By: Aristotle Inabutan ako ng napakalakas ng ulan papuntang Tagaytay upang bisitahin at inspeksyunin ang kasalukuyang proyektong Rest Hou...
By: Aristotle
Inabutan ako ng napakalakas ng ulan papuntang Tagaytay upang bisitahin at inspeksyunin ang kasalukuyang proyektong Rest House ng aming Firm. Kakaresign lamang ng isa naming Arkitekto nang maisipan niyang magtungo sa UAE upang doon makipagsapalaran. Kung tutuusin, ang isang buwang sweldo mo bilang isang Arkitekto doon ay katumbas ng halos isang taong sweldo mo dito. Kakagaling ko lang din doon noon isang taon, at kung hindi lang ako personal na pinakiusapan ng aking Tiyuhin na magtrabaho sa kanyang naghihingalong kompanya. Tatlong taon din ang aking pamamalagi doon. Sinigurado naman ng aking boss na magiging hands-on ako kada proyekto namin at masasabi kong “Akin” iyong disenyo. Magandang opurtunidad din iyong gumawa ng sariling pangalan, titiisin ko nga lang muna ang usaping pang pinansiyal. Sinalo ko ang proyektong iniwan ng dati naming Arkitekto.
Sinalubong ako ng may-ari ng Rest House. May katandaan na ang mag-asawa at masasabi kong mabubuting tao. Kakilala sila ng boss ko kaya naman naging mabilis ang transaksyon at pagpapakilala. Nahiya ako ng kaunti nang malaman kong kilala nila ako dahil narin daw sa mga kwento ng aking boss noon pa, at nagkataong kilala din daw ako ng kanilang pamangkin. Siya ang Electrical Engineer ng proyekto. Agad ako tinubuan ng kyuryusidad sa kung sino man iyong pamangkin nilang iyon. Napag-alaman kong nag-aral ito ng kolehiyo sa Maynila ngunit kasabayan ko daw sa High School. Magkahalong galak at misteryo ang aking naramdaman sa kung sino man iyon, at kung bakit niya ako kilala. “Baka magkaiba kayo ng section noon ni Pepe”, sabi pa ni Mr. Perez. Itatanong ko na sana ang buong pangalan ng kanilang pamangkin ngunit biglang humangin ng napakalas at bumigay iyong kakakabit pa lamang na gutter. Nagkaroon ng kaunting kaguluhan ngunit naiayos naman din. Inabot kami ng alas cuatro ng hapon bago mag-umpisang magsiuwian. Habang nagmamaneho, pilit kung kinukunekta kung iyong Pepe na sinabi nila ay iyong kilala ko. Wala naman akong matandaang kakalaseng Perez noon High School. Magkakaroon kami ng meeting kasama ang mga Perez sa makalawa. Makikilala ko din siya.
***
Ilang beses kong pinindot ang butones ng Elevator dahil sa pagmamadali. Kanina pa naghihintay ang mga Perez sa conference room. Buti na lamang ay nandoon ang boss ko. Hingal akong pumasok ng kwarto at inayos ang dala kong laptop at print-outs sa mesa. Humingi ako ng dispensa sabay pahid sa aking pawisang noo. Sinugurado naman ng mag-asawang ayos lamang iyon, at sa katunayan ay abala din daw silang nagkukuwentuhan ng boss ko. “Hindi ka siguro sanay sa traffic dito, Architect.”, pahabol ni Mrs. Perez. “Buti pa, lunch out tayo pagkatapos nitong meeting. Hahabol din si Pepe, para naman magka-reunion kayo”, ang sabi ni Mr. Perez. Hingal man ay ngumiti lamang ako. Sinimulan ko na ang presentasyon at umayon naman sila sa lahat ng desisyon ko ukol sa mga babaguhin sa disenyo. Narinig kong pumalakpak ang boss ko, na waring nang-aasar sa akin. Tinaasan ko lamang siya ng kilay at hindi iyon pinahalata sa mag-asawa. Kahit kalian talaga ay pilyo parin si Tito. “See? I told you he’s the best”, pagbibigay pugay niya sa akin.
***
Natagalan si Pepe kaya naman napagdesisyunan naming kumain na. Hindi ko maitago ang aking pagkailang sa sitwasyon dahil hindi ko parin maialis sa isipan ko kung sino ba iyon. Natigil lamang ang lahat ng biglang may humalik sa pisngi ni Mrs. Perez. Isang lalaking may katangkaran, nakasuot ng polong puti at itim na slacks. Sumenyas si Mr. Perez sa parte ng mesang nakareserba para sa kanya. “Traffic”, sabi niya. Pinilit kong itago ang kakaiba kong nararamdaman sa mga oras na iyon. Bahagya akong nanginig sa aking nakita. “Hello po, Tito Barry”, pagbati niya sa aking boss. Nagkamayan silang dalawa bago siya humarap sa akin. Pinakilala ako ng kanyang Tiyahin at nakipagkamay naman ako. Hindi ako makatingin ng diretso ngunit bakas ang ngiti sa kanyang mukha. “Diba magkaklase kayo?”, sabi ng babaeng Perez. “Baka nakalimutan na ako ni Architect Crisostomo Go”, pabiro niyang sabi. Ngumiti lamang ako at nagsalita, “How can I forget you, Engr Philip Santos”.
