$type=carousel$hide=post$clm=6$c=20$l=0$sp=2000$src=random$b=0$do=0$hide=/search/label/Events

$show=mobile$hide=home-page-404

$hide=home-page-404-mobile

Paper Planes

By:Joshua Anthony Sa bigat ng aking bag ay halos makuba na ako kakatakbo pauwi ng bahay. Huling araw ko kasi ngayon sa klase at nagkataon di...

By:Joshua Anthony

Sa bigat ng aking bag ay halos makuba na ako kakatakbo pauwi ng bahay.

Huling araw ko kasi ngayon sa klase at nagkataon din na ako ang huling magsusumite ng aking pag-aaral para sa semestreng ito, kaya’t napakabigat ng aking dalang bag dahil sa ilang mga librong dala at laptop. Kasabay ng aking pag-uulat ay ang pagsasagot sa mga tanong na ibinigay ng aking guro’t kamag-aral. Mabuti na lamang din at hindi ako nalito sa mga naging tanong nila dahil nasagot ko rin naman ang lahat ng iyon kaagad.

Siguro ay nasa alas-cinco pa lamang ng hapon, ngunit dahil Biyernes, heto’t kumakapal na naman ang dami ng tao sa daan. Konkreto man ang daanan, iniiwasan ko pa rin na madapa lalo na’t bahagyang basa ang kalsada. Ilang araw na rin na palagiang bumubugso ang ulan. Panahon na naman kasi ng tag-ulan.

May mahinang pag-ambon, ngunit hindi ko na lamang pinapansin. Wala na rin naman kasi akong balak na hugutin pa ang aking payong sa loob ng aking bag at makiisa sa mga taong nagbabanggaan dahil sa mga payong nilang naglalakihan.

Kanina nga sa bus na aking nasakyan, panay ang reklamo ng ilang pasahero dahil sa ilan na basta na lamang iwinawasiwas ang kanilang mga payong at hindi nagiging maingat kung may natatalsikan ba silang iba o wala. Isa lamang iyon sa sanlibo ko pang mga dahilan kung bakit tamad na tamad akong gumamit ng payong.

Ayos na para sa akin ang magsuot ng isang jacket at beanie upang maprotektahan ang aking sarili sa mahinang pag-ambon.

Hindi ko maiwasang hindi magbitaw ng malalalim na paghinga sa tuwing maaantala ang bilis ng aking paglakad o takbo dahil sa bagal ng mga tao sa aking unahan. Wala naman ako magawa kundi ay ang maghintay na lamang lalo na kung matatanda ang mga taong aking sinusundan.

Hindi ko na rin alintana ang hingal.
Sa totoo lamang, hindi ko rin talaga alam kung hingal ba ito o dahil sa sobrang sabik lamang ako na makarating ng bahay. Ang nais ko na lamang ay makauwi kaagad at maranasan ang bakasyon. Paniguradong magiging mas masaya ang bakasyon ko ngayon.

Bago tuluyang maglakad papasok sa gusali kung saan kami nangungupahan ay huminto muna ako sandali upang pakalmahin ang sarili dahil sa hingal at pagod. Ayaw ko namang mapansin nila sa bahay na sobrang sabik akong makauwi.

Maayos akong naglakad papasok sa gate at inakyat ang napakaraming hagdaanan papunta sa ikatlong palapag. Nang makarating ay ilang sandali ko pa muling hinabol ang aking paghinga bago tuluyang kumatok at tawagin si Mama upang pagbuksan ako ng pinto. Hindi na naman niya kasi makita ang kanyang mga susi kaya’t nasa kanya ang mga kopya ng susi na dapat ay ako ang may hawak.

Tatlong katok.
Tatlong pagtawag.

Muli na dapat akong kakatok, ngunit biglang bumukas ang pinto.

“Anak, andiyan ka na pala.” paunang sabi ni Mama. “Magluto ka na lang ng pagkain mo ha? May laman pa naman ‘yung ref diyan. ‘Yung mga susi mo, pinatong ko doon sa study table mo sa kwarto kaninang umaga pa.”

Nahawak lamang sa doorknob ang aking isang kamay habang nakikinig sa mga sinasabi niya.

Walang patid na naman si Mama sa pagsasalita. Pilit kong inaalala lahat ng kanyang sinasabi, ngunit hindi ko maalis ang aking paningin sa napakalaking bag niyang bitbit.

“Aalis ka?” tanong ko.

“May lakad kami ng Tito Gener mo.” bigla niyang sagot. “Teka, naintindihan mo ba lahat ng sinabi ko? Anyway, sinulat ko naman lahat dun sa ref. Tingnan mo na lang.”

“San ka punta, ma?” tanong ko pa.

“Nako, hindi ko nga alam eh. Si Tito Gener mo kasi, surprise daw.” sagot niya. “Nga pala, ikaw na rin muna bahala diyan kay Mathis ha? Hindi ko pa rin kasi alam kung kailan balik namin. O siya, sige na.”

“Ma!” muli kong pagtawag bago siya tuluyang maglakad pababa hila-hila ang isang napakalaking bag. “Wala ‘kong pera.” reklamo ko.

“Iniwan ko ‘yung card ko sa table mo. Ibinilin ko na rin kay Mathis na ibigay sa’yo.” sagot niya. “Anak, batiin mo naman si Tito Gener mo. Birthday niya ‘di ba?”

“Hindi ko nga siya tito.” reklamo ko.

“Eh ayaw mo naman din siyang tawaging Papa o kaya Dad.” pagsimangot ni Mama sa akin. “Sige na nga, bye. Love you!”

Bigla na lamang nag-ring ang kanyang phone at kaagad niyang sinagot habang patawa-tawa pang hinihila ang kanyang bag.

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa tuwing aalis si Mama. Bukod kasi sa asal niyang parang teenager, isa pa sa mga pinoproblema ko ay ang kanyang pananamit sa tuwing may lakad. Sabihin na lang natin na halos kwarenta anyos na siya para magsuot pa ng crop top.

May sasabihin pa sana ako, ngunit dali-dali na siyang umalis pababa ng hagdanan. Sa totoo lang, hindi ko na rin naman alam kung ano pa ang sasabihin. Siguro ay nais ko lamang talaga siyang pigilan na umalis.

“Love you.” bulong ko na lang sa sarili.

Tahimik lamang akong pumasok at saka marahang isinara ang pinto bago ikinandado. Tumalikod ako sa pinto, tinanggal ang bag sa pagkakasabit sa aking mga balikat at saka sumandal din sa pintuan habang inililibot ang paningin sa paligid.

Una kong napansin ang maliit na papel na nakadikit sa aming ref. May mga nakasulat doon na mga bilin ni Mama, ngunit hindi ko pa masyadong mabasa. Palaging ko siyang sinasabihan na i-text na lamang sa akin ang mga bilin niya para hindi na maglagay-lagay pa ng papel sa ref.

Ang aming maliit na kusina sa bandang kanan ay puno na naman ng hugasan ang lababo. Hindi ko alam kung bakit ganoon palagi dahil lagi rin naman akong naghuhugas ng mga hugasan bago pumasok sa umaga. Nakalabas din na naman ang basurahan na dapat ay nasa loob ng isang cupboard sa ilalim ng lababo. May isang mug din sa maliit naming island bar na puno ng tapon ng kape ang paligid.

Tapat mismo ng aming pinto ang hagdaanan papunta sa itaas. Sa tabi ng hagdang iyon ay pinto naman papunta sa aming sala na pader lamang ang pagitan sa aming kusina. Hindi ko rin alam kung sala ba iyon talaga dahil naroon din nakalagay ang aming hapag at mga upuan. Sa liit niyon ay pilit pa rin namin naipagkasya.

Kagaya ng inaasahan ay magulo rin ang parteng iyon ng aming apartment. Siguro ay may hinanap na naman si Mama sa mga drawers sa lagayan ng aming TV o kaya naman ay dito na naman siya nag-impake ng mga damit niyang dadalhin.

Sumilip ako sa itaas. Natanaw ko ang pintuan ng aming banyo na katapat mismo ng hagdanan kapag ikaw ay umakyat. Pumanhik ako ng ilang hakbang upang masilip ko rin ang mga pintuan ng mga kwarto at nakitang nakasara ang mga iyon pareho. Marahil ay tulog doon sa aking kwarto si Mathis. Baka kung saan-saan na naman gumala buong maghapon.

Hindi na muna ako tuluyang umakyat dahil ayaw ko na muna siyang maistorbo kung siya nga ay nagpapahinga na.

Pangatlong araw na ngayon ni Mathis sa pagbabakasyon dito sa Pilipinas. Matalik na magkaibigan ang mga nanay namin at halos isang taon lang din naman ang tanda niya sa akin. Sa totoo lang, hanggang ngayon ay naiilang pa rin ako na kausapin siya. Kahit nga ang hindi siya kausapin, makatabi ko lamang siya o kaya ay makaharap sa tuwing kakain kami sa hapag-kainan ay hindi rin madali para sa akin.

Hindi ko rin alam kung bakit. Siguro ay sa hiya lamang.

Ito ang unang beses na dumalaw dito sa amin si Mathis nang mag-isa. Noon kasi ay buong pamilya sila kung magbakasyon dito sa Pilipinas. Naaalala ko pa noong mga bata pa kami, hindi kami magkamayaw ni Mathis sa tuwing maghahanda na kaming lahat upang magpalipas ng ilang araw sa probinsiya nina Mama at Mommy niya sa Mindoro. Parang tradisyon na namin.

Halos sabay din silang nabuntis.

Hindi ko alam kung paano, ngunit sa tuwing tatanungin ko si Mama patungkol doon, lagi lamang niyang sinasabi na pareho sila ni Ninang Lorna ng kagagahan noong sila ay mga bata pa. Mas sinuwerte nga lang daw si Ninang Lorna dahil nakapangasawa ng isang Pranses at iyon nga, dinala sa Paris upang doon na manirahan.

Parating sa aking ama napupunta ang usapan namin ni Mama sa tuwing mababalikan namin ang kanyang kabataan. Palagi niyang idinadawit ang pangalan ng aking ama na kahit minsan ay hindi ko naman nakita. Ang alam ko lang ay hindi niya kami pinanagutan dahil nagkataon na may isa rin siyang nobya na nabuntis din kasabay ng pagkadisgrasya niya kay Mama.

Oo, disgrasyang anak lamang ako.

Hindi ko na rin alam kung nasaan na ang ama kong iyon. Ang kwento ng ilan naming mga kamag-anak ay nasa ibang bansa na rin daw ngayon kasama ang pamilyang pinili niyang samahan at buhayin. Siguro ay maganda na rin ang ganoon dahil alam kong maayos ang lagay niya… nila.

Wala naman akong sama ng loob sa aking ama. Sino ba naman ako upang humusga? Bukod pa roon, parang ama na rin naman ang turing ko kay Ninong Pierre. Hindi ko maihambing si Ninong Pierre sa mga Pilipinong mga ama, ngunit masasabi kong mabait siyang magulang para sa amin ni Mathis at responsable, mapagmahal na asawa para kay Ninang.

