By: Joshua Brand “HAPPY BIRTHDAY!” MASIGLANG BATI sa akin ni Reuben nang sagutin ko ang kanyang tawag, “Are you up?” “Oh, my god!” rek...
By: Joshua Brand
“HAPPY BIRTHDAY!” MASIGLANG BATI sa akin ni Reuben nang sagutin ko ang kanyang tawag, “Are you up?”
“Oh, my god!” reklamo ko, “Even the birds aren’t chirping yet!”
“Reklamador ‘to!” sagot niya, “Gising na. Daanan mo ‘ko ah. Dami kong bitbit eh.”
Sandali kong inialis ang aking cellphone mula sa aking tainga upang silipin ang oras. “Dude, it’s only five. Way too early!” Ibinaon kong muli sa aking unan ang aking ulo na dagan-dagan ang cellphone mula sa aking tainga.
“Sige, ‘wag na,” seryoso niyang tugon, “Ayaw mo ‘yata ng pancakes eh. Eh ‘di sige, ‘wag na lang.”
Bigla akong napabangon, ngunit nakapikit pa rin. “Hmm…” sambit ko, “Bacon?” Ramdam ko pa rin ang hilo dahil sa antok.
“Hmm…” paggaya niya sa akin, “Eto, I’m still slightly burning the edges. Pero, parang ayaw mo naman yata eh.” pang-aasar niya.
Iniisip ko pa lang, natatakam na ako. “Scrambled eggs?”
“About to make some…” sagot niya, “Pero, kami lang yata ni Gem kakain kasi it’s still way too early pa ‘di ba?”
Natawa ako nang mahina, “You’re the worst.”
Tumawa rin siya. Naririnig ko rin na may iba pang boses na tumatawa-tawa rin. Siguro ay nagpaturo ‘tong si Reuben sa kakambal niya sa pagluto ng pancakes. Wala naman kasing alam sa pagluluto ang taong ‘to.
Tatlong taon ko pa lamang nakilala si Reuben dahil tatlong taon pa lamang ako naninirahan at nag-aaral dito sa Pilipinas.
Isa sa mga dahilan kung bakit ako napalapit kay Reuben ay dahil alam kong nakikita niya ako. Hindi lamang naaaninag katulad ng karamihan. Sanay na ako sa mga tingin at titig ng iba dahil nga sa aking itsura bilang hindi isang purong Pilipino, ngunit iba ang kay Reuben.
Kaiba sa akin ay magulo at maingay siyang tao. Ngunit katulad ko ay alam kong nakikita niya rin ang lahat ng bagay. Maingat niyang inoobserbahan ang paligid at maayos na inilalathala ang kanyang argumento patungkol sa mga iyon—isang katangian na sa tingin ko ay hindi kadalasang napapansin at kinalulugdan ng karamihan.
Bukod pa roon, gustong-gusto ko rin kung papaano niya ako nilalampaso sa paglalaro ng basketball at pagpapakitang-gilas sa klase. Mas gusto ko rin ang paraan niya sa pagtama ng mga maling salitang nagagamit ko sa tuwing nagsasalita ako ng Tagalog. Mas madali kasi sa’kin na maintindihan ang pagbabasa ng Tagalog kaysa ang gamitin ito sa pananalita, ngunit natututo naman. Mas madali na rin para sa akin ngayon ang maintindihan ang aking nakakausap.
“Sige na,” pagpapaalam niya, “See you!”
“Happy birthday!” pahabol na sigaw ni Gemma bago maputol ang linya.
Muli akong nahiga upang mag-inat. Matapos ang napakahabang hikab ay bumangon na rin ako upang maligo. Kakaiba ang sigla ko ngayon. Iba rin ang pakiramdam ko sa kaarawan kong ito kumpara sa mga nakalipas na taon.