***
Si Philip ay isang matalik na kaibigan simula pa noong kami ay nasa Elementarya hanggang High School. Hindi ko alam kung bakit kami magkasundo dahil kung tutuusin, siya ang depinisyon ng salitang “Kasalungat” para sa akin. Kilalang studyante si Phil. Aktibo sa sports at kasali sa varsity ng High School. Palakaibigan at maraming koneksyon. Iyon marahil ang dahilan kung bakit maraming gustong makipagkaibigan sa kanya. Marami narin siyang napaiyak na mga dalaga. Matinik, sabi nila. Ngunit kahit ganoon siya, naging malapit ko siyang kaibigan dahil narin sa magkababata kami. Noon pa man, humahanga na ako kay Philip at doon ko nakompirmang may kakaiba sa akin. Noon una ay iniisip ko lamang na baka masyado lamang kaming malapit kaya naman normal lamang iyong nararamdaman ko para sa kanya. Pilit ko iyon itinago hanggang sa nasabi ko sa sarili ko na iyong tipong tao ni Phil, iyon ang mga kinakaibigan lamang. Kaya naman simula noon ay iyon na ang itinatak ko sa aking sarili. Masyadong mahalagang kaibigan si Phil upang sayangin lamang. Bagamat nakakaakit nga siya, samahan mo pa ng mga “raging hormones” bilang teenager, ay nakayanan ko naman iyon. Mahirap sa una, ngunit pinilit ko ang aking sarili hanggang sa nasanay na ako. Marahil dahil naging nobya ko si Alice. Minahal ko siya, ngunit hindi ko rin itatangging niligawan ko siya upang mailipat sa kanya ang atensyon ko. Natutunan kong pahalagahan at mahalin si Alice, at sa katunayan ay umabot kami ng halos isang taon. Napagdesisyunan naming maghiwalay dahil narin sa mga responsibilidad namin bilang mga studyante. Isa si Alice sa mga kapaligsahan ko sa larangan ng Academics, kaya marahil ay doon nalang namin itunoon ang aming atensyon. Naging malapit naman din kaming magkaibigan kinalaunan, lalo na at siya ang unang nakaalam sa hiwaga ng aking pagkatao, na mismong mga magulang ko ay hindi alam. Tanggap niya ako kung ano at kung sino ako sa simula pa lamang. Mas pinili kong maging bukas lalo na’t siya ang una kong nobya. Maliban sa pagkakaibigan, isa pang magandang bagay ang naidulot sa akin ni Alice ay iyong distansiyang lumalawak sa pagitan namin ni Phil. Malaking tulong iyon upang masiguro ko sa aking sarili na wala na iyong nararamdaman ko.
Sabado. Isang katok ang gumising sa akin mula sa aking mahabang siesta. Bumangon ako at napapunas ng aking bibig dahil tumulo ang aking laway. Isang ulo ang sumulpot sa kakabukas ng pintuan. “Hoy”, pagbati niya. “Yeah. Wazzup”, tanong ko habang nag-uunat. Lumapit siya sa aking kama na may dalang kape, inilapag niya iyon sa mesa at biglang tumalon sa kama. Tumaob siya ay inabot ang aking unan tsaka niya iyon niyakap. “Kumusta”, hindi ako umimik nang tanungin niya ako. “Tagal mo nang out of coverage ah”, patawa niyang sabi. Gumulong siya at tumagilid, nakaharap sa akin. “Naputol ang antenna, Phil. Kakaayos lang. I have a better signal now”, nahiya ako sa kanya. Marahil ay ramdam niya ang paglayo ko sa kanya. Ilang ulit ko nang tinanggihan si Philip sa mga imbitasyon niyang matulog sa bahay nila, maglaro ng computer games at kung anu-ano pa. Lagi namin iyong ginagawa noon. Hindi narin ako masyadong sumasama sa tuwing nag-iensayo sila ng basketball kasama ang buong liga ng aming paaralan. Hindi naman ako naglalaro noon, ngunit palagi akong nakaupo malapit sa court, nanunuod, pumapalakpak. “Good. Kung ganun, maayos ka na”, sagot niya sa akin. “Siguro?”, patawa kong sagot. Maayos na nga ba ako? Siguro. Umubo siya ng pauit-ulit ngunit alam kong sinasadya niya iyon. Alam ko kung ano ang pakay niya. Alam ko kung ano ang ibig niyang sabihin. Tumayo ako at tumungo sa aking cabinet. Binuksan ko iyon at hinalughog ang isang bagay na halos mag-iisang buwan nang nakatago doon. Isang kahong nakabalot sa asul na papel. Iyon ay inihagis ko sa kanya. Hindi niya iyon nasalo at eksaktong tumama sa kanyang sikmura. Napa-aray siya ngunit alam kong pinipigilan lamang niyang ipakita sa akin ang kanyang galak. “Happy Birthday”, sabi ko. Nagpasalamat siya at dali-daling binuksan ang aking regalo. Nang maisukat niya iyong bagong jersey na pina custom-made ko, agad siyang humarap sa akin at nagsalita. “Wow. San mo to nakuha?”, tanong niya sa akin. “Basta”, tanging sagot ko. “May sasabihin din ako”, nakabungisngis niyang sabi habang nakapamaywang. “Kami na Clarisse”, tumalikod siya at humarap sa salamin. Kung anu-anong postura ang kanyang ginagawa doon ngunit ako, mistulang estatuwang di makagalaw dahil sa aking narinig. May kung anong sikip sa dibdib ang tumama sa akin. Tinanong niya ako kung ayos lang ako dahil napansin niyang biglang nagbago ang aking timpla. “Okay lang.”