Nakakatuwa nga dahil parehong “anak” ang tawag niya sa amin ni Mathis. Naaalala ko pa kung papaanong kinagigiliwan niya kaming turuan noon ng iba’t ibang mga laro at inihahagis-hagis sa ere sa tuwing kami ay magpupunta sa tabing-dagat.
Parang pangalawang ina ko na rin si Ninang Lorna. Kung tutuusin, mas maasikaso pa nga siya kaysa kay Mama. Kadalasan kasi, ako pa ang umaasikaso kay Mama. Ayos lang naman sa akin; ang mahalaga ay kasama ko pa rin siya kahit na hindi nga lang din ganoon kadalas.

Tatlong taon na nang huling dumalaw dito sina Mathis. Musmos pa rin ako nang makadalaw kami sa kanilang tahanan doon sa Paris at hindi na rin naulit dahil masyadong masakit sa bulsa sabi ni Mama. Naging posible lamang ang pagpunta namin doon dahil tumulong din sina Ninong Pierre sa pagbili ng tickets.

Hanggang ngayon, nakadikit pa rin sa pader ng aking silid ang ilang mga litrato namin noong dumalaw kami doon.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang unang beses na makita ko ang Eiffel Tower nang malapitan. Naaalala ko pa kung papaanong hinawakan ni Mathis ang aking kamay nang mapansin niyang natatakot ako dahil sa pagtaas ng lift paakyat sa sikat na toreng iyon. Iyon bang sa lahat ng malalabong ala-ala, may isa na kahit kailan ay palaging sariwa at malinaw kung iyong babalik-balikan. Parang iyong panaginip sa totoong buhay na pinagmamasdan sa sandipang layo lamang.

Iyon din ang unang beses na napansin ko ang nunal niya sa hinlalaking daliri sa kaliwang kamay. Magmula noon ay kinatutuwan ko na ang bawat sandaling matatanaw ko ang nunal niyang iyon. Siguro dahil nagpapaalala iyon sa akin na minsan akong natakot at sa minsang takot na iyon, nalaman ko rin na mayroon akong makakapitan.

Doon ako natuto na huwag matakot na matakot. Nakakalito kung iisipin, ngunit pinanghawakan ko na iyon simula noon. Mas maigi nang lumaban kahit na takot, kaysa ang magpanggap na matapang at maging mahina sa mismong pangil ng katatakutan.

Inilapag ko na muna sandali ang aking bag sa hagdan at saka sinimulang linisin ang kusina. May mga nanigas na ring mga tirang pagkain sa ilang mga plato kaya’t binabaran ko na muna iyon ng tubig at saka iniayos muna ang basurahan.

Pinunas-punasan ko na rin muna ang paligid bago nagtungo sa sala upang doon naman mag-ayos ng mga gamit. Nang maiayos ang sala ay bumalik na ako sa kusina upang ituloy ang paghuhugas.

Nang matapos ako sa paglilinis ay kinuha ko na ang aking bag at saka pumanhik na sa itaas. Sinasaulo ko na sa aking isipan ang magandang bati kung sakaling gising na si Mathis at makita akong pumasok sa kwarto. O kaya naman ay kung ano ang magandang itanong sa kanya kung sakaling mabalot na naman kami ng katahimikan.

Iniisip ko pa lang ay kinakabahan na ako.

Hindi naman kami ganito noon. O baka ako lang talaga ang ganito? Dahil hindi naman siya naiilang sa akin. Marahil ay wala lang talaga akong lakas ng loob upang kausapin siya o maging ang makihalubilo sa mga taong kahanga-hanga katulad niya.

Para akong magnanakaw na halos nakatingkayad na naglalakad papasok sa aking sariling kwarto. Kung bakit ba naman kasi pumayag pa akong dito na lang ulit matulog si Mathis eh. Siya kasi ang nagprisinta na sa sala na lamang sa baba matulog, ngunit si Mama ay hindi pumayag.

Marahan kong binuksan ang pinto ng aking silid at patay-malisyang lumakad lamang patungo sa aking study table upang doon ilapag ang aking bag. Mabilisan ko ring tiningnan ang pares ng susi kung naroon nga ba sa mesang iyon.

Dahil sa tapat ng bandang paanang dulo ng aking higaan ang pwesto ng aking study table ay hindi ko pa nakikita kung tulog nga ba si Mathis sa higaan. Hindi ko rin kasi masyadong napansin nang makapasok ako ng silid. Mukha na akong timang dahil nagkukunwari na lamang akong may hinahanap sa aking bag at mesa para lamang hindi muna lumingon sa aking higaan.

“Lukas!” marahang sigaw ni Mathis.

Sa gulat ay aking nasagi ang bote ng tubig na nalalaglag sa sahig. Mabuti na lamang at nakasara maigi ang takip niyon at hindi nagkalat.

“Ah, merde.” (“Ah, shit.”) bulalas niya.

Hindi ko pa rin siya nililingon dahil nahihiya pa rin ako na harapin siya. Nagpatuloy na lamang ako sa pagkukunwaring may kung anong hinahanap.

“Sorry—”

“Lukas!”

“Yeah?” tanong ko. “I’m just trying to—”

“Lukas…”

Pansin ko ang kagaspangan ng boses niya doon, marahil ay nais niyang maghikab ngunit hindi natutuloy.

“Lukas, turn around.” sabi niya.

Kinakabahan man ay bigla ko na lamang siyang hinarap at saka nginitian.

“Why?” nakangiti kong tanong.

Pansin ko kaagad na nakasuot lamang siya ng boxers at bahagyang nakabangon mula sa pagkakahiga. Pakamot-kamot siya ng mata at humihinga ng malalim; kita ko ang pagtaas-baba ng kanyang makisig na dibdib at matipunong tiyan, maging ang kanyang mga braso nang iunat-unat niya ang mga ito.

Dahil na rin sa ilaw ng lamp shade sa tabi ng aking kama ay kita ko rin ang balahibo niya sa buong katawan. Blonde kasi ang kulay ng kanyang buhok, kaya’t hindi mo mahahalata ang kapal ng kanyang balahibo kung hindi pa maaaninag sa liwanag ng ilaw.

“Is this what you’re looking for?” tanong niya habang ipinapaypay sa sarili ang ATM card ni Mama. “Ninang told me to give it to you.” dagdag niya bago humikab.

Hindi ko maialis ang paningin sa matipunong paggalaw ng kanyang mga braso at balikat dahil sa pagpapaypay sa sarili.

Ganoon pa rin ang kanyang pananalita; may matigas at bruskong tunong ng isang Pranses. Naaalala ko pa kung papaano niya akong tinuruan na bigkasin ang tunog ng /r/ sa kanilang lengwahe; para ka kasing dumadahak kung babanggitin mo iyon sa ganoong pamamaraan.

“Lukas!” muli na naman niyang pagtawag. “You’re zoning out again.”

Agad ko siyang tiningnan sa mata—tsokolateng mga mata.

“S-sorry.” bulalas ko. “Y-yeah. Sa’yo niya pala binigay, akala ko nandito lang sa mesa eh.” pakamot-ulo ko pang dagdag.

Iniabot niya iyon sa akin, ngunit hindi ko alam kung kukunin ko ba. Naiilang kasi ako na lumapit sa kanya. Bukod kasi sa hubad niyang katawan, napapansin ko rin ang pagbukol ng kanyang alaga dahil nga bagong gising.

Mabilisan na lamang akong lumapit sa kanya at saka kinuha ang card.

“Are you okay?” tanong niya. “You look pale.”

“Yeah yeah.” bigla kong sagot. “Maybe, I’m just hungry.”

Tumawa lamang siya at saka ako sandaling tinitigan.

“Mon petit frère.” (“My little brother.”) sambit niya.

Sasagutin ko pa sana siya, ngunit tumalikod na lamang ako at saka inilagay sa aking wallet ang card ni Mama. Nakakaramdam na rin kasi ako ng gutom.

“I’ll cook us dinner.” bigla niyang sabi. “What do you want?”

“No, I can do that.” sabi ko.

“No, I want to.”

“No, bisita ka ‘di ba?” argumento ko naman.

“Who’s older?”

Makikipagtalo pa sana ako, ngunit tuwalya na ang sumalubong sa akin nang lingunin ko siya. Hindi naman gaanong malakas ang pagbato niya niyon; sakto lamang upang sumabit sa aking ulo’t balikat.

“Just take a shower.” sabi niya. “And I’ll cook us dinner.”

Hindi ko na gaanong nakita ngunit narinig ko na lamang ang malakas niyang paghikab-hikab pababa ng hagdan. Napakamot na lamang ako ng ulo at saka napangiti. Ganoon kasi talaga si Mathis, laging nagpapaka-matanda sa tuwing kami lang ang magkasama. Katulad ko ay nag-iisang anak lamang din kasi siya nina Ninong Lorna at Ninong Pierre.

Mabilis na lamang akong naligo at nagsuot ng damit pambahay. Nagsuot din ako ng medyas dahil kinasanayan ko nang magsuot niyon sa tuwing maulan.

Bago bumama sa kusina ay kinuha ko na muna ang aking cellphone upang paulanan ng mga text messages si Mama patungkol sa kalat na dinatnan ko kanina. Nakakatawa man, pero parating ganito ang takbo ng buhay naming mag-ina. Mas madalas ay para akong mas matanda kung umasta kaysa sa kanya. Panigurado ay “Love you” o kaya naman ay “Sorry my love” na naman ang magiging sagot niya sa akin.

Sa hagdan pa lang ay amoy ko na ang asim ng Sinigang na niluluto ni Mathis. Kahit ano talagang mangyari ay ito ang putahe na lagi niyang nais na maging hapunan. Baboy man o hipon, basta’t Sinigang. Paniguradong masarap iyon dahil natural na mga sangkap ang turo sa amin ni Ninang Lorna sa pagluluto niyon.

Halos napuno ng kwento ni Mathis patungkol sa kanyang buhay ang aming hapunan. Patuloy pa rin daw sa pangungulit sa kanya ang kanyang ex na hiniwalayan lamang niya ilang araw bago siya matuloy dito sa Pilipinas. Panay din ang pagtawag niya doon ng “putain” (“whore”).

Para siyang news TV dahil hindi siya nauubusan ng mga kwento patungkol sa kahit na anong bagay. Ngunit sa lahat ng bagay na maaari niyang ibahagi, walang mas magiging espesyal pa kung ang napag-uusapan ay ang paglalaro ng soccer.

Abot-langit ang pagkahumaling niya sa larong iyon. Kahit noong mga bata pa kami, walang-sawa siya kung magturo sa akin ng mga tricks sa paglalaro niyon. Pinasalubungan pa nila ako noon ng isang soccer ball na hanggang ngayon ay nasa ilalim pa rin ng aking kama kahit na halos maging pasas na sa pagkakuluntoy.

Gaya ng palagi ay hindi naman ako makasagot sa mga kwento niyang iyon. Panay ngiti at pag-oo lamang ang nagiging sagot ko sa mga sinasabi niya. Bukod pa roon, hindi ko rin magawa na lubusang maintindihan lahat ng sinasabi niya dahil mas nahuhumaling lamang ako na pagmasdan ang kanyang mukha—ang biglaang pagpapalit ng reaksyon niya sa tuwing maiiba ang kanyang kwento; ang bawat pagkunot nang bahagya ng kanyang mga kilay, pagbuka ng mga labi sa bawat salitang sinasabi, pagtingala at pagpikit sa tuwing matatawa.