Kagabi ay nakausap ko na sa Skype ang aking mga magulang at binati na rin nila ako. Hintayin ko na lamang daw ang pagdating ng kanilang regalo dahil muli, huli na naman ang pagdating niyon mula sa Amerika. Maging ang aking tagapag-alaga noon ay nakausap ko na rin bago ako matulog.
Katulad ng palagi, ang tangi kong hiling sa kaarawan kong ito ay ang kasiyahan ng mga taong mahalaga sa akin.
TATLO ANG AMING LONG quizzes ngayong araw at ang isa ay sa aming first period kaya’t normal lang na hindi kami masyadong nagkukulitan sa klase.
Ang kadalasa’y magulo na si Austin ay nakasubsob ang mukha sa mga notebooks dahil nakatulog daw siya habang nagre-review kagabi. Si Phil naman na may katahimikan din talaga kung minsan ay nakapikit at sa tingin ko ay patuloy pa rin sa pagsasaulo ng mga inaral niya. Si Benjie na nakaupo sa likod ko ay may suot na earbuds at paniguradong nagpapatugtog ng classical music dahil nakatutulong daw iyon sa kanya sa pagiging focused.
Si Reuben naman, tulad ko, ay nagmamasid-masid lang. Alam kong handa na siya sa mga long quizzes dahil palagi namang ganoon.
Hindi naman sa pagmamalaki, ngunit wala akong problema sa pagkakabisa o pag-aaral. Mas epektibo kasi sa akin ang unti-unting balikan ang mga pinag-aralan namin sa klase gabi-gabi kahit na walang pagsusulit kinabukasan. Hindi ko alam, marahil ay ganoon kasi ang aking nakasanayan kahit noong sa Amerika pa ako nag-aaral.
Marahil ay napansin niya ang aking kalikutan sa upuan kaya’t bigla niya akong sinipa sa binti. Nang aking lingunin ay nakangiti lamang siya. Madalas ay may ganoon kaming pag-uusap. Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin, ngunit bigla na lamang din akong ngingiti na siya naman magpapatawa sa kanya.
“Ready for the quiz?” tanong niya.
Muli kong sinilip ang bracelet ko na ibinigay ko sa kanya nang makapagtapos kami ng junior high. Nais ko laging siguraduhin na suot niya ‘yon. “Was born ready.” pagmamalaki ko.
“Gago.” bulong niya at saka tinakpan ang bibig bago natawa, “Ano plano today?”
“Plano saan?”
Sandali siyang tumingin sa paligid bago sumayaw na parang nasa isang bar. “Party-party!”
Natawa ako at sasagot na sana nang biglang pumasok sa aming guro. Sabay-sabay na umungol ng pagkadismaya ang iba habang tumatayo para sa pagbati.
Nagkatinginan kaming muli ni Reuben at saka natawa.
“Alvarez, clean the board.” utos ni Ms Villa kay Reuben, “Hindi ‘yung tawa kayo diyan ng tawa ni Kano.” biro pa niya.
“Ma’am?” natatawa kong sagot.
“Essay type ang exam ha,” nakangiti niyang sabi sa buong klase na mas nagpaingay sa lahat.
Napuno ng reklamo ang aming silid at tanging kami lang nina Reuben, Phil, at Benjie ang natatawa. Alam kasi namin na nagbibiro lamang si Ms Villa.
Alam ko na pagkatapos ng araw na ito ay tanging sayahan at kulitan ang aming gagawin dahil ngayon din ang huling araw ng klase bago ang aming Christmas vacation. Panahon sana upang maging magkakasama ang bawat pamilya. Hindi ko lang sigurado kung ganoon din ang aking magiging sitwasyon.
“Samahan mo ‘ko mamaya sa palengke,” sambit sa akin ni Benjie bago naupo, “May pinapadeliver si Nanay.”
Tumingin ako kay Reuben na nakangiting nakikinig sa amin ni Benjie. Hindi ko alam kung bakit kung minsan ay parang hinihingi ko ang pagsang-ayon niya sa mga gagawin kong desisyon. Magiliw naman siyang tumango sa akin.