Pakiramdam ko ay ginagantihan ako ng langit dahil sa aking ginawa kay Philip. Siya naman ngayon ang halos hindi ko mahagilap. Hindi halos magtagpo ang aming mga landas, maliban nalang tuwing may klase kami. Ngunit saan ba ako lulugar? Tila nahirapan akong kumunekta ulit kay Philip. Sa lahat ng oras ay kasama niya si Clarisse. Minsan nagkukusa na akong ako na mismo ang mag-anyaya sa kanya na matulog at makipaglaro ng computer sa aming bahay. Minsan natutuloy, minsan naman mas pinipili niyang makasama ang kanyang nobya. Hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman noon. Nais kong maging masaya para sa aking kaibigan, ngunit may kung anong boses sa aking isipan ang nagsasabing huwag kong hayaan malayo si Phil sa akin. Madalas sabihin ni Alice sa akin na ang nararamdaman ko ay hatid marahil ng konsensya dahil narin sa ako iyong unang gumawa ng ganoong klaseng bagay kay Phil. Ako naman iyong unang umiwas, lumayo at nagdesisyong limitahan ang koneksyon ko sa kaibigan ko. Matalik kong kaibigan simula pa noong mga bata pa kami. Marahil tama nga siya, kaya naman napagdesisyunan kong ituon na lamang ang aking atensyon sa natitirang dalawang buwan sa High School. Bukod naman sa malapit nang magtapos ang lahat, magkakanya kanya nadin kami upang magkolehiyo. Ipinagpatuloy ko ang aking pagpapanggap na ayos at wala lang sa akin ang mga yakapan at patagong halikan nilang dalawa. Minsan, nahuhuli ako ni Phil na nakatulala o nakatitig sa kanilang dalawa. Hindi ko alam kung nakakahalata na ba siya sa inaasal ko. Madalas ay bugnutin ako tuwing magkasama silang dalawa at kasama nila ako. Madalas akong masungit. Dinadahilan ko na lamang ang “pressure” sa nalalapit na graduation dahil isa ako sa mga nangungunang studyante ng aming klase. Kahit ganoon ako, nakukuha paring pagaanin ni Phil ang aking kalooban. Kaya nga ako nahihirapan. Mahirap magkaroon ng ganoong tao sa buhay mo. At kaibigan mo pa. Kaibigan lang.
Nakuha ko ang aking diploma at mga parangal ng abot langit ang saya. Matapos ang graduation at nagtungo na kaming lahat sa bahay ng aming kaklase para sa inihanda niyang “Party”. Galante ang mga magulang niya kaya naman sagana ang gabing iyon sa pagkain at alak. Dahil nga ramdam na namin ang pagiging “Adults”, nilubos lubos na namin ang kung ano mang mayroon sa gabing iyon. Inuman, kantahan, kantyawan, tanungan ng mga sekreto, at kung anu-ano pa. Hindi ko narin mapigilan ang aking sariling uminom kaya naman mabilis akong natamaan. Hindi naman talaga ako sanay sa alak. Habang abala ang iba sa may Pool Area, ako, si Clarisse, si Phil, at dalawa pa naming kaklase ay nandoon lamang sa lanai, nakaupo sa sahig, nakasandal sa pader habang pinapanuod sila. Biglang tumayo si Phil at nagpaalam upang tumungo ng kubeta. Bago pa makabalik si Phil, may kung anong demonyo ang sumanib sa akin. Hinila ko si Clarisse na may kalasingan na rin at biglang sinunggaban ng halik. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ko iyon ginawa. Marahil ay matagal na akong nagtitimpi at nagtatanong sa aking sarili kung bakit gustong gusto ni Phil ang mga labi niya. Hindi siya nanlaban at sa halip sumandal lamang ito at nagpaubaya sa akin. Bakit, ano bang mayroon kay Clarisse? Ang tanong ko na nais kong masagot. Ano bang mayroon sa kanya na wala sa akin? Mahal ko si Philip, noon pa. Hindi ko hahayaang mapunta lamang siya sa iba.