Matapos kumain ay hindi niya rin ako hinayaang magligpit o maghugas ng pinagkainan. Sinabihan niya na lamang ako na gawin ang kung anong dapat kong gawin o manood ng TV at siya na lamang daw ang bahalang mag-ayos ng aming pinagkainan.

Nagtungo na lamang ako sa aking silid upang mahiga. Inayos ko muna ang sapin niyon bago tuluyang ilapat ang aking pagod na katawan doon. Binuksan ko ang aking cellphone at nakita ang “Haha love you” na sagot ni Mama sa aking napakaraming mensahe sa kanya.

Ikinabit ko na lamang ang aking earplugs upang makinig ng kanta sa aking cellphone.

~Unti-unting naglalapit
Ang ating mga mundo
Pag-asa ay ating bitbit
Maligaya’t walang takot~

Nakatitig lamang ako sa kisame ng kwarto at pilit na pinapaantok ang sarili. Nakakapagod ang araw na ‘to, iyong klase ng pagod na hindi ka kaagad hahayaan na makatulog. Madalas ay ito ang problema ko sa pagod. Mas pagod, mas aktibo ang utak, mas mahirap makatulog.

~Ang saya at pagsinta’y
Tila walang kapantay
Inaabangan ang bawat pagtagpo~

Tumagilid ako ng higa paharap sa bintana na hindi ko na rin yata mabuksan-buksan dahil sa pabigla-biglang pag-ulan. Sinasabayan ko na lamang ang kanta sa pabulong kong pag-awit habang iniisip kung ano na kaya ang ginagawa ni Mama at kung saan kaya sila nagsasaya ngayon ni Gener.

Sa lahat ng mga lalaking naka-relasyon ni Mama, si Gener ang pinakamatagal. Matino naman siyang tao, walang bisyo bukod sa paminsan-minsang pag-inom ng alak. Hiwalay siya sa kanyang naging asawa at may tatlong anak na rin. Ang alam ko ay hindi sila pormal na nakapaghiwalay dahil basta na lamang daw iyong sumama sa ibang lalaki at isinama pa ang dalawa niyang anak. Dati rin daw siyang pulitiko sa kanilang probinsiya.

Matalinong tao rin si Gener at kapansin-pansin iyon sa tuwing mag-uusap kami. May mga ideyolohiya rin siya at mga prinsipyo sa buhay na malugod niyang ibinabahagi sa akin. Sa tuwing makakapag-usap kami, palagi niyang binabanggit na nakikita niya raw sa akin ang kanyang panganay na anak.

Kung papipiliin, siya ang nais kong maging ama kumpara sa ibang mga naka-relasyon ni Mama.

Bumangon ako upang patayin ang ilaw dahil nais kong buksan ang mini yellow lights sa paligid ng pader sa bandang ulunan ng aking kama. Para iyong bakuran sa paligid ng mga litratong nakadikit din sa pader na iyon. Naupo ako na nakatupi ang mga binti upang mas maging kumportable ang posisyon habang tinititigan ang mga litratong iyon at binabalik-balikan ang mga ala-alang bitbit ng mga iyon.

Ang mga litratong iyon ay punong-puno ng mga mukha namin ni Mama at pamilya ni Mathis. Ang pinakapaborito ko ay ang litrato naming dalawa ni Mathis noong kami ay mga bata pa kung saan animo’y nakapatong sa aming mga kamay ang tore ng Eiffel habang nakatayo sa isang upuan. Kinunan iyon sa isang restaurant na kinainan namin doon. Hindi ko mapigilan ang sarili na mangiti sa tuwing makikita ko ang larawang iyon.

“Tea?” sambit ni Mathis na pumasok na rin pala ng kwarto.

Tinanggal ko ang isa kong earplug at saka siya nginitian bago muling ibinalik ang paningin sa mga litrato sa pader. Inilapag niya ang tasa ng tsa-a sa lamesita sa tabi ng kama at saka naupo sa aking tabi. Kinuha rin niya ang isa kong earplug at saka ikinabit sa kanyang tainga.

~Walang mintis ang tuwa
Sating dalawa
Hinamak ang lahat~

Tinitigan ko siya at nangiti rin siya nang makita niya ang pagtingin ko sa kanya. Nakapatong ang kanyang mga braso sa kanyang mga tuhod habang nakaupo sa aking tabi. Nakapangalumbaba rin siya gamit ang kaliwang kamay. Dahil mas malapit sa pader ang kanyang posisyon ay nakita kong muli ang nunal sa kanyang hinlalaki sa kaliwang kamay na iginagalaw-galaw niya sa paligid ng kanyang kaliwang panga.

Ramdam ko ang init ng kanyang braso na nakadikit sa akin. Nakakainis man tanggapin, ngunit maging sa pag-upo ay pansin pa rin ang pagka-bansot ko kumpara sa kanya dahil sa haba na rin ng kanyang katawan. Ganoon yata talaga kapag may lahing kanluranin; matipuno, matangkad, halos perpekto.

“Do you remember?” tanong ko matapos ituro ang litrato naming dalawa kasama ang Eiffel tower.

Natawa lamang siya nang mahina at saka ako nilingon habang nakangiti katulad ng kanyang pagkakangiti sa litrato. Kuhang-kuha niya ang pagngiti niya roon; kung bungi lamang siya at may full bangs, paniguradong parang walang nagbago sa itsura niya mula sa litratong iyon.

“Look at that dufus.” sabi niya.

Natawa rin ako at saka muling inilibot ang paningin sa iba pang litrato. Kinuha niya ang tsa-a at saka iniabot sa akin. Marahan akong humigop at saka ibinalik iyon sa kanya. Humigop din muna siya ng kaunti bago iyon ibinalik sa lamesita. May kainitan pa kasi iyon at hindi pa talaga kayang mainom.

“I wish I was with you when those other images were taken.” sambit niya. “I’ve always wanted to travel the entire Philippines with you guys.”

Walang sino man sa amin ang lumilingon mula sa pagkakatitig sa mga litrato.

“Well,” sagot ko. “We can do that, especially now that you’re already done with senior high.”

“Yeah, Papa still wants me to study in Paris.” sabi niya.

“Bakit? Where do you want to study ba?” tanong ko.

“Here.” sagot niya. “I’ve always wanted to live here with you…”

Hindi ko masyadong pinansin ang sinabi niyang iyon dahil nakatuon ang atensiyon ko sa nais para sa kanya ni Ninong Pierre.

“I mean,” nauutal niyang sunod na sabi. “With you and Ninang.”

“I see.” sambit ko.

Nakaramdam ako ng lungkot mula sa kanya. Nais kong ibahin ang usapan kaya’t pilit akong nag-iisip ng magandang bagay upang mapag-usapan. Sa halip ay napansin kong sa pagkakataong ito ay hindi ako kabado na kausap o katabi siya. Hindi ko alam kung papaano ipapaliwanag, ngunit payapa ang aking pakiramdam sa tabi niya.

“I like this song.” sabi niya at saka kinuha ang aking cellphone upang tingnan marahil ang pamagat ng kanta. “‘Unti-unti’?”

“Yup. UDD.” sagot ko.

Tumingin siya sa akin at kumurap nang mabilis. Marahil ay naguguluhan patungkol sa aking sinabi. Hindi na muna ako kaagad na umimik dahil nais kong matitigan pa nang matagal ang kulay tsokolate niyang mga mata.

“Up Dharma Down.” paglilinaw ko at saka mabilisang ibinaling ang tingin sa aking hawak na cellphone. “T-the band.”

Sandali niyang tinanggal na muna ang isang earplug sa kanyang tainga upang mahiga. Hindi ko maintindihan ang aking sarili nang mawala ang pagkakadikit ng kanyang braso sa akin. May parte sa akin na parang hinahanap-hanap iyon. Sumimangot siya nang malaman na hindi pala abot sa kanyang tainga ang earplug ngayong nakahiga siya at ako ay nakaupo pa rin.

“Don’t you wanna lie down, too?” tanong niya.

Nginitian ko lamang siya at dahan-dahang nahiga sa tabi niya. Hindi ako dumikit dahil baka mailang siya. Siguro ay wala pa sa isang dangkal ang pagitan ng aming mga balat. Ikinabit niya ang isang earplug sa kanyang tainga at humuhuni-huni na animo’y alam niya talaga ang kanta.

“This song’s really good.” sambit niya. “You love this song?”

“Y-yeah.” tensiyonado kong sagot.

Tumawa siya nang mahina at tumingin sa akin.

“You know,” sambit niya. “You shouldn’t get nervous or awkward around me.”

Hindi ko maiwasan na manlaki ang aking mata, ngunit sa kisame pa rin ako nakatingin at umiiwas na lumingon din sa kanya.

“No, I’m not awkward around you.” pagtanggi ko.

“See, you’re being awkward again.” muli niyang puna. “It’s been a while, I know. But aren’t we talking on the phone or Skype always? It’s just like that.”

Lumunok lamang ako ng laway at mabilisan siyang tiningnan bago muling tumitig sa kisame. Tumawa siya nang malakas at saka bumangon hawak-hawak ang tiyan.

“You’re so awkward, Lukas!” sabi niya habang hinahabol ang hininga dahil sa kakatawa.

Bigla siyang humarap sa akin at hinawakan ang aking mukha papaibabaw sa aking katawan.

“M-mathis.” nauutal kong sambit. “W-what are you doing?”

Ngumiti lamang siya at kinurot ang aking mga pisngi. Naiisip ko na baka halikan niya ako kaya’t agad kong tinakpan ang aking mga labi. Umaambisyon na kung umaambisyon, ngunit maigi na ang handa.

“Look me in the eyes, Lukas!” nakangiti niyang sambit. “Ano ka ba? It’s just me!” dagdag niya habang iniaalog-alog ang aking mukha.

Inabot niyang muli ang tsa-a at saka humigop. Pagkatapos ay iniabot sa akin.

“Here.” sabi niya. “Finish this now. Not that hot anymore.”

Bumangon ako at saka iyon ininom. Hindi ko iyon naubos sa unang lagok kaya’t hinawakan ko na muna.

“Seriously, Lukas.” muli niyang sabi. “This is just me. We’re super close before, remember? What happened? I’m about to leave again and you’re still awkward around me.”

“S-sorry.” sambit ko at saka muling uminom ng tsa-a.

“You don’t have to be sorry.” tugon niya. “Just be yourself, okay? This is just me—Mathis—your crazy kinakapatid. The same old baliw guy.”

Natawa ako sa sinabi niyang iyon.

“Okay.” tugon ko nang mailapag na sa lamesita ang tasa ng tsa-a.

Muli na lamang kaming nahiga at patuloy na nakinig sa kantang paulit-ulit na tumutugtog.

Nagulat ako sa pagtunong aking cellphone kaya’t bigla akong napabangon. Inilibot ko ang paningin habang pasimangot na pinipigilan ang tuluyang pagbuka ng aking mga mata. Mahapdi pa ang mga iyon dahil sa biglaang pagkagising.

Nakita ko na halos madilim pa rin sa paligid. Nakalimutan ko palang ibahin ang oras ng pagtunog ng aking alarm. Nawala sa isipan ko na bakasyon na nga pala.