“No problem,” sagot ko kay Benjie.
Nitong taon lang namin naging kaklase itong si Benjie. Galing kasi siya sa pampublikong paaralan na pinaniniwalaan ng mga taga-rito na katunggali ng aming paaralan. Hindi ko alam kung bakit, dahil hindi naman ganoon ang tingin ko. Marahil ay ganoon lamang ang tingin ng mga tao dahil dalawang paaralan lamang ang mayroon dito sa probinsiyang ito, nagkataon lang na pribado itong sa amin.
Noong una ay hindi ko masyadong nakasundo itong si Benjie dahil may pagka-brusko siya kung kumilos at magsalita. Madalas kaming maipagkumpara noon lalo na noong ipinasok siya sa aming basketball team ni Coach Jessie. Hindi ko alam kung bakit kami naipagkukumpara. Sa tingin ko, iyon ang dahilan kung bakit may kaunting ilang kami sa isa’t-isa noon.
Mabuti na lamang at naging magkaibigan na kami ngayon. Si Benjie ang kabaligtaran ni Reuben, ngunit gusto ko ang pagiging tahimik niya. Sa tingin ko ay pareho rin kami ng ugali kaya’t ganoon na lamang kung maikumpara kami.
“Just make sure I’ll get some of your tinapa after, okay?” biro ko. Walang halong kalokohan, sa tingin ko ay ang mga magulang ni Benjie ang gumagawa ng pinakamasasarap na tinapa sa buong Pilipinas. Kaya kong kumain ‘nun kahit na araw-araw.
“Oo, pa-birthday ko na sa’yo.” pagtawa niya na nagpatawa rin sa amin ni Reuben.
Sa totoo lang, hindi ko inakala na magiging ganito kasaya ang aking senior year. Sana ay ganito kami palagi hanggang matapos ang taon. Bago man lang kami maghiwa-hiwalay upang mag-kolehiyo.
APAT NA BAHAY ANG aming pinuntahan upang mag-deliver ng tinapa’t daing nina Benjie. May sakit daw kasi ang isa sa tatlo nilang taga-deliver at dahil nga malapit na ang pasko ay daragsa na naman ang mga mamimili bago lumuwas o dumating mula Maynila kaya’t marami ang naghahakot ng paninda.
“Who’d have thought I’d be spending my birthday like this?” biro ko kay Benjie na siyang nagmamaneho ng tricycle habang ako naman ay naka-backride.
“Ayaw mo ‘nun? Unique.” pagtawa niya.
Panay ang pag-arangkada ng iba pang mga tricycle dahil halos tricycle lamang naman ang palaging laman ng kalsada rito sa amin.
“Ano, hindi raw uwi parents mo?” tanong niya sa akin.
Kung minsan ay hindi ko maiwasang mahiya sa tuwing may ganoong tanong na kailangan kong sagutin. “Nope.” pag-ngiti ko. Hindi ko alam kung bakit kahit hindi naman niya kita ay nais kong ngumiti upang makumbisnsi siyang ayos lamang ako patungkol doon. Ganoon naman palagi: ayaw kong makita ng ibang tao ang aking pinagdaraanan kaya’t takot akong magpakita ng emosyon.
“Buti ayos lang sa’yo.” sambit niya, “Good boy ka talaga eh, no?”
Tumawa lamang ako. Iniisip na kung tutuusin ay hindi ako ang mabuting anak dahil siya itong walang pagod kung tumulong sa kanyang mga magulang sa pagpapatakbo ng kanilang maliit na negosyo.
Ganoon din ang pangarap sa akin ng aking ama—ang matulungan siya sa pagpapatakbo ng kanilang kumpanya noon. Ang buo kong kinabukasan ay nakaukit na sa kanilang isipan. Mas maigi na raw iyon dahil nakasisiguro sila na magiging maayos ang aking buhay.