Isang pwersa ang biglang humila sa aking likod. Halos makaladkad ako at napahiga ako sa sahig. Hindi ko na maaninag ang mga sumunod na nangyari dahil biglang nagkagulo at nagkabangayan. Wala akong maramdaman maliban sa isang malakas na tulak sa aking dibdib na siyang nagpatumba at nagpatulog ng tuluyan sa akin. Nagising ako kinalaunan sa isang kwarto. Nahihilo man ay nakuha ko paring bumangon. Hunilot ko ang aking ulo at pilit na inaayos ang aking sarili. Nakaramdam ako ng di maipaliwanang na kahihiyan nang mapansin ko ang isang taong nakaupo sa safa, malapit sa pintuan, nakatingin sa akin habang ang dalawang kilay niya ay magkasalubong. Nakakunot ang noo niya. Hindi ako nagsalita, sa halip ay agad akong tumungo ng banyo upang maghilamos at magmumog. Bumalik ako at tumungo ng pintuan upang lumabas ng kwarto. “Upo”, galit niyang utos. Agad naman akong napahinto at napabalik ng upo sa kama nang hindi tumitingin sa kanya. Ilang segundo kaming natahimik dahil hindi ko sinagot ang mga paulit-ulit niyang mga tanong sa akin. Kung bakit ko nagawa iyon. Bakit nga ba?
Tumayo siya at lumapit sa akin, hinila niya ang aking kwelyo at nagbabantang sapakin ako. Ngunit wala siyang ginawa maliban sa patayin ako sa pamamagitan ng mga galit niyang titig sa aking mga mata. Mugto ang mga mata niya. Marahil ay dahil sa antok at kakaiyak. Hindi ko matukoy kung alin ba talaga sa dalawa. Hindi ko mapigilang maluha. Sinira ko ang lahat. Ilang taon kong inalagaan ang aming pagkakaibigan ngunit sa isang makasariling desisyon ay binale-wala ko iyon lahat. Hindi ko alam kung matatanggap ba niya ang aking paliwanang, o kung mapapatawad ba niya ako. Naisip kung marahil imposible nang maisalba ang kung anong mayroon kami, kaya naman sa pangalawang pagkakataon, gumawa ako ng isang bagay na marahil pagsisisihan ko habang buhay. Hinalikan ko siya. Hindi ko nakita ang kanyang reaksyon ngunit alam kong nagulat siya sa aking ginawa. Naitulak niya ako sa kama at napahiga ako doon. Gumulong ako at tumagilid, inabot ang unan at niyakap. Naglakad siya papalayo at narinig kong inikot niya ng door knob, tanda na lalabas ng siya. Huminto siya nang marinig niya ako. “…Dahil mahal kita.”, mahina kong sabi. Ibinaon ko ang aking mukha sa unan. Makaraan ang ilang segundo ay bigla na lamang niya akong hinila paharap sa kanya. Halos di ako makahinga dahil tinadtad niya ako ng halik. Sa labi, sa mukha, sa leeg. Mapwersa at nararamdaman ko ang higpit na kanyang pagkakahawak sa bawat parte ng aking katawan. “Ito ang gusto mo ha, take it”, makailang ulit kong narinig mula sa kanya. Naiyak ako dahil nasaktan ako. Pinilit niyang hubarin ang aking suot ngunit napigilan ko siya nang maitulak ko ang kanyang katawan papalayo. Pisikal na sakit lamang iyon kung tutuusin, ngunit mistulang sinaksak niya ang aking puso. Tumigil siya, umupo at tumalikod. Nag-umpisa siyang maglakad papalayo at bago paman siya makalabas ng kwarto.