Kinapa-kapa ko sa kadiliman ang aking cellphone. Para akong aso na naghahanap ng kung ano.

“Quoi?” (“What?”) iritableng sambit ni Mathis at saka nag-inat. “Quel est le problème?” (“What’s the problem?”)

“I can’t find my phone!” sagot ko. “The alarm went off.”

Naaninag ko ang pag-ilaw ng aking cellphone na hawak na pala niya. Doon siya sa aking paanan nakapwesto dahil baliktaran kami ng pwesto ng uluhan.

“Thanks.” sambit ko at saka muling bumalik sa pagkakahiga.

Para na akong nakakaidlip muli dahil naisip ko na pinatay na nga ni Mathis ang alarm ng aking cellphone.

Napakasarap sa pakiramdam ang malaman na hindi ko kailangang bumangon kaagad dahil wala na akong pasok sa ngayon. Kinasusuklaman ko ang bawat umaga na kailangan kong bumangon kaagad matapos umiyak ang cellphone ko na iyon at mag-ingay.

Ngunit ayos lang dahil ang mukha naman ni Mathis ang siyang una kong matatanaw sa tuwing makikita ko ang lockscreen niyon.

Bigla akong napabalikwas nang maisip na hawak pa rin niya ang aking cellphone at mukha niya ang naroroon. Sa pagbalikwas na iyon ay hindi ko sinasadyang masipa siya sa mukha.

“Merde!” (“Shit!”) hinaing niya. “Enculer! Mon menton!” (“Fuck! My chin!”)

“Sorry!” bulalas ko. “Where’s my phone?!”

Nakita ko itong umilaw at saka niya iniabot sa akin. Agad ko iyon kinuha at saka nahiga patalikod sa kanya. Kinakabahan ako at iniisip kung nakita ba niya ang lockscreen niyon.

Pinakiramdaman ko kung gising na ba siya o bumalik na kaagad sa pagtulog. Siguro ay ilang segundo rin ako munang nakiramdam bago umayos talaga ng higa.

“Nice lockscreen display you got right there.” natatawa niyang sambit at saka bumangon.

Hindi ko alam ang gagawin kaya’t nagtalukbong na lamang ako ng kumot. Nabalot ng hiya ang aking buong katawan at walang kaide-ideya kung paano ko siya muling haharapin.

Narinig ko ang paghikab niya nang malakas.

“Oi, Lukas, wake up.” sambit niya. “Let’s run!”

Hinila niya ang aking kumot at inalog-alog ang aking balakang upang gisingin.

“Lukas!” pagtawag niya. “Come on, get up. I’ll just go pee, you better be up when I get back.”

Naramdaman ko siyang naglakad papalabas ng kwarto. Sobrang hiya ang nararamdaman ko dahil sa lockscreen kong iyon. Agad ko itong binuksan at pinalitan ng litrato ng tore ng Eiffel.

Paano kung mailang na rin siya sa akin dahil doon? Paano kung sabihin niya iyon kay Mama o kina Ninong Pierre at Ninang Lorna? Ngunit sa halip na umiwas ay nakuha pa niyang magbiro patungkol doon.

Sa dami ng mga tanong sa aking isipan ay para na akong nahihibang na pilit na ibinabaon ang mukha sa aking unan.

Narinig ko ang pagtunog ng flush sa toilet bowl kaya’t nanatili na muna ako sa ganoong posisyon—nakadapa at nakasubsob ang mukha sa unan. Pilit ko na lamang na huminga ng maayos sa aking bibig dahil hindi ako makahinga habang halos nayuyupi na ang ilong dahil sa madiin kong pagsubsob pa sa sarili.

Pilit kong inuutusan ang aking kama na bumuka na lamang at lamunin ako nang buhay.

“Lukas!” biglang pagtawag na naman niya sa akin.

May kabululan ang pagtawag niyang iyon. Naririnig ko rin ang pagkuskos ng sipilyo niya sa ngipin habang patuloy ang pagtawag sa aking pangalan.

“Come on. Wake up!” mas malakas niyang paggising habang kinikiliti ako sa paa.

Dahan-dahan akong bumangon paupo sa kama nang hindi siya tinitingnan. Nagkuwari na lamang ako na may hinahanap sa aking lamesita.

Napansin ko ang paglakad niya sa bintana ng kwarto at saka ito binuksan habang kinakamot pa ang kanyang puwit. Nakasuot lamang ulit siya ng boxers at mas bumabakat ang tambok ng kanyang puwit sa bawat pagkamot. Mas nagiging matipuno rin ang kanyang likod dahil sa paggalaw ng mga muscles niya doon sa tuwing nag-iinat.

Wala pang araw, ngunit bahagyang maliwanag na ang kalangitan mula sa bintanang iyon. Sandali siyang sumilip doon at saka biglang humarap kaya’t hindi na rin ako nakaiwas pa ng tingin.

“The rain’s stopped.” nakangiti niyang sabi, iniiwasang may tumulong bula mula sa kanyang bibig. “Perfect for a quick run.”

Ngumiti lamang ako at nag-iisip kung ano ang sasabihin nang mapansin ko ang toothbrush na kanyang gamit. Kulay asul.

“Is that my toothbrush?” kunot-noo kong tanong.

Natigilan siya sa pagsisipilyo. Tinanggal niya iyon mula sa kanyang bibig at saka tiningnan.

“What? No.” sagot niya.

“That’s blue. That’s mine!” argumento ko.

“No, this is mine!” sagot niya matapos muling bumalik sa pagkuskos ng ngipin. “You were the one who gave this to me, remember?”

“And I said the blue one’s mine and yours was the green one!” pagpapaalala ko. “Remember?”

Isiningkit niya nang bahagya ang mga mata at inaalala ang pag-uusap namin patungkol sa mga sipilyong iyon. Kinamot lamang niya ang ulo gamit ang kabilang kamay at saka nangiti.

“Turns out…” sabat niya. “We’ve been using the same toothbrush for how many days now.”

Nakatitig lamang ako sa kanya habang nakasimangot. Patuloy naman siya sa pagtawa at saka lumapit sa akin. Ang akala ko ay uupo lamang siya sa kama, ngunit bigla niya akong hinila at saka binuhat.

“Mignonne!” (“Cute!”) sambit niya.

Para akong bagong katay na baboy na nakasabit sa kanyang balikat. Kahit anong likod ko sa pagpipilit na makawala sa kanya ay tumatawa lamang siya habang mas hinihigpitan ang pagkakakapit sa akin.

“Stop! Put me down! What are you doing?” reklamo ko. “Mathis! Put me down!”

Dinala niya ako sa banyo at saka inilapag. Kung bakit kasi napaka-lampayatot ko at hindi ko kayang bumaklas mula sa kanyang mga bisig.

Nagmumog lamang siya at saka hinugasan ang sipilyo.

“Here.” sabi niya matapos iabot sa’kin ang sipilyong kanyang ginamit. “Your time to use it now!” pang-asar pa niyang dagdag.

Siguro ay lampas isang oras din kaming tumakbo-takbo ni Mathis paikot sa mga kanto. Manipis na sando at gym shorts ang suot ni Mathis, samantalang ako ay balot na balot ng sweatshirt at jogging pants.

Nakarating din kami sa kabilang dako ng aming lugar na kinatatayuan ng isang mall. Dahil nagutom na rin ay napag-pasyahan namin na sa labas na lamang din mag-almusal. Hindi ko dala ang aking wallet, kaya’t si Mathis na rin ang siyang nagbayad ng aming kinain.

Palagi siyang ganoon; gustong laging siya ang gumagastos. Nakakatuwa dahil kahit na wala pa siyang pormal na trabaho ay nakakaipon siya mula sa mga baon niya’t part-time jobs sa Paris. Nabanggit din niya na kalahati ng lahat ng pera na dala niya at gastos sa pagdalaw dito sa Pilipinas ay galing sa mga ipon niya mismo sa loob ng tatlong taon.

Mabuti pa siya ay may naiipon.

Matapos namin mag-almusal ay naglakad-lakad pa kami at naglibot-libot. Alam kong panay na rin ang paglaboy niya simula noong dumating siya dito. Kaya naman niya ang mga pasikot-sikot dahil kahit noon pa ay hasa na ang kanyang isipan sa mga lakwatsahan.

Naupo kami sa isang hagdanan sa plaza. Doon madalas tumambay ang mga tao, ngunit sa kung anong kadahilanan ay hindi masyadong matao rito ngayon. Marahil ay dahil nga sa pabigla-biglang pagsusungit ng panahon. Sa gitna niyon ay ang fountain at sa bandang dulo naman ay ang napakalaking entablado na ginagamit sa tuwing may mga programa sa aming bayan.

Magkatabi kami; ako ay nakatingala lamang sa malamlam na namang kalangitan, habang siya ay panay ang puna sa mga taong naglalakad at mga iba pang bagay sa paligid.

“When will you come and visit me in Paris?” tanong niya.

Tumingin lamang ako sa kanya at ngumiti.

“I came.” pagmamalaki niya. “As promised.”

Huminga ako nang malalim at saka muling tumingala sa langit.

Noong huling beses nilang punta rito sa Pilipinas ay nangako kami na mag-iipon kami ng pera upang muling madalaw ang isa’t isa. Iyon din kasi ang pagkakataon na sinabi sa amin nina Ninong Pierre na baka hindi na muna sila makadalaw ulit. Naaalala ko pa kung gaano kahirap para sa akin na isawalang-bahala na lamang ang lungkot. Ayaw ko kasing magpakita ng kahit na anong kalungkutan sa harapan ng iba.

“I’ll get there.” sabi ko.

Lakas-loob kong sinabi iyon sa tonong parang sigurado ako sa mangyayari sa hinaharap, iniisip na sa pamamagitan niyon ay titigil na siya sa pangungulit sa akin dahil ayaw ko na iyong pag-usapan pa. Hindi naman dahil nakukulitan na ako sa kanya. Oo, paulit-ulit siya sa kakatanong sa akin, ngunit hindi ako naiinis sa kanya. Naiinis ako sa katotohanang hindi ko kayang maipangako iyon sa kanya nang lubusan dahil alam kong parang hindi ko iyon kayang magawa.

Umakbay siya sa akin at saka nilaro-laro ang aking tainga gamit ang mga daliri ng kamay niyang nakaakbay. Bata pa lang kami ay ginagawa na niya iyon sa kahit na sinong nakakatabi niya’t inaakbayan, ngunit kahit na ganoon ay kakaiba pa rin ang aking pakiramdam sa tuwing gagawin niya iyon sa akin.

“Don’t worry, I’ll keep convincing Papa to let me study here.” sabi niya. “I’m not giving up yet. Not just yet.”

Para akong nasamid dahil sa pagpigil sa biglaang pagtawa dapat.

“What if he gets mad?” tanong ko.

“Lukas, he won’t.” paniniguro niya.

“What time’s your flight tomorrow?” sunod kong tanong.

Huminga siya nang malalim at tumitig na muna sandali sa isang banda. Naririnig ko ang samu’t saring daldalan ng mga iilang taong naglalakad. Mayroong iba na tumatakbo-takbo rin sa palibot ng plaza.

“Around 8AM.” tugon niya.