“So, how are you and Gem?” pag-iiba ko ng usapan.
“Gago!” pagtawa niya, “Tigilan mo nga ‘ko.”
Alam kong may pagtingin si Gemma rito kay Benjie, ngunit hindi ko talaga alam kung ganoon din ba ang pagtingin niya sa kakambal ni Reuben. Mabait na tao naman si Gemma at napakatalino pa. Kung tutuusin ay maswerte na rin itong si Benjie dahil kay Gemma.
“Dude, just court her already!” pagkumbinse ko.
Natatawa lamang siya.
Sinisilip-silip ko ang loob ng sidecar dahil baka tumalsik palabas ang aming mga bags. Nang ibalik ko ang aking paningin sa daan ay napansin kong iba ang ruta na aming tinatahak pabalik ng palengke.
“Are we still gonna go somewhere?” tanong ko, “Akala ko we’re returning to the market na eh.”
“Ah,” sagot niya, “May kukunin lang akong bayad sa isang suki nila Nanay.”
“Your Nanay Lilia sure has tons of customers.” puna ko.
Ilang sandali pa ay bumagal na ang andar ng tricycle at banayad na huminto sa tapat ng isang resort. Nang maiparada sa loob ang aming sinakyan ay bumaba na rin kami ni Benjie at sinabi niya sa akin na dalhin namin sa loob ang aming mga bags. Kinukuha ko pa lang ang sa akin nang bigla na siyang pumasok sa loob kaya’t agad akong nagmadali.
Pagkapasok ay hindi ko alam kung saan na siya napunta. Nakita ko ang ilang mga taong naroroon at sinisilip kung nasaan siya sa paligid.
“Here you are!” bati sa akin ni Gemma.
“Gemma?” gulat kong tanong, “What are you—”
Bigla na lamang niyang tinakpan ang aking mga mata, “No peeking!”
Naramdaman ko rin ang paghawak sa akin ng isa pang pares ng mga kamay at saka kinuha ang bitbit kong bag. “Sorry, tol, napag-utusan lang!” si Austin.
Matapos ang napakaraming mga hakbang ay inialis na ni Gemma ang kanyang mga kamay. Pagkamulat ay nagulat ako sa kanilang pagbati.
“Happy birthday!”
Ang lahat ng naroon ay may mga suot na party hats. May napakalaki ring banner ng pagbati sa aking kaarawan. Naroon ang ilan naming mga kaibigan at mga guro. Si Coach Jessie, si Ms Villa, ang mga magulang ni Benjie at ang mga magulang nina Reuben at Gemma.
Para akong isang bata na nahihiyang magpakita ng totoong emosyon, ngunit hindi ko rin mapigil ang sarili sa pag-ngiti. Abot langit ang aking kasiyahan, ngunit ang akala kong abot-langit na sayang iyon ay mas mahihigitan pa pala. Nakita ko sa likod nilang lahat ang aking mga magulang. Hindi ko na sila hinayaan pang malapitan ako dahil agad na akong tumakbo papunta sa kanila.
“Mom! Dad!” sigaw ko.
Ang lahat ng pagkasabik at pangungulila ay doon ko naibuhos. Hindi ko na rin napigil ang aking sarili na maiyak. Para na akong nahihibang dahil sabay akong tumatawa habang lumuluha. Mahigpit ang yakap sa akin ng aking ama’t ina at wala akong ibang naririnig mula sa kanila kundi ang paulit-ulit nilang pagsabi kung gaano nila ako kamahal.
Nagkaroon ng pagkalugi ang kumpanya ng aking ama noon sa Amerika at nasangkot sila sa mga iskandalo patungkol doon dahil siya ang idiniin na nagnakaw daw ng pera. Sa laki ng problema ay kinailangan kong iwan ang lahat doon at dito na mamuhay. Buong buhay ko ang aking iniwan. Mula sa aming tahanan at mga kaibigan hanggang sa aking mga social media accounts dahil sa mga death threats na hindi lamang ako, ngunit maging ang mga kaibigan ko noon, ay natatanggap.