Ilang araw ang lumipas ay naging pursigido akong suyuin si Philip. Palagi kong natatagpuan ang aking sarili nakaupo sa gilid ng sidewalk sa labas ng kanilang bahay. Kahit may kalayuan, sinisikap kong tumungo sa bahay nila sakay ang aking bisekleta. Hindi ko magawang kumatok sa kanila at tanging text lamang ang pinapadala ko sa kanya. “Let’s talk”, ang mensahe ko. Halos araw-araw ay nagbabakasakali akong kausapin niya ako. Isang araw ay naabutan ako ng ina niyang nakaupo sa labas. Agad siyang bumaba ng kotse at pinapasok ng bahay. Kahit na tumanggi ako ay napilit parin niya kong papasukin at pakainin ng miryenda. Agad niyang pinatawag si Philip. “Oh siya, hijo, I’m going. Kayo na bahala dito. Feel at home”, agad siyang nagpaalam at umalis. Busangot ang mukha ni Phil at hindi man lang umupo sa sala. Nakatayo lamang siya at nakasandal sa pader. “Talk”, sabi niya. Nahirapan akong pumili ng mga salitang naaayon. Naghalo-halo ang aking mga salita na siyang dahilan upang mas lalo siyang mainis sa akin. “S-sorry”, ang huli kong sinabi. “Yun lang?”, tumayo siya ng tuwid. “Makakaalis ka na brad”, tumungo siya ng pintuan, lumabas at dumiretso ng gate. Binuksan niya iyon, sinyales na kailangan ko nang umalis. Naglakad ako ng mabilis. Hindi ko na maramdaman ang hiya sa pagkakataong iyon at bigla ko na lamang siyang niyakap. Mas matangkad siya ng bahagya sa akin at mas malaki kung tutuusin, ngunit nakuha ko parin gawin iyon. Nanatili siyang nakatayo at wala man lang ginawa. Ngunit agad siyang nagsalita. “Stop. Baka makita tayo nila Yaya. Go home.”. Kumalas ako at nakayukong lumabas ng bahay. Bago paman niya ako pagsarahan, nakuha ko pang bumanat. “I won’t stop, Phil.”, inirapan lamang niya ako.
Napag-alaman kong hindi na sila nagkabalikan ni Clarisse. Laking pasalamat kong agad akong napatawad ni Clarisse. Alam kong hindi ko na nga maibabalik ang dating kami ni Phil. Ngunit sinikap ko paring gawin ang mahirap. Inamin ko sa mga magulang ni Philip na nag-away kami, nang sa gayon ay may permiso na akong dumalaw ng kahit na anong oras upang suyuin ang kanilang anak. Natatawang pagpayag lamang ang binigay sa akin ng kanyang mga magulang, natatawa sa pagiging “immature” daw ng kanilang anak. Determinado akong maibalik ang lahat, o kahit hindi na, mapatawad lang niya ako. Ilang beses niya akong pinagtabuyan. Ilang beses akong napahiya sa harap ng kanyang magulang. Ang tigas niya, sobra. Ngunit sino ba ako para magreklamo?
Isang gabi, habang umuulan ng walang tigil, isang pang gabi bago ako magtungo ng Cebu upang doon mag-aral ng kolehiyo at manirahan na, nakuha ko pang magtext sa kanya. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isipan ko at nais kong makipagkita sa ganoong oras. Basing basa akong nasa labas ng bahay niya. Binalot ko ang aking telepono ng plastic upang matext ko parin siya. Ilang minute pa ay agad na lumangitngit ang gate at lumabas siyang nakapayong. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya akong basing basa, nakaupo sa sidewalk at nanginginig sa lamig.
“I’m going tomorrow. You won’t see me again.”, sabi ko. Tumayo ako at hinarap siya. Tanging ilaw lamang sa poste ang nagsisilbing liwanag namin. “Good. Para matigil ka na”, matabang niyang sagot. “What must I do for you to forgive me?” tanong ko. Lumapit ako sa kanya ngunit hindi siya sumagot. Sabay na umagos ang aking mga luha at ang ulan sa aking mukha. Lumapit siya lalo sa akin hanggang sa tuluyan na akong makasilong sa itim niyang payong. “Go home”, sabi niya. “Don’t talk to me. Don’t contact me. Mawala ka. Yun ang gagawin mo”, ang diretso niyang sagot sa akin. Para akong sinaksak ng ilang beses nang marinig ko iyon mula sa kanya. Napayuko lamang ako, umiiyak parin ngunit pilit na hindi iyon pinahalata kahit alam kong alam niya. Ayaw kong umiyak. Ayaw kong maawa siya. Ayokong nakakaramdam ng ganoon. Ayokong maging talunan.
Hindi ako nakapagsalita. Tumalikod na ako at nag-umpisang tumungo sa aking bisekletang nakahandusay sa kalsada. Ngunit bago paman ako makaalis, bigla siyang nagsalita. “I love you, Cris”, narinig kong sabi niya habang nakatalikod ako. Hindi ako lumingon. “ Noon pa. Pero hindi pwede.”. Talo pa ng mahina niyang sagot ang lakas ng ulan at hangin. “Di pwede. Di ako ito. Di ito tayo. Let’s end this habang maaga pa.”, hindi man ako nagsalita o lumingon man lamang, tinaas ko ang aking kamay at sumenyas na “Okay”. Sumakay ako ng bisekleta at nag-umpisang magpedal habang patuloy na umaagos ang aking mga luha. Inaamin kong naduwag ako noong una, ngunit matapos ang isang pagkakamali, nagawa kong lumaban.
“Mas duwag ka, Phil.”
