, o bakit ka napatawag?”

“Papayagan ko ang gusto mo pero isa lang ang hindi pwedeng mangyari ang kuhanin si baby, kahit anong mangyari sa akin siya at hindi mo siya makukuha.”

“Don’t worry Paul. Wala rin naman akong balak, dahil hindi ko siya kayang alagaan, o better sabihin na hindi pa ako handang maging nanay.”

“Mabuti na iyong nagkakaintindihan tayo”

“So kailan ko pwedeng balikan yung mga papel?”

“Kahit bukas, o kahit ngayon balikan mo pipirmahan ko na.”

“Okay, ipadala mo na lamang kaya sa bahay, may lakad kasi ako bukas. Bye”

Agad ko namang pinirmahan yung dala niya at pagdating nina Mama ay inutusan ko ang aming kasambahay na dalhin sa bahay nina Mitch. Ipinasok naman ni Mama si baby sa kwarto dahil natutulog. Pagbaba niya

“Ma, magready kayo bukas uuwi tayo ng Tagaytay, doon na tayo para sariwa ang hangin, mas kailangan ninyo yun at ni baby.”

“May problema ba anak? Ano yung ipinadala mo kay yaya?”

Yumakap lamang ako kay Mama. “Annulment papers Ma, nakipaghiwalay ng tuluyan si Mitch, Iniwan na niya tayo.” Hindi ko alam pero napaiyak pa rin ako.

COMMENTS

banner

[SHORT STORIES]$type=carousel$clm=4$c=20$l=0$sp=2500$src=random$b=0$do=0$hide=archive-search-label

Name

Announcement,5,Arranged,31,Articles,14,At Work,541,Birthday Party,1,Close Friends,1419,Completed,45,English,34,Entertainment,1,Events,4,Fantasy,56,Featured,9,Fetish,16,Foreigner,17,Grand Eyeball,2,Group,8,Health,3,History,1,HIV Awareness,2,Hot,5,Iconic,1,Incest,1085,Indie Films,21,Inspiring,10,Love Story,866,Luke Conde,1,Military,12,Mini Eyeball,2,Neighbors,226,News,9,Outing,1,Series,144,Short Story,167,Speaking Out,15,Sports,17,Strangers,831,Tips,2,Under Editing,5,Updates,3,Wild Abandon,288,Young Awakening,449,
ltr
item
Mencircle: Ang Tangi Kong Inaasam (Part 27)
Ang Tangi Kong Inaasam (Part 27)
https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEj-u2EVaLIVru8ZEE1jN0oqXL9VvXhbSTrR24vngE4vUPNFkYWgo5Dsl2vF5Epot_8mfEB19GC7ndgu6vJKOT5lLnYH3WtFbO8jA-d_MfxtFbFreiY-C8c4481UmM8Js_sH9X0kNQC68mbs/s1600/Ang+Tangi+Kong+Inaasam.jpeg
https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEj-u2EVaLIVru8ZEE1jN0oqXL9VvXhbSTrR24vngE4vUPNFkYWgo5Dsl2vF5Epot_8mfEB19GC7ndgu6vJKOT5lLnYH3WtFbO8jA-d_MfxtFbFreiY-C8c4481UmM8Js_sH9X0kNQC68mbs/s72-c/Ang+Tangi+Kong+Inaasam.jpeg
Mencircle
https://www.mencircle.com/2017/07/ang-tangi-kong-inaasam-part-27.html
https://www.mencircle.com/
https://www.mencircle.com/
https://www.mencircle.com/2017/07/ang-tangi-kong-inaasam-part-27.html
true
8703757858338494123
UTF-8
Loaded All Posts Not found any posts VIEW ALL READ Reply Cancel reply Delete By Home PAGES POSTS View All RECOMMENDED FOR YOU CATEGORY ARCHIVE SEARCH ALL POSTS Not found any post match with your request Back Home Sunday Monday Tuesday Wednesday Thursday Friday Saturday Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat January February March April May June July August September October November December Jan Feb Mar Apr May Jun Jul Aug Sep Oct Nov Dec just now 1 minute ago $$1$$ minutes ago 1 hour ago $$1$$ hours ago Yesterday $$1$$ days ago $$1$$ weeks ago more than 5 weeks ago Followers Follow SHARE TO CONTINUE STEP 1: Share to Facebook or X (Twitter) STEP 2: Click the link on your shared post Copy All Code Select All Code All codes were copied to your clipboard Can not copy the codes / texts, please press [CTRL]+[C] (or CMD+C with Mac) to copy Table of Content