Sabi nila may mga kaibigan ka raw na makikilala mo sa iyong pagkabata at mananatiling nasa iyong panig hanggang sa iyong pagtanda, ngunit sa tingin ko ay hindi iyon totoo. Kung sino pa ang mga taong labis na natulungan ko at ng aking mga magulang ay sila pa ang nanguna upang mas malubog kami sa kahihiyan. Isa pang dahilan upang maging malabo hindi lamang ang desisyon namin bilang pamilya, kundi maging ang relasyon ng aking mga magulang bilang mag-asawa.
Hindi ko rin naman masisisi ang aking mga magulang dahil alam kong bata pa rin sila kung tutuusin. Naipagbuntis ako ng aking ina nang siya ay labing-siyam na taong gulang pa lamang habang ang aking ama naman at dalawampu’t tatlo. Ngunit kahit na hindi sila masyadong nagkakausap sa ngayon ay palagi ko pa ring hinihiling na maging buo muli kami. Iyon lang ang pinanghahawakan ko sa pagpayag na manirahan mag-isa rito dahil alam kong kailangan nila ng panahon para sa kanilang mga sarili.
Ganoon din naman kasi ang takbo ng buhay ko noon kahit na magkakasama pa kami sa iisang bubong. Gigising ako at matutulog na wala sila sa bahay dahil sa dami ng kanilang ginagawa. Suwertihan na lamang kung maluwag ang kanilng iskedyul tuwing Sabado at sabay-sabay kaming makakapag-almusal.
Sa tatlong taon na lumipas, hindi pa sila sabay na umuwi rito upang bisitahin ako, ngayon lang. Alam ko naman na hindi rin madali ang kanilang sitwasyon kaya’t hindi na rin ako nagrereklamo. “Pasasaan pa’t magiging maayos din ang lahat.” ang palaging pang-hikayat sa akin ni Reuben.
Heto nga’t nais kong maniwala na nangyayari na ito sa ngayon.
Matapos ang mahabang sandali ng yakapan ay marahan na akong bumitaw. Hinahalik-halikan ni Mom ang aking pisngi at si Dad naman ay tahimik lang ding nagpupunas ng luha. Ramdam ko ang kasiyahan naming tatlo.
“Happy birthday to you…” panimulang pag-awit ni Reuben na naglalakad na patungo sa akin habang dala-dala ang isang cake na may nakasinding kandila.
“Happy birthday to you…” pagtuloy nilang lahat sa awitin.
Alam kong umiiyak pa rin ako, ngunit hindi pa rin ako tumitigil sa pagtawa. At sa halip na sa kandila o cake ako tumingin ay nakatitig lamang ako sa nakangiti ring si Reuben. Napansin ko ang pamumula ng kanyang mga mata na para pinipigilan ang sarili na maiyak kaya’t bigla akong umiwas ng tingin.
Matapos hipanin ang kandila ay naghiyawan na sina Benjie at Austin, dahilan upang mas maging masigla ang bawat isa. Mayroon ding nagpalakas ng tugtugin habang ang iba naman ay nag-umpisa nang mamigay ng mga plato at mag-ayos ng mga pagkain.
“When did you guys arrive?” tanong ko kay Dad.
“Just last night, son.” sagot niya, “And this lady couldn’t sleep because of excitement.” biro niya kay Mom bago siya hinalikan sa noo.
“Of course!” sagot naman ni Mom, “It’s been so long, bub.” Bub. Iyon ang palaging tawag sa akin ni Mommy. “And this,” pag-akap naman niya kay Reuben na nakangiti pa rin sa amin, “This is the one who planned all this.”
“Yeah,” pagsang-ayon ni Dad, “Mastermind.”
Kita kong nahihiya si Reuben dahil sa mga naririnig, ngunit sobra-sobra ang aking kasiyahan kaya’t agad ko siyang nilapitan at mahigpit ding niyakap. “Yo, thanks so much!”