***
Lumipas ang ilang linggo at nagpatuloy ang konstruksyon sa Tagaytay. Malapit na itong matapos at maturn-over sa mag-asawa. Makakahinga nadin ako, wika ko sa aking sarili. Ayaw ko nang makipagsapalaran sa linggo-linggo kong pakikipagkita at pakikitungo kay Phil. Alam kong iyong nakaraan namin ay pawang away-teen-ager lamang, ngunit hindi ko parin maitago ang katutuhanang hanggang ngayon, nasasaktan parin ako. Hanggang ngayon, umaasa parin akong marinig mula sa kanya ang “Napatawad na kita”, kahit hindi na iyong “Mahal parin kita”. Napakahabang panahon na ang lumipas para umasa ako sa isang bagay na alam kong malabong mangyari. Kahit alam kong imposibleng ibalik ang nakaraan, may kung anong boses ang bumubulong sa akin na “malay mo”. Ngunit lahat naman ng mga paniginip ay may katapusan. Sa tuwing ang simpleng meeting ay nagiging bangayan. Sa tuwing ang simpleng pag-uusap ay nagiging pagtatalo. Sa tuwing ang simpleng pagpili ng materyales, pintura at mga aksesorya para sa bahay ay nagiging malaking “issue”. Minsan ay nagkakatinginan na lamang si Boss at ang mag-asawa. Naiilang. Nahihiya sa aming inaasal. Alam kong hanggang ngayon ay hindi parin niya ako pinapatawad, ngunit hindi ko rin kayang mapahiya sa harap ng mga kapwa ko propesyunal. Hindi ako maaring magpatalo. Madalas, napipikon siya sa aking pagsagot. Pilosopo ako sa mga taong pilosopo. “Treat others the way you want them to treat you”, isang lumang kasabihan.
Isang linggo ang lumipas at bumisita ako sa bahay na kasalukuyang tinitirahan na ng mag-asawang Perez. Ngunit walang tao sa bahay maliban ang dalawang kasambahay. Pinapasok ako ng bahay dahil nabilin nadin ng mag-asawa na bibisita ako. Bawat sulok ay inusisa ko. Nilibot bawat kwarto, kusina at banyo. Pagkapasok ko sa isang kwarto, sa pinakasulok ng ikalawang palapag, ay naabutan kong may naliligo sa banyo ayon narin sa narinig kong lagaslas ng tubig. Agad itong natigil at tumunog ang pintuan. Bumungad sa akin ang basing katawan ni Phil, nakatapis ng tuwalya. Napatalikod ako bigla at inabot ang door knob upang lumabas. “What are you doing here?”, tanong niya mula sa likod ko. “Just checking”, nauutal kong sagot. “Your aunt asked me to visit the house. I’m actually leaving now. Bye”, binuksan ko ng tuluyan ang pintuan ngunit biglang humiwalay ang aking pagkakahawak sa door knob at bumagsak pasara ang pintuan. Nakita ko ang braso niyang nakasandal dito. Matipuno ang kanyang mga bisig. Tamang tama lamang sa katawan niya. Sumandal siya patagilid sa pintuan at kinandado niya iyon. Pilit kong pinakitang wala akong ibang nararamdaman sa mga oras na iyon. Ngunit alam ko, ilang segundo ang lilipas ay bibigay ako. “Tell me why you’re here”, Ngunit wala siyang narinig na sagot mula sa akin at sa halip ay isang mapwersang halik ang ginawa ko. Hindi siya nakakilos agad nang bigla kong pinisil ang kanyang mukha at itinulak ang aking katawan sa kanya upang magkadikit kami. Kahit mas matangkad siya, pinilit kong gawin iyon. Tumutol siya sa pamamagitan ng pagtulak ng ilang beses sa akin hanggang sa magkahiwalay ang aming mga katawan. Nang napasandal ako sa pader ay natauhan ako. Nakakahiya. “Sorry”, bulong ko sapat lamang na marinig niya. Tumalikod ako sa kanya at idinikit ang aking noo sa pintuang nakasara. Kinapa ko ang door knob at inikot iyon. Huminga ako ng malalim at humingi ulit ng despensa sa aking ginawa. Hindi ko na tuluyang nabuksan ang pintuan ng halos matumba ako patalikod dahil sa paghila niya sa aking braso. Doon, niyakap niya ako ng mahigpit at pinaghahalikan. Walang ingay sa buong kwarto maliban sa aming mga paghinga. Maliban sa tibok ng aming mga puso na tila nakakabinging musika. Sa bawat pagkiskis ng mga balat. Sa bawat ungol dahil sa sensyasyong naghahatid ng ligaya. Sa pag-ibig na para bang bumabalik.
