Fighting This Feeling By: RyanTime Napatingin nalang ako kay Rey na kusang umupo sa harapan ng mesa ko. Dahan-dahan niyang inilapag an...

Fighting This Feeling
By: RyanTime
Napatingin nalang ako kay Rey na kusang umupo sa harapan ng mesa ko. Dahan-dahan niyang inilapag ang tray na may lamang pagkain. Nasa canteen ako noon at kasalukuyang nagla-lunch.
“Brad, pakopya ng assignment mamaya.” Panimula niya.
Hindi ko siya pinansin. Patuloy lang ako sa pagsubo ng pagkain.
Alam ko naman ang talagang sadya niya. Mula kasi noong nangyari sa amin ni Luke ay hindi na ako muling nagsasama sa tropa. Lumipas ang sembreak at nasa pangalawang linggo na mula nang mag resume ang klase, pero hinding-hindi na ako lumapit sa kanila. Sigurado akong nagtataka sila sa inaasal ko. Mas minabuti kong mapag-isa na lang. Wala rin naman akong mukhang ihaharap kay Luke.
Mula noon ay school at kwarto na lang ang pinupuntahan ko. Kapag weekends minsan gumagawi ako sa karaoke bar na pinag-iinuman ko. Kapag nababagot ay naglalaro nalang ako ng online games na madalas kong laruin.
Maging sa loob ng class room ay ibinukod ko ang sarili at pumuwesto sa pinakasulok ng silid. Kailangan ko lang talagang umiwas. Ito ang mas nakakabuti.
“Anong kailangan mo? Derechahin mo na ako.” Malamig kong tanong kay Rey.
“Ha?” Kunwa”y gulat niyang tugon.
Tiningnan ko siya ng matalim sa mata ng ilang segundo, ngunit hindi niya makuhang magsalita. Kaya dinampot ko ang bag ko at tumayo. Nang akmang lilisanin ko na ang lugar ay nagsalita siya.
“Teka lang brad.” Aniya.
Lumingon ako sa kanya.
“Umupo ka muna. May itatanong lang talaga ako sayo.”
Pabagsak akong umupo at tiningnan uli siya.
“Y-yung tropa kasi nagtataka. Bakit ka nga ba umiiwas sa amin?”
Nakatingin lang ako sa kanya.
“Si Luke tinatanong namin, wala rin daw siyang alam kung ano man ang dahilan mo.” Pagpapatuloy niya.
Napayuko ako ng bahagya ng marinig ko ang pangalang yun.
“Bakit nga ba brad?” Patuloy niya.
“Gusto ko lang mapag-isa brad.” Malamig kong tugon.
“Bakit nga?”
“Kailangan ba may dahilan? Gusto ko nga mapag-isa? Makulit ka din ano?” Pikon kong tugon sa tanong niya.
Tuluyan na akong tumayo at nilisan ang lugar.
Nang mag-uwian na ay nagtungo ako sa paborito kong tambayan at umupo sa paborito kong bench at nagsindi ng sigarilyo. Isinandal ko ang likod ko at tumingala.
Nag-isip.
Hanggang sa mga sandaling ito, hindi ko pa din nakakalimutan ang mga nangyari sa amin ni Luke. Habang tumatagal mas nag-iiba ang tingin ko sa kanya. Ilang beses ko man piliting labanan, hindi ko magawa. Yun ang hindi ko matanggap kaya pilit kong inilalayo ang sarili ko.
Ilang linggo na din akong hindi pinapatahimik kakaisip ko kay Luke. Siya lamang ang bukod tanging naglalaro sa isipan ko.
Ang totoo niya ay sobrang namimiss ko si Luke.
“Ano nga bang nangyayari sakin?” sa isip ko.
Napapailing na lang ako.
Tumayo na ako at hinithit ang huling buhay ng sigarilyong hawak ng dalawang daliri ko. Saka nagsimulang umuwi.
Nang marating ko ang kwarto ay agad akong nagbihis at nagtungo sa kabilang carinderia upang maghapunan. Mula noon, hindi na ako kumakain sa paborito kong carinderia dahil sa pag-iiwas kong makatagpo si Luke.
Pagkakain ay dumirecho ako sa karaoke bar na madalas kong puntahan upang uminom. Tutal, sabado naman bukas at walang pasok.
COMMENTS