“Gago, nasasakal ako.” sagot niya na nagpatawa sa akin.
Nararamdaman kong naiilang siya’t nais na ring bumitaw sa aking yakap, ngunit tinagalan ko pa iyon ng ilang sandali bago lubusang bumitaw. Tanging ngiti lamang ang kanyang sunod na naging tugon.
May kung anong sigla akong nararamdaman. Isang napakasayang pakiramdam na parang mas nagiging kaaya-aya sa tuwing kasama ko si Reuben. Isang kagalakan na para bang sabay na nakakakaba’t nakasasabik.
Napuno ang buong gabi ng kasiyahan. Ang regalo na aking natanggap ay nagkukumpulan lamang sa isang tabi dahil mas nais kong makihalubilo sa mga taong labis ang halaga sa akin. Kinatutuwan ko ang bawat sandali dahil alam kong walang kasiguraduhan kung kailan ba ito muling mangyayari.
Sina Gemma at Austin ay halos hindi na ipahiram ang mikropono sa iba dahil panay ang pagkanta sa karaoke. Ang paborito naming guro na si Ms Villa ay panay din ang pagtawa habang kausap si Coach Jessie na alam naming kinakabahan dahil sa lihim niyang pagtingin sa dalaga naming maestra.
Sina Benjie at Phil naman ay panay paglangoy sa pool ang inaatupag, habang si Reuben ay maingay ding nakisasaya sa kanila. Nais ko sanang makipagkulitan din, ngunit alam kong mas nais nilang makita na kausap ko ang aking mga magulang.
Halos hindi ko lubayan ang aking mga magulang dahil sabik pa rin ako sa kanila. Masaya akong malaman na maayos na ang kanilang relasyon at muli nang nagsasama. Ang sabi sa akin ni Dad ay sabik na raw siyang magkasama-sama na muli kami sa Amerika dahil ilang buwan na lang at magko-kolehiyo na ako. Si Mom naman ay panay ang paghalik sa aking kamay o kaya nama’y pisngi.
Maya-maya pa’y naging abala naman ang aking mga magulang sa pakikipag-kwentuhan sa aking mga guro at mga magulang ng aking mga kaibigan. Mayroon silang isang mahabang mesa na may mga pagkain. Kami naman ay may mesa rin na mas malapit sa karaoke machine dahil iyon lamang ang maaari naming gawin bukod sa pagkain. Bawal kasing mag-inuman.
Hindi nagtagal at nag-uwian na rin kaming lahat.
Nag-arkila ng sasakyan si Dad upang may magamit kami habang naririto sila sa Pilipinas kaya’t nagpasya kaming ihatid na rin ang iba na nakatira lamang malapit sa aming bahay. Si Benjie ay gamit ang kanilang tricycle pauwi habang sina Austin at Phil naman ay kasabay sa sasakyan nina Gemma. Sa amin din sumabay si Reuben dahil sa aking pagpipilit. Daraan din naman kasi kami sa kanilang bahay.
“Where did you, guys, stay last night?” tanong ko kay Dad na nagmamaneho ng sasakyan, “Hotel?”
Nilingon ako ni Mom at saka itinuro si Reuben na nakaupo sa aking kaliwa dahil kaming apat na lang ang nasa sasakyan. “His parents wouldn’t let us book a hotel room.” nakangiti niyang sabi, “They’re so thrilled to have us.”
Nakakatuwang makita ang pag-ngiting iyon ng aking ina. “Oh. You, guys, are so spoiled!”
Tumawa lamang si Mom at saka muling umayos ng upo at humarap na sa windshield.
Nilingon ko si Reuben na tahimik lamang na nakatanaw sa labas. Hindi ako mapalagay dahil parang nais kong malaman kung ano ang tumatakbo sa kanyang isipan. Kiniliti ko siya gamit ang aking daliri, dahilan upang magulat siya.