Nakatalikod siyang nakaupo sa gilid ng kama nang magising ako. Lumapit ako sa kanya, tumabi at isinandal ang aking ulo sa balikat niya. Hindi ako nagsalita at dinama lamang ang kung ano man ang nasa aking paligid. Tinubuan ang aking puso ng isang tanong at ipanahayag ko naman iyon. Alam kong may mga bagay siyang nais sabihin. Nahihiya at naiilang lamang siya. “Phil”. Napaubo siya ng mahina at lumunok. Hindi muna agad siya nagsalita at pinalipas pa ang ilang segundo. “Hindi dapat to nangyari”, tumayo siya at naglakad. Tumungo siya sa aking likuran at narinig ko ang pagsara ng pintuan ng banyo. Nanginig ako nang marinig ko iyon at nagmamadaling magbihis. Patakbo akong bumaba ng bahay at nagulat ang dalawang kasambahay. Akala nila ay nakauwi na ako. Ang tagal ko daw kasing nawala at inakala nilang umalis na ako. Dali-dali akong nagmaneho pauwi ngunit gumarahe ako malapit sa maliit ng rutonda at doon nagpalipas lamang ng ilang oras, nakatingin sa lawa, sa mga ibong lumilipad, sa kalangitan. Doon ko lamang napagtanto, kahit hanggang ngayon, ako parin ang talo.
***
Nauna akong lumabas ng opisina. Pasado alas cuatro pa lamang ng hapon ng mapagdesisyunan kong umuwi na dahil napakiusapan ko ang aking butihing boss na ikansela ang meeting. Nasa lobby ako ng gusali kung saan nakarenta ang kompanyang pinapasukan ko. Hinilot ko ang aking leeg dahil narin sa bahagyang sakit dala ng maghapong pagkakayuko ko kaka-trabaho sa aking computer. Naisipan kong tumungo sa malapit na coffee shop nang makapagpahinga man lamang. Bago paman ako makalabas, Tumungo ako at ibinigay sa receptionist ang isang bouquet ng puting rosas. Napapadalas nang may nagpapadala ng bulaklak sa akin. Hindi ko matukoy kung kanino man iyon galing o kung bakit. Minsan dalawang beses sa isang linggo, minsan apat. Hindi ako mahilig sa bulaklak. “Sir, iuwi niyo na lang kaya“, pabirong sabi sa akin ng receptionist. “Wala nang space sa condo.”, sagot ko. “How I wish may ganto din ako”, sagot niya. “Whoever he or she is”. Hindi ko na tinapos ang aking pagsasalita at sa halip at nagpaalam na ako at lumabas. May isang pigurang pamilyar ang bumungad sa akin. Isang matangkad na lalaking naka polo, may hawak na bulaklak. Nakaramdam ako ng kakaiba nang makita ko siya. Pakiramdam ko ay siya nga iyon. Kung ganoon, lalaki pala ang nagpapadala sa akin ng bulaklak. Dahan-dahan akong naglakad papalabas at tinityiempo kong hindi niya ako mapansin ngunit bigla siyang umikot at humarap sa pintuang salamin. Napalunok ako sa aking nasaksihan. “All this time pinapamigay mo lang?”, masungit niyang pagtatanong sa akin. “Alam mo bang ang hirap magdeliver niyan, ang aga kong gumising maisingit lang yan sa security!”, hindi ako sumagot at may kung anong sungit din ang kumawala sa aking bibig. “Lamay ko ba?”, sagot ko. “I hate flowers.”, pahabol ko. Inusisa niya ang paligid at naglakad ng mabilis patungo sa kanto ng Entrance. Nakita niyang may basurahan at doon ibinagsak niya ang hawak niyang bouquet. Bumalik siya sa aking harapan at tumitig lamang. “Masaya ka na?”, tanong niya. Hindi ako sumagot. “Anong gusto mong gawin ko, ligawan ka? Kung yan ang gusto mo. Gumaganti ka? Kaya ko ring mag-bisekleta habang bumabagyo. Yun lang ba gusto mo? Say Yes, ‘cause I still fucking love you, Cris.”, pahabol niya. Napakagat siya ng kanyang labi. Ramdam ko ang pagpipigil niya ng kung ano man ang emosyon ang nasa puso niya. “Say yes, please. Sampung taon na ang sinayang ko.”. Huminga ako ng malalim. Maging ako ay nahirapang pigilin ang aking mga luha ngunit hindi ko narin pinahirapan ang aking sarili. Naiiyak man, nakuha ko paring ngumiti at lumapit sa kanya. Nakuha kong punasan ang aking mukha, abutin ang kanyang braso, at hilain siya papalayo ng gusali. “Teka”, pag-angal niya. Ngunit patakbo ko siyang dinala sa pinakamalapit ng coffee shop. “Coffee, not roses.”, sabi ko. Isang ngiti ang pinakawalan niya at agad namang tumakbo papasok ng coffee shop.
**
Hinagilap ko ang aking bulsa upang tawagan si Cris. Ilang beses din niya hindi nasagot ang aking mga tawag ngunit sa pang sampo, nasagot niya iyon. “Where are you, tagal mong sumagot”, masungit kong pagtatanong. Alam kong gusto niya akong naririnig na nagsusungit. Ang Weirdo talaga niya.
“Shut up. Andito ako sa Antipolo”, sagot niya. May naririnig pa akong ingay ng mga sasakyan.
“What are you doing there? Akala ko ba may meeting ka?”.