“Oh. That doesn’t sound bad, actually.” sambit ko.

“Tell me about it.” sagot niya bago ako sinimangutan.

Inialis niya ang kanyang pag-akbay sa akin. Muli akong nanibago dahil sa pagkawala ng kanyang mainit na katawan sa akin. Kinuha niya ang kanyang cellphone sa bulsa at tiningnan marahil ang oras.

“I would really like you to come with me.” bigla niyang sabi matapos muling huminga nang malalim.

Kumamot lamang ako ng ulo at saka nag-isip kung ano ang sasabihin. Naiilang na naman kasi ako ulit dahil sa pangungulit niya patungkol sa pagdalaw ko sa kanila sa Paris. Tumitig ako sa fountain; naglaro sa akin isipan kung ilang beses kaya nila pinapalitan ang tubig niyon sa loob ng isang linggo o buwan.

Marahan niya akong sinagi at saka nginitian.

“I’ve always wanted to show you around, you know.” mahina niyang sambit. “I always get excited when I think about the idea of having you there.”

Hindi ko alam ang sasabihin. Nilingon ko na lamang siyang muli at saka muling tumingin sa aming tanawin. Nakita ko ang ilang mga bata na nagpapalipad ng mga eroplanong papel habang nagtatawanan. Sumagi sa isipan ko ang pag-alis niya bukas pabalik sa France dahil sa mga eroplanong iyon.

Kung ako lamang ang maaaring gumawa ng eroplanong kanyang sasakyan, gagawin ko ang eroplanong papel na kapag inihagis mo sa kawalan ay kusang lilipad pabalik sa’yo.

“We used to make some of those when we were still little, remember?” sabi ko matapos ituro ang mga batang nagpapalipad ng eroplanong papel.

Ramdam ko na nakatingin pa rin sa akin si Mathis at hindi nilingon ang mga batang naglalaro na tinutukoy ko. Nakita ko ang isang eroplanong papel ng isa kanila na matapos lumipad ay dumapo sa isang mamasa-masang putik. Tinawanan siya ng kanyang mga kalaro dahil doon.

“And remember when we accidentally took Ninang Lorna’s magazine and made paper planes off its pages?” natatawa kong dagdag. “Man, I thought she was gonna be so mad. Ninang Lorna. But no. She laughed with us.”

“You’ve always been like this.” sambit niya.

Napakurap ako, ngunit mas piniling hindi na lamang pansinin ang kanyang sinabi.

“If that was Mama, nako.” pagpapatuloy ko. “Kurot sa singit inabot ko.”

“Why do you always do this?” tanong niya habang nakatingin pa rin sa akin. “Changing the topic?”

“That’s why I really love Ninang Lorna.”

“I will do it…”

“And Ninong Pierre.” pagpapatuloy ko lang. “You’re so lucky to have both of your parents, you know.”

“I’m really gonna do it, Lukas.” pagbabanta niya.

Sa totoo lang ay hindi ko alam kung ano tinutukoy niya. Iba-iba kasi ang kanyang ginagawa sa tuwing nagbabanta siya ng ganoon sa akin noong mga bata kami. Kung minsan ay uutot, mangingiliti, mangungurot, o kaya naman ay mamimisil ng pisngi.

“You have this bright future ahead of you and you should—”

Bigla na lamang hinawakan ni Mathis ang magkabila kong pisngi at saka ako hinalikan sa labi. Halos lumuwa ang aking mga mata sa sobrang gulat.

“What are you doing?!” bulalas ko.

Napatitig lamang din sa akin si Mathis dahil sa aking naging reaksyon sa kanyang paghalik.

Hindi iyon katulad ng napapanood sa pelikula na waring tumitigil ang oras at parang nagiging magaan ang iyong pakiramdam. Agad na sumagi sa isip ko kung mayroon bang nakakakita sa amin kaya’t malakas ko siyang naitulak at saka tumayo bago patakbong umalis sa lugar na iyon.

Hindi ko alam kung saan papunta ang pagtakbo ko, ngunit alam kong hindi iyon ang daan pauwi ng bahay. Bago tuluyang makalayo ay narinig ko rin ang pagtawag sa akin ni Mathis. May pag-aalala sa tono ng kanyang pagtawag na iyon, ngunit hindi naman na rin siya humabol sa akin.

Hindi ko rin naman sinasabi na nais kong habulin niya ako at maabutan upang magkaroon kami ng isang nakakakilig na tagpo. Hindi. Hindi ako iyong tipo ng tao na kinatutuwan ang mga pampublikong eksena o maging kapansin-pansin sa gitna ng sandamukal na tao.

Dahil wala naman akong perang dala, kahit na cellphone, ay nagpasya na lamang akong maghintay na bumukas ang mall upang magtitingin ng kung anu-anong mga bagay.

Sa totoo lang ay hindi naman talaga ako mahilig din sa mall dahil nga matao. Wala lang talaga akong ibang alam na maaari kong gawin habang nagpapalipas ng oras. Hindi ko rin naman nais na umuwi kaagad dahil ewan…ayaw ko na munang isipin.

Siguro ay nasa dalawang oras din akong nagpagala-gala sa loob ng mall. Nagbasa-basa ng mga libro sa isang bookstore hanggang sa tablan ng hiya dahil sa patingin-tingin sa’king mga saleslady roon. Nakinood din ako sa mga bata at nagbabata-bataang naglalaro ng arcades. Para akong musmos na nahuhumaling sa tuwing may makakuha ng high scores o kaya ay kapag may makati-tiyamba sa pagkuha ng manika.

Tahimik lamang akong naglakad pauwi. Paulit-ulit kong iniisip kung ano ang mga salitang sasabihin kung magkaharap na kami ni Mathis. Kung sobrang ilang na ako sa kanya nitong mga nagdaang araw, paniguradong magiging doble o kaya’y triple pa iyon.

Pinakiramdaman ko ang pintuan bago ko buksan. Ang akala ko ay nasa kusina si Mathis at may kung anong niluluto, ngunit hindi pala.

“Ma?” gulat kong tanong.

Mula sa pagluluto ay humarap siya sa akin at saka ngumiti. Binati rin ako ng asim at tamis ng amoy ng tomato sauce dahil sa kanyang niluluto.

“Oh, anak!” bati niya. “Saan ka ba galing? Kanina ka pa hinahanap ni Mathis ah. Bigla mo raw siyang iniwan sa kanina sa jogging niyo?”

Tumingin ako sa paligid, maging sa sala at hagdan, upang tingnan kung naroon din ba si Mathis. Napansin ko rin na maayos ang mga gamit ni Mama na nakatabi sa couch. Siguro nga ay may magandang impluwensiya kay Mama ang pagsama-sama sa Gener na ‘yun.

Bumalik ako sa kusina at saka nakita sa orasan na halos ala-una na pala.

“Nasa taas; maliligo raw, pero kanina pa ‘yun. Baka nasa kwarto mo lang.” sambit ni Mama na nakatalikod na muli sa akin dahil hinahalo ang kanyang niluluto.

“Ba’t andito ka na agad, ma?” tanong ko bago lumapit at binuksan ang ref upang kumuha ng inumin.

“Sinumpong na naman kasi si Jerry.” sagot niya. “Nagpauwi kaagad.”

“Jerry?” tanong ko matapos lumagok ng orange juice.

“Oo, ‘yung panganay ni Tito Gener mo.” paliwanag niya. “Alam mo, kaibiganin mo nga ‘yun. Galit din iyon sa mundo eh.”

“Kasama niyo pala ‘yun? At saka, Ma, hindi kaya ‘ko galit sa mundo.” pasimangot kong sagot na ikinatawa lamang ni Mama.

“O siya, tulungan mo na ‘ko maghanda sa mesa at nang makakain na tayo.”

Nang maiayos na ang mesa ay naupo na rin ako. Si Mama naman ay pumanhik ng ilang hakbang sa hagdan upang sigawan si Mathis upang bumama na’t kumain.

Ramdam ko ang pamumutla ng aking mukha habang pinakikiramdaman ang pagbaba ni Mathis. Sa bawat pagtunog ng mga baitang ng hagdanan ay ang pagtigil ng aking puso sa pagtibok. Parang nais ko na naman tumakbo at muling lumayo. Para akong naiiyak at walang magawa.

Bilog ang aming mesa at dahil tatlo lamang kami, natural lamang na ang aming pwesto ay iyong nakaayos sa sakto lamang na pagkakaharap-harap. Ang aking pwesto ay patalikod sa hagdan kaya’t hindi ko tantiya ang pagpasok at pag-upo ni Mathis. Kung hindi pa siya binati ni Mama ay hindi ko pa malalaman na nariyan na pala siya.

Tahimik lamang ako at hindi siya tinitingnan. Panay naman ang kwento ni Mama patungkol sa pinuntahan nilang lugar na walang pag-iimbot na tinutugunan ni Mathis ng kanyang mga reaksyon at opinyon.

Ibinahagi rin ni Mama ang pagkamatay ng matalik na kaibigan nung Jerry dahil daw sa isang car accident. Halos hindi raw nila iyon masyadong makausap noong mga unang araw matapos mangyari ang aksidente. Mabuti na lamang daw ay buhay pa ang isa nitong kasama sa sasakyan na kaibigan din nila.

“Kaya, nako…” sambit ni Mama habang ngumunguya. “Mabuti na rin na hindi tayo ganoon kayaman at wala kang kotse, Lukas. Mahirap na.”

Tumawa lamang ako nang mahina at sandaling tumingin sa kanya.

“Okay ka lang, anak?” tanong sa akin ni Mama.

“Opo naman, ma.” nangingiti kong tugon.

Ramdam ko rin ang pag-aalala ni Mathis na panay ang tingin sa akin. Para siyang batang pinipigilan ang sarili na magsalita sa pag-uusap ng dalawang matatanda. Ngunit sa realidad nama’y ako ang siyang pinakabata sa aming tatlo.

“Hay nako…” pasaring ni Mama matapos huminga na parang may tunog ng pagkadismaya. “Magkaaway ba kayo?”

Bigla akong napatingin kay Mathis. Iyong tingin na nagtatanong kung may binanggit ba siya na kung ano sa aking ina. Mabilis na kumurap ng ilang beses si Mathis at saka pasimpleng umiling sa akin bilang sagot sa tanong sa aking isip.

“Hindi po, ma.” mahina kong tugon habang patuloy lang sa pagkain. “Ba’t naman kami mag-aaway.”

“Yes po, Ninang.” sambit naman ni Mathis. “I mean, no. We’re okay po.”

Ramdam ko ang salitang pagtingin sa amin ni Mama.

“Ayusin niyo ‘yan.” tugon ni Mama. “Aalis na ‘tong si Mathis bukas tapos nagkakaganyan pa kayo. Hindi natin alam kung kailan ulit kayo magkikita tapos ganyan pa. Tigilan niyo ‘yan…”

Naisip kong sabihin kung ano ba ang nangyari, ngunit matino pa naman ang aking isip at napigilan ang sarili. Para lamang kaming mga musmos na tahimik na nakikinig sa sermon ni Mama. Patingin-tingin si Mathis sa akin at kay Mama, ngunit hindi ko pa rin siya tinititigan.