“Holy f—” bulalas niya na nakapagpatawa sa akin.
“You’re so tahimik.” puna ko, “Nahihiya ka?” pang-aasar ko.
“Gago.” bigla niyang sabi bago napatakip sa kanyang bibig. “Ay, sorry po.” paghingi niya ng tawad kay Mom.
“That’s okay.” pagtawa ni Mom, “I always call this guy a jerk, too.” paglalambing niya kay Dad.
Muli kong ibinaling ang aking paningin kay Reuben at muling kiniliti, “Hey, say something! Don’t be so tahimik. Hindi ako sanay.”
“Dude, if you don’t stop—” pagbabanta niya.
Mas lalo ko pa siyang kiniliti, “What? What’re you gonna do if I don’t stop?”
“Oh, Markus Gabriel,” sabat muli ni Mom, “Leave him alone. I’m sure he’s just exhausted, bub.”
Natatawa ako. Hindi ko alam kung bakit, ngunit parang may kung ano sa akin na nakakakiliti at tinutulak akong mas kulitin pa si Reuben.
“Kwento ka.” muli kong pangungulit, “Anything.”
Sumimangot lamang si Reuben at saka sandaling nanahimik. Alam kong nag-iisip na siya ng kanyang sasabihin. “Oh,” panimula niya, “Your mom taught me how to make pancakes this morning.”
“What?” gulat kong reaksyon, “So that was your cooking, Mom?”
Nagkibi lamang ng balikat ang aking ina.
“I knew it!” sambit ko, “I frickin’ knew it!”
Tawa naman ng tawa si Reuben.
“I know you don’t cook!” pagtawa ko sa kanya, “You sneaky bastard.”
“Bub,” sabat ni Mom, “Language.”
“But he said ‘gago’ literally just seconds ago.” argumento ko naman habang tumatawa.
“You’re welcome!” natatawang sagot din ni Reuben.
Sandali kaming nanahimik lahat dahil sa pagod namin sa pagtawa. Ilang minuto na lang at nasa bahay na kami. Masaya akong isipin na hindi ako mag-isang matutulog ngayong gabi sa aming bahay. Masaya akong isipin na hindi rin ako magiging mag-isa ngayong pasko.
Kung tutuusin ay hindi naman talaga ako mag-isa tuwing pasko dahil palagi akong iniimbitahan ng mga magulang ni Reuben na doon na lang sa kanila magdiwang niyon. Napagtanto ko kung gaano kalaki ang papel ni Reuben sa aking buhay bilang isang kaibigan. Sa tuwing maiisip ko iyon ay may kung anong init akong nararamdaman sa aking dibdib.
Nakita ko si Dad na inabot ang kamay ni Mom at saka hinalikan.
Masaya akong makita ‘yon, ngunit bigla akong napatingin sa kamay ni Reuben na tahimik lamang na nasa pagitan naming dalawa. Naalala ko noong minsang natamaan ako ng bola habang nag-eensayo sa aming basketball at inutusan ni Coach Jessie si Reuben na hilutin ang aking ulo. Nakakatawa, ngunit parang nais ko muling maranasan iyon—ang maramdaman ang lambot ng kanyang palad.
Mula sa kanyang kamay ay lumakad ang aking tingin sa bracelet kong bigay sa kanya, paakyat sa kanyang mukha. Nakita ko siyang tahimik lamang na iniaalis din ang tingin mula sa mga kamay ng aking mga magulang. Marahan siyang lumulunok ng laway at parang iniiwasan akong lingunin din. May kung anong kaba akong naramdaman kaya’t bigla na lamang akong umayos ng upo at saka tumingin sa likod ng upuan ni Mom.
May nais akong gawin, ngunit hindi ko alam kung kaya ko ba. Sumagi sa isipan kong malapit na kami sa kanilang bahay at baka mag-iba na naman ang ihip ng hangin. Ilang beses na rin kasing may ganito akong pakiramdam, ngunit hindi ko tinutugunan dahil sa kung anong takot.