“Well… Hindi na tuloy iyon.”, huminto siya at inabot ng ilang segundo bago makapagsalita ulit. “BASTA.”, tumawa lamang siya. “I love you, Boo”, sabi ko. Hindi ko lang alam kung bakit gustong gusto kong sinasabihan siya ng ganoon. “K.”, sagot niya bago tumawa. “I love you.”, pahabol niya.
Bumalik ako sa aking ginagawa. Ilang oras din ang aking ginugol kaka-compute ng mga data ng electrisidad sa bagong bahay na proyekto ng kompanya nila Cris. Ngunit bigla akong nakaramdam ng malakas na kabog ng aking dibdib. Marahil ay hatid iyon ng dalawang tasang kapeng ininom ko. Binilhan ako ni Cris ng isang bagong coffeemaker na ikinatuwa ko naman. Pangarap ko dati pa ang magtayo ng sariling coffeeshop. Hindi ko naman hilig ang Engineering. Pinagbigyan ko lang ang aking magulang. Dumungaw ako sa bintana at namangha sa naninilaw na kalangitan. Napangiti ako sa aking nakita ngunit natigilan ako ng biglang tumunog ang aking telepono. “Namiss mo agad ak—“, hindi ko natapos ang aking pagsasalita. “This is Mia, from the Medical City…” napakahaba ng paliwanang mula sa kabilang linya ngunit mistulang naging bingi ako dahil isang tono lamang ng ingay ang aking naririnig. Hindi ko man nakuha ang lahat ng sinabi niya ay nagawa ko paring magmaneho ng maayos ngunit walang humpay ang aking pagmumura dahil sa putanginang traffic sa EDSA. Nanginginig man ay pinilit kong pinatahan ang aking sarili. Tagaktak ang aking pawis kahit napakalakas na ng aircon ng aking kotse. “Please, please”, ang paulit ulit kong bulong sa aking sarili. Inabot ako ng mahigit isang oras bago makarating ng Ospital. Pabagsak kong isinara ang kotse ko at walang prenong tumungo ng emergency room. Hindi ko mawari ang aking sarili. Takot. Iyon lamang ang sigurado akong mayroon ako. Galit. Iyon ang nag-uumpisang mamuo sa aking puso. Sa lahat ng putanginang tao sa mundo, sa Pilipinas, bakit siya pa?
Nakaupo ako sa sahig, nakasandal sa malamig na pader, nakayuko, yakap yakap ang isa kong tuhod. Pilit ko parin pinoproseso ang lahat. Lumipas ang halos isang oras ay naroon parin ako. Sa loob ng Operating Room, kasalukuyang inaalis ang bakal na tumama sa dibdib ng biktimang halos maipit sa nayuping kotse. Naramdaman kong tumabi sa akin si Tito Barry at hinawakan ang aking balikat ng mahigpit. May kung anu-ano siyang sinabi ngunit hindi ko iyon maintindihan. Hindi ako sumagot. Wala akong narinig. Tsaka lamang ako dinalaw ng katinuan dahil may isang lalaking nakauniporme ang lumapit sa akin. Mula sa kanyang kamay, binigay niya sa akin ang isang telang asul na nakapaloob sa isang Ziplock bag. Narecover daw nila iyon sa kotse ni Cris. Ano namang gagawin ko dito, tanong ko sa akong sarili. Nanginginig ay binuksan ko iyon. Hindi ko naisip na buksan ng mahinahon at sa halip, pinunit ko iyon kasabay ng hagulgul na kumakawala sa akin. Binuklat ko iyon. Isang Jersey Shirt. Numero 10. Santos. Asul iyon, ngunit may mga pasimpleng borda sa telang may kalambutan. Mga letra. Mga salita. Mga tula. Mga ala-ala. Lahat ng kung ano man ang meron kami ni Cris ay nakahabi sa asul na telang iyon. Naalala ko bigla, sampong taon ang nakakaraan, binigyan niya ako ng isang damit na tulad nito. Walang mga nakabordang salita, ngunit alam kong sinadya niyang ipagawa doon sa Antipolo. “Corny talaga”, pautal kong pagsasalita sa aking sarili habang pinabaon ko ang aking mukha sa asul na damit na hawak hawak ko. Hindi ko hiningi ito. Hindi ko kailangan ng bagong Jersey Shirt. Hindi ko kailangan ng custom-made na damit. Hindi ko kailangan ng madramang birthday o monthsary o anibersaryo. Ang kailangan ko, ikaw. Ikaw na humihinga at nakayakap sa akin. Ikaw na hindi napagod, mula noon hanggang ngayon. “Please, please”, paulit ulit kong pagbulong sa aking sarili. Pinikit ko ang aking mga mata at tinakpan ang aking magkailang tainga nang mag-umpisa akong makarinig ng malakas at nakakagulat na iyak mula kay Tito Barry matapos kausapin ng doctor. Wala na akong ibang marinig maliban sa nakakabinging kabog ng aking wasak ng puso.
COMMENTS