Matapos kumain ay nagprisinta akong maglinis ng pinagkainan. Nang maramdaman kong nais tumulong ni Mathis sa akin sa panghuhugas ay iniwan ko na lamang siya roon at pinabayaang maghugas mag-isa.

Buong maghapon ay panay lamang ang pag-iwas ko kay Mathis.

Nanood kami ng isang nakakatakot na pelikula sa sala kasama si Mama, ngunit kahit na ilang beses silang magsisigaw dalawa ay tanging iyong paghalik lamang sa akin ni Mathis ang paulit-ulit na sumasagi sa aking isipan.

Mabilis man ang pangyayaring iyon ay parang mas naging malinaw ang sandaling iyon sa akin nang muli kong balikan. Malinaw ang lahat: ang kinang ng kanyang mga mata habang idinarampi ang kanyang labi sa akin; ang marahan at malambot niyang mga palad na nakabalot sa aking magkabilang pisngi; ang paglipad ng mga eroplanong papel sa ‘di kalayuan.

Hindi ko alam kung papaanong nagagawa ni Mathis na umasta na parang wala siyang ginawang kalokohan. O baka naman ay kalokohan lamang talaga iyon para sa kanya? Marahil ay ako lamang ang nag-iisip ng kung ano at binibigyan iyon ng isang nakalilitong kahulugan.

Pagkatapos ng aming pinanood ay agad na lamang akong umakyat at saka naligo. Balak kong matulog na lamang dahil ayaw ko talagang mapag-usapan ang kahit na ano patungkol sa amin ni Mathis noong umaga. Baka sakaling sa aking paggising ay mawala na rin iyon sa isipan naming dalawa.

Bago tuluyang makatulog ay tinignan ko na muna ang aking cellphone na puno pala ng mensahe mula kay Mathis.

[Lukas, where are you? I’m sorry.]
[Hey. Sorry na nga.]
[Where are you, please?]
[Lukas, come on…]
[I’ll wait for you, yeah? Come home already. Please.]
[Lukas. Please.]

Siguro ay lampas bente ang mga mensaheng iyon at may mga missed calls din. Hindi ko na pinansin ang ibang mga mensahe mula sa ibang mga tao dahil wala talaga akong gana at inaantok na rin. Nakatulog akong naririnig ang mga tawanan nila Mathis at Mama sa baba; nais ko sanang bumangon muli at saka isara ang pinto ngunit nakakatamad na.

Nasa kasarapan pa ako ng aking tulog, ngunit naramdaman ko ang magaslaw na pagkilos sa aking tabi. Nang marahan kong buksan ang aking mga mata ay kisame ng aking silid ang una kong nakita. Dinig ko rin ang mahinang tugtugin mula sa aking Bluetooth speaker na sa aking palagay ay nakakonekta sa cellphone ni Mathis.

Alam ko na si Mathis ang siyang malikot na kumikilos sa aking tabi dahil sino pa nga ba iyon. Kahit na hindi pa tuluyang gising ay biglang sumagi na naman sa aking isipan ang pangyayari kaninang umaga. Hindi ko napigilan ang pagkunot ng aking noo dahil sa alaala niyon.

Naghikab ako nang malakas at saka ipinasok ang isang kamay sa aking damit upang magkamot ng katawan. Marahil ay napansin ni Mathis na gising na ako kaya’t bigla siyang bumangon mula sa pagkakahiga at saka naupo bago ako tinitigan.

“You’re up.” naiilang niyang puna.

Hindi ko siya pinapansin at nakatitig pa rin sa kisame; hindi dahil sa kung anuman, kundi dahil sa natural na pagsusungit lamang kapag bagong gising. Kahit na hindi direktang nakatingin ay pansin ko agad ang hubad niyang katawan dahil palagi namang ganoon.

Sinagi-sagi niya ang aking tainga gamit ang isang paa na nakabalot pa ng kumot. Parang nais niyang magsalita muli, ngunit batid ko pa rin ang pagkailang niya.

Hindi ko pa rin siya pinansin at tumagilid na lamang patalikod sa kanya. Nakatulala ako sa pader at aparador sa aking harap habang inuunan ang magkasalo kong mga kamay. Kahit na patay ang ilaw ay may liwanag na galing sa mga ilaw ng poste sa labas na tumutulong sa amin na makita ang isa’t isa at ang buong kwarto.

Naramdaman ko ang kalikutan niya at ang pagdampi ng kanyang ulo sa aking tagiliran. Ramdam ko ang pagpasok ang ilang hibla ng kanyang buhok sa manipis na tela ng aking suot na sando at init ng kanyang leeg sa mariin nitong pagdikit sa akin.

Wala akong balak na kausapin siya kung patungkol sa kanyang ginawa kaninang umaga ang nais niyang pag-usapan namin. Hinihintay ko siyang magsalita kung siya ba ay magsasalita. Para akong tanga na takot na takot na makipag-usap sa kanya patungkol doon, ngunit may kung ano sa akin na naghihintay kung ano ang nais niyang sabihin sa akin patungkol din doon.

Inabot ko ang aking cellphone mula sa aking lamesita sa tabi ng kama upang tingnan ang oras. Alas-otso na rin pala ng gabi. Nakita ko rin ang mensahe sa akin ni Mama na nagsabing umalis na naman siya at may pagkain na rin siyang niluto na maaari ko na lamang daw initin. Hindi ko alam, ngunit hindi pa rin ako nakakaramdam ng gutom.

“You wanna eat?” tanong ni Mathis na nakaunan pa rin sa aking tagiliran.

Umungol lamang ako upang iparating ang aking sagot: hindi. Hindi niya yata iyon naintindihan dahil ilang ulit niya akong tinanong ulit.

“Lukas, you hungry?” isa niya pa muling tanong.

“Hindi pa nga, Mathis.” asar kong pagsagot. “Ayaw ko pang kumain, so stop talking.”

“O-okay. Sorry.” kabado niyang sagot. “Encular.” (“Fuck.”) mahina niyang dagdag.

Para siyang napahiya dahil sa aking sinabi. Hindi ko naman iyon sinasadya.

Isa iyon sa mga biglaang pagsagot na hindi mo sinasadyang maging pangit ang dating, ni makasakit ng iba. Iyon bang nakasusuka at nakalulungkot na pakiramdam kapag bigla mong nataasan ng boses ang iyong ina dahil nais mong maging malinaw ang iyong sagot.

Hindi naman kasi ako talaga masungit na tao; madalas pa nga ay ako ang nasusungitan.

Nais ko sanang bigla na lamang siyang yakapin at saka humingi ng tawad dahil sa biglaan kong pagsagot ng ganoon. Naramdaman ko ang marahang pagkilos ng kanyang ulo na pabangon na, ngunit bago pa siya tuluyang makabangon ay agad akong umikot at saka hinila pabalik ang kanyang ulo pahiga sa aking tiyan na ngayon.

Ramdam ko ang pagkabigla niya, ngunit nakahawak pa rin nang marahan sa kanyang ulo ang isa kong kamay habang nakapatong naman sa kanyang balikat ang isa. Lumingon siya sa akin at patagilid na humiga paharap sa akin, ngunit hindi ko makita nang lubusan ang kanyang mukha dahil tumitig akong muli sa kisame at umiiwas na tingnan siya.

“S-sorry.” nahihiya kong sambit. “I, I didn’t mean to be, you know…”

“Rude?” tanong niya. “Mean?”

Lumunok lamang ako ng laway at saka tumango.

“Well, you’re still being rude…” tugon niya. “You’re not looking at me again, Lukas.”

Dahan-dahan kong ibinaba sa kanya ang aking paningin. Nagulat ako nang makitang seryoso lamang siyang nakatingin sa akin dahil ang inasan kong makita ay ang kanyang pagngiti at pang-aasar o pangungulit.

Nakatitig kami sa isa’t isa at nagpapakiramdaman kung sino ang susunod na magsasalita. Kinlaro ko ang aking boses at muling tumingin sa kisame upang ihanda ang sarili sa pagsasalita.

“No, Lukas. Just…” muli niyang pagsasalita. “Just look me in the eyes again.”

Bigla kong naibalik sa kanya ang paningin dahil sa biglaan niyang pagsasalita. Nais kong magsalita muli, ngunit walang kahit na anong salitang pumapasok sa aking isipan.

“I, uh…” nahihiya kong sabi.

“You don’t have to say anything if you really can’t find the words.” kalmado niyang sambit. “Just let me look at those eyes again…” nakangiti niyang dagdag.

Sa kapal ng kanyang mga kilay at pilik-mata ay litaw pa rin ang ganda ng kanyang mga mata—ang nangungusap niyang mga mata; kita ko roon ang pinaghalong pag-aalala at lungkot. Bahagyang nakakunot din ang kanyang mga kilay na parang kumukurot sa aking puso. May kung anong lungkot akong nararamdaman at parang naiiyak na.

“If you only know how much I’ve longed for this to happen.” mahina niyang sabi pa. “This has been one of the best highlights of my stay here, you know.”

Sa pagpapatuloy niya sa kanyang mga sinasabi ay hindi pa rin siya bumibitaw sa pagtitig sa aking mga mata. Kahit na sobrang naiilang at nahihiya na ay pinipilit ko pa rin ang sarili na tumingin lamang din sa kanya.

“I,” muli niyang sabat. “I don’t really wanna leave, you know.”

Pansin ko ang panginginig ng boses niya nang sabihin niya iyon. Maging ang pangingilid ng luha sa kanyang mga mata. Umuubo rin siya nang marahan at suminghot-singhot upang mapigilan marahil ang sarili sa pagluha.

“M-Mathis…” tanging naging sambit ko. “Hey, what’s wrong?”

Hindi na niya napigilan ang sarili at tuluyan nang naiyak. Para siyang paslit na hindi mapigilan ang pagkusot ng mga labi habang pilit na pinupunasan at tinatakpan ang mukha dahil sa pag-iyak. May mahihina rin siyang hikbi na naririnig ko sa mabilisang pagtaas-baba ng kanyang dibdib. Nakatupi ang kanyang mga tuhod na habang nakatagilid pa rin sa paghiga.

Bumangon ako nang bahagya at saka siya niyakap. Nakabalot ang aking mga braso sa kanya; iniisip na sa pamamagitan niyon, kahit papaano’y maibsan sana ang sakit na kanyang nararamdaman.

“Mathis, w-what’s the problem?” sabay kong pagsamo. “You can tell me anything. I’m just right here…”

Wala akong kaide-ideya kung ano ang dahilan ng hinagpis niya. Ito rin ang unang beses na nakita kong umiiyak si Mathis. Sa buong buhay ko na nakakasa-kasama ko siya ay palagi ko siyang nakikita bilang isang napakatapang at napakalakas na tao. Iyon bang hindi mo kakikitaan ng kahit na anong kahinaan.

Ngunit muli, sino nga ba ako upang sukatin ang kalakasan at kahinaan ng isang tao dahil lamang sa pag-iyak? Gayong ilang beses ko na rin namang napatunayan na kung minsa’y ang pinakamatapang mong sarili ay nagiging dominante sa mga oras ng pag-iyak.

Habang paulit-ulit niyang pinupunasan ang mga mata dahil sa walang tigil na pag-agos ng kanyang mga luha ay sabay ko rin siyang hinahaplos-haplos at mas mahigpit na niyayakap.