Nilakasan ko na ang aking loob at marahang iniusog ang aking kamay patungo sa kinaroroonan ng kamay niya. Pinakikiramdaman kung naroon pa ba iyon. Kinakabahan man ay paunti-unti ko iyong mas inilalapit. Pasilip-silip din ako sa rearview mirror upang makita kung nakatingin ba sa amin si Dad.
Nang maglapat ang balat ng aming mga kamay ay may kung anong kuryente akong naramdaman. Para akong naninigas at hindi alam kung ano ang sunod na gagawin. Dahan-dahan ko iyong mas idinikit pa, ramdam ko ang kaunting panginginig ni Reuben, ngunit kinatutuwan ko rin ang hindi niya pagtanggal niyon.
Ilang sandali pa’y inayos ko ang aking kamay at saka hinawakan nang maayos ang sa kanya. Wala na akong pakialam kung ano ang sunod na mangyayari basta’t nahawakan ko iyon. Naramdaman ko ang malalim na paghinga ni Reuben kaya’t bigla na sana akong bibitaw, ngunit bigla rin niya iginalaw ang kanyang kamay at marahan ding pinisil ang sa akin, dahilan upang maglingkisan ang aming mga daliri.
Parang nais ko muling umiyak. Parang nais ko ring magtatalon sa tuwa at sumigaw. Hindi ko alam kung anong tawag sa kasiyahang ito, ngunit ayaw ko na itong matapos pa. Sa aking palagay ay wala nang mas sasaya pa sa pakiramdam kong iyon.
Tahimik lamang akong nakangiti at iniiwasan siyang lingunin dahil baka bigla siyang mailang. Muli kong hinigpitan ang pagkakahawak sa kanya, ngunit biglang nagsalita si Dad kaya’t agad na bumitaw si Reuben.
“We’re here,” sambit ni Dad, “Thank you again for everything, Reuben!”
“Thank you, love!” paglingon naman ni Mom na matapos ngitian si Reuben ay tumingin din sa akin kasama si Dad.
Nandilat ang aking mga mata at tahimik na pinakakalma ang sarili mula sa kung anong kaguluhan na nangyayara sa aking isipan. Ilang sandali pa ay hindi pa rin iniaalis nina Mom ang tingin sa akin. Nais kong lingunin si Reuben, ngunit hindi ako makagalaw.
“Bub,” sambit ni Mom.
“W-what?”
“Stop playing,” aniya.
“W-what do you mean?” pagmamaang-maangan ko, “I’m not—”
“Open the door already!” natatawang tugon ni Mom, “Reuben can’t get out.”
“Oh,” sambit ko, “Right.” Agad kong binuksan ang pinto sa aking tabi at saka bumaba. Ang akala ko ay patungkol iyon sa paghawak ko ng kamay ni Reuben.
“What’s happening to you, son?” sabat naman ni Dad, “You look pale.”
Natatawa lamang akong sumandal sa labas ng sasakyan. Nang makalabas na si Reuben ay inisip kong natatawa rin siya, ngunit nakayuko lamang siyang nagpaalam sa akin at naiilang na sumilip muli kina Dad upang magpaalam din.
Ang kasiyahang abot-langit kong kinalugdan kanina lamang ay biglang napalitan ng pagkabalisa.
“Wait, Reu—”
Dire-diretso lamang siyang naglakad papasok ng kanilang gate.
Nais ko sana siyang habulin at kausapin, ngunit may kung anong pumipigil sa akin. Nilingon ko ang aking mga magulang at nakitang nagtatawanan silang muli habang nagkukwentuhan, walang kaalam-alam sa bigla kong kalungkutan.
Ganito pa rin pala. Hindi pa rin pala sila gaanong nagbibigay-atensiyon sa aking buhay. Mag-isa pa rin pala ako.
COMMENTS