Ilang minuto rin kami sa ganoong posisyon. Matagal din bago tuluyang tumahan si Mathis at napakalma mula sa pag-iyak. Nang maaari ko na siyang maiwanan sagalit ay bumaba rin ako at kumuha ng tubig na maiinom niya.

Pagbalik ko bitbit ang isang baso ng tubig ay nakahiga pa rin siya at nakaharap na sa mga litrato sa pader, ngunit hindi roon nakabaling ang kanyang paningin. Mayroon siyang hawak na isang maliit na kwaderno at inililipat-lipat ang mga pahina niyon. Nakita ko rin ang isang ballpen na nakaipit sa isa niyang tainga. Nang mapansin niyang nakabalik na ako ay umupo siya at saka inipit ang ballpen sa loob ng kwaderno’t inilapag iyon sa lamesita.

Iniabot ko sa kanya ang tubig upang uminom na muna siya. Nang makainom ay iniabot niya iyon pabalik sa akin at saka ko naman ipinatong sa aking study table. Nahiga naman ako sa kama at hindi pa rin alam ang gagawin. Tahimik lamang kaming nagpapakiramdaman kung sino ang unang magsasalita.

Muli siyang umunan sa akin tiyan.

Kahit na hindi ko lubusang makita, pansin ko ang pamumugto ng kanyang mga mata. Bahagya rin namumula ang kanyang ilong dahil sa sipon na dala na rin ng kanyang pag-iyak kanina.

“Do you remember my favourite children’s story?” pasinghot-singhot niyang tanong. “The one that Papa used to always read to us before bedtime.”

“Which one?” tanong ko. “‘Tyranno le terrible?’”

“Nope. That’s your favourite, not mine…” bungisngis niya. “I like that, too, but that’s not my favourite.”

“Oh yeah. What is it, then?” nalilito kong tanong.

“‘Restons bons copains!’” sagot niya.

“Oh.” pagtawa ko. “I was so mad at that girl for releasing her brother’s little turtle into the sea.”

“I remember!” sagot niya matapos muling matawa. “That girl’s a bitch.”

Napalakas din ang aking tawa dahil sa sinabi niyang ‘yon.

“But hey, they still became friends again at the end of the day.” sambit ko. “Guess, that’s how it is to have sibs.”

“Yeah, I guess.” pagsang-ayon niya. “Too bad, we weren’t able to experience how it is to have a brother or a sister.”

“Hey, we’re like brothers!” puna ko matapos siyang marahang tinapik sa balikat.

Tumawa lamang siya at muling tumitig sa kisame.

“If we’re really being honest,” sabi niya. “I never really saw you as a brother.”

Sumimangot ako at magsasalita na sana, ngunit bigla siyang nagsalita ulit.

“Well…” muli niyang tugon. “Yeah, maybe I did. When we were still too young and naïve.”

Naghintay ako ng ilang sandali dahil baka bigla na naman siyang magsalita. Tumingala lamang siya sa akin at ngumiti; marahil ay inalam lamang kung ako pa ba’y nakikinig bago muling bumalik sa dating pwesto at titig sa kisame.

“I,” sabi niya. “I started having special feelings towards you. Well, just since we started chatting that often, at least. I started getting this weird feeling in my stomach whenever I would go online to talk to you or whenever I would receive a call from you.”

Patuloy lamang ako sa pakikinig habang nakatitig din sa kisame. Namamangha sa kanyang mga ibinabahagi. Nagagalak sa aking mga naririnig.

“I tried to fight it, of course.” pagpapatuloy niya. “Because I couldn’t fully accept it at first, you know. Plus, I had so many girls.” natatawa pa niyang dagdag.

Natawa rin ako nang mahina dahil doon.

“And then, I talked to Papa.” mahina niyang sunod na sabi. “You know that I can always talk to him. He’s like my bestfriend next to you.”

Napatingin ako sa kanya dahil nagulat ako sa sinabi niyang iyon. Hinintay kong lingunin niya ako, ngunit patuloy lang siya sa pagtitig sa kisame.

“Just recently…” pagpapatuloy niya. “Before I left France. That’s one of the deciding factors I had to actually come here, to be honest.”

Hindi ko alam kung tama ba na matuwa ako dahil sa mga sinasabi niya. Totoo ba itong mga naririnig ko? May kailangan ba akong sabihin?

“He’s the one who told me to come here, Lukas.” sabi niya. “He told me to be a man and tell this to you if that’s what I really want. You know he can’t get mad at me, that’s why I decided to tell him about this first.”

Itinaas niya kapantay sa akin ang kanyang unan at saka umayos ng higa. Patagilid siyang humarap sa akin at ganoon din ang aking ginawa upang maging magkaharap na kami kahit na mga nakahiga. Ngumiti siya sa akin at muli akong tinitigan sa mga mata.

“Uh,” sambit ko.

“Hey…” tugon niya. “I know and I understand if you don’t know what to say or how to react. Just knowing that you’re here is more than enough for me, Lukas. And it’s okay…”

“I’m scared.” tanging sabi ko.

Hindi ko pa kayang umamin. Kahit na alam kong nakita niya na litrato niya ang lockscreen display ng phone ko, ayaw ko pa ring umamin. Marami pa kasing mga bagay ang naglalaro sa isipan ko. Isa pa, aalis na rin naman siya bukas.

Inilapat niya ang isa niyang kamay sa aking kamay. Naglingkisan ang aming mga daliri at iniangat niya iyon upang mas maayos niyang makita. Napangiti ako nang mapansin ang nunal niya sa daliring magiliw ko laging pinagmamasdan.

“It’s okay to be scared.” sabi niya habang nakatitig lamang sa aming magkatipang mga kamay. “J’ai aussi peur… et fort en même temps. Je te protègerai!” (“I’m scared, too… and strong at the same time. I will protect you!”)

Nginitian ko siya at saka tumitig din sa aming mga kamay.

Marahan siyang bumangon upang kunin ang kwaderno sa lamesita at binuksan ang lamp shade doon. Muli niya binuksan ang kwadernong hawak at saka nahiga muli sa aking tabi habang binubuklat-buklat ang mga pahina niyon.

Hindi ko man lubusang mabasa ang mga nakasulat ay nahagip ng aking paningin ang mga pahina ng kwadernong iyon. Napakaganda ng sulat-kamay ni Mathis sa kwadernong iyon. Dikit-dikit at napakalinis tingnan. Nakakamangha.

“What’s that?” tanong ko. “Is that your penmanship? Wow.”

Nangiti lamang siya at saka iniabot iyon sa akin.

Dahan-dahan ko iyong binuksan mula sa simulang pahina. Nakita ko ang mga petsa sa bawat itaas na bahagi ng mga pahinang iyon. Ang ilan ay may maiikling sulat, ngunit mas maraming pahina ang halos puno.

“Your journal?” tanong ko.

Tumawa lamang siya. Nagulat ako nang makumpirmang journal niya nga iyon kaya’t mabilisan ko iyong isinara at ibinalik sa kanya.

“Sorry!” paghingi ko ng tawad. “I didn’t read a thing, I swear.”

Natatawa niyang ginulo lamang ang aking buhok at saka ibinalik sa akin ang journal niya.

“Go ahead.” sambit niya. “Let’s have some bedtime story sessions.”

“You want me to read some of your entries?” tanong ko.

“Yes, please.” sagot niya. “If not, all of it.”

Kumurap ako nang mabilis at palipat-lipat lamang ng paningin sa journal na iyon at sa kanya.

“Out loud?” sunod kong tanong.

“Yes.”

Natawa ako nang bahagya at umikot ng higa upang dumapa. Mas lumapit naman sa akin ng higa si Mathis at nakaunan sa isa niyang nakatuping braso habang nakatagilid na higa paharap sa akin. Tinitigan ko siya sandali at nangiti nang makita ang tuwa sa kanyang mga mata.

Kinlaro ko ang aking boses at marahang binuksan muli ang kanyang journal. Nakaligtaan ko pala ang pinakaunang pahina noong una ko itong buksan kanina. Nakita ko na sa pinakaunang pahina ay isang maliit na eroplanong papel na nakaguhit. Nangiti ako at saka nagpatuloy sa mga sumunod na pahina.

“Okay, then.” sabi ko. “Let’s see what this little book has to offer.”

Sa kapal niyon ay hindi ko alam kung saan magsisimula. Napapatigil din ako dahil sa mga ilang doodle artworks doon na nakahuhumaling pagmasdan. Nang magsimula ko na munang basahin sa isipan ang mga nakasulat doon ay nagulat ako nang mapansin Tagalog pala ang lahat ng mga nakasulat doon bukod sa mga petsa.

“Tagalog?!” gulat kong tanong. “Wow…”

Nagkibi lamang siya ng balikat at ngumiti.

“Go on…” sambit niya habang natatawa at para bang nasasabik.

“Okay…” tanging nasabi ko bago nagsimulang magbasa.

***
09 Juillet, Lundi:

Isang taon na lang at matatapos na ako sa senior year.

Isa lang ang ibig sabihin niyon, isang taon na lang din mula ngayon ay makakabalik na akong Filipinas. Marami pa rin ang kailangan kong ipunin para idagdag sa kakailanganin kong pera para makapag-bakasyon doon ng kahit ilang araw. Kahit isang araw nga lang ay ayos na sa akin, makabalik lang ako ulit doon ay malaking bagay na.

Pagkakataon ko na rin ngayon na mas kulitin pa si Lukas para maging palagay na rin ang loob niya sa akin. Sigurado akong magkakaroon kami ng ilangan kahit papaano dahil ilang taon na rin nang huli kaming maging magkasama talaga.

Masaya at nasasabik na ako ngayon pa lang.
***

Hindi ko isa-isang binabasa ang mga nakasulat doon.

Patuloy lamang ako sa pagpili ng kahit na anong petsa at basta na lamang babasahin ang mga nakatalagang hinaing at damdamin ni Mathis sa ilalim ng mga petsang iyon. Kung minsan ay sa bandang unahan, kung minsan gitna o kaya naman sa pinakahuling mga pahina banda.

Inilapat ni Mathis ang isa niyang kamay sa aking likuran na parang nakaakap sa akin. Nakatitig lamang siya sa akin at patuloy na nakikinig.

***
30 Fèvrier, Jeudi:

Wala akong ibang maisip na isulat dito kundi ang pagkasabik ko pa rin na makapagbakasyon sa Filipinas. Hindi ko mapigilan ang sarili buong maghapon na isipin kung anu-ano baa ng maaari kong gawin pagbalik ko sa bansang iyon. Napagalitan din ako ni Madame Fritz dahil hindi nakatuon sa kanyang itinuturo ang aking atensiyon.
***

***
02 Août, Dimache:

Hindi pa rin sumasagot si Lukas sa aking mga e-mails.. Hindi kasi yata siya mahilig na buksan palagi ang kanyang Facebook dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin niya sinasagot ang aking mensahe sa kanya roon. Hindi ko rin alam kung mayroon ba siyang account sa Tumblr. Sa tingin ko ay hindi talaga siya mahilig sa social media. Sayang.

Kung sabay sana kaming nag-aral at lumaki bilang mga teenagers, paniguradong mas magkakaroon siya ng interes sa mga iyon dahil pipilitin ko siya.

Sana mabasa na niya iyong mga mensahe ko para malaman ko na ang sarili niyang Skype account. Gusto ko siyang makausap sa isang video chat!
***

***
13 Décembre, Mecredi:

Enculer! Sa tingin ko ay nainis yata sa akin si Lukas dahil sa pang-aasar ko sa kanya kanina sa chat. Ayaw ko ang ganito. Hindi ko alam kung papaano ako ngayon makakatulog nang hindi kami maayos. Wala rin yata siyang balak na sagutin ang mga sumunod kong mensahe. Sana lang ay hindi na ito tumagal pa, ayaw kong iwasan niya ako at hindi na muling makipag-usap.
***

***
18 Décembre, Dimanche:

Ayos na kami ni Lukas! Hindi naman pala siya nainis sa akin. Nawalan lang daw siya ng signal ng internet connection kaya’t bigla siyang naging offline. Ilang araw din siyang naging abala sa kanyang mga gawain sa paaralan kaya’t hindi rin niya nagawang makasagot sa chat namin.

Para akong nasa langit ngayon dahil ang sarap sa pakiramdam!
***

Siguro ay nakakailang minuto na rin akong nagbabasa nang marinig ko ang mahinang paghilik ni Mathis. Nakatulog na pala siya habang nakikinig sa aking pagbasa.

Marahan ko na munang isinara ang kanyang journal, pinatay ang lamp shade at dahan-dahang inalis ang kanyang kamay na nakapatong sa akin upang makahiga na akong muli. Nakatagilid din akong nakahiga patalikod sa kanya. Antok na antok na rin ako, ngunit bago tuluyang makatulog ay naramdaman ko ang pagyakap sa akin ni Mathis mula sa aking likuran.

“Je t’aime.” (“I love you.”) bulong niya sa akin.

Naalimpungatan ako dahil sa sinag ng araw na bumati sa aking mukha. Hindi ko alam kung paanong bukas ang bintana ng aking kwarto dahil palagi ko lamang naman iyong isinasara. Gusot pa ang aking mukha dahil sa pagkasilaw at biglaang paggising nang maalalang ngayon na nga pala ang alis ni Mathis pabalik ng France.

Napabalikwas ako dali-daling bumangot palabas na sana ng kwarto nang makita ko ang orasan sa aking study table. Halos alas-nueve na ng umaga; kanina pa nakalipad ang eroplano niyang sinasakyan.

Padapa ko na lamang na ibinagsak ang sarili sa kama at isinubsob ang mukha sa unan. Hindi ko alam kung maiiyak ba ako o maiinis. Sa kabilang banda, natutuwa rin ako dahil sa mga naging pag-uusap namin.

Iniangat ko ang mukha at tumagilid sa paghiga. Napansin ko ang ilang mga maliliit na eroplanong papel na nakasabit sa mga maliliit na ilaw sa palibot ng mga litrato sa aking pader. Bahagya akong napangiti dahil sa surpresang iyon ni Mathis. Sandali ko ring tinitigan ang mga larawan sa aking pader bago napansin din ang journal ni Mathis na nasa ilalim ng aking katabing unan. Kinuha ko iyon at muling binuksan upang magbasa.

***
26 Juillet, Verdredi:

Kung saan-saang lugar na ako nakarating at nalibot ko na rin halos ang kabuuan ng bayan, ngunit hindi ko pa rin ito napapasyalan nang kasama si Lukas. Abala kasi sa pag-aaral. ‘Di bale, bukas naman ay huling araw na niya sa paaralan kaya’t mas maglalagi na rin siya dito sa bahay. Siguro ay ganun na lang din ang aking gagawin para mas makasama ko siya. Hanggang ngayon kasi ay hindi ko pa rin alam kung papaano sasabihin sa kanya ang dahilan kung bakit nagtungo talaga dito.

Sana ay magkaroon na ako ng lakas ng loob. Ayaw kong umalis nang hindi ko iyon nasasabi sa kanya dahil paniguradong batok ang makukuha ko kay Papa. Tulungan mo naman ako oh!
***

Isinara ko ang kwadernong iyon at saka kinuha ang aking cellphone upang ikonekta sa speaker at magpatugtog bago tuluyang bumangon at nagtungo sa banyo sa labas. Bitbit ko ang speaker na iyon sa banyo dahil iyon na rin ang aking nakagawian. Hindi ko rin gawain na magsara talaga ng pinto kapag alam kong ako lang mag-isa sa bahay kaya hindi ko naman ikakabingi ang tugtugin doon.

Tamad na tamad kong tiningnan ang sarili sa salamin: magulo ang mga buhok, gusot at hindi maayos ang damit, may muta. Agad akong kumuha ng tissue upang kusutin ang mga mata’t magtanggal ng muta. Binuksan ko ang cabinet upang kunin ang sipilyo, ngunit nakitang tanging ang berdeng sipilyo lamang ang naroon at wala na ang kulay asul na pareho pala naming ginagamit ni Mathis.

“Unti-unti” pala ang kantang tumutugtog. Hindi ko inaasahan.

Kinuha ko ang kulay berdeng sipilyong iyon at saka nilagyan ng toothpaste. Nagpatuloy na ako sa pagsisipilyo at hindi napigilan ang sarili na maluha. Para akong kulang. Para akong bawas.

Nakadaragdag din sa bugsong iyon ang mga salita sa liriko ng kantang aking napapakinggan.

~Unti-unting nawawala
Ang iyong mga salita
Dahan-dahang naglalaho
Ang lahat ng pangako~

Nakatunganga ako sa sarili habang patuloy sa pagkukuskos ng ngipin at pagluha. Pilit kong ikinukurap nang madiin ang aking mga mata upang tulungan ang sariling tumigil na sa pagluha, ngunit wala iyong naitutulong.

~Hahanap-hanapin
Ang mga bulong sa gabi
Uulit-ulitin
Ang bawat kwento at sikreto natin~

Napapakapit na ako nang mahigpit sa kung saan man ako makakapit dahil sa tumitinding pag-iyak. Dinura ko ang mga bula sa aking bibig at saka nagmumog, suminga. Nang maibalik ang sipilyo sa cabinet ay dumeretso ako sa shower area at saka isinara ang shower curtain.

Maghuhubad na sana ako at maliligo, ngunit hindi ko naituloy.

“You used the green one?” boses ni Mathis.

Agad kong binuksan ang kurtina at nakita nga siyang nagsisipilyo rin ng ngipin papasok sa banyo.

“Mathis!” bulalas ko.

Bigla akong tumakbo at saka sumampa sa kanya. Para akong bata na nakaakap sa kanya at umiiyak.

“You didn’t wait for me to finish using this toothbrush.” sabi niya.

“I thought you’d left already!” hinaing ko. “H-hindi ko kaya…”

Tumatawa-tawa lamang din siya habang mahigpit din akong yakap-yakap.

“Told you I could convince Papa.”

-W A K A S-

Author’s Note:

Thank you, guys, for always reading my stories here! I really appreciate all the support and encouragements I get from you all.

I went to one of my friends’ soccer practice and got to play with him and his team a week ago. He’s Swedish and we’ve been friends since the year I moved here in the PH because he also does modelling as a sideline. We also converse in French when we hang out because he really can’t speak English that well. The experience in the soccer practice and our French connection inspired me to write this story. (Plus, my obsession with Up Dharma Down’s “Unti-unti,” of course.)

Hence, “Paper Planes” I give you. Hello to you, Patpat, if you happen to be reading this on here! You bastard.

Hope you, guys, liked this story. Please do comment down and tell me what you think or if you do have any questions. I will definitely try to make time reading and answering them.

P.S. ~ I would also like to apologise for the delay of the next bits of my story, “Little Infinities.” There’s something that had happened which has caused me to have it on hold for a while. Let’s hope this will be sorted our real soon.

As for “Trust Fall,” I can’t send the next chapters yet, as well. I submitted it to a publishing company and is still under some editing process as a promotional content for a short stories compilation. Let’s hope for the best, yeah? Xx

P.P.S. ~ My cat, Finnegan, is still missing. If you happen to be living in Makati, you might see him. He’s a light grey Brit shorthair cat (yellow eyes, of course), very fat, and has a few stripes on his tail. Please, contact the Philippine Animal Rescue Team (PART) if you happen to see Finn because they know how to contact me. Thank you!

COMMENTS

banner

[SHORT STORIES]$type=carousel$clm=4$c=20$l=0$sp=2500$src=random$b=0$do=0$hide=archive-search-label

Name

Announcement,5,Arranged,31,Articles,14,At Work,541,Birthday Party,1,Close Friends,1419,Completed,45,English,34,Entertainment,1,Events,4,Fantasy,56,Featured,9,Fetish,16,Foreigner,17,Grand Eyeball,2,Group,8,Health,3,History,1,HIV Awareness,2,Hot,5,Iconic,1,Incest,1085,Indie Films,21,Inspiring,10,Love Story,866,Luke Conde,1,Military,12,Mini Eyeball,2,Neighbors,226,News,9,Outing,1,Series,144,Short Story,167,Speaking Out,15,Sports,17,Strangers,831,Tips,2,Under Editing,5,Updates,3,Wild Abandon,288,Young Awakening,449,
ltr
item
Mencircle: Paper Planes
Paper Planes
https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEh25P3IN6CwCTKO9u7hqXWTuacsmLrFColWoZDi7CaxLJQuAI8XQoeNDIjgFp8KMRfnWkI_C8l6ZDXZtzjKYVl8u1QqbHkNU4CjsBABMjmOyfTCUg_ppz5uRj0VywqZWGjqarDn8gh9OWCO/s400/DSC_0595+copy.JPG
https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEh25P3IN6CwCTKO9u7hqXWTuacsmLrFColWoZDi7CaxLJQuAI8XQoeNDIjgFp8KMRfnWkI_C8l6ZDXZtzjKYVl8u1QqbHkNU4CjsBABMjmOyfTCUg_ppz5uRj0VywqZWGjqarDn8gh9OWCO/s72-c/DSC_0595+copy.JPG
Mencircle
https://www.mencircle.com/2017/08/paper-planes.html
https://www.mencircle.com/
https://www.mencircle.com/
https://www.mencircle.com/2017/08/paper-planes.html
true
8703757858338494123
UTF-8
Loaded All Posts Not found any posts VIEW ALL READ Reply Cancel reply Delete By Home PAGES POSTS View All RECOMMENDED FOR YOU CATEGORY ARCHIVE SEARCH ALL POSTS Not found any post match with your request Back Home Sunday Monday Tuesday Wednesday Thursday Friday Saturday Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat January February March April May June July August September October November December Jan Feb Mar Apr May Jun Jul Aug Sep Oct Nov Dec just now 1 minute ago $$1$$ minutes ago 1 hour ago $$1$$ hours ago Yesterday $$1$$ days ago $$1$$ weeks ago more than 5 weeks ago Followers Follow SHARE TO CONTINUE STEP 1: Share to Facebook or X (Twitter) STEP 2: Click the link on your shared post Copy All Code Select All Code All codes were copied to your clipboard Can not copy the codes / texts, please press [CTRL]+[C] (or CMD+C with Mac) to copy Table of Content